Chapter 3: Lost Soul

2545 Words
Chapter 3: Lost Soul SA GAWI NG pinto ay doon lumingon si Tasha saka patakbong tinungo ang gawi ni Balong. "Si Mama, nasaan siya?" "Nasa private room na. Ang gara nga ng kuwarto niya." Bakas ang pagkasabik sa tono ni Balong. Kapagkuwan ay sinipat nito ang buhok niya. "Sayang buhok mo, Ate." Ngumiti lang siya, bagaman hindi magawang pag-ukulan ng pansin ni Tasha ang sinabi ng kapatid. Dinadaga talaga ang dibdib niya at hindi niya iyon gusto. "Kumain ka na ba?" muli ay tanong ng kapatid. "Nauna na kasi akong kumain. Ang tagal mong kasing dumating." Umiling siya. Noon na rin sila lumabas ng ward. Nauna ang kapatid niya, at siya ay sinundan ang daang tinutunton nito hanggang sa sumakay sila sa elevator at narating ang ika-walong palapag. Hindi na nagawa pang makapagsalita ni Tasha. Hindi tulad ng hitsura sa ward ay magara ang interior ng palapag na iyon. Puti at dilaw ang nakapinta sa pader, kulay putik naman ang tiled flooring. Kung bakit nanginig na naman nang husto ang katawan niya ay dahil mas malakas ang aircon sa bahaging iyon ng ospital. Gayunman, gaano man kaganda ang nakikita, hindi na natigil pa ang kung anumang sasal sa kanyang dibdib. Si Balong naman ay nanatiling tahimik din. Nauna na naman ito nang kaunti sa paglalakad. Hindi na bago ang katahimikang bumabalot sa kanila. Tahimik lang din kasi ito tulad niya. May sariling mundo, kumbaga. Kung sa karaniwang magkakapatid ay close ang turingan sa isa't isa, silang dalawa ay halos bilang sa mga daliri sa kamay at paa ang mga pagkakataong nagkausap sila nang matagal. Marahil, dahil halos kabaliktaran niya ito. Puwera na lang sa pagiging tahimik na siguro ay isa ring dahilan kung bakit malayo ang loob nila sa isa't isa. Gayunman, nagpapasalamat pa rin si Tasha. Hindi kasi ito mapili sa pagkain. Kahit na minsan ay tuyo lang ang ulam o 'di kaya ay pinakuluang talbos ng kamote, malakas pa rin itong kumain. "Dito, Ate." Binuksan nito ang pinakadulong pinto. Huminga nang malalim ay pumasok siya sa loob ng silid. Noon na rin nag-umpisang manginig ang mga tuhod niya. Tama nga ang kapatid: maganda ang kuwarto. Tulad ng pintura ng pader sa labas, ganoon din sa loob ng silid. Medyo may kalawakan iyon. "M-ma? Kumusta po?" Lumapit siya sa kama, hindi na nagawa pang makaupo sa bangkong nasa gilid lang naman niya. Noong pumasok siya, inakala niyang tulog ang ina. Pero dilat ang mga mata nito na hindi man lamang siya pinukulan ng tingin. Bagaman, saglit na nilingunan niya ang kapatid. Napaupo ito sa sahig, sa likod ng pintong nakasara at doon humalukipkip. May pangamba man sa sistema, hindi niya magawang hindi mag-alala sa kundisyon ng ina. Naka-swero ito. Malalim na ang mga mata at ang laki ng ipinayat. Ang dating makinang na kayumangging balat ay naging maputla. Sa gitna ng katahimikang iyon, nakagat niya ang labi nang sunud-sunod ang ginawa nitong pag-ubo. Dadaluhan niya sana ay iminuwestra nito ang kamay sa ere — ipinahihiwatig na 'wag siyang magkakamaling lumapit. Mahigpit na humawak na lang siya sa strap ng backpack niya. "Hindi ka pa rin talaga tumitigil sa ambisyon mong makapagtapos ng pag-aaral ano, Tasha?" Mabigat ang tinig ni Diana. Hindi siya sumagot. Yumuko lang siyang tumingin sa sahig. "Sinasayang mo 'yang ganda mo sa wala! Boba ka talaga! Hindi nag-iisip!" Kung sa lahat ng bagay na kinakaharap sa araw-araw ay sanay na siya, ang bagay na ito ang bukod-tanging hindi niya kayang makasanayan. Mula pagkabata ay mainit na ang dugo nito sa kanya, kahit sa kaliit-liitang dahilan. O kung minsan pa nga ay kahit wala namang dahilan. "Kung siguro, ginawa mo noon pa ang sinabi ko sa iyong pumasok sa club ng kumare ko at itinigil nang tuluyan 'yang kahibangan mong makapagkolehiyo, malamang ay hindi tayo nahihirapan nang ganito!" Sunud-sunod ang ginawa nitong pag-ubo. "Hindi ka sana mahihirapan kakatrabaho!" Kung ano man ang dahilan ng biglang pagsakal ng kung ano sa kanyang leeg ay mas pinili na lang ni Tasha na maramdaman ang biglang pamamanhid ng mga paa, maging ang pagpiga ng kung ano sa lalamunan niya. Noon niya hinila ang banko at umupo roon, pilit na itinatago ang mahigpit na pagpisil ng mga kamay sa lalayan ng kanyang blouse. "Maganda ka, Tasha! Gamitin mo 'yang ganda mo para mas mabilis ang pasok ng pera. Nakaipon ka na sana ng pangkolehiyo mo kung noon ka pa nakinig ka sa akin! Nuknukan ka talaga ng tanga!" Muli itong umubo. Sa pagkakataong iyon ay hinablot na nito ang bimpo sa mesang nasa gilid ng kama. Napasinghap man sa dugo na tumagos sa daliri nito, tumayo siyang akmang lalapitan sana namagmuli ang ina. Pero tinulak lang siya nito at muntik na siyang mawalan ng balanse. Sa huli ay bumalik siya pagkakaupo. Kahit ganoon ang turing ng ina sa kanya ay mahal niya ito. Kaya nga siya nagpupursigeng mag-aral dahil nangarap siyang maiaahon niya ang mga ito sa hirap. Na balang araw ay ipagmamalaki siya ng ina — na darating ang araw na mamahalin din siya nito. Naitanong niya tuloy sa sarili kung bakit hindi niya magawang umiyak sa tuwing ginaganoon siya ng ina. Marahil ay ganoon talaga katindi ang ang pagmamahal niya rito at nagkataon ding naiintindihan niya kung bakit ganoon ito sa kanya. "Ano na, Tasha, ganyan ka na lang? Diyos ko, ako’y awang-awa sa iyo, sa totoo lang,” si Diana muli. “Ayos lang po, ‘Ma. Kaya ko naman po.” Matalim ang tinging ibinato nito sabay hagis ng bimpo sa mukha niya. “Anong kaya? Hindi ka ba nagtataka kung bakit ako na’ndito? Tingin mo rito charity?” Natigilan man ay mabigat ang paghinga niyang dinampot ang bimpo na nahulog sa sahig. “Saka ‘wag mo nga akong matawag-tawag nang gan'yan! Anak ka lang ni Tonio! Hindi mo talaga isinasaksak 'yan sa kukote mo! Ewan ko ba sa tatay mo kung bakit ka pa inuwi noon dito sa Pilipinas. Simula nang dumating ka, nagkandaleche-leche na ang buhay namin!" Noon na umalingawngaw ang boses ni Diana, siyang dahilan nang biglang paglabas ni Balong sa silid. Muli, napayuko si Tasha. Hindi na bago ang ganoong linyahan ng ina. At simula nang magkaisip siya, alam na niya ang tungkol doon. Ang sabi sa kanya ng yumaong ama, namatay raw sa panganganak ang tunay niyang nanay. Nang magpakasal ama kay Diana, bumalik ito sa Mexico para doon magtrabaho; noon na nito nakilala ang nanay niya. Sanggol pa lamang siya nang iuwi siya nito sa Pilipinas galing Mexico. Mexicana rin daw ang tunay niyang ina; kaparehas ng lahi ng tatay niya na dito na lang sa Pilipinas lumaki at nagkaisip. Walang mukha ang tunay na ina sa isipan ni Tasha. Ang tanging alam lamang niya ay unang pangalan nito. Maliban doon ay hindi na nagbanggit ang ama niya ng kahit na ano. Kung tutuusin ay dapat nagtatanong siya rito ng mga impormasyon patungkol sa nanay niya. Sadyang natural na marahil kay Tasha na makasanayan ang lahat ng bagay; tinanggap niya nang buo na ganoon ang kuwento ng kanyang pinanggalingan — na patay na ang totoo niyang ina — na wala rin naman siyang magagawa kung magtatanong pa siya. Kaya marahil ay ganito siya ngayon: sadyang uhaw siya sa pagmamahal ng isang ina, bagay kung bakit itinuturing niya itong tunay na magulang. "Baka hindi mo na ako makita sa mga susunod na araw." Sukat na biglang naging mahinahon na ang tinig nito, nakatingin sa kawalan. Kumunot ang noo niya. "Ano pong sinasabi niyo, ‘Ma? Makakapagpa-chemotherapy na—" "Hindi mo naiintindihan. Pero darating ang panahon na maiintindihan mo rin ako." Noon siya nilingunan ni Diana, luhaan ang mga mata, basa ang pisngi. "Baka ito na ang huli nating pagkikita. Dapat, noon ko pa sinabi sa iyo ito, pero nangako ako sa ama mo: hindi ako magsasalita hangga't hindi ka pa nakatutungtong ng bente y uno anyos. Isang buwan na lang, kaarawan mo—" Muli, umubo ito. Sa puntong iyon ay wala nang patid at halos mamula na ang buong mukha. Unti-unti ay lumitaw na rin ang ugat nito sa sentido. Alanganin man, lumapit siya sa ina at hinagod ito sa likod. Hinayaan siya ni Diana . . . sa unang pagkakataon, nadama niya ang balat nito sa kabila ng suot nitong hospital gown. "Magpahinga na po kayo, ‘Ma. Makakasama po sa inyo—" "Namatay ang papa mo, kakaprotekta sa'yo." Takot. Iyon ang nakaguhit sa mga mata nito. "Ang akala nila, patay ka n—" Sa pagsapo nito sa bibig, sinundan iyon nang mga ubong walang tigil. "Mama!" Nanghilakbot siya sa dugo na tumagos sa mga daliri ng ina. Noon niya dali-daling itinapal sa bibig ni Diana ang hawak na bimpo. Agad namang kinuha nito iyon. Patakbong umikot siya sa kabilang panig ng kama at pinindot-pindot ang nurse call button na nasa pader. Noon na siya naluha. Napakayakap siya rito, napahagulgol. Ilang sandali pa ay nagkukumahog na nagsidatingan sa silid ang isang doktor at tatlong nurse. Dinaluhan at sinuri ng mga ito si Diana. Wala nang nagawa pa si Tasha sa puntong iyon kung hindi ang tumakbo palabas ng kuwarto. Hindi kinaya ng binti niya panginginig ng katawan; napasandal siya sa pader at napaupo sa sahig. Mayamaya pa ay lumabas ang isang nurse. Agad din itong bumalik habang itinutulak ang isang cart na naglalaman ng kung ano-anong parapernalya. Ilang segundo ang lumipas, isang transport stretcher naman ang pumasok doon. Napatayo si Tasha, hindi na nagawa pang makapasok sa silid. "Ililipat namin sa ICU ang mama mo," anang doktora habang naglalakad palapit sa kanya sa pintuan. "Her respiratory is failing, and she can't breathe properly." Wala sa sarili ay tumango siya, pinagmamasdan ang pagbuhat ng mga nurse kay Diana pahiga sa isa pang kama. May itinatapat ding manual oxygen pump sa bibig at ilong nito. Lalo siyang naluha. "Ms. Buencamino, umuwi ka muna sa inyo at magpahinga. Kami na muna ang bahala sa mama mo." Marahang haplos ang ginawa nito sa braso niya. "Nasa lobby ang kapatid mo. Nakasalubong ko siya kanina at sinabi niyang hindi ka pa raw kumakain." ~ ~ * * ~ ~ LIPAD ang utak ay tinahak ni Tasha ang daan papunta sa puntod ng ama, hindi alintana ang kalam sa sikmurang kanina pa nag-iingay. Dapat sana ay uuwi na siya, pero sadyang naapektuhan siya sa huling sinabi ni Diana. Sa huli ay sinabihan niya si Balong na kunin muna si Trisia sa kapit-bahay, bumili ng kakailanganin at kakainin para sa hapunan. Ipinadala na rin niya sa kapatid ang balut na ititinda. Sa kabila ng lahat, gaano man katindi ang ganap nitong huli ay hindi siya maaaring magpakalunod sa kasalukuyan. Kaso, ayun nga. Lumipad pa rin ang utak niya at dito siya dinala ng mga paa: sa harap ng libingan ng ama. Nasa ika-limang palapag iyon ng apartment tomb. Palubog pa lamang ang araw, bagaman dahil sa nagtataasan ang mga puntod na animo'y mukhang gusali na; nagmistulang gabi na kung saan siya nakatayo. Marami rin kasing naglalakihang puno sa paligid. Mabuti na lamang at nakasindi na ang poste ng ilaw sa gawing iyon. Gayunman, sa biglaang paglamig ng hangin, nagsabay ang pangangatal ng panga ni Tasha sa pagnginig ng kanyang tuhod. Mapanatili lamang ang balanse ay naisampa niya ang kamay kung saan nakasulat ang pangalan nito. Antonio C. Buencamino May 26, 1969 - December 30, 2014 Sa puntong iyon, dahil walang ibang tao roon, malakas na humagulgol siya saka napahilig ang noo sa batong iyon. Ang lupa sa kung saan siya nakatayo ay ang lugar kung saan din natagpuan ang walang buhay na katawan nito. Binaril ng isang lalaking magpahanggang sa kasalukuyan ay hindi pa nakikilala at nahuhuli. "Namatay ang papa mo, kakaprotekta sa'yo." Kinagat ang labi ay hindi na napatid pa ang paghagulgol ni Tasha. Kung siya man ang dahilan kaya ito namatay, sa puso ay humiling siya na sana, walang katotohanan ang sinabing iyon ni Diana. "Tasha, tama na. Mas kailangan ka ni Mama. Tumigil ka na. Tumigil ka na. Please" Pero dumaan ang mga minuto ay parang hindi na napagod ang mga mata niya. Magdidilim na nang tuluyan niyang mapatahan ang sarili. Huminga nang malalim ay pinunasan niya ang mga luha. Sa pangalawang pagkakataon ay pinasadahan niya ng tingin ang puntod — ngunit sa puntong iyon, binasa niya ang isa pang pangalan na nasa ilalim ng pangalan ng ama. Ana Sofía Garza November 18, 2000 - February 04, 2001 Hindi tulad ng karaniwang pangalan, wala iyong middle initial. Natigilan pa si Tasha nang ilang segundo. Noon pa man ay nakikita na niya ang pangalang iyon sa naturang puntod, sadyang ngayon lamang niya napansing ka-birthday niya pala ito. Tinanong niya ang ina minsan: kung sino ang isa pang yumao, kung bakit isinama ang labí ng ama sa puntod na iyon. Ang sabi, malayong kamag-anak daw. Hindi na siya nag-usisa pa. Kibit-balikat at humihikbi pa rin ay pinasadahan niya ng daliri ang puntod saka naglakad. Kailangan na niyang umuwi; marami pa siyang gagawin. Pero ganoon na lamang ang singhap niya. Hindi pa man siya nakapipihit patalikod sanhi ng mga yabag ng mga paa, na sigurado si Tasha na papalapit sa kanyang likuran, malalaking mga braso na ang pumalibot sa kanya. Nablangko pa siya nang ilang segundo. Saka lang naunawaan ni Tasha ang kung anong kilabot na dumaloy na bawat himaymay niya. Sisigaw pa sana siya bagaman tinakpan na ang kanyang bibig. Matamis na kemikal — iyon ang nalanghap niya mula sa piraso ng tela na hawak nito. Abut-abot man sa pagtaas-baba ng dibdib ay nagpumiglas siya, pilit na dumaing. Bagaman kahit anong panlalaban ay sadyang mahina ang katawan niya kumpara sa malaking bulto na nakayakap sa kanya. Noon siya hinila nito papasok sa madilim na bahaging iyon ng sementeryo — kung saan maraming puno ang nakatayo at makapal ang mga talahib. Sa pagkakataong iyon, bumigat na ang talukap ng kanyang mga mata. Gayunman, pilit na pinaglabanan iyon ni Tasha, hustong lumakas din ang kanyang paghinga at nagtangka rin siyang magpumiglas muli — isang pigura ang biglang sumulpot sa di-kalayuan. Naglakad ito palapit. Salat na sa liwanag ang paligid sa puntong iyon pero hindi iyon sapat para maitago ang kinang mula sa damit na suot ng estranghero — lalaki. Kuminang din ang kuwintas sa leeg nito. Nakita na niya ang kuwintas na iyon! Hindi lang niya mahalukay sa alaala kung saan at kung kailan! Pinilit pa niya na huwag mawalan ng malay, maigi lang na matitigan ang mukha ng lalaki na noon ay huminto na sa harap niya. Nabigo lang siya; kung paanong pinagkaitan ng liwanag ang isang poste ng ilaw, ganoon na lang din kung pagkaitan siya ng pagkakataong mapaglabanan ang pagbagsak ng talukap ng mga mata niya. Tasha knew: she was about to lose her conciousness. Hindi siya maaaring mawala! Hindi ngayon! Samu’t sari na ang agam-agam at suliranin ang nasa sistema niya nitong huli. Kung kukunin man siya ng lalaking ito, paano na ang pamilya niyang sa kanya lang umaasa? Kailangan siya ng mga ito. Sa isiping iyon, hindi na niya nakontrol ang maluha. Kung sana lang ay hindi siya nagpunta pa roon. Kung sana lang ay hindi niya dinibdib ang mga sinabi ni Diana. Pero huli na para magsisi. "It's okay, Tasha. Everything will be fine. Trust me." That raspy tone of voice . . . she was sure she had heard of it, somewhere!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD