Kabanata 27
S U N N Y
Medyo gulantang pa ang isip ko nang lumabas ng kwarto. Ngunit nang makita ko si Silver na nakaupo sa mahabang sofa sa living area ay agad nawala ang gumagambala sa isipan ko. Bumilis ang mga hakbang ko palapit sa best friend ko. Kung hindi ko lang napansin sila Bren sa paligid ay baka tumalon na ako para yakapin itong si Silver. Kaya lang bigla kong naisip na ang weird no'n para sa kanila dahil lalaki nga pala ako sa mga mata nilang lahat dito. Hindi ko pwedeng basta na lang gawin ang mga bagay na nakasanayan ko. Kailangan kong pag-isipan at mag-ingat sa mga kilos ko. Kung gusto kong magtagal dito. Gaya nga ng sabi ko hindi ako pwedeng magpadalos-dalos ng kilos kapag nandito ako sa pamamahay na ito.
Malawak ang ngiti ko nang nakalapit sa kinauupuan niya.
"Bibisita ka pala. Bakit hindi ka nagsabi? Kaya pala nakakapagtaka na hindi ka nag re-reply sa messages ko kagabi. 'Yon pala may balak kang pumunta dito. Tsk! Sana sinabi mo na lang!" sabi ko habang nauupo sa tabi niya.
Ngumisi si Silver.
"Eh di, hindi na surprise visit 'yon kapag nagsabi ako sa'yo."
Ngumuso lang ako.
"Eh, bakit ka nga ba kasi biglang napabisita? Anong meron? Lalabas ba tayo? Manlilibre ka ba?"
"Okay."
Ang bilis nga naman talagang utuin ng isang ito, o. Palibhasa madaming pera.
"Nagbibiro lang ako. Hindi yata kami pwede lumabas ngayon dahil lumabas na kami kagabi. Saka..." Bumaling ako kay Bren na nanonood lang sa aming dalawa ni Silver.
"May laro ba tayo ngayon?"
Agad itong tumango. Muli kong binalingan ang kaibigan ko.
"May laro daw kami, eh. Hmm, pwede ka naman siguro manood?" Bumaling ulit ako kay Bren at kay Kean na mukhang mainit pa din ang ulo. Salubong pa ang kilay at hindi umiimik. Hindi naman yan ganyan. Maingay kaya 'yan sa umaga. Siya ang pinaka maingay dito sa bootcamp, eh. Silang dalawa ni Dylan.
"Pwede 'yan. Magsabi ka lang kay coach ng maayos," si Bren ang sumagot.
Ngumiti ako at tumango bago muling ibinalik ang tingin sa katabi ko.
"Pwede daw. Panoorin mo na lang kami maglaro mamaya."
Tumaas ang dalawang kilay ni Silver bago kumunot ang kanyang noo.
"Bakit saan kayo nagpunta kagabi? Gumimik ka ng gabi?"
"Hmm." Sinamahan ko iyon ng pagtango.
"Night out? Bar? Uminom ka kagabi?"
"Oo, pero konti lang naman."
Naningkit ang mga mata ni Silver. Tinignan ko siya ng makahulugan. Masyado naman nagpapahalata ang isang ito sa mga tanong niya. Baka kung ano ang isipin ng mga nakakarinig sa usapan namin. S'yempre, kalalaki kong tao tapos ganito magtanong si Silver na para bang sobrang protective niya sa akin kahit pareho lang naman kaming lalaki.
Pwede naman maging protective ang isang lalaki sa kaibigan niya pero ang weird lang kung lalaki din 'yong kaibigan niya tapos ganito siya umakto. Pero siguro may mga ganoon naman talagang tao na sobrang protective sa kaibigan nila kahit pareho silang lalaki. Madalang nga lang talaga kaya nagmumukhang weird sa isip ng ibang tao.
Siniko ko si Silver bago ko binago ang usapan.
"Kumain ka na pala ng almusal?"
Simpleng iling ang isinagot ni Silver.
Bumaling akong muli kay Bren at Kean na parehong busy sa mga phone nila.
"Kumain na kayo?" tanong ko sa kanila.
Unang nag-angat ng tingin sa akin si Bren, siya na din ang sumagot sa tanong ko.
"Hindi pa. Sabay-sabay na tayo," anito bago ibinulsa ang hawak na phone at tumayo.
Tumayo na din ako at hinigit ang braso ni Silver. Nakita kong sumingkit ang mga mata ni Kean habang nakatingin ito sa amin ni Silver. Nakaupo pa din siya sa sofa na para bang walang balak sumabay sa amin. Naalala ko bigla nagkabanggaan nga pala sila noon nitong si Silver sa social media. Pero hindi naman yata ganoon kalala iyon. Asaran lang na medyo sineryoso lang siguro ni Kean. Ang lakas din kasi talaga ng trip ng kaibigan ko na ito, eh. Bigla na lang naghahamon sa live niya. Nagyayabang. Buti nga at hindi siya pinatulan ni Kean pero sa tingin ko hanggang ngayon medyo mainit pa din ang dugo sa kanya nito.
Ang yabang siguro ng tingin nilang lahat dito sa best friend ko. Eh, totoo naman kasi talaga. Mayabang naman talaga ang isang ito, pero sa laro lang naman ito mayabang. Hindi naman sa buhay, pero depende pa din sa kaharap niya. Minsan pag alam niyang niyayabangan siya, mas lalong nagiging mayabang din ang isang ito, eh.
"Ikaw? Hindi ka pa ba kakain, Kean?" tanong ko.
"Sunod na lang ako," anito muling ibinalik ang tingin sa phone niya.
Nagkibit balikat ako at tumulak na pa kusina, sa likod ko nakasunod lang si Silver.
Pagpasok namin sa kusina ay agad gumala ang tingin ko.
Nasaan kaya si Alistair? Kanina nang lumabas ako ng banyo wala na siya sa kwarto kaya akala ko nandito na siya sa kusina para mag breakfast pero wala naman. Hindi pa din lumalabas sina Dylan at Marcus. Si coach Ry naman paniguradong may ka virtual meeting na iyon sa mga oras na ito. Maaga magtrabaho si coach Ry, eh. Sobrang busy na tao. Bukod kasi sa pagiging manager niya sa Gladiators ay may iba din siyang negosyong pinagkakaabalahan.
Nakasunod na din naman agad sa amin si Kean. Nakatuon pa din sa screen ng phone niya ang kanyang mga mata. Parang hindi na iyon maalis doon at parang hindi na din naalis ang pagkakasalubong ng kilay niya.
Ano naman kaya ang problema ng isang ito? Ang aga-aga nakabusangot agad ang mukha.
"Nasan si Alistair? Wala na kasi siya sa kwarto. Akala ko nauna na siyang mag-almusal." Hindi ko na napigilan magtanong nang nakaupo na kaming apat sa lamesa.
"Hindi ko napansin, eh. Maybe he got out for a jog." Nagkibit balikat si Bren.
Pinaningkitan ako ng mga mata ng katabi ko. Nagtaas ako ng dalawang kilay sa kanya.
"Ano?" tanong ko sa kanya.
"Kasama mo na nga dito sa bahay, sa kwarto pa, tapos hinahanap mo pa din? Miss mo na agad?" Mahina ngunit may halong panunuyang tanong sa akin ni Silver. Agad ko siyang mahinang sinapak sa braso. Alam ko namang hindi iyon masakit dahil sobrang hina lang naman noon. Ginawa ko lang iyon para patigilin siya sa panunukso niya.
Nakakainis talaga ang lalaking ito! Baka may makarinig pa sa pang-aasar niya sa akin, eh.
"Clingy mo pala," tuya niya pa.
"Tumigil ka nga! Kumain ka na lang d'yan, kung ayaw mong paalisin kita dito."
Nakuha pang ngumisi ng loko.
"Kaya mo?"
"Oo naman." Matapang kong sagot.
"Hindi mo ko miss?"
Agad nag-init ang pisngi ko pero agad ko ding inignora ang kanyang tanong. Sinimulan ko na lang pagtuunan ng pansin ang mga pagkain sa harapan ko.
Ano ba namang klaseng tanong 'yon? S'yempre miss ko siya! Nasanay na ako na araw-araw siya ang kasama ko. Anong dahilan para hindi ko siya ma-miss, di ba? S'yempre talagang miss ko ang best friend ko. Siya lang kaya ang nag-iisa kong best friend. Siya lang din ang nakakaalam sa kalokohan na pinasok kong ito. Wala naman kasi akong ibang mas malapit na kaibigan na pwedeng pagsabihan ng sitwasyon ko ngayon, kundi siya lang talaga.
Sa kung anong dahilan ay humalakhak si Silver sa tabi ko. Ginulo niya ang buhok ko at pinanood lang ako. Ibinalik ko sa kanya ang tingin ko.
"Tumigil ka nga! Kumain ka na lang d'yan." Iritadong bulalas ko.
"Nandoon din pala kagabi si Alas?"
Sabay kaming napabaling ni Silver sa nagsalitang si Kean. Para kay Bren yata ang tanong niyang iyon dahil dito siya nakatingin.
"Oo. Hindi mo ba alam? Nagpunta pa nga sa lamesa natin para mang-asar. Alam mo naman 'yong tarantadong 'yon. Nuknukan ng kayabangan."
Ngumiwi ako.
"Parehas lang naman kayo."
Ngumisi si Bren nang bumaling sa akin.
"S'yempre magyayabang ka kung alam mong malakas ka," katwiran nito.
"Saka bakit pinagtatanggol mo pa 'yon?"
"Hindi sa pinagtatanggol ko. Ano lang ba ang sinabi ko? Sinabi ko lang naman pareho lang kayo."
"Tsk! Ikaw na nga ang pinuntirya kagabi, pinagtatanggol mo pa."
"Hindi ko nga sabi pinagtatanggol!"
"Pinuntirya?" Halos magkasabay na sabi ni Kean at Silver.
Nagkatinginan sila pero saglit lang at parehong ibinalik ang tingin sa amin ni Bren. Pabalik-balik ang tingin nila sa amin naghihintay ng sagot sa kanilang tanong.
"Anong ginawa sa'yo ng kupal na 'yon?" si Silver na nakakunot ang noo sa akin.
"Wala. Ito talagang si Bren! Hindi naman niya ako pinuntirya. Napagkamalan lang niya akong…"
Tumaas ang dalawang kilay ni Silver. Inaabangan ang susunod na sasabihin ko.
"Napagkamalan niya lang akong babae."
"Siraulo 'yon, ah. Sana sinapak mo, Rain," ani Kean.
Tinignan ko siya ng masama. Puro iyon lang talaga alam ng mga ito.
"Ano pang sinabi niya sa'yo?" si Silver naman sa tabi ko.
"Wala nga. Inakala niya lang talaga na babae ako."
Nagtagal ang tingin sa akin ni Silver. Parang madami pa siyang gustong sabihin na hindi niya masabi dahil sa dalawang kasama namin ngayon dito sa lamesa.
"At nabanggit niya din ang tungkol sa kakambal mo, di ba? Magkakilala pa yata sila."
Mas lalong lumalim ang pagkakakunot ng noo ni Silver. Alam kong ganito ang magiging reaksyon niya. Magtataka talaga siya, gaya kung paano ako nagtaka kagabi nang banggitin niya ang tungkol sa akin. Paano niya nga ba nalaman ang pangalan ko? Hindi ko talaga maisip kung paano dahil hindi ko pa naman talaga siya na-meet noon. Kagabi lang talaga.
Alistair entered the dining area with his usual straight face and cold expression. Agad nabaling sa kanya ang atensyon ko. Nakaputing t-shirt na siya ngayon pero pilit pa ding pumapasok sa isipan ko ang nakita ko kanina sa shower. Ugh!
Naiinis ako sa sarili ko dahil hindi ko mapigilang isipin iyon.
"Tara kain, tol," aya ni Bren sa bagong dating na si Alistair.
Lumipad naman ang tingin nito sa akin papunta sa katabi kong si Silver bago ibinalik kay Bren ang atensyon.
"Mamaya na ako." Tanging sabi nito.
Dumiretso siya sa refrigerator para kumuha ng maiinom. Tumutulo ang pawis niya sa kanyang leeg pababa sa kanyang malapad na dibdib. Napalunok ako ng hindi sinasadya. Ngunit agad ding napabaling kay Silver nang bigla ako nitong sikuhin. Nagtaas siya ng kilay sa akin.
"Ano?" halos walang boses kong tanong.
Mariin niya lang akong tinignan bago itinuon ang pansin sa pagkaing nasa harapan. Kumunot ang noo ko at sinimangutan siya.
Ano namang problema ng isang ito? Kahit kailan talaga, eh.
Hindi niya ako sinagot at hindi na din umimik pagkatapos no'n. Pumunta pa siya dito kung hindi naman niya ako iimikin. Kumain na lang ako at hinayaan siya.