HALOS araw-araw ay laman ng iba’t ibang radio station at TV shows si January. Busy siya sa pagpo-promote ng kanyang album. Marami na ring write-ups tungkol sa kanya sa mga showbiz columns at magazines. Binati siya ni April dahil sa loob lang ng dalawang linggo ay malakas na malakas ang benta ng kanyang album.
Number one na rin ang kanta ni January. Bigla ang pagsikat ng pangalan niya sa recording scene. Tuwang-tuwa siya, parang wala na siyang mahihiling pa sa buhay.
Ramdam na ramdam niya ang katuparan ng kanyang pangarap bilang isang singer. Tahimik na rin ang buhay ng kanyang pamilya at hindi na pabigat si Charlie. Palagi ring nasa tabi niya si August, nakaalalay at nagmamahal sa kanya.
Ngayon nga lang ay hindi niya nakasama ang nobyo. Sumaglit kasi ito sa Sierra Carmela para sa isang importanteng meeting with Alejo. Pero maya’t maya naman itong tumatawag para kumustahin siya.
“Mag-isa ka lang ngayon?” tanong ng isang babaeng sumalubong sa kanya paglabas niya ng studio ng TV show na pinag-guest-an niya.
Kinapa ni January sa isip kung saan niya nakita ang babae. Pamilyar ang mukha nito pero hindi niya matandaan kung saan niya unang nakita. Siguro ay isa ito sa mga reporters na nagpunta sa press conference niya noon. O kaya ay staff sa isang show. Nginitian niya ito. “Oo, eh.”
Tiningnan uli niya ang babae. Maganda ito kaysa sa karaniwan, mapagkakamalan pa nga itong artista.
“Pauwi ka na?” tanong uli nito.
“No. Papunta ako sa Moon Records. May meeting kami ni April, `yong producer ng album ko.”
Hindi alam ni January kung guniguni lang ba niya pero parang biglang tumalim ang mga mata ng babae.
“Hindi ka naman siguro masyadong nagmamadali? Papipirmahan ko lang sana sa iyo iyong CD na binili ng pamangkin ko. Gustung-gusto ka kasi niya, eh.”
Natuwa siya sa narinig kaya pumayag siya. Niyaya siya nito sa parking lot. Isang magarang kotse ang binuksan nito at dalawang CD ng album niya ang iniabot sa kanya.
“Ano’ng pangalan ng pamangkin mo?” tanong niya.
“Ginger,” walang kabuhay-buhay na sagot nito.
Nabitin ang pagpirma ni January sa CD at napatingin dito. Parang bigla siyang nanigas dahil nakakapanlamig ng katawan ang galit na titig nito sa kanya. “S-sino ka? M-may kasalanan ba ako sa iyo?” kinakabahang tanong niya.
“Inagaw mo sa akin si August,” sagot ng babae.
Napanganga si January, hindi malaman kung ano ang isasagot.
“Hindi ko maintindihan kung ano ang nakita niya sa iyo. Alam mo bang kung isasama ka sa marami ay hindi ka naman madi-distinguish? Napakakaraniwan ng mukha mo. Sa totoo lang, nang una kitang makita ay mukha kang tanga!”
“Sino ka ba?” tanong uli niya.
Lumapit ang babae sa kanya kaya napaatras siya sa takot na baka saktan siya nito. Para kasing handa itong manakit sa galit sa boses at mga mata nito.
“Hindi mo ba ako natatandaan?” asik nito. “Ako ang kasama ni August no’ng gabing muntik ka nang masagasaan. Alam mo bang sa iyo niya ibinibigay ngayon ang ipinangako niya sa akin?”
“Wala akong alam sa sinasabi mo,” nalilitong sabi niya.
“Siguro dahil tanga ka nga. Maganda ang boses mo, walang duda, pero babagsak ka rin kung tatanga-tanga ka,” maanghang na sabi nito. “Pain lang ni August ang pagbibigay sa iyo ng album. Kapag nakuha ka niya at napagsawaan, bibitawan ka rin niya.” Tiningnan siya nito nang mula ulo hanggang paa at ngumiti nang nakakaloko. “Kunsabagay, hindi na ako dapat mainggit sa iyo. Awa na lang, January. Meron nang nagbigay sa akin ng break para magka-album ako. In case you don’t know, singer din ako. Baka nga mas magaling pa ako kaysa sa iyo. Payong-kapatid lang. Gamitan ang laro sa show business. Kung gusto mong magtagal dito, dapat ay marunong kang maglaro. Kung nagpapagamit ka kay August, tumabla ka. Manggamit ka rin. Para bitawan ka man niya, may career ka pa rin.”
Hinablot ng babae ang CD na ibinigay sa kanya kanina. “Akin na nga ang mga `yan. Props ko lang iyan para makausap ka.” Tinitigan siya nito. “Balita ko, girlfriend ka ni August ngayon. Well, maghanda ka ng tuwalya. Baka kulang pa iyon kapag pinaiyak ka na niya.”
Naiwan si January na parang natuklaw ng ahas.