Chapter Seven
Nasa sasakyan na ang mga maleta namin ni Prim. Madaling araw pa lang pero paalis na kami. Ihahatid kami ng kanyang ama sa Lalawigan ng San Guillermo, sa El Pueblo. Okay lang sanang mag-bus na lang kami. Ngunit ayon sa ama ng kaibigan ko ay huwag na raw naming pahirapan ang sarili namin.
"Iyong cellphone ko naiwan ko," biglang ani ko nang akmang sasakay na kami sa backseat.
"Balikan mo na," ani ni Prim kaya dali-dali akong bumalik. Kinuha ko iyon at saka lumabas na. Malaking desisyon itong pag-alis. Pero mas mabuti na iyon. Kung walang opportunity rito ay sa ibang bayan ko hahanapin. Hindi pwedeng iasa ko ang buhay namin ng anak ko sa ibang tao. Kakayod ako. Hindi ko rin naisip na hanapin ang ama ng anak ko. Wala akong planong kilalanin dahil baka katulad lang din ng ama ko at ex-boyfriend ko.
Pagbalik ko'y agad na akong lumulan.
"Seatbelt," paalala ng ama ni Prim. Agad naman kaming nagsuot ng seatbelt. Gano'n din ang kapatid na lalaki ni Prim na nasa passenger seat. Sasama ito dahil kapalitan daw sa pagmamaneho. Malayo at matagal ang biyahe. Kaya kailangan talaga ng kahalili.
Tahimik lang kami ng kaibigan ko sa biyahe. Madilim pa sa labas. Ang nagkwekwentuhan lang ay si Tito at si Prince. Ilang saglit pa'y nakatulog na rin si Prima sa tabi ko. Ako naman ay nag-cellphone na muna. Habang nagche-check ng email ay naisipan kong i-check ang mga messages na hindi ko pa nabuksan. Isa roon ang email ni mama.
Mukhang naisip na nilang in-block ko na sila kaya sa email na komokontak.
"Anak, si mama ito. Nabalitaan ko kay Tita Bebs na buntis ka. Sinong ama, 'nak? Sabi ni Harvey ay wala pang nangyari sa inyo. Never pa kayong nag-s*x. Sinong ama, anak? Tell me. Para natulungan kitang ayusin ang problema mo. Anak, bata ka pa. Nasa tamang edad, pero alam kong hindi ka pa handa. Marami ka pang pangarap 'di ba? Magtratrabaho ka pa para sa future natin. Magiging sagabal ang batang iyan, anak. Kailangan nating gumawa nang paraan para alisin iyan---" hininto ko na ang pagbaba at binura rin ang email na iyon. Dapat siguro'y nagbago na rin ako ng email at sim. Hindi sapat na naka-block na sila sa akin. Bibili na lang ako ng bagong sim kung may madaanan kaming bilihan.
Ilang beses kaming nag-stop-over para makapagpahinga lalo't hilong-hilo ako sa biyahe. Ilang beses pa ngang sumuka sa gilid ng kalsada. Natapos ang paghihirap ko nang narating namin ang El Pueblo sa Lalawigan ng San Guillermo. Maliit na barangay pero maayos naman ang mga bahay kahit nga kalsada.
Malinis din ang bahay na pag-aari nila Prim. Si Prince ang unang bumaba at dumeretso agad ito sa pagbukas ng gate. Hindi kataasan ang gate. Abot lang hanggang dibdib ko. Gano'n din ang gate at bakod sa katabing bahay.
"Tuloy," yaya ni Prince nang nakababa na kami. "Kami na ang bahala ni papa sa maleta," saka nito ibinato kay Prim ang susi ng bahay na agad namang nasalo ni Prim. Nauna na kaming pumasok. Pagdating sa loob ay kapansin-pansin ang kalinisan no'n.
"Hays, buti na lang talaga at nagpunta rito ang caretaker bago pa tayo dumating. Wala na tayong kailangan linisin. Ang gagawin na lang natin ay bumili ng stocks natin dito." Hinawi namin ang mga kurtina at binuksan ang mga bintana.
"Peaceful sa neighborhood na ito, Lia. Dito ay magiging payapa ang buhay ninyo," sabi ni Tito.
"Thank you po, tito. Ito po ang kailangan namin ng anak ko ngayon."
"Basta kayo ni Prim ay ang bahala sa isa't isa. Prim, huwag mong stress-in si Lia. Alalahanin mong buntis iyang kaibigan mo. Huwag kang magpapasaway sa kanya."
"Opo, pa. Hindi naman ako pasaway eh," sabay kindat ni Prim sa akin.
--
New place, new life. Dahil in-cut-off ko na ang pamilya ko sa buhay na mayroon ako ngayon ay wala na akong balita sa kanila. Si Prim ang kasama ko habang hirap na hirap na ako kasusuka tuwing umaga, siya rin ang kasama ko sa pagpapa-check-up, at kasama ko sa tuwing umiiyak ako dahil pakiramdam ko'y hindi ko na alam kung saan ako tutungo. Walang direction, ang hirap.
Lumalaki ang tiyan ko. Lumilipas ang mga buwan na hindi pa ako sigurado kung ano ang dapat kong gawin.
"Congratulations!" excited na bati ni Prim sa akin. Nakatanggap ako ng email na tanggap na ako sa trabaho. Work from home at okay ang sahod. Simula no'ng napunta kami rito sa El Pueblo ay naghahanap naman na ako ng trabaho. Ngayon lang pinalad. Anim na buwan na ang dinadala ko. Halata na nga ang umbok.
"Thank you, Prim. Makakatulong na ako sa finances dito sa bahay. Makakaipon na rin ako para kay baby," nag-high five pa kami nito.
"Right!" niyakap pa ako ng best friend ko na alam kong masayang-masaya sa bago kong trabaho.
May trabaho na rin ito. Work from home rin at malaki ang sahod. Mas mabigat nga lang iyong trabahong meron siya kaysa sa akin.
"Dapat i-celebrate natin ang magandang balita. Mag-o-order ako ng food. Kunin ko lang ang phone ko," dali-dali itong tumalikod at pumasok sa kwarto niya. Ilang saglit lang ay lumabas din at ipinakita pa sa akin ang hawak niyang phone.
"Feeling ko'y magsisimula nang umayon ang tadhana sa 'yo..." masayang bulalas nito. "Tingin mo rin ba?" agad akong tumango.
"Sana nga umayon na sa akin, Prim. Gusto kong lumabas ang anak ko sa mundong ito na may magandang buhay akong maibibigay sa kanya. Responsibility ko siya, bubuhayin ko siya. Kahit may kulang na father figure... I'll make sure na ibibigay ko pa rin ang best for her."
Tinapos lang nito ang pag-order ng food namin saka niya ako hinarap.
"Girl, what if may biglang dumating? Isang lalaking handang mahalin ka---"
"Hindi na ako magpapapasok ng lalaki sa buhay ko, Primrose. Itaga mo sa bato. Ayaw ko na."
"Lia, what if hindi pa pala dumating ang tamang lalaki at parating pa lang? What if dahil ayaw mo na't sinaraduhan mo na ng pinto ay mapalampas mo iyong tamang lalaki na iyon?"
"Ayaw ko na talaga, Prim. Lahat ng mga lalaking dumating at naging parte ng buhay ko ay puro sakit lang ang binigay sa puso ko. Si papa ay nambabae at sumama na sa babae niya. Ang kapatid ko naman ay iniwan ako dahil sa depression... nag-beg ako nang paulit-ulit sa kanya, Prim. Tapos si Harvey... sumubok ako sa kanya pero ipinatalo niya lang iyong chances na ibinigay ko. Dalang-dala na ako sa mga lalaking sinasaktan lang ang puso ko, Prim. Kaya okay na ako. Hindi ko na kailangan pang dagdagan ang listahan ng pangalan ng mga lalaking nanakit sa akin." Napabuntonghininga ito't tumango.
"I understand, Lia."
--
Naging smooth naman ang trabaho ko sa loob ng dalawang buwan. Work from home at hindi sobrang nakakapagod.
Pagsapit nang kabuwanan ko'y nag-leave ako sa trabaho para mas ihanda ang sarili sa pagdating ng aking prinsesa.
Si Prim ang kasama kong namili ng mga kakailanganin ng aking anak.
Baby girl... nakaisip na rin kami ng pangalan para sa kanya at labis akong nai-excite.
"Sabihin mo sa akin kapag maramdaman mo na ang hilab or something weird ha. Dadalhin agad kita sa ospital. Nakahanda naman na ang maleta in case kailangan na nating umalis. Iyong gift nila papa para sa anak mo ay nasa bank ko na. Gamitin mo raw sa mga magiging expenses mo sa hospital."
"Ha? Hindi ba nakakahiya... may pera pa naman ako---"
"Pamilya ka namin, Lia. Hindi ka dapat mahiya. Gift nila papa sa 'yo iyon. Excited na rin silang makita ang apo nila," napahagikhik pa ito. "Dahil hindi pa ako ready ay makikiapo na lang daw muna sila sa 'yo. Ikaw raw ang tutupad sa pangarap nilang maging Lolo at Lola." Napabungisngis na rin ako't tumango-tango. Para ko na rin naman silang magulang. Pinapasok nila ako sa kanilang pamilya ng walang pag-aalinlangan. Tinanggap nila ako ng walang panghuhusga.
Tuwing umaga ay naglalakad-lakad kami sa street namin. Exercise dahil kailangan daw.
"Pansin ko lang walang tindahan sa street natin," hindi ko napigilang bulalas. "Magtinda kaya tayo? Iyong mga kapitbahay natin ay pumupunta pa sa kabilang kanto para bumili."
Napaisip ang kaibigan kasabay kong naglalakad.
"Oo nga 'no. Malayo. Pwede kong ipagpaalam kina mama. Gusto ko iyang idea mo. Para kahit may baby na tayong binabantayan ay may income pa rin... lalo ka na." Nag-thumbs up pa ito na wari'y nagustuhan talaga niya ang sinabi ko.
"Hi! Ang ganda mo namang buntis---" akmang lalapit sa akin ang isang lalaki na naglahad ng kamay at balak sanang magpakilala ay agad akong nagtago sa likod ni Prim. "Ay, magpapakilala lang ako, miss!" ani nito na para bang na offend ito sa naging reaction ko.
"Not interested," cold na ani ko saka hinawakan na ang kamay ni Prim at hinila na ito pabalik sa street namin.
"Girl, are you okay? Nanginginig ang kamay mo," saka ko lang iyon napansin. "Natakot ka ba roon sa lalaking iyon?" tumango ako bilang pag-amin.
"Oo, Prim. Natakot ako. Akala ko'y sasaktan niya ako... pakiramdam ko'y lahat ng lalaki ay iyon lang ang dahilan kung bakit lumalapit sa akin." Napayuko ako't sinubukan kong kalmahin ang sarili ko. "Sasaktan lang nila ako."
"Lia, that's not true. Hindi lahat. Remember papa? Pati na si Prince. Lalaki iyong mga iyon. Okay ka naman sa kanila---"
"Except sila. Mabuting tao ang papa at kapatid mo."
"Okay. I'll make sure na hindi ka na malalapitan ng mga lalaki. Para hindi ka na matakot at mag-react ng ganyan." Bahagya nitong pinisil ang kamay ko. "Tara! Pakasal na tayo," ani ni Prim na malakas kong ikinatawa.
"Siraulo!" anas ko. Buti na lang may kaibigan akong katulad nito. Kung wala? Saan kaya ako pupulutin?