CHAPTER TWO

2666 Words
Nine years ago... "Bakit pati gitara ko, sinira niyo? Ito na nga lang ang nagpapasaya sa akin dito, ganito pa ang ginawa niyo!" Hindi na hinintay ni Lotus ang sasabihin ng ama, bitbit ang wasak na gitara ay tumakbo siya palabas ng bahay. Wala siyang pakialam kung naka-uniporme pa siya, basta ang importante ay makapaglabas siya ng sama ng loob. Hindi na niya namalayang nakarating na siya sa burol ng subdibisyon nila. Hindi pa nade-develop ang bahaging iyon. Doon ang tambayan niya kapag nagiinit ang ulo niya sa kinilalang ina. Madalas siya nitong pagalitan kahit alam naman niyang wala siyang ginagawang kasalanan. Mainit ang dugo nito sa kanya at kapag nagrason siya, nakakatikim siya rito. Wala daw siyang galang kapag sumasagot siya. Kung tahimik lamang niyang tinatanggap ang galit nito ay nagagalit din ito. Para daw itong walang kausap. Madalas din siya nitong maliitin at insultuhin dahil sa mga nakukuha niyang grado. At bilang isang batang nasasaktan ang damdamin, minsan ay nahihirapan na siyang manahimik kaya nagrarason siyang nahihirapan sa eskwela at hindi naman siya nito natuturuan. At sa tuwing nasasabi niya iyon ay nakakatikim siya ng singhal, kurot at palo rito. At nauunawaan niya ang lahat ng tumuntong siya sa edad na trese. Narinig niya iyon isang araw na nagtatalo ang mga magulang niya. Lagi kasi wala ang ama niya at sa tuwing wala ito ay hindi man lang ito tumatawag. Iyon ang madalas na ikagalit ng ina niya bagaman lagi naman niyang naririnig mula sa ama na dala iyon sa higpit ng trabaho nito. Marahil, dahil sa galit ng ina ay nasabi nito ang mabigat na kasalanan ng ama niya rito; na nag-kaanak ito sa ibang babae at siya ang bunga. Mukhang ang pagsulpot niya sa mundong iyon ang naging sanhi ng lamat ng pagsasama ng mga ito. Doon niya napagtanto ang lahat ng dahilan kung bakit mabigat ang dugo sa kanya ni Lucrecia—ang kanyang kinilalang ina. Woman-in-every-destination daw ang ama niya at isa siya sa mga naging bunga. Isa itong Deep Penetration Agent ng NBI at sa kung saan-saan ito nadedestino. May nabutis itong isang Canadian nang madestino ito sa ibang bansa. Isa daw na magaling na mangaawit ang kanyang tunay na ina sa isang tanyag na bar doon—na mukhang namana niya dahil likas din siyang mahilig sa musika—at nang matapos ang kaso ay inuwi daw siya nito. Ang mukha niya ay may kaliitan. Mapupungay ang kanya mga mata na nateternuhan ng 'hazel eyes' na tinatawag. Maliit at matangos ang kanyang ilong. Ang kanyang labi ay may kanipisan ngunit makorte iyon. Malaking bulas din siya. At ang lahat ng katangiang iyon ay kabaligtaran sa kinilala niyang ina. Sa ama naman ay kulay lang nito ang nakuha niya kaya magpagka-tan siya. Ayon sa kanilang mga kawaksi, yumao daw ang tunay niyang ina sa panganganak at wala itong nagawa kundi iuwi siya. Ang pagdating daw nito noong panahon iuwi siya ang matinding pagwawala ni Lucrecia. Marahil ay labis talaga nitong ikinagalit ang ginawa ng ama niya. Kilala ng mga kaklase niya ang mga magulang niya at madalas siyang tuksuhin ampon at madalas mapa-away dahil halatadong malayo ang kanyang itsura sa mga ito. Alangan naman hayaan na lang niyang tuksuhin siya? Lumalaban talaga siya at magmula noon ay wala ng umaapi sa kanya. Inaapi na nga siya sa sariling pamamahay, papaya pa ba siyang apihin ng iba? Wala siyang ibang tagapagtanggol kundi ang sarili. Maging ang ama niya ay walang amor sa kanya bagaman ibinibigay nito ang lahat ng pangangailangan niya. At ngayon, uuwi ito para lang sirain ang gitara niya? Ikinagalit nito ng malaman nito iyon dahil mapapabayaan daw niya ang kanyang pag-aaral. Iyon na lamang ang kakampi niya. Lalo siyang napaiyak ng makitang hindi na niya iyon maayos. Inipon niya pa ang pambili doon. Natuto siyang maggitara dahil sa driver nilang si Mang Jose. Magaling itong maggitara at nagpaturo siya rito. Marahil, dahil nasa puso niya ang musika—dahil bata pa lang ay mahilig na siyang makinig noon—ay mabilis siyang natuto. "Magiipon na lang ako ulit..." sisinghot-singhot niyang bulong saka marahang ibinaba ang gitara. Dahil wala siyang panyong dala ay ang palda na lamang ng uniporme ang pinampunas niya. Nang makunteto siya ay ibinaba na niya iyon ng mabigla dahil nakamaang sa kanya ang kaklase niyang hudas, si Xavier! At nang mapagtanto kung bakit ito nakatulala ay naginit ang mukha niya! "Bakit mo ko sinisilipan!" asik niya rito. Pinakaipit-ipit pa niya ang palda sa ilalim ng hita para siguraduhing wala itong makikita. Kahit naka-shorts siya sa loob ng palda, pakiramdam niya ay nakita na nito ang kaluluwa niya. Natural! Maigsi lang ang shorts niya! Nakita na nito ang legs niyang payat! "Manyak ka!" Halos maiyak na naman siya sa inis. Hindi niya alam kung bakit unang kita pa lang niya rito ay inis na siya. Ah, marahil noong first year sila ay naging instrumento ito sa gulong napasukan niya. Paano nama'y nandoon ito habang tinutukso siya, ni hindi man lang umawat o sinuway ang mga kaklase nila. Dahil doon, napagisip niyang wala naman talaga siyang kakampi. Bago pa muling makaporma si Gani—ang kaklaseng nanloloko sa kanya—ay sinapak na niya ito at na-office siya. Kitang-kita kasi ng guro nila ang ginawa niya. Kaya marahil ilag na ang mga kaklase niya sa kanya. Wala siyang kaibigan pero okay lang. Hindi naman niya iyon kailangan. Sanay na siya sa pagiisa basta ang importante, wala ng loloko pa ng ampon sa kanya. Nangyari naman iyon kaya hanggang sa oras na iyon—na third year high school na siya—ay wala ng nagtangka pa. Pero ibang klase ang unggoy na si Xavier. Hindi nga ito nakikialam pero dama niyang ito lang ang bukod-tanging hindi ilag sa kanya. Hindi ito natatakot humingi ng papel sa kanya—na sa loob ng tatlong taon na kaklase niya ito ay hindi naman niya binibigyan. Alam niyang nangaasar lang ito. Kagaya ng mga patingin-tingin nito na tila binabasa siya. Kaya panay irap ang natatamo nito sa kanya. "Hindi ko naman sinasadyang tingnan!" defensive na sagot nito habang namumula na rin ang mukha sa pagkapahiya. At ito pa ang nahiya? Siya na nga lang ang nasilipan, ito pa ang affected? "Palapit ako, bigla mong itinaas. Napatingin lang ako, akala ko pinapakita mo naman..." "Buwisit ka!" Napaiyak na siyang tuluyan. Bakit sa lahat ng taong makikitang umiiyak siya ay ito pa? Baka ito pa ang magkalat noon sa eskwelahan nila. Aba, good news kapag nalaman ng mga kaeskwela niya iyon. Si Lotus na astig? Umiiyak? Isa iyong alamat! Napabuntong hininga ito. "Huwag ka ng umiyak. Sorry na..." marahan nitong saad at naupo sa tabi niya. Napasinghap na lamang siya ng madama ang mainit nitong palad sa balikat niya. Napaigtad siya dahil para siyang tinamaan ng kidlat. "Sorry na..." Natunaw siya sa tono nito. Napatitig siya rito at sumikdo ang puso niya ng magtama ang mga paningin nila. Iba kasi ang paraan nito. May halong pagsuyo iyon at ngayon lang niya napansing magaganda pala ang mga mata nito. May pagkaabuhin iyon—na namana nito sa americian na ama nito. Kung tutuusin ay guwapo naman ito. May hawig ito ay Chase Crawford na isang Hollywood actor. Madalas niya iyong mapanood sa TV kay nasisiguro niya ang pagkakahawig ng mga ito. Gayunman, hindi niya masisisi ang sarili kundi niya agad pansin iyon dahil nauunahan siya ng inis rito. Napabuntong hininga ito at kinuha nito ang panyo saka marahang pinunasan ang luha niya. Nabigla siya sa inasta nito. Nakilala niya itong walang pakialam sa mundo at kung sakaling lalapit man ito sa kanya ay para lang inisin siya kaya labis siyang nagtataka kung bakit nito pinupunasan ang luha niya at malungkot na nakatingin sa kanya... "Ngayon lang kita nakitang umiyak. Mas sanay akong makitang nagtataray ka." Muli, nabigla siya. Hindi niya sukat akalaing tila kilalang-kilala siya nito. Napalunok siya at nang hawakan pa nito ang mukha niya para punasan ang pisngi niya ay nawindang siya. Umakyat na ang puso niya sa ngalangala. Wala pang lalaking nagpakita ng ganoon klaseng malasakit sa kanya. Nalilito siya sa bango ng hininga nito. Bigla siyang naalarma at inobserbahan ang sarili. Baka naman bad breath na siya? Napaungol siya. Ano-ano tuloy ang tumatakbo sa isip niya. Nagkakandaletse ang sistema niya sa pagkakalapit nila. "Ugh... bakit ganyan ka makatingin?" naiilang na tanong niya dahil nakatitig pa rin ito sa kanya. Mukhang nabigla ito at biglang namula ng mapagtanto nito ang sinabi niya. Namangha siya! Para itong batang sampung taong gulang na natiklo mula sa pangungupit. Mukhang ito pa ang naiilang! "May gusto ka sa akin, 'no?" panghuhuli niya rito habang sumisinghot. Wala siyang ibang maisip na dahilan kung bakit siya nitong tinititigan. "Aha! Kaya mo ako tinitingnan noon dahil nagagandahan ka sa akin, ano? Umamin ka na!" Mabilis niyang pinunasan ang luha para makita itong maigi. Napatango-tango siya sa reyalisasyong iyon. Napunta na ang atensyon niya kay Xavier na hindi na mapakali sa tabi niya. Biglang-bigla, gusto niyang matawa. Kahit hindi siya eksperto sa larangang iyon ay basa naman niya sa mga kilos nito na todo-ilang na ito. Ibig sabihin, affected ito! "Kaya mo ako sinundan dito? Siguro lagi mo akong sinusundan..." nakangusong untag niya. Napapitik pa siya ng hindi ito makaimik. Mukhang totoo ang hula niya. Hindi niya maintindihan kung bakit nakaramdam siya ng kakaiba. Bigla siyang kinilig na hindi niya maintindihan. Ah marahil, babae rin siyang kinikilig sa kaalamang mayroon din lalaking nagkakagusto sa kanya. Syemay! Kinikilig na talaga siya! "Ano ka? Doon ang bahay namin." Anito saka itinuro ang hindi kalayuang malaking bahay sa kabilang panig ng burol. "Dumaan ka pa nga sa harapan ko kanina. Hindi mo ako pinansin noong tinatawag kita. Sige, mukhang okay ka na. Aalis na ako," natutureteng paliwanag nito. Napamaang siya ng mabilis itong umalis. Para itong kidlat! Halos hindi na niya magawang makahuma ng layasan siya nito hanggang sa napahalakhak na lamang siya. Hmm... si Xavier? Mukhang may pagnanasa sa kanya. Wala sa sariling napangiti siya at napailing. Kinikilig talaga siya dahil guwapo ang nagpapantasya sa kanya. Muli siyang napahalakhak sa naisip. Hindi na maintindihan ni Lotus ang unang gagawin. Nagpapalista na ang mga kaklase niya sa mga gustong gawing programa sa foundation day nila. Hindi na siya mapakali sa isang tabi dahil baka maunahan pa siya sa konseptong naiisip. Gusto niyang magkaroon ng 'music room'. Lakasan na lang ng loob. Limang piso lang ang bayad para sa pagtugtog at awit niya. Simpleng pangarap lang niya iyon para makapagtanghal. Gayunman, bukod sa gitara ay may isa pa siyang problema. Kagabi pa umiikot ang sikmura niya at sa araw na iyon ay nakatatlong pagbabawas na siya. Nanlalamig na ang pakiramdam niya. Mukhang may tama ang nakain niyang fishball at mga barbeque kahapon bago umuwi. "Ma'am, gusto ko pong magbukas ng music booth. Kahit ako lang po..." lakas loob niyang saad. Saka na niya poproblemahin ang gitara. Kaya naman niya sigurong gamitin ang gitara ni Mang Jose. Senior size kasi iyon at hirap siyang abutin. Napabungisngis ang mga katabi niya dahil sa malakas na pagkalam ng sikmura niya. Napangiwi siya at kasabay noon ay nakaramdam siya ng pagkaliyo. "E-excuse me..." Agad na siyang nagtungo sa CR at doon malaya niyang pinalabas ang lahat ng paghihirap ng sikmura. Halos maiyak na siya sa sakit hanggang sa tila ang lalamunan naman niya ang nais magwala. Kinakabahan na siya sa pagkakataong iyon dahil nanlalata na siya at iba na ang pakiramdam niya. "Lotus?" Napaangat ang mukha niya mula sa lababo ng marinig ang tinig ni Xavier. Mukhang nasa labas lang ito ng pinto base sa layo ng boses nito. Napalunok siya at biglang naturete. Nandoon na naman siya sa kalunus-lunos na kalagayan. Magmula ang insidente sa burol ay hindi na siya nito tinitingnan. Natatawa siya dito dahil obvious na iniiwasan nitong salubungin ang mga tingin niya. Gayunman, hindi niya mapigilang matuwa rito dahil ang insidente sa burol ay hindi nito sinabi sa mga kaklase niya. Alam niyang itinago nito iyon dahil wala siyang kaklaseng nanunukso sa kanyang naging pagiyak. At kahit halatadong naiilang ito, hindi rin nito mapigilang kumustahin ang pakiramdam niya dahil sa nangyari. At kapag bumanat ito ng ganoon ay hindi niya ito pinalalampas. Nauuwi iyon sa pagtutudyo niya rito. Gayunman, hindi siya makagawa ng deadly moves ngayon para biruin ito dahil sa sakit na nadarama sa sikmura. Kumalam na naman iyon at naliyo siya. "Lotus, okay ka lang?" nagaalalang tanong nito. Naturete siya. Gusto niyang kutusan ang sarili dahil kahit masama na ang pakiramdam niya, nakuha pa niyang magkaganoon. "O-okay lang ako," aniya saka inayos ang sarili at nanghihinang lumabas ng CR. Natagpuan niya ito sa labas ng pinto at agad siya nitong inalalayan. Tumayo ang balahibo niya sa katawan dahil sa mainit nitong palad. Muling bumilis ang t***k ng puso niya. Napatingin siya kay Xavier at labis na nagtaka. Wala ang pagiwas ng mga mata nito at mukhang concern ito. "Kanina pa kita napapansin. Mukhang masama ang pakiramdam mo, bakit ka pa pumasok?" nagaalalang tanong nito habang inaalalayan siya. Kung naiba lang ang sitwasyon ay tinudyo na niya ito. Aba, winner kasi ito sa pagmamatyag. Lahat nahahalata. Gayunman, napayuko siya at dama niyang tila nilalagnat na rin siya. "Ngayon kasi 'yung final registration sa mga booth para sa foundation day natin, eh..." Napailing ito at inalalayan pa siya sa siko at balikat. Parang may kuryenteng tumama sa buong katawan niya. Pambihira, sobrang sama na nga ng pakiramdam niya, nakukuha pa nitong lituin ang sistema niya. "Tara na sa clinic. Sige na," seryoso nitong saad. Nagpatianod na lamang siya at pilit na kinalma ang puso. Pambihira, siya naman yata ang nagkakagusto dito at hindi ito. Paano nama'y unti-unti niyang natutuklasan ang mga nakakahanga nitong side. Nang makarating sa clinic, agad siya nitong inalalayang makahiga at ito ang kumausap sa school nurse. Muli, nagtaka siya dahil puno ito ng pagiingat sa lahat ng ginagawa. "May kukunin lang ako, ha? Ako ng bahala kina ma'am," Pagalis nito'y hinarap naman siya ng nurse at dito na natuon ang atensyon niya. Inobserbahan siya roon hanggang sa nagpasya ang mga itong dalhin na siya sa isang malapit na ospital. "Huwag kang magalala. Itinawag na nila sa bahay ninyo ang nangyari," bungad ni Xavier. Dala na nito ang mga gamit niya at hinaplos nito ang noo niya. May isang bahagi ng puso niyang natunaw nito dahil wala pang nagpakita ng ganoong concern sa kanya. Halatado naman pero... hayst! Bigla siyang kinilig ng secret! At dahil sa kakapigil sa sariling damdamin, kumalam na naman ang sikmura niya at napangiwi siya. Namilipit na talaga siya sa sakit. "May... may gusto ka talaga sa akin... a-ano?" nanghihinang saad niya. Napakamot ito ng ulo. "Ikaw talaga... may sakit ka na nga, nakukuha mo pa ring bumanat? Magpagaling ka, ha. Ipangako mo," anitong muling sumeryoso. "T-talagang concern ka sa akin. S-sabi ko na nga ba..." aniya, daig pa ang naghihingalo. Namaluktot na siya sa sakit. Nataranta naman ito at agad naman nitong tinawag ang nurse kaya agad na siyang dinala sa ospital. Gusto na niyang batukan ang sarili. Namimilipit na siya lahat-lahat, si Xavier ang laman ng isip niya. Napapaisip talaga siya kung bakit ito ganoon umasta. Kung bibigyan niya ng meaning ang lahat ng ginagawa nito, iisipin niyang may gusto nga ito sa kanya. Pagdating sa ospital ay agad siyang inasikaso. Gusto na niyang mamatay sa sakit ng suweruhan siya. Nandoon na rin ang yaya niya para alalayan siya. Gayunman, hindi niya maiwasang sumama ang loob dahil hindi man lang nagpunta doon ang kinilala niyang ina. Nang lumitaw sa balintataw niya ang imahe ni Xavier ay napahinga siya ng malalim. Mabuti pa ang lalaking iyon, concern. Haay... natutunaw talaga ang puso niya. "Anak, na-typhoid ka. Anu-ano ba naman kasi ang kinakain mo?" anang yaya Myrna niya ng ipasok na siya sa isang private room. Napalabi siya sa panenermon nito. Kahit hinang-hina siya ay hindi tuloy niya mapigilang mangarap. Pambihira, naman talaga oo. Nakuha pa niyang umastang ganoon? Si Xavier naman kasi, eh! Mas lalo kasi niyang nakita pa ang ibang katangian nito. Gusto tuloy niya itong gawaran ng hugs... Napailing siya sa sarili.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD