Simula
Hindi mapakali si Sunny. Ngayong ang araw na isasalang siya sa try-outs para maging isang ganap na professional player. Matagal na niyang pangarap na maging isang pro-gamer at ang makapasok sa pinakahinahangaan niyang team. Ang Gladiators. Pangarap niyang mapabilang sa team na iyon dahil isa iyon sa pinakasikat na Esports team sa bansa. Bukod pa doon ay naroon din ang lalaking matagal na niyang hinahangaan mula noong high school pa lamang sila. Hindi na nawala ang nararamdaman niya sa binata mula pa noon at mas lalo lamang tumindi nang pasukin nito ang gaming community.
Si Alistair o mas kilala sa bansag na Joker ay ang core ng team na sobrang iniidolo niya. Kung sa basketball may point guard, sa gaming mayroon namang core. Malaki ang role na ginagampanan ng core sa isang laro. Sila rin ang responsable sa pagkakapanalo ng isang koponan. Nakilala ni Sunny si Alistair noong high school. Schoolmates sila pero hindi siya kilala ng binata. Siya lamang ang nakakakilala rito at lihim na humahanga sa lalaki noon pa man.
"Sigurado ka ba dito sa pinaplano mo?" tanong ng kanyang best friend na si Silver.
Isa ring gamer ang kaibigan niyang ito. Medyo kilala ito bilang isang game streamer. Magkababata sila ni Sunny at siya ang naging dahilan kung bakit nahilig si Sunnt sa mga online games.
"Bakit? Tingin mo hindi ako makukuha?" Tumaas ang kilay ni Sunny sa kaibigan. Umiling si Silver at tinawanan siya.
"Siyempre mapipili ka. Ikaw pa ba?"
Malaki ang tiwala ni Silver na mapipili ang kanyang kaibigan dahil batid niya ang galing nito pagdating sa larong Harbinger of Victory. Madalas niya kasi itong makalaro kaya alam na alam na niya ang kakayahan ng dalaga pagdating sa larong iyon. Alam niyang kayang-kaya ng dalaga makasabay sa mga professional gamer sa bansa.
"Mag-practice pa tayo!" panghihikayat ni Sunny sa kaibigan.
Ayaw niyang magpakakampante. Gusto niyang masiguro ang pagpasok niya sa team kaya kahit kanina pa sila nag-eensayo ng kaibigan ay ayaw niyang tumigil. Hanggat hindi siya isinasalang sa try-outs ay mag-eensayo siya para handang-handa na siya kapag isinalang. Hindi siya pwedeng mabigo. Kailangan niyang pumasok sa team dahil iyon ang pangarap niya. Kahit sandali lang ay gusto niyang maranasang lumaro sa naglalakihang tournament kasama ang mga iniidolo niyang pro gamer.
"Tama na. Masyado ka nang magaling," natatawang sabi ni Silver sa kanya.
"Hindi pa. Kailangan ko pang mag-practice, Silver. Sige na maglaro pa tayo."
"Bakit ba parang kabadong-kabado ka? Wala ka bang tiwala sa sarili mo?"
"Eh, support role ang kailangan nila. Hindi ko sigurado kung effective ba akong support," napapakagat sa labing sabi ni Sunny.
Madalas kasing core ang gamit niyang hero sa larong iyon kaya hindi siya sigurado kung magiging epektibo ba siyang support. Iyon kasi ang hinahanap ng Gladiators kaya kumukuha sila ng bagong player. Aalis na kasi ang support ng team nila at kailangan ng kapalit. Kaya naman ni Sunny ang ibat-ibang role kaya lang ay mas gamay talaga niya ang core at doon siya magaling.
"Kaya mo 'yan. Ikaw pa ba? Dinadaga na ba ang dibdib mo, Sunny?"
Umirap ang babae nang makita ang mapang-asar na ngisi ng kaibigan sa kanya.
"Ang sabihin mo takot ka lang mawasak ka sa akin kaya ayaw mo na makipaglaro," nakangusong sabi ni Sunny habang masama ang tingin sa lalaki.
"Tingin mo kaya mo ako?" Naghahamong tanong ni Silver sa kaibigan.
Umirap muli si Sunny at itinuon na lang ang pansin sa computer na nasa kanyang harapan. Nag-practice siyang mag-isa habang tinitignan lamang siya ni Silver. Hindi niya mapigilang humanga sa dalaga dahil sa pagiging diterminado nito. Hindi niya maintindihan kung bakit gustong-gusto nitong mapabilang sa team na iyon gayong pwede naman siyang maging streamer na lang din tulad ng kaibigan. Kung sabagay, iba pa rin kasi kapag professional player ka talaga at lumalaban ka sa ibat-ibang tournament. Iba yong satisfaction kapag manalo sa mga tournament, lalo na at mga international players ang kalaban.
Nang isalang na sa try-outs si Sunny ay nagpakitang gilas agad ang dalaga. Ipinakita niya agad ang bilis ng kanyang kamay pagdating sa laro. Hindi mo talaga aakalaing babae ang naglalaro kapag napanuod mo ang mga galaw niya. Mas maipapakita pa sana niya ang galing niya kung core ang gamit niyang hero pero ayos na rin naman ang support. Magaling siyang mag-set at hindi takot pumasok sa clash. Mabilis din siyang rumesponde sa mga kasama niya kaya hindi na nakakapagtakang siya ang napiling bagong member ng Gladiators.
Tuwang-tuwa si Sunny nang tawagan siya isang araw ng company na humahawak sa Gladiators upang sabihin sa kanyang napili siya bilang bagong member ng kanilang team. Kahit na malakas ang kompiyansa niyang siya ang mapipili ay sobrang nagulat pa rin siya. Fan na fan kasi talaga siya ng team na ‘yon kaya hindi talaga siya makapaniwala. Nayakap niya pa si Silver sa sobrang tuwa niya. Kasalukuyan kasi siyang nasa bahay ng kaibigan. Lagi naman talaga siyang naroon mula nang umalis ang buong pamilya niya upang manirahan sa States. Magkababata kasi ang dalawa kaya natural lang na malapit sila sa isat-isa.
"Nakapasok ako!" paulit-ulit na sigaw ng dalaga habang yakap ang kaibigang natutuwa rin para sa kanya.
Batid nitong matagal na talagang pangarap ni Sunny ang makapasok sa team na ‘yon. Kaya hindi niya mapigilang sumaya para dito. Kinakabahan siya ng konti para sa kaibigan dahil mahirap ang papasukin nito. Magpapanggap itong lalaki para lang makapasok sa team na iyon. Gagamitin niya ang pangalan ng kakambal niyang si Rain para lang sa katuparan ng kanyang mga pangarap. Noong unang beses na sinabi ni Sunny kay Silver ang tungkol sa plano niyang iyon ay tumutol agad ito. Hindi naman kasi ganun kadali ang pinaplano nito. Baka mapahamak pa siya sa kagustuhan niyang makapasok sa team na iyon.
"Sigurado ka na talaga dito? Pwede ka pang mag-backout." Hindi mapigilang mag-alala ni Silver para sa kaibigan.
Ngumiti si Sunny ng ubod ng lawak.
"Tingin mo papasukin ko ito kung hindi ako sigurado? 'Tsaka ito na ako, o! Ngayon pa ba ako mag-aalinlangan?"
Bumuntong hininga si Silver.
"O, bakit parang ikaw ang kinakabahan sa atin? Ikaw yata ang dinadaga ang dibdib r'yan, eh!" Humalakhak ang dalaga at tinusok ang tagiliran ng kaibigan upang muli itong pangitiin.
"Wala ka bang tiwala sa akin?"
Ginulo ni Silver ang buhok ng dalaga at ngumisi na rin.
"Siyempre meron."
"Yun naman pala! Bakit parang kinakabahan ka d'yan?"
"Paano kung mabuko ka?"
"Hindi ako mabubuko. Bago pa ako mabuko aalis na ako agad doon. Gusto ko lang maranasang lumaban sa tournament."
Muling napabuntong hininga si Silver.
"Bahala ka na nga. Basta mag-iingat ka doon."
Ngumiti ang dalaga at tumango.
"Oo naman. Dalawin mo ko doon, ah?"
Napangiti na rin ang binata at tumango.
"Siyempre. Dadalawin talaga kita doon."
"Ano pang hinihintay mo? Gupitan mo na ako!" excited na sabi ni Sunny.
Muling sumimangot si Silver.
"Ayoko."
Ngumuso ang dalaga.
"Bakit? Gupitan mo na ako."
"Hindi ka manlang ba nanghihinayang sa buhok mo?"
Nangunot ang noo ni Sunny sa tanong na iyon ng kaibigan.
"Bakit? Ikaw ba nanghihinayang?" nagtatakang tanong ni Sunny. Umiling naman ang kaibigan.
"Hindi. Naisip ko lang na mas lalo kang papanget kapag ginupitan 'yang buhok mo."
Pinaningkitan ng mata ni Sunny ang kaibigan at hinampas ito ng malakas sa braso.
"Ang kapal mo! Porque maraming babaeng naghahabol sa'yo akala mo kinagwapo mo na yun! Lolo mo! Ang panget mo rin naman!" ganting pang-asar ng dalaga. Ganito sila palagi kapag magkasama. Walang ginawa kundi ang mag-asaran pero alam naman nilang biro lang iyong mga pinang-aasar nila sa isat-isa.
"Ako, panget? Magsalamin ka na, Sunny. Malabo na yata mata mo."
"Epal! Gupitan mo na lang kasi ako para matapos na 'to."
"Ano ko barbero?"
"Sayang naman ang perang pampagupit kung pwede namang ikaw na lang. Dali na!"
"Kuripot mo din, 'no? Singkwenta pesos lang pampagupit sa barbero wala ka pa?"
"Dali na kasi! Ang dami mong arte, eh!"
"Fine!" wala nang nagawang sabi ng binata.
Sinimulang gupitan ni Silver si Sunny katulad sa gupit ng kakambal nitong si Rain. Walang kamalay-malay si Rain sa States na may balak ang kanyang kapatid na gamitin ang identity niya para lang maabot ang mga pangarap nito. Hindi ito pinaalam sa kanya ni Sunny dahil alam nitong tututol lamang siya sa plano nito. Malawak ang ngiti ni Sunny habang pinagmamasdan ang itsura sa salamin. Magkamukha na talaga sila ng kanyang kakambal na si Rain. Konting ayos na lang sa kanyang kilos ay mapapagkamalan na rin talaga siyang lalaki. Hindi niya mapigilang ma-excite sa mga mangyayari. Matagal na niyang gustong ma-meet ang mga iniidolo sa personal. Lalong-lalo na si Alistair na matagal na rin niyang hindi nakikita sa pesonal. Huling kita niya sa binata ay noong graduation nila ng highschool. Pagkatapos nun ay hindi na niya ulit ito nasilayan sa personal.
"Magkikita na kami ni Alistair!"
Binalingan siya ng kaibigan ng masamang tingin.
"Hindi kaya siya lang ang dahilan kung bakit mo 'to ginagawa?"
Agad na nabura ang ngisi ng dalaga. Tinignan niya rin ng masama ang kaibigan.
"Of course not! Hindi ako desperada 'no! Ginagawa ko ito para sa pangarap ko."
"Siguraduhin mo lang, Sunny,” tila iritadong banta ni Silver. Kahit noon pa ay tutol siya sa pagkakagusto ng kaibigan kay Alistair.
Umirap si Sunny sa sinabing iyon ni Silver. Naiinis siya na ganun ang tingin nito sa kanya. Kahit kailan ay hindi niya naisip na maghabol sa isang lalaki. Kahit gustong-gusto niya si Alistair ay hindi iyon sapat na dahilan para gawin niya ang mga ito. Ginagawa niya ito dahil sa pangarap niya hindi para sa isang lalaki lang. Hindi iyon ang priority niya sa ngayon. Ang mahalaga sa kanya ang makapaglaro sa tournament at maging kampyon.