ENCOUNTER 03

1370 Words
ONE NIGHT ENCOUNTER 03 Napatingin ako sa buong paligid ng kwarto. Maayos na ang lahat, mula sa mga lobo na nasa sahig at kisame, mga naglalakihang mga letra sa dingding at kung ano-ano pang mga disenyo na aming inilagay sa buong kwarto. “Ayos na!” nakangiti kong bulalas bago tumingin kay Cassandra na tumayo sa kanyang pwesto. “Mabuti naman,” sagot niya sa akin bago pinagpag ang kanyang pwetan na may dumidikit pang mga glitters. “Mauuna na ‘ko sa pag-uwi sa ‘yo, Gwen. Hindi na kita masasamahan pa sa airport para sunduin si Renz,” dagdag niya. “Ayos lang, Cass. Maraming salamat talaga sa pagtulong mo sa akin ngayong araw kahit na alam ko naman na—“ “Matatauhan ka rin naman,” pairap na sagot niya sa akin bago kinuha na ang bag niya at lumapit sa aking pwesto. “Sabihan mo na lang ako kung may problema o kailangan mo ng tulong ulit. Mauuna na ako, ha?” paalam niya. “Ayaw mo ba na kumain na muna?” nag-aalinlangan kong tanong. “Hindi ko naman susunduin si Renz ngayon. Sabi niya ay didiretso raw muna siya sa trabaho kaya may kaunting oras pa naman tayo,” paliwanag ko. Umiling naman siya. “Gustuhin ko man pero kailangan ko na talagang umalis kundi kung sino-sino na naman ang bubulabugin ni Daddy,” natatawa nitong sagot. “Kung sabagay,” kibit-balikat kong sagot sa kanya. “Sasabay na lang ako sa ‘yo sa pagbaba. Magbibihis na muna ako sa apartment at kailangan ko na ring kunin ang cake na in-order ko,” dagdag ko pa. Tumango na lamang siya. Muli kong nilibot ang aking paningin sa buong lugar at sinigurado na wala na akong ibang nakalimutan pang ayusin. Nang masigurado na maayos na ang lahat ay saka namin pinatay ang ilaw sa kwarto at sabay na lumabas dito. “Gwen, ihahatid ka na namin hanggang sa apartment mo,” alok niya. “Mahirap makahanap ng masasakyan sa ganitong oras. Baka mahuli ka lang at masayang ang lahat ng paghihirap natin.” “Wala naman na akong magagawa, ‘di ba?” sagot ko sa kanya. “Wala,” diretso niyang sagot bago ako inakbayan. Paglabas na paglabas namin sa building ay may isang itim na sasakyan ang agad na sumalubong sa aming dalawa. Pumasok kami sa loob noon at nag-umpisa na iyong umandar palayo. “Maganda yata ang mood mo ngayon, Cassandra?” tanong ko sa kanya. “Wala namang dahilan para hindi gumanda ang mood ko ngayong araw, ‘no,” sagot niya. “Besides, wala ang nag-iisang tao na nagpapasira ng araw ko.” “Si Janeen ba ang tinutukoy mo?” “Hindi mo na kailangan pang banggitin ang pangalan niya. Nag-iisa lang naman siya,” sagot niya bago ako inirapan. “Ang babae na nasa loob ang kulo,” bulong pa nito pero sapat na upang marinig ko. “Ang tagal n’yo nang hindi magkasundo, Cass. Ano ba talaga ang nangyari nang gabing ‘yon?” tanong ko sa kanya. “Bakit ayaw n’yong sabihin sa akin?” Hindi siya umimik. Tumingin lamang siya sa bintana sa kanyang tabi at napabuntong-hininga. “Dahil ayaw ko na sumama ang tingin mo sa kanya dahil sa ginawa niya sa akin, Gwen,” mahinahon niyang sagot na hindi makatingin sa akin nang maayos. “Kahit na sabihin na gustong-gusto ko siyang sugurin, sampalin at sigaw-sigawan ay ayaw ko na maging masama ang tingin mo sa kanya.” “Ganoon ba kalaki ang kasalanan na ginawa niya sa ‘yo?” muli kong tanong sa kanya. Tumango siya sa akin. Mahina at mapait siyang napatawa. “Siya ang may gawa kung bakit ako naging ganito.” Parehas kaming natahimik dalawa. Hindi na rin ako nagtangka na magtanong pa sa kanya dahil ramdam ko ang pag-iiba ng kanyang aura. Ang mga mata niya ay puno ng mga halo-halong emosyon, lungkot, galit at sakit. Hindi nagtagal ay nakarating na rin kami sa harap ng apartment. “Dito na ako, Cass,” paalam ko sa kanya bago lumabas. “Mag-ingat kayo sa byahe.” “Mag-ingat ka rin. Balitaan mo ako kung naging successful o hindi.” Tumango na lamang ako sa kanya at hinintay na makaalis ang kanyang sasakyan bago tuluyang umakyat sa aking inuupahang kwarto. Hindi na rin ako nagsayang ng oras. Nag-ayos na ako ng aking sarili at nagsuot ng damit kung saan ako komportable. “Nandiyan na!” sigaw ko nang marinig ang sunod-sunod na pagkatok mula sa aking pintuan. “Sino ‘yan?!” muli kong sigaw. Inilapag ko sa kama ang hawak kong tuwalya bago patakbo na binuksan ang pinto. “Ano po ang kaila—Cassandra? Ano’ng ginagawa mo rito?” tanong ko sa kanya bago tumingin sa kanyang likod. “Nakalimutan ko ang phone ko sa condo ni Renz,” nakasimangot na sabi niya bago dire-diretso na pumasok sa loob ng apartment ko. “Mabuti na lang at hindi pa kami nakakalayo ng driver,” dagdag pa nito. “Kung gano’n ay sumabay ka na lang sa akin. Ako na lang ang magbabayad ng gas na gagamitin natin,” sagot ko sa kanya bago isinara ang pintuan. “Ikaw ang bahala.” Tumango na lamang ako sa kanya at tinapos na ang pag-aayos ng aking sarili. Hindi rin nagtagal ay nakarating na kaming muli sa harap ng condo unit ni Renz habang dala-dala ko naman sa aking kamay ang cake na isa sa aming dinaanan. “Huh?” nagtatakang usal ko nang pihitin ang door knob ng kwarto. “Bakit?” nagtatakang tanong nito. “May nakalimutan ka ba?” Umiling ako. “Wala naman. Nagtataka lang ako. Sa pagkakatanda ko ay naisara ko ang pintuan bago tayo lumabas kanina pero nakabukas na ngayon,” dagdag ko pa. “Baka nandiyan na siya,” sagot ni Cassandra. Huwag naman sana, sa isip-isip ko bago tuluyan nang binuksan ang pintuan. Pagpasok namin ay walang ibang tao sa loob ngunit ang lahat ng ilaw ay nakabukas na. “Yari na!” bulalas ko bago inabot kay Cassandra ang cake na aking hawak-hawak at tumakbo papunta sa kwarto ni Renz upang siguraduhin na nakarating na siya, ngunit isang hindi ko inaasahan ang aking nakita. Agad na nanginig ang aking mga tuhod habang tinitingnan ang dalawa—ang dalawang tao na hindi ko inaasahan na gagawa sa akin ng ganoong bagay. Parehas silang nakahiga habang ang kanilang mga katawan ay lantag na’t iilan na lamang ang saplot, para silang uhaw na uhaw sa init ng isa’t-isa. At ako? Unti-unting tumulo ang aking mga luha. Para akong sinasaksak nang paulit-ulit habang nakatingin sa kanilang dalawa. Tila napako ako sa kinatatayuan ko’t hindi maigalaw ang mga paa. Napaawang ang labi ko habang hindi pa rin makapaniwala sa nakikita. “Gwenny, ano pa ba ang tinitingnan mo riyan?” tanong ni Cassandra at lumapit sa pwesto ko. Napatigil naman ang dalawa sa kanilang ginagawa at napatingin sa aming pwesto. “G-Gwen?” gulat na bulalas ni Renz. “Ano ang ginagawa mo rito?” Hindi ako makasagot. Para pa rin akong binuhusan ng tubig sa aking nakikita sa aking harapan. “Gwen,” tawag ni Cassandra bago hinawakan ang kamay ko. “Umalis na tayo.” “Bakit kayo aalis agad?” pigil ni Janeen bago ngumisi. “Bakit hindi n’yo muna gustong marinig ang rason ng boyfriend mo, Gwen?” dagdag pa nito. “Janeen,” suway ni Renz dito. “Bakit?” tanong nito. “Sabihin mo ang totoo sa kanya, baby. Sabihin mo sa kanya na matagal ka nang walang gana sa relasyon n’yo dahil ni isang beses ay hindi niya mapunan ang pangangailangan mo, ‘di ba?” dagdag pa nito. Napayuko ako, hindi ako makasagot. Mas lalong humigpit ang pagkakahawak ni Cassandra sa aking kamay. “Totoo ba ‘yon, Renz?” tanong ni Cassaandra. Ilang segundo ang naging katahimikan hanggang sa nagsalita na ito. “Totoo ang sinabi niya, Gwen. Ilang taon na tayo pero hindi mo ‘ko—“ Hindi ko na pinatapos pa ang kanyang sasabihin. Tumalikod na ako at tumakbo papalabas, papalayo sa kanila. Hindi ko kayang marinig pa ang mga sasabihin niya.    
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD