"Ineng? Ineng... Ineng..." ramdam niyang may yumuyugyog sa kanya ngunit hindi na siya makaaninang. Hanggang tuluyan na siyang nag-black out.
"Naku, saan ba galing ang batang ito. Bakit nakarating ito rito?" tarantang binuhat ni Aling Macarena ang dalaga at dinala sa likurang bahagi ng mansion kung saan may daan patungo sa basement. Ito ay sikretong lagusan ng mansion na ipinagawa ng may-ari sakaling magkaroon ng problema. Sakaling mayroong manloob sa mansion ay may pagtataguan ang mga kasambahay. Lalo pa ay laging wala ito sa mansion.
"Ano kayang nangyari?" napapaisip pang sabi ni Macarena habang pinupunasan ang dalaga. Mainit ang katawan nito at pakiramdam niya'y may lagnat ito.
"Napaano naman ang mga paa mo?" kausap pa nito sa sarili habang tinitingnan ang mga paa nitong sugat-sugat. Mukhang dumugo na ito dahil sa pagkakapuwersa nito sa paglalakad. Naiiling na naaawa na lang ang matanda rito. Nang makita niya ito sa palengke ay mukhang maayos naman ito. Ngunit ngayon niya lang napansin ang mga pasa nito sa katawan.
Naalala niya ang apo niya. Kung buhay lang ito ay siguradong kasing tanda na ito ng babaeng kaharap niya. Ngunit kasabay ng aksidente ng mga magulang ng bata ay naaksidente rin ito. At siya na lang ang naiwan dahil kinupkop siya ng may-ari ng mansion. Siya na ang nag-alaga sa amo nito mula pa ng maliit ito.
Ang nakabubulag na sikat ng araw ang gumising kay Steph. Ramdam niya ang hapdi ng dami nito sa mukha niya. Pinilit niyang imulat ang mga pikit pa niyang mga mata na tila ayaw pang gumising dahil sa antok na nararamdaman niya. Ngunit ramdam niya na sa hapdi ng dampi nito ay tanghali na.
"Nasaan ako?" tanong niya sa sarili nang tuluyan na niyang maibuka ang mga mata niya. Hindi pamilyar ang lugar ngunit maayos. May kutson siyang nahigaan. Maliban sa bukas na siwang sa bandang itaas ng apat na sulok ng kuwartong kinaroroonan niya. Mayamaya ay bumukas ang pinto sa kung saan na tila pader lamang kanina.
"N-nasaan ho ako?" tanong niya nang mapagsino ang pumasok. Ito ang matandang bumili ng isda at gulay niya sa palengke. Napapaisip siya na kung bakit ito narito. Ang alam niya ay nakalayo na siya. Ngunit baka malapit lang siya sa palengke dahil sa matandang kaharap.
"Kumain ka muna, Ineng. Kanina pa kita sinisilip kung gising ka na. Mabuti at nagkamalay ka na." sabi ng matanda habang inilalapag sa mesa ang tasa na may lamang lugaw.
"Heto ang arroz caldo. Para mainitan ang tiyan mo. Nilalagnat ka kagabi. Akala ko nga ay tataas pa. Mabuti at humupa rin pagkapunas ko sa'yo." sunod-sunod na sabi nito na hindi man lang sinagot ang tanong niya.
"Salamat ho. Pero kayo ho iyong bumili sa akin sa palengke hindi ba? Malapit lang ho ba tayo roon?" umiling kaagad ang matanda.
"Malayo tayo roon. Kakailanganin mo pang sumakay ng tricycle o jeep bago makabalik doon. Tantiya ko ay naglakad ka lang. Sugat-sugat ang mga talampakan mo e." sagot naman ng matanda. Ayaw niya munang mag-usisa sa babae hanggang makakain ito at makapagpahinga nang husto.