002

1085 Words
Kabanata 2 S U N N Y "Ihahatid kita sa boot camp niyo," ani Silver habang nag-iimpake ako ang mga gamit ko dahil lilipat na ako agad sa boot camp para doon pansamantalang manirahan. Pwede naman kaming umuwi kapag walang laban o practice pero hindi kami pwedeng matagal na mawala sa boot camp. Pwede rin kaming tumanggap ng bisita doon tulad ng kaibigan at kapamilya. Wala naman ang pamilya ko sa Pilipinas kaya ayos lang iyon sa akin. Pwede naman akong bisitahin ni Silver doon kahit kailan niya gusto kaya lang mainit nga pala ang dugo sa kanya ng Gladiators dahil nakabangga niya noon si Kean. Hinamon ba naman niya ito ng 1v1 sa live niya. Hindi ko alam kung ano ding naisip ng isang ito at bigla na lang naghahamon ng walang dahilan. Kayabangan talaga. Nilingon ko si Silver at nginisian. "Paano ka pupunta doon? Di ba nakabangga mo si Kean?" Umiling siya. "Bakit? Siya ba ang may-ari ng bahay na yun?" salubong ang kilay na sabi ni Silver. "'Tsaka hinamon ko lang naman siya ng 1v1. Masama na ba yun?" "Bakit ka ba kasi bigla-biglang naghahamon. Napakayabang mo rin kasi." "Sino ba unang nag-angas? Wala daw binatbat ang game streamer na tulad ko sa pro-gamer na tulad nila. Bobo pala yun. Eh, bakit ayaw niyang tanggapin yung hamon ko? Takot yata. Baka mapahiya." Tumawa pa siya na parang tanga. "Pinatulan mo naman," pairap kong sinabi. "Bakit hindi? Hindi dahil pro-gamer sila may karapatan na silang mangmaliit ng mga game streamer. Mayayabang din ang mga kupal na yun. Hindi ko alam kung bakit gustong-gusto mo sumali dun. Sana sa Alpha ka na lang sumali." Tulad ng Gladiators, malalakas din ang Alpha Esports. Sila nga ang pinakamahigpit na katunggali ng Gladiators. May mga pagkakataon na natatalo sila sa Alpha Esports dahil malakas talaga ang mga ito. Hindi ko alam kung bakit pinipilit ng isang ito na doon ako sumali kahit alam naman niyang gustong-gusto ko ang Gladiators mula pa man noon. "Ayoko nga doon. Mas mayabang naman ang mga player doon." "Kunwari ka pa. Gusto mo lang makasama yung Joker na yun." Ang tinutukoy niya ay si Alistair na core ng Gladiators at team captain na din. "Hindi yun ang rason ko kung bakit gusto ko sa team nila! Gusto ko ang laro nila kaya gusto kong mapabilang sa kanila. Hindi dahil may gusto ako kay Alistair." Sumimangot ako. Palagi na lang niyang sinasabi na si Alistair ang dahilan ng pagsali ko sa team ng Gladiators kahit hindi naman talaga. Nakakainis dahil ganun lang ang tingin niya sa akin. Oo, inaamin ko na desperada akong mapabilang sa team na yun pero hindi ako desperada para makuha si Alistair! Ang pangarap kong maging pro-gamer ang pakay ko kung bakit ako sumali sa team na yun at wala ng iba pa. "Basta ihahatid kita doon." "May susundo sa akin mamaya." "Sasama ako kung ganoon." Bumuntong hininga ako at tumango na lamang. "Ikaw ang bahala. Kung dyan ka masaya. Huwag ka lang manggugulo doon." Tinignan ako ng masama ni Silver. "Anong akala mo sa akin? Basagulero?" Inirapan ko siya. "Bakit hindi ba?" Hindi naman na siya nakipagtalo pagkatapos nun. Hapon nang may sumundo sa aking van at talagang tinotoo ni Silver ang pagsama sa akin hanggang sa boot camp. Hindi manlang siya kinakabahan na makaharap yung taong hinamon-hamon niya sa live niya. Hinayaan ko na lang siyang gawin ang gusto niya. Hindi naman siguro siya manggugulo doon. Sinalubong ako ng buong team pati na rin ni Coach pagdating ko sa boot camp. Hindi naman nagkaroon ng problema ang paghatid sa akin doon ni Silver. Kaswal lang din naman ang tungo sa kanya ng mga magiging ka-team ko kahit alam kong ayaw sa kanya ng mga ito. Wala naman siguro silang balak na apihin si Silver habang narito siya sa teritoryo nila. Hindi naman ganun ang pagkakakilala ko sa Gladiators. Kaya ko nga sila hinahangaan simula pa noon. Kaya rin siguro hindi pinatulan ni Kean ang hamon sa kanya noon ni Silver. Sa lahat ng sumalubong sa akin ay si Alistair lang ang mukhang walang pakialam. Parang napilitan lang siyang salubungin ako hindi katulad ng ibang member ng Gladiators na mainit ang pagtanggap sa akin. Mukhang ayaw niya sa akin pero ayos lang. Hindi ko pa naman kasi napapatunayan ang sarili ko sa team kaya ayos lang kung hindi maganda ang unang impresyon nila sa akin. Patutunayan ko na lang sa kanilang karapat-dapat ako bilang bagong member habang naririto ako. "Kumain ka na ba, Rain? Teka ano bang gusto mong itawag namin sa'yo?" ani Bren na siyang pinakamadaldal ata sa team. "Ayos lang sa akin ang Rain at oo, kumain na rin ako," nakangiti kong sagot. Kakaalis lang ni Silver. Hindi siya pwedeng magtagal dahil susunduin niya pa ang nakababata niyang kapatid sa school nito kaya umalis na rin siya agad. "Ang payat mo pero 'wag kang mag-alala tataba ka dito," sabi naman ni Kean. Napakagat ako sa ibabang labi ko. Kailangan ko nga sigurong magpataba. Baka kapansin pa nilang hindi panlalaki ang katawan ko. Inipit ko nga lang ang dibdib ko para hindi masiyadong umumbok. Mabuti na lang at hindi rin naman ganun kalakihan ang dibdib ko kaya madali lang para sa aking itago iyon. "Mag sasamgyup tayo madalas para lumaki katawan mo. Mapili pa naman na ang mga babae ngayon. Gusto sa pogi at malaki katawan," natatawang wika naman ni Marcus. Napailing ako at natawa na rin. "May girlfriend ka ba ngayon, Rain?" Agad akong umiling sa tanong na iyon ni Dylan. "Gusto mo bang magka-girlfriend?" "Naku, huwag mong kausapin 'yan, Rain. Masiyadong matinik sa babae yan. 'Wag kang tutulad dyan!" agad na sabi naman ni Bren. Inakbayan pa talaga ako para ilayo kay Dylan na nakangisi na ngayon. Napatingin ako kay Alistair at nang makita ko ang masamang tingin niya sa akin ay agad akong napayuko. Bakit kaya ang sama nito makatingin sa akin? Para namang napakalaki ng naging kasalanan ko sa kanya kung tignan niya ako. "Tuturuan ko nga kung paano pumorma, eh." "Siraulo! Huwag mong igaya sa'yo itong si Rain. Kaya ka napapagalitan ni Coach, eh. Inuuna mo pa pagporma kaysa mag-practice," naiiling na sabi ni Bren. "Ang sabihin mo naiinggit ka lang kasi wala kang babae. Hina mo kasi, tol!" pang-aasar ni Dylan kay Bren. Nagtawanan ang ibang member kaya nakisali na rin ako sa pagtawa. Hindi naman pala sila mahirap pakisamahan tulad ng inaakala ko. Palabiro sila at mukhang masaya naman kasama. Yun nga lang mukhang ayaw sa akin ng team captain.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD