CHAPTER ONE
“Basta kapag nagutom ka, umuwi ka rito at may iniwan akong pagkain do’n sa lamesa,” mahinahong usal ko habang iniaayos ang kasuotan ng kapatid ko.
Tumango naman siya bilang tugon.
“Mag-iiwan din ako ng singkwenta pesos kay ate Ester para kung may gusto ka ipabili. Pero ano ang bilin ni ate?”
“Bumili lang kapag kailangan,” sagot niya.
“Iyan ang Dalton ko,” sambit ko at mahinang pinisil ang ilong niya.
“Ate, matagal ka ba sa pupuntahan mo?”
“Hindi kita masagot, Dalton eh. Dadaan pa ako sa flower shop mamaya.”
Tumayo ako at humarap sa salamin. Marahang sinuklay ko ang mahaba kong buhok.
“Pero kasama mo naman si kuya Martyn kapag umuwi ka ‘di ba?” masiglang tanong niya.
“Hindi ko rin sigurado eh.”
“Ayos lang ate. Pwede naman na tayong dalawa na lang ang manood ng bala mamaya.”
“Hayaan mo, bibili ako ng bagong CD mamaya para hindi paulit-ulit ang pelikula na pinapanood natin.”
“Yehey!!!” masiglang sigaw ni Dalton at pumapalakpak pa.
“Oh, paano? Iiwan na kita kay ate Ester. Kailangan na umalis ni ate.”
“Opo, ate. Basta mag-iingat ka ha. I love you po.” Sa mga salitang binitawan niya ay gumuhit ang isang sinserong ngiti.
Sinuklian ko siya ng ngiti at niyakap siyang mahigpit.
“Sige na. Baka mahuli ka na sa langit lupa ng mga kalaro mo.”
Hinalikan ako ni Dalton sa pisngi at saka dali-daling tumakbo papalabas. Binitbit ko naman ang dalawang malaking pulang plastic bag at lumabas. Ikinandado ko na ang pinto saka isinuot ang tsinelas kong napaglipasan na ng panahon. Iniwan ko ang susi kay ate Ester at tinanaw si Dalton sa huling pagkakataon.
Ang matatamis na tawa niya ang tanging nagpapalakas sa akin. Hindi ko na alam kung paano pa ako makakatagal sa araw-araw ngunit siya na lamang ang tinitingnan ko. Hindi ko kakayaning maiwan ang kapatid ko. Bata pa siya. Wala pang alam sa nangyayari. Nahihirapan na rin akong magsinungaling sa kaniya. Nakokonsensiya ako sa tuwing iisipin na pinaniniwala ko siyang nagbabakasyon lamang si mama sa probinsya kahit ang totoo ay hindi na siya babalik. Paanong babalik siya e nasa ilalim na siya ng hukay? At hindi iyon alam ni Dalton. Nauupos ako. Naaawa ako sa kaniya ngunit alam kong hindi pa siya handang malaman iyon.
Kung ako lamang sa sarili ko ay baka matagal ko nang isinuko ang buhay ko sa itaas. Hindi ko na kaya. Mabuti na lamang at nandiyan si ate Ester na laging sumasalo sa responsibilidad ko kay Dalton sa tuwing may raket ako. At si Martyn. Bago mamatay si mama ay sinabi niyang masuwerte ako kay Martyn, at hindi naman siya nagkamali, dahil si Martyn ang nagiging ama ni Dalton. Sa malalamig na gabi, sa bisig niya siya nakahahanap ng init.
Ilang minuto ang nakalipas ay natagpuan ko ang sarili kong nanginginig habang pinagmamasdan ang mga taong nakapako sa akin ang paningin. Sa hudyat ng hukom upang muling ipagpatuloy ang pagdinig sa kaso ay tumindig ang isang lalaki sa aking harapan.
“Banggitin ang iyong pangalan,” walang emosyong wika ng isang lalaki sa harapan ko.
Nakasuot ito ng salamin sa mata ngunit ang bawat talim ng tingin niya ay direktang sinaksaksak ako.
“A-Aeshia Faye Alonzo.”
“Take the oath of affirmation,” utos nito hindi pa man ako nakakahinga mula sa mga salitang sinabi ko.
Nang matapos bigkasin ang oath of affirmation ay mas umigting ang panginginig ko. Kung dahil ba sa kaba, galit o kasabikang isiwalat ang nalalaman ko ay hindi ko na rin alam.
“Aeshia Faye Alonzo, ano ang koneksyon mo sa biktima?”
Hindi ko na namalayan ang mga nangyari at nagsimula na ang cross interrogation sa akin. Mahabang panahon din lumutang ang isip ko dahil sa pagkabalisa.
Tumikhim ako saka nag-ipon ng lakas ng loob.
“Anak po,” diretsong sagot ko. “Anak po ako ng biktima. Tatay ko po ang pinatay n—”
“Enough. I heard what I want to,” putol nito sa akin.
Nagsimulang mas tumalim ang tingin ng mga tao sa akin.
“Kung ikaw ay anak ng nasabing biktima, I’m pretty sure the informations you’ll be telling us this morning will be filtered am I right?”
Sa isang iglap ay binalot ng katahimikan ang bulwagan. Ang lahat ay natigilan maging ang hukom na nakatayo sa gitna ng lahat. Nanuyo ang lalamunan ko at hindi ko mahanap ang salitang bibigkasin ko.
“Uh, pardon?” pagkukunwari ko.
“Objection! The opposition’s intimidating the witness.” Tumayo ang abogado namin nang mapansing nawala ako sa sistema.
“Objection sustained. Stop intimidating the witness. Proceed,” saad ng hukom.
Mahinang tumawa ang lalaki sa harapan ko.
“Object agad? Nagbibiro lang naman ako,” tawa pa nito.
Mariing ipinikit ko ang mata ko saka suminghap ng hangin.
“Okay,” sambit nito at nagbuntong hininga. “Ang sabi sa reports ay isa kang witness sa naganap na pagpatay sa iyong sariling ama.”
“Opo.”
“Maaari mo bang isaad sa hukumang ito, nang may buong katotohanan kung ano ang nangyari nang gabing iyon?”
Muling nanahimik ang paligid. Pakiramdam ko’y nawala kahit ang pinakamaliit na ingay at tanging malalakas na t***k ng puso ko ang naririnig.
“Isang araw po bago ang krimen, alas sais po iyon ng gabi, katatapos ko lamang magsara ng flower shop. Ikinandado ko na po ang pinto nang dumating si ma’am Jessy, yung amo ko. Nakasuot siya noon ng kulay dilaw na damit at may polka dots ito na black. Magulo rin ang buhok niya at pinagpapawisan. Sinabi niya sa akin na buksan ko raw muli ang flower shop dahil may paparating na delivery. Mahigit isang oras po ang lumipas at dumating na ang sinasabi niyang delivery. 7:04 po eksakto nang nagawi ang mata ko sa wall clock. Ipinasok namin ang mga order at nang papirmahan ko sa kanila ang resibo, isinulat niya ang pangalan niya, Rolando Perez. Malalaking letters pa po iyon,”
“Sandali. Ano an—”
“Kaya ko pong ilahad ang lahat. Lahat,” putol ko sa kaniya at idiniin ang salitang lahat.
Natigilan naman siya at pinilit kong umaktong normal. Nilakasan ko ang loob ko kahit nanginginig na ang mga tuhod ko.
“Kinabukasan nang araw na iyon, wala po akong duty dahil alternate ang pasok ko. May raket po ako at nagpintura po ako sa isang paaralan kapalit ng bayad. Maaga akong nakatapos magpintura kaya nakadaan pa ako sa karinderya ni aling Milagros at nag-sideline na tagaligpit kahit half day. Bandang alas siyete po ay nagsara na ang karinderya, si aling Milagros ang nagsara at may dala-dala siyang sabaw ng bopis. Hinawi niya pa ang buhok niya sa tainga kasi nasasanggahan daw ang liwanag,”
“Why being so detailed? Ganiyan ba ang paraan para MAGMUKHANG MAKATOTOHANAN?” Umalingawngaw ang mga salita niya sa paligid at sa tainga ko.
Wala akong nagawa at napalunok lamang ako. Tumingin ako sa abogado namin at bakas ang pag-aalala sa mukha niya.
“The witness stated she can tell what happened. Stop intimidating her.” Tumayo ito at boses niya ang narinig.
Tumahimik ang lahat. Maging ang paghinga ay nauulinigan sa katahimikan. Tumango ang aming abogado bilang hudyat sa akin kaya tumikhim ako.
“Naglalakad na ako pauwi, nang tingnan ko ang oras sa cellphone ko, 8:17 na no’n. Naglalakad ako sa kalye ng C. Aquino, tatlong lamppost bago ang kanto ng A. Bonifacio, may dumaan na motor. Kulay itim ang motor at may sticker sa malapit sa ilaw nito sa likod. Kulay gray at black gradient. Nang marating ko ang kanto ng A. Bonifacio ay napalingon ako nang marinig ang pagsigaw ng isang lalaki.” Huminga ako nang malalim. “Bilang indibidwal s’yempre nakakatakot po na makarinig ng kakaibang sigaw, sa gitna ng dilim at gabi pa. Pero nadoble po ang takot ko nang makita na ang tatay ko ang nasa sahig. Nakahandusay at pinagsisipa ng dalawang lalaki. Tumakbo po ako papalapit at dali-daling umalis ang dalawang lalaki.”
Bumigat ang paghinga ko ngunit pinipigil ko ang pagtulo ng aking luha.
“Sinasabi mong nagkaroon ka ng pagkakataon lumapit sa lalaki, pero wala kang natatandaan kun’di ang kanilang motor tama ba?” tanong ng lalaki habang lumalakad sa harapan ko.
“Opo, natatandaan ko po ang motor nilang may sticker.”
“Ngunit alam naman nating lahat na karaniwan lamang sa mga motorsiklo ang may sticker, paanong maituturo mo ang salarin kung iyon lamang ang natatandaan mo?” malakas na tanong nito.
“Alam ko po ang plate number ng motor nila. DZ56K2 kulay dilaw na may itim.”
“Ngunit ang nasasakdal ay nahulihan ng motor na walang plate number. Hindi kaya bugso lamang iyan ng galit sa pagkakapatay sa iyong ama kaya lumilikha ka ng mga kwentong wala namang katotohanan?”
“Hindi p—”
“Hindi kaya idinidiin mo lamang ang nasasakdal dahil gusto mo ng hustisya sa kamatayan ng iyong ama ngunit hindi ka tiyak sa mga bagay-bagay?” putol niya sa akin.
“Hin—”
“Paanong maituturo mo ang salarin kung wala kang sapat na nalalaman? Hind—”
“Ang lalaki pong pumatay sa tatay ko ay nakasuot ng itim na jacket, puting t-shirt sa loob at may logo sa bandang kaliwa. Ang pambaba niya ay isang maong na pantalon at butas sa kanang tuhod. Puma ang tatak ng medyas niya at ang sapatos ay kulay asul,” dire-diretsong sambit ko.
Pakiramdam ko’y namumula na ako sa inis at galit. Hindi siya nakapagsalita.
“At ang kasama naman niya ay nakasuot ng itim na t-shirt, camouflage na pantalon at sapatos na puti. Paanong hindi ko mapapatunayan? Ang lalaking iyon ay may tatlong piercing sa tainga at may hikaw sa ilong,” matapang na usal ko ngunit nanghihina na ang tuhod ko.
Nagsimula ang bulungan. Nagpabalik-balik ang tingin ng mga tao sa akin, sa abogado sa harap ko at sa dalawang lalaking nasasakdal. Mahabang sandali ng katahimikan. Pilit ko namang inilalagay ang sarili ko sa kondisyon dahil pakiramdam ko’y anumang oras ay babagsak ako sa kinatatayuan ko.
“Magaling,” sambit ng lalaki sa harapan ko habang umiiling at may mapanuyang ngiti. “Mukhang kapani-paniwala hindi ba?”
Lumakas ang bulungan. Nagsimula akong mailang.
“Maayos na sana ang iyong pahayag ngunit hindi ba masyadong detalyado ang lahat? Mukhang… pinagplanuhan,” sambit nito habang direktang nakatingin sa mata ko.
“Objection!”
“Objection sustained. Stick to the narration. Proceed,”
“Sa bilis ng mga pangyayaring iyon, marahil ay nanigas ka na lamang sa isang tabi. Babae ka, mahina ka. Paanong lahat ng iyon ay natatandaan mo?”
“Objection! The opposition is making assumptions and intimidating the witness,”
“Objection sustained. Change the question,”
“If you are in that extremely intense crime scene, paanong natatandaan mo ang lahat ng detalye? Kuro-kuro? Pala-palagay? O imbento?”
“Ang lahat ng iyon ay may kasiguraduhan,” sagot ko.
“Then prove it.”
“That’s when I introduce myself,” sambit ko at gumuhit ang ngiti sa dulo ng labi ko. “I am Aeshia Faye Alonzo—”
“And she has HYPERTHYMESIA,” dugtong ng abogado ko sabay tayo.
Nagsimulang magkagulo ang mga tao. Malakas ang bulungan at bakas ang pagtataka sa mga mukha nila.
“Hyperthymesia?” tanong ng lalaki sa harap ko.
Ngumiti ako. Bull’s Eye.
“And how can you prove it?”
“She has hyperthymesia and to prove it here’s Mrs. Hermes, doctor and psychologist at Philippine General Hospital.”
Isang minuto ang lumipas at lahat ng atensyon ng tao ay nasa isang babaeng nakasuot ng dilaw na polo shirt at puting mahabang coat. Ang lahat ay nakaabang sa sabihin niya.
“Base sa tests na ginawa at sessions of evaluation, Ms. Aeshia Faye Alonzo is diagnosed with hyperthymesia. This rare disease allows people with such remember EVERY detail, from the biggest up to the smallest one. A whole book, a long movie or even the whole bible, a person with hyperthymesia can remember everything from it. And he/she will not forget even a bit or a word. That is why I guarantee that whatever Ms. Aeshia said about the details, those were all real if and only if she was telling the truth.”
Namalayan ko na lamang ang sarili ko na nakikipagkamay sa abogado namin. Nakangiti kaming dalawa at bakas ang tuwa. Hindi pa man idineklarang guilty ang akusado dahil kailangan pa ng mga pagdinig, confident kami sa resulta.
Naglalakad na ako palabas nang makaramdam ako ng simoy ng kapaskuhan. Pebrero pa lang ngunit bakit pasko na? Gusto kong magjingle bell. Tumakbo ako sa malapit na fastfood chain na hindi ko na sasabihing bubuyog ang mascot at nag-CR.
Nang matapos ay humarap ako sa salamin. Huminga ako ng malalim at natutuwa ako sa katotohanang malapit ko nang makuha ang hustisya sa pagkamatay ni tatay. Ngunit biglang sumagi sa isip ko si Dalton. Paano ko sasabihin na wala na ang mga magulang namin? Na wala si mama sa probinsya, dahil wala na siya. Na si papa ay hindi nag-stay in sa trabaho para mag-ipon dahil pinatay siya ng dalawang lalaki. Wala siyang alam sa lahat at hindi ko alam kung kailan ko dapat sabihin sa kaniya.
Matapos ang mahabang buntong hininga ay lumabas ako ng CR. Hindi ako maaaring malugmok, kailangan kong ma-overcome ang bugso ng emosyon ko. Para sa akin at para kay Dalton.
“Gano’n talaga ang nangyari? Ang galing, mamsh,” sambit ni Almyra nang ikwento ko ang mga naganap kanina.
Ngayon ay nandito na kami sa loob ng isang kwarto. Si Almyra ang kasama ko lagi sa lahat ng raket. Pamangkin siya ni ate Ester kaya noon pa man ay sanggang dikit na kami, parang kambal na pandesal.
“Oo nga, kung nakita mo lang ‘yong gulat sa mukha nung abogado nila.”
“Bangis mo talaga. E’di parang bida ka kanina?”
“Bida? Gisang-gisa nga ako sa kahihiyan.”
Tumawa si Almyra.
“Teka, nasa’n na yung bangkay na me-makeup-an natin? Akala ko ba alas dose darating?”tanong ko.
Dahil parehas kami walang trabaho, ni-grab na namin ang pati ang pagme-makeup ng patay. Kahit nakakatakot, dedma na, ang mahalaga kumita kami parehas.
“Ewan, baka na-delay ang pagkamatay. Ayaw pa sumama kay san pedro,” biro ni Almyra na sinundan ng tawa namin.
“Sira, baka nag-request na mag-extend ng life. ‘isang IG story na lang, lord’,” sagot ko pa.
“Hangal, ‘wag mo gawing katatawanan iyon. Minus ten ka sa langit.”
“Marami akong ligtas points na naipon. Ilang beses na kaya ako nagbigay ng pagkain sa iyo. ‘yong nahulog nga lang,”
“Bawas points rin ba kapag pinindot yung doorbell tapos tatakbo? O ‘di kaya ay yung papatayin ko ang kontador ng kung sino sa barangay?”
Tumango ako.
“Shuta ubos na points ko. Baka magTwinner party na ako with Lucifer,”
Tawanan namin ang bumasag sa kathimikan ng paligid. Kaming dalawa lamang sa loob kaya nag-e-echo ang ingay namin. Maya-maya pa ay dumating na ang bangkay na me-makeup-an namin.
Nang una ay akala ko madali ngunit akala lang pala. Hikhok marami nang namatay sa maling akala. Hindi ko mapigilan ang panginginig ng mga kamay ko sa tuwing ilalapat ko sa mukha nito.
“Mamsh, sino bang celebrity ang gagayahin natin? Iyong star sa morning show? Indie actress?” tanong ni Almyra habang nagsusuot ng apron.
“Si Diana Magdalena sa pelikulang ‘Dalaga na si Neneng’. Sira lalaki iyan oh. Syempre si Gwapings Batumbakal o kaya si Lucky Manigas.”
Sa halip na sumagot ay sumabog ang tawa ni Almyra. Ang tawa niyang parang kakarag-karag na truck ay umalingawngaw sa paligid.
“Lucky Manigas ampotek. Gaga ka tawang-tawa ako,” sambit ni Almyra at hinampas ako sa balikat.
“Sabi ko sa’yo ‘wag mo ako papaandaran ng ganiyan eh,” sagot ko sa pagitan ng tawa.
Matapos ang ilang oras na makapigil hiningang pagme-makeup sa patay ay natapos na namin. On fleek ang kilay ni kuyang bangkay at kissable ang glossy lips niya. Putok na putok din ang cheekbones niya at kagagawan iyon ni Almyra.
“Oh taray! Bongga ka na, kuya Dominador,” sambit ni Almyra at pinisil ang pisngi ni kuyang bangkay.
Nagsimula na kaming mag-ayos ng mga gamit at dumating na rin ang kukuha ng katawan ng patay. Umalis na kami ni Almyra matapos matanggap ang bayad at saka dumiretso sa susunod na destinasyon.
Natagpuan ko na lamang ang sarili ko na naghuhugas ng literal na ga-bundok na hugasin. May plato, baso at ‘sang tambak na sebulok. Pikit mata kong kinukuskos ang mga plato nang matanaw na ilang minuto na lamang ay alas siyete na ng gabi.
Halos paliparin ko na ang lahat ng hugasin para lamang matapos. Dampot dito, hagis doon. Nang mapagtagumpayan ko ang hamon ni Pinoy Big Milagros ay nagpaalam na ako at kinuha ang bayad para sa apat na oras kong paghuhugas ng pinggan sa karinderya.
Nagpaalam na rin ako kay Almyra at pinauna ko na siya umuwi. Dumaan naman ako sa tindahan ng pirated CD at bumili ng bala ng pelikula ni Gwapings Batumbakal. Nang makauwi ako ay ipinagluto ko muna si Dalton ng makakain at saka naglinis ng katawan. Naghain ako ng pagkain at sinimulang pakainin si Dalton.
“Ate, ayusin mo na ang pelikula, kaya ko na po kumain.”
“Sigurado ka ba? Sige sandali ha.”
Dahil ilang hakbang lamang naman ang bahay namin ay natatanaw ko pa rin si Dalton habang inaayos ko ang jack ng DVD player.
“The best talaga ‘tong luto mo, ate.”
Napangiti ako.
“Sus! Noodles lang naman iyan na may itlog.”
“’Di ba ganito lagi niluluto ni mama dati,” nakangiting sabi niya.
Kusang naglaho ang ngiti sa labi ko.
“Hayaan mo.” Pinilit ko ngumiti. “Kapag umuwi si mama, sasabihin ko ipagluto ka ng ganiyan.”
Sumikip ang dibdib ko.
“Yehey!!! Kailan kaya iyon? Pero teka, ate, si kuya Martyn ba papunta na?”
Nilingon ko siya at ngumiti ako.
“Ayan oh. Tapos na. Manood ka na ng pelikula,”
“Siguro hihintayin ko na lang si kuya Martyn habang nanonood ako,” sambit niya at binitbit ang plato niya. Umupo sa harap ng TV at nag-umpisang manood.
Hindi ko nga pala nasabihan si Martyn. Huling kinausap ko siya ay kanina pang alas sais ng umaga. Sobrang dami ko rin kasing ginawa. Dinampot ko ang cellphone ko at akmang ida-dial ko na ang number ni Martyn nang makita ang isang message mula sa kaniya.
~Aeshia, nagsasawa na ako. Our relationship, it’s so suffocating. Ayoko na. Thanks sa lahat.
Martyn.