KABANATA 36

2773 Words
KABANATA 36 Labis na nagulat ang tatlong dalaga kabilang na rin ang matanda na si Susan sa pagkatok ng Senyorito sa kanilang pintuan. Napakagat sa labi si Chaaya dahil hindi niya man alam kung ano ang itsura niya ngayon na halos kakabangon niya lang sa kanyang higaan. Ni hindi man lang niya inayos ang kanyang buhok kaya pasimple niyang pinasadahan ang buhok niya gamit ang kanyang kamay nang sa gayon ay umayos naman ito kahit papaano. Sandali siyang napapikit dahil sa kahihiyan kung ano man ang itsura niya ngayon at baka magsisi ang Senyorito na hinalikan niya ang ganitong itsura kahapon.  Teka nga lang, bakit naman siya mahihiya e hindi naman siya ang humalik? Dapat ay si Lucius ang mahiya dahil siya ang nagsimula sa halik na iyon pero umayos din naman siya ng tayo nang maalala niyang gumanti rin siya nang halik at para bang uhaw-uhaw siya sa mga labi nito kaya bahagya siyang napaiwas ng tingin nang magtama ang tingin nila ng binata. “Maupo po kayo,” agap ni Susan sa Senyorito kaya napaayos naman ng upo si Suzzie, halata sa postura niya kanina na sinisilip niya ang labas kanina kung tama nga na nasa labas ang Senyorito kanina.  “Magandang umaga po,” bati ni Lucius sa ina ng dalaga habang may ngiti sa labi.  Hindi naman makagalaw ang dalawang magkaibigan dahil sa magkaibang dahilan. Si Chaaya ay dahil naiilang siya sa presensya ng Senyorito. Dahil sa pag-ngiti nito ay nakuha ng mga labi ng Senyorito ang atensyon ng dalaga at muli na namang naglaro sa kanyang isipan ang pinagsaluhan nilang halik ng Senyorito kahapon.  Habang si Angela naman ay kabado dahil baka tumanggi ang kanyang kaibigan nang harapan sa Senyorito at mawalan pa siya ng pagkakakitaan dahil natatandaan niya ang usapan nila kagabi na kailangan ay kasama niya si Chaaya. Hindi niya maintindihan kung bakit gustong kasama ng Senyorito ang kanyang kaibigan sa trabaho. “Magandang umaga rin po,” bati din ni Susan sa Senyorito tiyaka niya binigyan ng mabilis na tingin ang kanyang anak na hindi man lang bumati. “Ah, nasabi po pala ni Angela ang tungkol sa pagpunta niyo ngayon dito.” “Ganon po ba?” tanong ni Lucius na hindi pa rin umuupo dahil kausap niya ang matanda at gusto niyang magbigay ng respeto. “Kung gayon po ay magpapaalam po ako sa inyo na mahihiram ko po saglit ang panganay niyong anak para po maidala sa mansyon at makausap sila ni Manang Amelia.” magalang na pagpapaalam ni Lucius sa matanda.  “Ah, eh,” hindi alam ni Susan kung ano ang sasabihin niya dahil narinig niya kaninang nagtatalo ang dalawang magkaibigan na hindi naman din nag-apply ang kanyang anak sa trabaho na iyon kaya wala siyang magawa kung hindi ang tingnan ang kanyang anak para marinig niya ang kanyang opinyon sa usapin na iyon.  Napatingin ang lahat kay Chaaya dahil sinundan lang nila ng tingin ang matanda. Maging si Angela na kabado dahil alam niyang kayang tanggihan ni Chaaya ang Senyorito nang harap-harapan. Hindi niya alam kung saan kumukuha ng lakas ng loob ang kanyang kaibigan sa ganoon pero bago pa makapagsalita si Chaaya para tanggihan niya ang binibigay na trabaho ng Senyorito ay siya ang nagsalita.  “Eto na nga po, maliligo na po si Chaaya!” wika ni Angela tiyaka niya hinila ang kanyang kaibigan papasok sa kwarto kung saan siya lumabas para kumuha na siya ng damit na susuotin niya at bago niya ito papasukin sa banyo.  Sinubukan na alisin ni Chaaya ang pagkakahawak ni Angela sa kanya para makausap ang Senyorito na hindi siya handa sa trabaho na iyon kaya hindi niya tinanggap ang alok ni Manang Amelia pagkatapos ay susunduin niya siya ngayon para sa trabaho na iyon?  “Angela,” pagtawag ni Chaaya sa kanyang kaibigan nang makapasok sila sa kwarto.  “Saan ang damitan mo sa drawer na ito?” pagtatanong ni Angela dahil nakakasigurado siya na ang isa ay kay Suzzie.  “Angela, hindi ako magtatrabaho.” wika ni Chaaya dahil naiilang pa siya sa halik nila kahapon ng Senyorito. Alam niyang sariwa pa iyon sa kanyang ala-ala kaya hindi niya maiwasan na mailang at baka hindi lang siya makapagtrabaho.  Hinarap siya ni Angela tiyaka niya pinagdikit ang dalawang palad niya na para bang isang tuta na nagmamakaawa sa kanyang amo, mapupungay pa ang kanyang mga mata habang nakatingin kay Chaaya kaya bahagyang nawerduhan si Chaaya sa kanyang kaibigan.  “Please, Chaaaya.” pakiusap ni Angela sa kanyang kaibigan. “Hindi ko alam kung ano ang gusto sa iyo ng Senyorito pero mukhang tinamaan siya sa halik niyo kahapon kaya gusto ka niyang makasama.” mabilis na paliwanag ni Angela.  Naramdaman ni Chaaya na nag-init ang kanyang pisngi at mabilis na pinagsisihan ang kanyang desisyon na sabihin ang halik sa kanyang kaibigan dahil walang preno ang dila nito kagaya na lamang ngayon na masyado niyang binigla ang mga salita na lumabas sa bibig nito.  “Angela, ang bibig mo!” pagbabawal ni Chaaya sa kanyang kaibigan at bahagya pa siyang nakatingin sa nakasarang pinto dahil kinakabahan siya na baka marinig ng mga tao sa labas ang sinabi ni Angela.  Hindi pa naman alam ng kanyang kapatid at ang kanyang ina ang nangyari kahapon sa sementeryo at wala siyang balak na sabihin iyon dahil masyadong nakakahiya kung iku-kwento niya iyon sa kanyang magulang. “Sorry,” bumungisngis si Angela tiyaka pa siya nag-peace sign kay Chaaya at bahagya niyang tinampal ang kanyang bibig nang maintindihan niya na baka marinig siya sa labas.  “At dahil sinabi mo na iyan, alam mo na kung bakit ayaw ko munang makita ngayon si Lucius. Dahil nahihiya ako sa nangyari sa amin. Baka masyado lang kaming nabigla o baka nagulat lang din siya.” paliwanag niya. Pinipigilan ni Angela ang kanyang tawa dahil kitang-kita niya ang pagpula ng pisngi ng kanyang kaibigan pero tumikhim siya dahil mukhang desidido ang kanyang kaibigan na huwag harapin ang Senyorito.  “Pero Chaaya, sige na. Nakikiusap ako sa iyo. Hmm?” Nilapitan ni Angela ang kanyang kaibigan tiyaka niya hinawakan ang mga kamay nito para kumbinsihin ang kanyang kaibigan na pumayag.  “Ayoko, Angela.” buo na desisyon na sagot ni Chaaya sa kanya. “Hindi ko nga alam kung paano ko siya iiwasan sa paglilinis ko sa kanilang dalampasigan pagkatapos tatanggapin ko pa ang inaalok na trabaho? Tiyaka, hindi ko man nga alam kung ano ang trabaho na papasukin ko.” Stress na paliwanag ni Chaaya sa kanyang kaibigan dahil mukhang desidido rin ang kanyang kaibigan na mapilit siya nito.  Napanguso si Angela dahil kita niyang desidido ang kanyang kaibigan na iwasan muna pansamantala ang Senyorito dahil sa nangyaring halik sa pagitan nila. Pero hindi niya kayang pakawalan ang trabahong ito dahil sayang ang kikitain niyang pera, panggastos na rin nila iyon sa araw-araw at pandagdag na rin sa gamot ng kanyang ina na kamahal sa botika.  “Sige na Chaaya, bigay mo na sa akin ito.” Pagmamakaawa pa ni Angela. Kumunot ang noo ni Chaaya dahil bahagya siyang nalito sa sinabi ng kanyang kaibigan.  “Anong ibig mong sabihin?” pagtatanong niya nang nagtataka. Ngumuso naman si Angela bago siya sumagot.  “Sinabi kasi ng Senyorito na kailangan kasama kita para makuha ko ang trabaho na ito.” Umawang ang bibig ni Chaaya sa sinabi ng kanyang kaibigan dahil hindi siya makapaniwala na kayang gawin ni Lucius iyon.  Bakas ang gulat sa mukha ni Chaaya dahil hindi niya kayang paniwalaan na ganoon ang Senyorito. Ang buong akala niya ay hindi niya ginagamit ang kanyang kapangyarihan para makuha kung ano man ang kanyang gusto pero mukhang nagkamali siya. Tinikom niya ang kanyang bibig at bahagyang nagtiim ang kanyang bagang dahil sa inis. Naawa siya sa kanyang kaibigan na kailangan pa nitong magmakaawa sa harapan niya para makuha niya ang trabaho na makakatulong sa kanila sa pinansiyal dahil sa kundisyon na binigay ng Senyorito.  Hindi niya maiwasan na madismaya sa ugali ng binata. Ang akala niya ay iba siya sa mga mayayaman at makapangyarihan na tao sa kanilang lugar na ginagamit iyon para sa pansariling kagustuhan. Pero mukhang nagkamali siya. Tama nga na hindi mo makikilala ang tao dahil lang sa ilang linggo mong nakasama o kahit isang buwan mo pang nakasama. May ugali pa rin talaga na siyang magpapagulat sa’yo at magiging dahilan sa pagiging dismayado mo.  Wala sa itsura ng Senyorito na gagamitin niya ang kapangyarihan niya sa mga mababang uri na katulad nila para lang makuha niya ang kanyang gusto. At naiinis siya na ginamit niya pa talaga ito sa kanyang kaibigan. Kinuyom ni Chaaya ang kanyang kamao at handa na sana siyang lumabas para kausapin ang Senyorito pero agad siyang hinawakan muli ng kanyang kaibigan na si Angela tiyaka siya bahagyang umiling.  “Huwag, Chaaya. Please,” pakiusap ni Angela dahil baka hindi ibigay ng Senyorito ang trabaho sa kanya ngayon.  Napabuntong hininga si Chaaya at mukhang wala ng magawa kung hindi ang sundin na lang kung ano ang gusto ng kanyang kaibigan lalo na at naririnig niya kung paano nag-aaway si Angela at ang kanyang kapatid sa pera, nagsisigawan kasi sila kaya aksidente nilang naririnig ng kanyang ina. Hindi nalang nila iyon pinapansin kapag naririnig nila dahil ayaw nilang makialam sa buhay ng iba lalo na at hindi naman hinihingi ng mga taong apektado ang kanilang pakialam. Tamad na lumapit si Chaaya sa kanyang drawer tiyaka siya kumuha ng isang maong na kupas at isang kulay white na blouse. Hindi naman siya pwedeng mag duster lang dahil baka may gagawin sila at baka maulit ang nangyari noong nagbubuhat siya ng isda. Kahit pa na kumportable siya sa duster dahil presko iyon sa kanyang pakiramdam ay ayaw niyang maulit na nabastos siya ng mga lalaki na hindi niya nalalaman.  Kahit na hindi naman niya kasalanan iyon ay para bang dapat ay ang mga babae ang mag-adjust sa mundo at hindi ang mga bastos na babae. Ganito siguro talaga kapag nakatira sa isang bansa kung saan masyadong mababa ang tingin sa kababaihan. “Salamat, Chaaya.” ngiti ni Angela at tinanguhan lang siya ni Chaaya.  Sabay silang lumabas sa kwarto pero hindi tiningnan ni Chaaya ang Senyorito at dumeretso lang siya sa likod ng kanilang bahay kung nasaan ang kanilang banyo. Hindi niya kayang tingnan ang binata hindi dahil sa halik na pinagsaluhan nila kung hindi dahil dismayado siya sa ugali na nalaman niya. Hindi niya matanggap na mali ang ideya niya sa Senyorito, mukhang masyado niyang tinaasan ang mga bagay na inaasahan niya sa binata kaya naman ganto lang siya ka-dismayado.  Pagkatapos niyang maligo ay nagbibihis na rin siya sa loob ng banyo at pinalupot na niya ang kanyang tuwalya sa kanyang buhok. Tahimik siyang lumabas ng banyo at pumasok sa kanilang bahay, nakita niya na nagkwe-kwentuhan ang kanyang ina, kaibigan, kapatid kasama ang Senyorito habang hinihintay siya. May nilagay pang suman at juice ang kanyang ina dahil nakita niyang may hawak na isang suman si Lucius pero agad niya rin inalis ang kanyang tingin sa binata tiyaka siya dumeretso sa kanilang kwarto nang sa gayon ay makapagsuklay na siya. Mabuti na lang at nakalagay lang sa study desk ni Suzzie ang kanilang suklay kaya inayos na niya ang kanyang buhok.  Lalo niyang hindi alam kung paano patutunguhan ang Senyorito dahil sa ugali niya na naalam niya lang ngayon sa kanyang kaibigan. Pinilig niya ang kanyang ulo dahil baka masyado na siyang matagal at nakakahiya kay Manang Amelia kung sila na lang ang hinihintay. Lumabas na siya ng kanilang kwarto tiyaka niya tiningnan ang kanyang kaibigan.  “Tara na?” pagtatanong nito sa kaibigan niya kaya tumayo na si Angela tiyaka niya nilapitan si Chaaya at kinalingkis niya ang kanyang braso dito. Tumayo na rin si Lucius, mabuti na lang din at natapos na niya ang pagkain niya ng suman kaya nilagay na niya sa isang plato ang kanyang pinagbalatan.  Nagpaalam na sila sa kanilang ina at sa kanyang kapatid na si Suzzie. Ganon din si Lucius. Napansin ni Lucius na ilag ang dalaga sa kanya at hindi man lang dumapo ang tingin nito sa kanya pero hindi niya masyadong pinansin dahil mukhang malalim ang iniisip ng dalaga.  “Dito ka na sa harap,” wika ni Lucius tiyaka niya binuksan ang likuran para kay Angela at binuksan niya rin ang sa harapan habang hinihintay niyang pumasok ang dalaga.  Natigilan si Angela sa pagpasok sa likod dahil hindi gumalaw ang kanyang kaibigan. Tatawagin niya sana si Chaaya pero nagsalita ang kanyang kaibigan.  “Sa likod na lang po, Senyorito.” magalang na wika niya tiyaka niya bahagyang tinulak anng kanyang kaibigan para makapasok na siya sa likuran at agad na rin siyang pumasok at sinara na niya ang pintuan.  Naiwan na tulala si Lucius sa ilang segundo habang hawak-hawak pa rin ang pinto ng kotse sa harapan. Hindi siya makapaniwala sa nangyari, nararamdaman niya na problema sa dalaga at hindi lang dahil sa halik na nangyari kahapon. Nakita niya naman nag reaksyon ni Chaaya kahapon pagkatapos ng kanilang halik at hindi naman ganito ang reaksyon na pinakita niya kaya hindi niya maiwasan na magtaka sa kinikilos ngayon ng dalaga.  Nang makabawi na siya ay tinikom na lang niya ang kanyang bibig tiyaka niya sinara ang pintuan. Umikot na rin siya para makapasok na siya sa driver seat. Tiningnan niya mula sa rear mirror ang dalaga habang pinapaandar niya ang sasakyan pero nakatingin lang si Chaaya sa labas at wala man lang balak na tumingin sa kanya. Naiilang naman si Angela sa hangin na bumabalot sa kanila sa loob ng kotse.  Ramdam ni Chaaya ang tingin ng Senyorito sa kanya habang nagbabiyahe sila papunta sa manyon pero hindi na lang niya ito pinapansin. Tahimik lang siyang pinagmamasdan ang nasa labas ng bintana kahit na araw-araw naman niya iyong nakikita dahil iyon ang dinadaanan nila ng kanyang ina sa araw-araw na pagtatrabaho nila sa manyon ng Agravante. Pinapanalangin na lang ni Angela na sana ay makarating na agad sila sa mansyon dahil para bang naiwan siya sa dalawang magkasintahan na nag-away at hindi niya alam kung ano ang gagawin niya dahil tahimik lang ang kanyang kaibigan.  Nakahinga ng maluwag si Angela dahil nakarating na rin sila sa mansyon. Mukhang binilisan ng Senyorito ang kanyang pagmamaneho kaya agad silang nakarating at hindi rin naman iyon ganon kalayo sa bahay nila nina Chaaya. Mabilis na inalis ni Lucius ang kanyang seatbelt nang sa gayon ay mapagbuksan niya ang dalawang dalaga pero mabilis din naman na binuksan ni Chaaya ang pintuan kaya halos sabay lang nilang binuksan at pintuan at bumaba.  Bumaba na lang din si Angela kahit na ilang na ilang na siya sa dalawa. Sana ay maramdaman ng kanyang kaibigan para hindi sila umaktong ganito ng Senyorito. Mukhang wala sa mood ang kaibigan niya kaya ganto na lang siya umakto. “Chaaya,” bulong ni Angela sa kanyang kaibigan habang nakakalingkis ang kanyang braso sa dalaga at papasok sila sa mansyon, may nakita rin sila na nakaputing blouse na papasok sa mansyon na mukhang mga kasamahan nila sa sideline job na sinasabi ng kanyang kaibigan. “Wala ka ba sa mood?” bulong na tanong ni Angela sa kanyang kaibigan. Hindi kasi siya sanay na ganito ang kaibigan niya.  “Magtrabaho muna tayo,” sagot ni Chaaya kay Angela dahilan ng pag-nguso ni Angela dahil nakumpirma na niya na wala nga sa mood ang kanyang kaibigan kaya nanahimik na lang siya para bigyan ng katahimikan si Chaaya. Kahit na maingay siya ay alam naman niyang ilugar kahit papaano, marunong din naman siyang makiramdam. Hindi maintindihan ni Lucius kung bakit ganito na lang ang trato sa kanya ng dalaga. Nakasunod lang siya sa dalawa pero hindi na niya kayang maghintay ng ilang oras para makapasok niya ang dalaga kaya naman humakbang siya ng mabilis papalapit sa dalawang nakatalikod na magkaibigan tiyaka niya hinawakan ang isang braso ni Chaaya kung saan hindi nakahawak si Angela.  Napahinto silang dalawa dahil sa paghawak ng Senyorito sa braso ng dalaga. Inalis ni Angela ang pagkakahawak niya sa kanyang kaibigan kaya muling hinabol ni Chaaya ang kamay ng kanyang kaibigan pero mabuti na lang at nakita ni Angela ang kanyang pinsan na si Eka na kasambahay ng mga Agravante.  “Eka!” pagtawag niya sa pinsan tiyaka niya ito kinawayan, marahan niyang inalis ang pagka-kahawak ng kanyang kaibigan. “Puntahan ko muna ang pinsan ko, teka lang.” pagpa-palusot na paalam niya tiyaka na siya tumakbo sa kanyang pinsan.  “Chaaya, may problema ba?” pagtatanong ni Lucius dahil baka mawala siya sa kanyang sarili sa kakaisip kung bakit sobrang lamig naman ng pagtrato sa kanya ng dalaga ngayon.  “Bitaw,” sambit ni Chaaya. 
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD