“Ano?!” magkasabay naming sigaw ni Nanay.
“I said, I will stay here for a while. Hindi ako aalis,” mariin na sabi ng babaeng foreigner. Foreigner kasi hanggang ngayon ay hindi ko pa rin alam kung ano ang pangalan niya.
Nagkatinginan kami ni Nanay. Pagkatapos ay muling tumingin sa kanya. Nakupo na kaming tatlo sa sala. Magkatabi kami ni Nanay at siya naman ay nakaupo sa pang-isahang upuan. Prenteng nakaupo na akala mo ay siya ang may-ari ng bahay. Napaigik na lang ako at nasapo ang braso ko noong bigla iyong hinampas ni Nanay Espe.
“Aray, ‘Nay!” reklamo ko at tiningnan siya. Pinandilatan niya ako.
“Akala ko ba hindi mo ‘to babae? Bakit ayaw umalis dito, ha? Nabuntis mo na, ‘no?!” sigaw ni Nanay Espe.
Nanlaki ang mga mata ko. “‘Nay! Hindi nga!”
“Wait, what?” singit ng babae. “Babae? Nabuntis? Eww!”
Napatingin ako sa kanya at pinandilatan siya. “Kung maka-eww ka, ah?”
Inirapan niya ako. Tumingin siya kay Nanay Espe. “Look. Hindi niya ako babae at hindi ako buntis.”
“Eh bakit ayaw mong umalis dito?!” sigaw ni Nanay Espe. Napakamot na lang ako at tumingin sa sahig. “Alam mo bang walang trabaho ‘tong anak ko tapos dadagdag ka pa sa palamunin? Humanap ka ng ibang matutuluyan!”
Lalo akong nangiwi dahil sa sinabi ni Nanay. Madalas talaga mahilig mang-war-shock itong si Nanay. Hindi ko man kilala si Miss Foreigner pero bigla akong nahiya sa kanya. Kaya ayaw ko rin na magkaroon ng girlfriend. Sigurado kasi akong kawawa lang kay Nanay.
Umawang ang bibig ni Miss foreigner at hindi makapaniwalang tiningnan si Nanay. “Oh my, Gosh! Don’t be mad! Hindi ako magiging palamunin!” protesta niya. Kinuha niya ang maliit niyang bag na nasa kandungan niya at binuklat iyon. Pero bigla siyang natigilan at nakangiwing muling tumingin sa amin. “I don’t have cash right now. But we can withdraw money. Just let me stay, okay? Magbibigay ako para sa pagkain natin.” Tumingin siya sa akin. “You. Wala kang trabaho? I will hire you!”
Sh!t!
Tumingin ako kay Nanay Espe. Medyo kumakalma na ang hitsura niya pero matalim pa rin ang mga tingin.
“Teka, ‘Nay-”
“Ssh!” saway niya sa akin.
Napangiwi ako at nag-aalalang tumingin kay Nanay. Gusto ko nang umalis ang babae pero mukhang nakukumbinsi si Nanay.
“‘Nay. Teka lang, hindi natin siya kilala.”
“Oh, yes. Nakalimutan kong magpakilala sa inyo. I’m Stephanie. You can call me Steph.”
Sinamaan ko ng tingin si Steph. Hindi ko naman sinabi na magpakilala siya eh. Pero Stephanie? Mukhang pang mayaman nga.
“Bakit ayaw mong umalis dito? May tinataguan ka ba?” tanong ni Nanay.
Ngumuso si Steph at bahagyang tumango. “Yes. But it’s no big deal. H’wag kayong mag-alala. Hindi naman ako magtatagal dito.”
Umarko ang kilay ni Nanay Espe at sinuri si Stephanie. “Baka naman mapasama kami dahil dito ka nagtatago?” nakaarko ang isang kilay na sabi niya.
“No! Of course. Hindi mangyayari ‘yon. I assure you.” Ngumiti si Steph.
“Bibigyan mo ng trabaho ang anak ko?”
Tumingin sa akin si Steph at sunod-sunod na tumango. “Yes! I will,” tugon niya at muling tumingin kay Nanay. “I will hire him as my personal assistant.”
“Ano? Personal assistant? ‘Yong parang sa mga artista?” tanong ko.
“Yes. Something like that. Pero hindi ako artista.”
Sunod-sunod akong umiling. “Ayoko nga!” tanggi ko. Ni sa hinagap ay hindi ko ginusto na maging alalay. Magpa-practice na lang ako! Pero natigil ako dahil bigla na lang akong pinalo ni Nanay Espe sa likod ng ulo ko. Nasapo ko iyon at gulat na tiningnan si Nanay. “‘Nay!”
“Manahimik ka! Bibigyan ka na nga ng trabaho ang dami mo pang sinasabi! Ayusin mo na ang kwarto mo para iyon ang maging kwarto nitong si Steph!” utos niya.
Naiawang ko ang aking bibig. “Akala ko ba ayaw mo na nandito siya?” nagtataka kong tanong. Pinandilatan ako ni Nanay.
“Eh hindi naman siya magiging palamunin dito kagaya mo.”
“Grabe naman kayo sa akin, ‘Nay.” Hinawakan ko ang batok ko at hinimas iyon. Hindi naman ako nasasaktan sa sinasabi ni Nanay. Sanay na ako. Pero kasi may kaharap kaming ibang tao. Pagtingin ko kay Stephanie ay nakangiti ito at halatang nasisiyahan sa kanyang nakikita. Bumunga ako ng hangin at tumayo.
“Totoo naman ‘yon, ah? Ayusin mo na ang kwarto mo.”
“Eh saan ako matutulog?”
Tumingin si Nanay sa inuupuan naming upuan. Doon din ako natulog kagabi. Komportable naman ako pero iba pa rin kapag sa papag ko ako natutulog.
“Pwede ka na rito.”
“‘Nay naman! Paalisin mo na lang ‘yang babaeng ‘yan!” inis na sabi ko at tinuro si Stephanie. “Paano kung patayin tayo niyan? O gahasain ako? Kawawa naman virginity ko!”
Lalong nanlaki ang mga mata ni Nanay. Ilang sandali pa ay galit itong tumayo. Tumakbo na ako papasok ng kwarto at mabilis na isinara ang pinto niyo.
“Nakakahiya ka talaga! Sa tingin mo ba papatulan ka ni Steph? Manalamin ka nga!” sigaw niya. “Ayusin mo na riyan at h’wag ka na maraming reklamo! Buti nga at may trabaho ka na eh!”
Napakamot ako sa ulo. Minsan talaga iniisip ko ampon lang ako. Ang dami ko pang salitang narinig kay Nanay pero ini-lock ko na lang ang pinto at nahiga sa papag ko. Nakahinga ako nang maluwag at niyakap ang kumot ko. Natigilan ako noong maamoy ko ang pabango ni Stephanie roon. Oo nga pala, ito rin ang ginamit niya kagabi. Dumikit ang amoy niya rito. Nagkibit na lang ako ng balikat at hindi pinansin ang amoy ng kumot ko.
Stephanie. Hindi ko alam kung bakit pero parang pamilyar sa akin ang pangalan niya. Sa totoo lang, kahit siya ay pamilyar sa akin. Hindi ko alam kung saan ko ba siya nakita bukod sa disco house. Hindi ko maalala.
Ilang sandali akong nakihiga sa papag. Patulog na nga sana ulit ako noong marinig ko ang sunod-sunod na mga katok sa pinto. Pipikit-pikit pa ang mga mata ko noong tumayo ako at lumapit sa pinto.
“Tang!na. Hindi mo talaga inayos?”
Napaatras ako noong bumungad si Nanay sa may labas ng kwarto ko. Binuksan niya nang malaki ang pinto at pumasok sa loob.
“Diyos ko talaga, Agapito! Kahit kailan ka talaga!” inis pa rin na sabi ni Nanay.
Kumaot ako sa ulo ko at gumilid. “Seryoso ka ba talaga, ‘Nay? Papatuluyin mo siya rito?”
Humarap siya sa akin. “Malamang. Ikaw nagdala rito sa kanya kaya responsibilidad mo siya. Isa pa, naglayas daw pala sa bahay nila kaya wala siyang matutuluyan. Kawawa naman.”
“Sus! Natuwa lang kayo kasi makakalibre tayo sa pagkain eh.”
Pinandilatan ako ni Nanay. “Syempre! Kailangan niya magbigay ng pangkain kung gusto niya tumira rito.” Tumingin sa labas ng kwarto si Nanay Espe. “Samahan mo ‘yon. Magwi-withdraw raw. Ako na maglilinis dito.”
“‘Nay naman kasi–”
“H’wag ka na maraming reklamo, Agapito.” Itinulak ako ni Nanay palabas ng kwarto. “Samahan mo na ‘yon at baka mapano pa sa labas.”
Napabuga ako ng hangin at walang nagawa kundi ang lumabas ng kwarto. Nakita ko agad si Stephanie na prente pa ring nakaupo sa inuupuan niya kanina. Tumingin siya sa akin at malapad na ngumiti. Kumaway pa siya na para bang bagong baba ako sa eroplano. Kulang na lang ay maiikot ko ang aking mga mata dahil sa inis.
Gusto mo rito, ha? Edi welcome. Ngumisi ako at biglang nakaisip ng ideya. Hindi ka magtatagal sa bahay na ‘to.