“JANUARY?” ulit ni April sa pangalan niya nang ipakilala siya ni August dito. “Hindi ka naman nagbibiro sa lagay na iyan?” maluwang ang ngiting dugtong pa nito.
“Nope,” umiiling na sagot niya.
Nauwi sa tawa ang ngiti nito. “Tingnan mo nga naman. Para ka palang kaming magkakapatid. Kinuha sa buwan ang mga pangalan. At tamang-tama, you’ll be under Moon Records kung magkakasundo tayo.”
“At malamang nga ay para siya sa Moon Records,” sabad ni August.
“Brother, pagsalitain mo naman ang kasama mo,” tukso ni April sa kapatid. “Hindi ba’t ikaw ang may sabi na maganda ang boses niya? Sa timbre pa lang ng pagsasalita ng isang tao ay mahahalata na kung maganda ang boses o hindi. Come on, January, I want to hear you.”
“Hello po!”
Tiningnan siya ni April at ilang sandaling nanahimik, mayamaya ay bumalik ang ngiti sa mga labi nito. “Walong taon lang naman ang tanda ko kay August. Puwedeng huwag mo na akong popoin? Follow me, dito tayo sa opisina ko mag-usap.”
“Kasama ako?” pabirong tanong ni August.
Pinagtaasan ito ni April ng isang kilay. “Mukha namang hindi ka papayag kung sasabihin kong hindi. Matanong nga kita. Ikaw ba ang magiging manager ni January?”
Nagkatinginan sila ni August. Hindi alam ni January kung ipinauubaya nito sa kanya ang pagsagot sa tanong na iyon. Hindi niya napaghandaan ang ganoong bagay kaya nagkibit-balikat na lang siya.
“Hindi pa namin napapag-usapan ang tungkol diyan,” sagot ni August.
“Okay,” ani April na may kakaibang kislap ang mga mata. “Have a seat. Ite-test natin ang boses mo sa recording mayamaya. Mag-usap muna tayo nang kaunti. Actually, pareho tayong magsisimula sa recording though hindi na ito bagong business sa Moon Records. Pero iba ang showbiz. Hindi basta pamumuhunan lang ang involved dito. It takes lots of pain and hardwork. Kailangan din ng pakikisama. May idea ka naman siguro kung ano ang buhay ng mga recording artists. Malakas ba ang resistensiya mo? Kapag kasi nabuo ang album at nai-launch ito, sunud-sunod na ang promo sa TV, radio, at mga malls. Mayroon din tayong gagawing shows sa mga probinsiya para bumenta talaga ang album. Most importantly, kailangan ng appeal para sa masa. Kahit kasi maganda ang kanta, kung ayaw ng tao sa mismong singer ay hindi `yon bumebenta.”
Tinitigan siya nito. “I guess, tatanggapin ka ng masa. Hindi ka kasingganda ng mga beauty queens, but you have your own appeal. Sa mga singers naman, hindi ang ganda ang tinitingnan nang husto, mas ang kalidad ng boses. At saka ang showmanship kapag nasa stage ka na.” Sandali itong huminto sa pagsasalita nang tumunog ang intercom. Sinagot nito iyon. “Okay, pupunta na kami riyan.” Binalingan sila nito. “Let’s go, guys. Pakinggan natin ang boses mo, January,” ani April at nauna nang tumayo at lumabas ng opisina.
Bigla namang nangatog ang mga tuhod ni January nang tumayo siya. Ganoon ang karaniwang nararamdaman niya noong sumasali siya sa mga singing contests.
“Kinakabahan ako,” aniya kay August.
Nginitian siya ng lalaki, saka inabot ang kanyang kamay. “Relax.”
Hindi alam ni January kung ang ngiti ba nito o pagpisil sa kamay niya ang nagpabawas sa tensiyong nararamdaman. Hanggang sa pumasok sila sa recording studio ay hawak pa rin ng binata ang kamay niya.
Sandali pa siya nitong ipinakilala sa staff na naroon bago siya pinapasok sa booth. Hindi niya maintindihan ang nararamdaman habang nagsusuot ng headphones. Mag-isa lang siya sa recording booth na may makapal na salaming dingding. Nasa labas niyon sina August, April, at ang staff na si Marco.
Tumikhim siya nang makita ang pagsenyas ni Marco. Bumuntong-hininga siya nang marinig ang intro ng kanta.
“Heto ka na naman, kumakatok sa `king pintuan. Muling naghahanap ng makakausap. At heto naman ako, nakikinig sa mga kuwento mong paulit-ulit lang, nagtitiis kahit nasasaktan...”
Sumulyap siya sa gawi ni August. Isang encouraging smile ang ibinigay nito sa kanya. Gumanti siya ng ngiti at itinuloy ang pagkanta. Ipinikit pa niya ang mga mata para makapag-concentrate at maibigay ang buong damdamin sa kinakanta.
“Kung ako na lang sana ang iyong minahal, `di ka na muling mag-iisa. Kung ako na lang sana ang iyong minahal, `di ka na muling luluha pa. `Di ka na mangangailangan pang humanap ng iba. Narito ang puso ko, naghihintay lamang sa iyo. Kung ako na lang sana...”
Nang dumilat siya ay nakita niyang pumapalakpak si April. Sinenyasan siya nitong lumabas na ng booth. Kinamayan agad siya nito.
“Akala ko, special ka lang kay August kaya sobra ang pagbi-build up niya sa iyo. But now, ako na mismo ang naniniwala. May talent ka nga.” Nilingon nito si Marco. “What do you think, Marco?”
“Maganda ang boses niya, Ma’am. Malaki ang laban sa market.”
Nakahinga siya nang maluwag.
“Doon uli tayo sa office ko,” ani April.
Paglabas ng studio ay inabot uli ni August ang kamay niya at masuyong pinisil.