Kinabukasan ay nakita ni Robert si Azora na bihis na bihis. Nakaupo ito sa sofa at nakatingin sa bukas na telebisyon. Walang emosyon sa mukha nito kaya napahinto siya saglit sa paghakbang at pinag-aralan ito sa ilalim ng mata. Naligo ito. Nagsuklay. Nakasuot ng isang puting bestida na pansin niya ay paborito nito. Walang bag sa gilid, pero bihis na bihis. Hindi niya maiwasang isiping may plano ito sa araw na 'yon. Tumingin siya sa orasan na nakasabit sa dingding. Alas-sais pa ng umaga. Sobrang aga pa para umalis. Humakbang siya palapit sa babae at tumayo sa gilid ng sofa na inuupuan nito. Umikhim siya. Pero walang kibo mula kay Azora. Nanatili ang titig nito sa telebisyon na isang pambatang serye ang pinalabas. Umikhim pa siya nang makailang beses, pero wala pa rin itong kibo ni imik.

