Punong namumunga ng hiling
MULING LUMIPAS ang mga taon. Ang dating mga totoy ay binata na ngayon.
Hindi pansin ni Reden ang bigat ng katawan na pasan-pasan sa likuran. Natuklaw ng ahas si Caloy habang nagtatabas ng mga talahib sa isang sulok ng sementeryo kung kaya nagmamadali silang madala ito sa hospital. Mabilis ang nagmamadali niyang mga hakbang. Naipit sa mahabang daloy ng trapiko ang sinasakyan nila kung kaya nagdesisyon siyang buhatin na lamang ito tutal ay malapit na lang naman. Nakasunod sa kanila si Lola Masyang na halos kapusin na ang hininga sa lakad-takbong ginagawa.
Pagdating sa loob ng Emergency Room ay sinuri ito ng doktor. Ayon sa manggagamot, mabuti na lang daw at hindi makamandag ang ahas na nakatuklaw kay Caloy. Tama ang ginawa ni Reden sa pagbibigay ng pangunang lunas sa kaibigan. Ang paghiwa nito sa bahaging nakagat at ang pagpapalabas ng dugo. Ang mali raw ay ang itak na ginamit dahil puro kalawang, at ang pagsipsip dahil kung may kamandag daw ay lubhang mapanganib. Kung mayroon daw sugat sa loob ng bibig ang gumawa ng gano'n ay maaari na raw malason.
Napahawak sa tapat ng dibdib si Lola Masyang, ang alam kasi niya'y may singaw si Reden. Kung nagkataong may kamandag ang ahas, posibleng dalawang apo niya ang malason at mamamatay. Maagap namang dinaluhan ng nurse na naroon ang matanda. Tumaas ang blood pressure nito. Bagaman walang kamandag ang ahas, inirekomenda pa rin ng doktor na maobserbahan si Caloy. Binigyan din ito ng anti-tetanus vaccine upang makaiwas sa impeksyon. Binantayan na rin ang blood pressure ng matanda. Pagkaraan ng ilang oras ay pinauwi na sila bitbit ang reseta ng mga gamot na dapat inumin ng mag-lola.
KAHIT highschool lang ang natapos ng dalawa ay sinuwerte ang mga itong maipasok ng kababata at matanggap sa isang sikat na ihawan ng mga manok at baboy. Hindi man matatawag na nakaririwasa, gumaan na ang kanilang pamumuhay. Nagkakatuwang sila sa mga gastusin at nakabibili pa ng ilang bagay para sa kanilang mga sarili at sa kanilang lola. Kung saan makikita si Reden, asahang makikita rin doon si Caloy. Magkatulad sila sa maraming bagay, pareho ng hilig at pareho ng pangarap. Kung nasaan ang isa ay nando'n din ang isa.
Nang makarating sa kaalaman ni Reden na may isasagawang writing workshop ay nagpasya siyang dumalo. Mahilig siyang magsulat ng mga kwento. Nakagagawa siya ng istorya at may drawing pa. Naimpluwensiyahan niya si Caloy. Kaya nang dumalo siya sa workshop sumama rin ito.
Kapag day off sa trabaho, nauubos ang oras niya sa pagsusulat. Kapag may naisip ay isinisulat agad kahit sa napkin, minsan sa palad pa. Naniniwala siyang mabibigyan din siya ng break pagdating ng araw. Gano'n din si Caloy. Bagaman hindi kasing seryoso gaya ni Reden, pangarap din nitong sumikat at hangaan sa larangan ng pagsusulat. Syempre pa ay numero uno nilang tagahanga ang kanilang lola.
Dahil mga binata na, nalaman na rin nila kung paano ang magmahal. May nakilala silang saleslady nang mag birthday ang isang kasamahan nila sa trabaho. Bisita rin doon ang dalaga. Nagpalitan ng celfon number at dun na nag umpisa. Kahit kursunada ni Reden ang dalaga ay umiwas na siya dito.
Hindi man magsalita si Caloy ay alam niyang malaki ang pagkakagusto nito sa babae. Kahit magtext ang babae sa kanya ay di siya nagre reply. Ipinaramdam niya kay Caloy na hindi siya interasado dito, kaya naman niligawan na ni Caloy ang dalaga. Kung liligawan kasi ito ni Reden ay di na siya papapel. Ganun ang samahan nila, bigayan. Naging nobya ni Caloy ang dalaga,masaya si Reden para dito. Marami pang babae, may darating din para sa kanya.
ISANG umuwing bagsak ang balikat, at lulugo-lugo si Reden. Na reject na naman ang sinulat niya. Bumili si Caloy ng dalawang boteng red horse at inaya siya sa paborito nilang tambayan. Sa ibabaw ng nitso ng asawa ni Lola Masyang. Dito nila pinag uusapan ang mga hindi pwede marinig ng kanilang lola.
"Mapapansin din ng mga publishing company ang talent mo. Pana-panahon lang talaga. Hindi man ngayon ang sa iyo basta wag ka susuko. Sulat lang nang sulat. Pagdating ng panahon mo baka kapusin pa yang mga naisulat mo. Tangina! Pag sikat ka na pipila muna sila para makausap ka. Tignan lang nila!" nakataas ang noo nitong sabi.
Natawa na siya. Paano ay nagmura pa ito. Gano'n talaga si Caloy. Kapag may problema siya ay ito ang nagpapalakas ng loob niya. Kahit paano ay gumaan ang pakiramdam niya sa sinabi ng kaibigan.
"PARE!" sabay na napalingon sina Reden at Caloy sa pinanggalingan ng boses. Ang kababata pala nilang si Gorio ang tumawag sa kanila. Ang alam nila ay nasa Saudi ito.
"Nakauwi na pala," bulong ni Reden.
"Ang bilis talaga ng panahon," anas naman ni Caloy.
"Hanep, Gorio. Bigtime a," biro ni Caloy.
"Gregory, mga tol. Masyadong mabantot ang dati kong pangalan. Di na bagay sa new look ko.
Nangingiti sila sa itsura nito. Para itong maysakit na Hepa. Paano ay naninilaw ito sa dami ng suot na alahas sa katawan.
Matapos ang balitaan, sinabi na nito ang sadya. Magpapakasal na raw ito at kinukuha silang abay. Sagot nito lahat ng isusuot nila at may service pang sasakyan papunta at pauwi. Taga probinsya ang mapapangasawa nito. Pumayag silang dalawa. Tamang -tama dahil pareho nilang day off ang araw ng kasal nito. Bigtime na si Gorio. Napag-iwanan na sila. Isa ito sa mga batang kasabay nilang kumaripas nang takbo noong lagi silang binu- bully ng pangkat ni Digoy. Ang isa naman ay manager ng sikat na ihawan, ito pa nga ang nagpasok sa kanila.
Nagpapalipas ng oras ang dalawa sa ibabaw ng nitso, kakatapos lang nila maghapunan. Nakahiga sila at ang dalawang kamay ang ginawang unan.
Nagsalita si Reden, "Matanda na ang lola. Sana humaba pa ang buhay niya. Gusto ko sana ay matikman niyang magbuhay reyna. Kung 'di dahil sa kanya ay 'di ko alam kung ano na ako, o baka namatay na ako bata pa lang. Mahal na mahal ko ang lola. Pangarap ko lang namang mabigyan siya ng kaginhawahan sa buhay."
"Gano'n din ako, Reden. Kayo lang ni Lola ang pamilya ko. Kung 'di dahil sa inyo ay 'di ko rin alam kung ano ang nangyayari sa akin. Sana maging bigtime din tayo," malungkot namang sabi ni Caloy.
Hindi na itinuloy ni Lola Masyang ang paglapit sa mga apo. Narinig niya ang usapan ng dalawa. Nagpapahid siya ng luha nang bumalik sa bahay. Ang mahalin at isiping mabigyan siya ng ginhawa ng mga apo ay nagpapaligaya na sa kanya. Ang mga ito ang nagbigay ng dahilan para siya mabuhay dahil nang mamatay ang asawa niya ay gusto niya na rin mamatay. At masaya siyang lumaking mababait ang dalawang bata na hindi man kadugo ay minahal niya ng buong puso.
Kasal na ni Gorio.
"Lintik! Ang guwapo ni Gorio," bulong ni Reden.
"Mukhang artista."Natatawang sagot ni Caloy. Medyo kahawig nito ang boksingerong si Manny Paquiao.
"Ang bangis ng appeal. Idol na kita", pangangantyaw nila sa groom.
Nakatayo na sila sa harap, inaantay na nilang pumasok ang bride ni Gorio. Akala nila ay nagyayabang lang ito nang sabihing mutya ng nayon ang mapapangasawa. Napangagnga sila nang makitang ang naglalakad papasok ay ubod ng ganda. Tingin ni Reden ay kahawig ito ng artistang si Dawn Zulueta. Taas ang dibdib ni Gorio nang lingunin sila.
"Ang ganda ng misis ko, di ba?" may pagyayabang sa boses nito.
Magkasabay silang tumango.
Nagkakasarapan sa inuman nang lumapit si Gorio sa dalawa. Medyo lumayo pa sila sa karamihan ng mga naroon. Nagkwento ito.
"Di kayo makapaniwala ano? Alam n'yo bang pinikot pa ako niyang asawa ko? Kaya madalian lang ang preparasyon at nagpakasal na kami."
Napanganga sila sa kahambugan nito.
"Wag kayong ngumanga dyan, totoo ang sinasabi ko. Gusto n'yo bang malaman kung paano nangyari 'yon?"
Hindi sila tumango pero hindi rin umiling.
"May sasabihin ako sa inyo. Sikreto ko 'to, at sa inyo ko lang ise- share. Gusto ko lang makatulong sa inyo."
Walang nagsalita sa kanila. Nakatingin lang sila at tinatantiy kung lasing na ba ito, o nakap-drugs lang.
"Kapag narinig n'yo ang sasabiin ko huwag n'yo 'kong pagtatawanan, ha. Totoo 'to, walang gudtayman. At huwag ninyong iisiping nasisiraan lang ako ng ulo".
Nagpalinga linga muna ito,at nang makasigurong walang tao maliban sa kanilang tatlo, sinimulan na nito ang gustong sabihin.
"Kasama ako ng ilang sundalo at rescue team na pumanik ng bundok sa nayong ito. Naghiwa-hiwalay kami. Tatlo katao kada isang team. May natagpuan kaming mag-anak na nakulong sa b****a ng yungib. Malaki ang punong nakaharang kaya ang isa kong kasama ay nagtawag ay naghanap ng magagamit para maiangat ang ilang maliliit na sanga. Naiwan akong mag-isa. Kahit mag-isa lang ay hindi ko tinigilang hawanin ang pwedeng lusutan ng mga nasa loob. Nagawa ko naman. Madilim na nang makalabas ang mag-anak. Naghintay pa kami sa mga kasama ko pero wala pa rin.
Nang mainip ako, hinatid ko na ang mag-anak sa tinuturo nilng tirahan. Maliwanag ang buwan nang gabing 'yun kaya kahit flashlight lang ay madali naming narating ang tirahan nila. Kinabahan ako. Masukal kanina ang dinadaanan namin pero pagkalampas namin sa isang napakalaking puno ng avocado ay magandang tanawin ang bumulaga sa akin. Kinakabahan man ay hindi ako nagpahalata. Masuyo akong dinulutan ng makakain at maiinom nung babae. Hindi ko alam kung kakainin ko ba, o hindi. Natatakot ako. Para kasing napanood ko na sa Shake,Rattle and Roll ang nangyayari. Lumagok ako ng tubig.
"Huwag kang matakot, wala kaming gagawing masama sa iyo," sabi ng matandang lalake. "Bilang ganti sa ginawa mong pagtulong ay ituturo namin sa'yo ang punong namumunga ng hiling."
Tumayo ito, at lumapit sa napakalaking puno ng avocado at nagsalita uli.
"Sa pagbilog ng buwan, maglagay ka ng alay sa pagitan ng dalawang malaking ugat na iyan. Pagkatapos ay taimtim mong sabihin ang iyong kahilingan. Bumalik ka pagkalipas ng tatlong araw. Kapag nawala ang alay mo ibig sabihin ay tinanggap ang iyong alay at ang iyong hiniling ay matutupad."
Naniwala ako sa matanda kaya sinunod ko ang sinabi niya."
DOON natapos ang pagkukuwento nito. Nakanganga pa rin sila nang muli itong magsalita.
"Kung gusto n'yo sa makalawa ay sasamahan ko kayo dun. Kabilugan ng buwan kaya tamang-tama mag alay. Pag-isipan n'yong mabuti. Sa linggo aalis na kami ni misis. Honeymoon muna."
Nakita nilang papalapit na ang misis nito kaya nagpaalam na ito sa kanila.
Hindi nakatulog sina Reden at Caloy nang gabing 'yon. Una ay naaalala nila ang naiwang lola, pangalawa ay namamahay sila, at pangatlo, iniisip nila ang sinabi ni Gorio kanina.