CHAPTER FIVE
“Seryoso ka ba?” Kung makailang ulit nang itinanong iyon ni Almyra ay walang makakabilang. “Baka naman imagination mo lang iyan? O nagh-hallucinate ka?”
Ngayon ay naglalakad na kaming dalawa pauwi at bitbit namin ang dalawang malaking plastic bag na may lamang ingredients ng ice candy. Itong si Almyra nakaisip na naman ng raket.
“At ano namang makukuha ko kung sasabihin ko iyon kahit walang katotohanan? Oo nga,” giit ko.
“Pero—bakit kasi ang bilis?”
“Iyan nga rin ang tanong ko. Third time pa lang kanina taposh gushto nye ne eged eke?” sambit ko habang hinahawi ang buhok sa likod ng tainga.
“Lintek na dila ‘yan, putulin ko iyan ng grass cutter e,” sambit niya at tumigil sa paglakad. “Pero mamsh—"
“Hmm?”
“Jackpot…”
“Huh?” takhang tanong ko. “Ah medyo.”
“Medyo ka riyan,” pagkontra niya sa sinabi ko.
“Fine, oo. Ang gwapo niya kaya. Lalo kapag may pawis siya sa noo tapos dahan-dahan tumutulo pababa sa kilay tapos yung ngiti niya extended hanggang mata. Yung ngipin niya ang puti at ang linis. Jackpot talaga!” saad ko at pinigil ang sarili ko tumili.
“Tanga,” sambit niya sabay hataw sa ulo ko ng isang plastic bag.
Hinimas ko ang ulo ko.
“Jackpot… sabi ko, naka-jackpot ako. May jebs ng doggie akong natapakan.”
Sa halip na sumagot ay tinawanan ko na lamang siya at nagpatuloy sa paglakad. Wala rin naman siyang nagawa kun’di ang sumunod. Ilang minuto pa kami naglakad at paulit-ulit siyang nagr-rant na magpapagawa raw siya ng public comfort room para sa mga hayop.
Nang makauwi ay diretso papasok si Almyra sa kanila dahil hindi na maipinta ang mukha niya. Ako naman ay tinawag na si Dalton para pauwiin. Pagpasok ng bahay ay nauna si Dalton at naupo siya sa isang monoblock.
“Kumain ka na? Nag-mirienda ka ba kanina?” tanong ko habang ipinapatong ang mga gamit na dala ko.
“Opo,” tipid niyang sagot.
“Oh, bakit matamlay ka? Napagod ka siguro maghapon. Sige, magpahinga ka muna riyan, magluluto ako. Pagtapos kumain, saka ka na maglinis ng katawan.”
“Sige po, ate,” sagot niya.
Inayos ko na ang mga gamit ko at nagsimulang magluto. Nang matapos magluto ay naghain na ako at tinawag si Dalton.
“Ate, naiwan mo nga pala ‘yong cellphone mo ka kanina,” sabi niya habang nakatingin sa akin.
Gulat akong napalingon kay Dalton nang magsalita siya mula sa matagal na pagkakatahimik.
“Huh? Uh, hindi ko na napansin e. Nagmamadali ako kanina,” sagot ko naman habang inaalalayan siya sa pag-upo.
“Heto nga pala, ate,” sambit niya pa at iniabot sa akin ang cellphone.
“Oh, mabuti naman at naitabi mo.” Ibinulsa ko naman ang cellphone.
“Kanina, ate, may tumawag e. Alam ko na sabi mo, kapag hindi para sa ‘kin ‘wag ko pakialaman, pero paulit-ulit kasi. Sorry.”
“Sus! Ano ka ba, okay lang iyon. Anong sabi no’ng tumawag?” tanong ko at ngumiti sa kaniya.
“Hindi ko maintindihan, ate e. Basta sabi niya sabihin ko sa’yo na tumawag ka kapag nakauwi ka na.”
Sandali akong napaisip kung sino ang posibleng gumawa no’n.
“Si kuya Martyn mo ba?”
“Hindi po e. Hindi ko kilala yung boses niya,” sagot niya.
“Anon—”
“An—Antho—uh, Anthony ata ‘yon,” nag-aalangang sabi niya habang kumakamot sa ulo.
“Anthony? Sino namang Anthony?”
“Anthory ata. Basta sabi niya ‘ako ‘to si Anorty’,” sambit niya at nilakihan pa ang boses niya. “Sabi niya mahalaga raw.”
Binuksan ko ang cellphone at binalikan ang mga recent calls. Literal na napatigil ako nang makitang si Attorney ang huling tumawag. Kinakabahang napatitig ako kay Dalton habang iniisip kung may nalaman ba siya na kahit anong tungkol sa kaso ni papa.
“Uh, Dalton. T-tatawagin ko lang si ate Almyra mo ha. May gagawin lang kasi kami ngayon. Kain ka lang diyan,” pagsisinungaling ko.
Nang tumango siya ay dali-dali akong lumabas at bumili ng load. Ni-dial ko ang number ni Attorney habang naglalakad pauwi.
“Hello po, Attorney Shim,” bati ko nang sagutin niya ang tawag.
“Aeshia, mabuti at nakauwi ka na. Tumawag ako kanina pero ang sabi—”
“Ano po iyon, Attorney? Sabihin niyo na po agad straight to the point at walang kahit anong pasikot-sikot,” putol ko sa kaniya
“Bakit parang nagmamadali ka?”
“Hindi na mahalaga—”
“Okay, ‘yong final hearing para sa kaso ng papa mo, it’ll be next week. Supposedly the day after tomorrow but the judge adjusted it. We’re a step from winning this pero hindi ako tumitigil para masigurado ‘to,” paliwanag niya.
“Okay, Attorney. Just message me about the rest of the details, Attorney.”
“Another thing—”
“Attorney,” putol ko ulit sa kaniya.
“The opposit—”
“Attorney.”
“What I was sayi—”
“Attorney!!!” bulyaw ko.
Napatigil bigla si Attorney at napatingin pa sa akin ang ilang nakarinig sa sigaw ko.
“Oh?”
“Hindi ko nai-register yung load ko kaya i-text mo na lang,” dire-diretsong usal ko sabay baba ng tawag.
Nang tingnan ko ang load balance ko at napasapo na lang ako sa noo nang makitang sampung piso na lamang ang natira.
Bago umuwi ay tinawag ko muna si Almyra dahil sabi niya ay sa bahay siya gagawa ng ice candy para mapayapa. Kung doon daw sa kanila ay libo-libong daliri ang makikialam.
“Ano? Dadagdagan ko pa ba ng asukal?” tanong ni Almyra habang dahan-dahang hinahalo ang mixture ng chocolate ice candy niya.
“Oo, nakita mo naman sa video ‘di ba?” sagot ko habang nakapanood pa rin sa youtube tutorial.
“2 cups daw oh. Wala tayong measuring cup, mamsh. Okay na siguro yung tasa ng kape.”
“Sira, e’di hindi accurate ang sukat mo,” giit ko naman.
“Ano ka ba? Ang mga pinoy, kahit wala nang ganoong mga gamit. Tantiyahan na lang, hindi ako nagsayang ng 100 pesos registration fee para sa girl scout for nothing.” Nag-smirk pa siya.
“Oh, ilan na iyong nailagay mo kanina?”
“Hindi ko alam. Basta isang kutsara at dalawang ching,” sagot naman ni Almyra.
“Dalawang ching? Ano iyon?” naguguluhang tanong ko.
“’Yung ano—'yung gano’n,” sambit niya at umakto na kun’wari nagbubudbod ng asukal.
“Ching ampotek,” sambit ko at sumabog ang tawa ko.
“Bahala ka riyan. Basta isang kutsara at dalawang ching na iyan. Kulang pa ng dalawang dakot.”
“Dalawang dakot?! Abnormal sukatin mo,” apila ko.
“Okay na iyan. Nakakatamad mag-convert.”
“Hindi ka lang marunong.”
“Huh?! Hoy, top ten ako no’ng day care. At first honorable mention grumaduate ng elementary,” bwelta niya.
“Top ten?! ‘Di ba walo lang kayong nag-enroll?”
“Oo nga, ‘wag ka na um-epal. Proud si mama no’n sa’kin kasi akala niya thirty plus kami. Ayun, nagpadala ng pang-pansit mula sa Singapore.”
“So paano mo ico-convert?”
“N is equal to the pie R squared to the second power of maximum retention when the value of vitamin C is red,” sambit ni Almyra at hindi ko napigilang matawa.
“Shuta ka!!!” sigaw ko habang hindi maawat sa pagtawa. “Bobohan mo pa.”
“Deserve ko yung medals ko ‘di ba?” aniya pa at tumawa.
Maya-maya pa ay tumigil ang video tutorial na pinapanood namin. Paulit-ulit lang sa pag-loading at hindi na nag-play.
“Hala, mare, naubos na ata ang data ko,” sambit ni Almyra at hinablot ang phone niya.
“Magkano ba ni-load mo?”
“Utang load lang iyon e. Fifteen pesos.” Kumamot siya sa tainga.
“Napakakuripot mo talaga,” angil ko.
“Buksan mo na lang hotspot mo, bilis.”
“Wow ha, desisyon ka? Wala akong load—”
“Walang load, karamutan mo. Akin na nga iyan,” sambit niya at hinablot ang cellphone ko.
Binuksan niya ang data at hotspot saka ni-connect ang phone niya. Nang magplay ang video tutorial ay pumalakpak pa si Almyra.
“Sunod ay ilagay ang gatas,” sabi ko sa kaniya at sinunod niya.
Wala pang dalawang minuto nagp-play ang video ay tumigil na ulit ito.
“Lintek na signal iyan, itapon mo na iyang cellphone mo bago ako mayamot,” aniya pa.
“Ikaw na lang nakiki-hotspot demanding ka pa?”
“Fine. Hindi na magsasalita.”
“Gaga, ubos na ata load ko. Hindi iyon naka-register.” Napatakip ako ng bibig.
“Ang galing mo talaga. Feeling milyonaryo ka, ayaw mag-register.”
Itinuloy na namin ang paggawa ng ice candy at suntok sa buwan ang mga procedure namin. Nang matapos kami gumawa ay umuwi na rin siya. Ako naman ay hindi halos nakatulog dahil iniisip ko ang kaso ni papa.
Kinabukasan ay maaga pang naglaba ako ng mga damit namin ni Dalton. Hindi pa tumitilaok ang mga manok ay natapos ko na lahat at naihanda ko na rin ang mga makakain namin.
Ginising ko na si Dalton at nag-almusal kaming magkasama.
“Ate, ‘di ba po kapag may secret parang kasalanan iyon?” tanong niya out of nowhere.
“Huh? Anong ibig mong sabihin?”
“Yung anak kasi ni ate Nene may secrets daw sila at ayaw nila sabihin sa’kin.”
“Tapos?”
“Sabi ko, kapag may secrets mali rin iyon. Naisip ko na kagaya ng pagsisinungaling, itinatago niyo yung katotohanan,” paliwanag pa niya.
Hindi ako nakapagsalita. Hindi ko maisip kung saan kinukuha ni Dalton ang mga salita niya. Nilunod ako bigla ng konsensya at hindi ko kayang tingnan siya.
“Ate,” tawag niya sa akin.
“Huh?” kinakabahang tanong ko.
“May secret kasi ako, sorry po,” sambit niya at yumuko.
“Alam mo, Dalton, depende sa sitwasyon kung masasabing mali o tama ang pagtatago ng katotohanan. Maaaring may pino-protektahan ang isang tao kaya niya ginagawa iyon. Kaya okay lang iyan.”
“Pero ‘di ba kahit alam mong hindi magiging maganda ang kalalabasan dapat ipaalam mo pa rin?”
Bumuntong hininga ako.
“Dalton, hindi ko alam ang ipinupunto mo pero may mga bagay na hindi talaga maipapaliwanag,” sambit ko at nagpatuloy na sa pagkain.
10AM, sa gitna ng photoshoot, napahinto ang lahat nang lumapit si Sir Louie kay ma’am Fritz at iniabot ang phone niya. Sandaling lumayo si ma’am Fritz saka kinausap ang nasa kabilang linya.
“He can’t make it today guys, I’m sorry. Perhaps tomorrow na lang?” sambit niya matapos ibaba ang tawag.
“It’s okay, ma’am Fritz. I bet there’s something more important for him to do,” sagot naman ni Sir Louie.
“Sino raw iyon?” dinig kong tanong ni Almyra sa katabi naming makeup artist.
“Yung boyfriend ata ni ma’am Fritz. Ang sabi kasi, wedding ang theme ng photoshoot ngayon kaya maganda kung totoo yung connections ng model,” sagot nito.
“Apologies talaga. Plus, I need to pack up at 3PM,” sambit pa ni ma’am Fritz.
“3PM?” tanong ni Sir Louie.
“Yes. Sorry but the network management called and said that I’ll be having a prod on a noontime show. That’ll be tomorrow kaya I have to go by 3PM.”
“B-but, ma’am, w-we—I hardly think we can make it before 3.”
“Is that so? Gosh, what do we do?”
“Let’s take multiple shots at a time,” suhestiyon ng isang photographer.
“Still it won’t work, Gerald,” sagot ni Sir Louie.
“Why then?”
“We have to finish four sessions in different themes today and anong oras na.”
“Sorry talaga if I’m making this tough for you. Don’t worry babawi na lang ako,” paliwanag ni ma’am Fritz.
“It’s okay, ma’am. It’s our pleasure to have you and we don’t have the control on your time.”
“Thanks, Louie.”
“Let’s take multiple of multiple shots then.”
Lahat ay napatingin sa nagsalita.
“If it won’t work kapag si ma’am Fritz lang ang model, then let’s have another model,” paliwanag pa ni Airon at ngumiti upang pagaanin ang sitwasyon.
“What do you mean, Airon?” tanong ni Sir Louie.
“Okay, it’ll be as simple as this. We’ll have two teams taking shots on two different models. One of them is of course ma’am Fritz. While the team with ma’am Fritz is having photoshoot, the other, which is to be led by me, will also have ours. Different shots, different themes, different angles and different photographers on two different models but same time and qualities. See, it’s a win for all situation,” paliwanag ni Airon.
Ang marami ay tumango bilang pag-sang-ayon.
“W-who will be the other model then?” tanong ni Sir Louie kay Air.
Natigilan ako at napalunok nang humubog ang ngiti sa labi ni Air at ngumiti siya sa akin.
“It’ll be Aeshia.”