SIYA si Sarina Fajardo. Sari naman para sa mga nakakakilala sa kanya. Ulila na si Sari. Ang totoo niyan… hindi niya nakilala ang tunay niyang mga magulang. Lumaki at namulat siya sa pangangalaga ni Lola Taling. Si Lola Taling ay isang matandang dalaga. Wala rin itong naging anak. May nag-iisa itong kapatid pero patay na rin. Malapit din siya sa kapatid nito – si Lola Esme. Ang iba pa nitong kamag-anak ay kapitbahay lang din nila.
Noong dose anyo siya ay nalaman niya ang tunay niyang estado sa buhay ni Lola Taling. Na hindi siya nito tunay na apo. Na isa lamang siyang ampon. Noong panahong iyon, kahit sa murang edad ay nakita raw ni Lola Taling na mas mature siya kumpara sa mga kasing-edad niya. At hindi naging mahirap para sa matanda na magtapat sa kanya ng totoong pagkatao niya. Kaya kahit dose anyos lamang siya ay minabuti na nitong magsabi sa kanya sa kanya ng totoo.
Simula noon ay hindi na naalis sa kanyang isip kung sino ba talaga ang mga magulang niya, Wala raw ideya ang matanda kung saan siya nagmula. Nakita lang daw siya ni Lola sa harap ng pinto ng bahay nito isang umaga. Nakalagay daw siya sa isang basket at nakabalot sa malambot na puting tela. May nakasuot sa kanyang gold na kuwintas. Nakaukit doon ang pangalan niya.
Sarina…
Sarina lang at walang apelyido. Kaya iyon ang ipinangalan sa kanya ng matanda. Ang Fajardo ay apelyido na nito. Tinanggap siya ni Lola Taling at simula raw ng matagpuan siya nito ay inangkin na siya na parang tunay nitong apo at kadugo. Matiyaga siyang inalagaan ni Lola Taling. Lumaki siyang bibo, masayahin at matalinong bata. Palagi siyang nangunguna sa klase. Malaki rin siyang bulas at lamang na lamang ang taas niya sa mga kasing-edaran niya. Kinse anyos lamang siya noon subalit maaari na raw siyang maging modelo sa ganda ng tindig at taas niya. At ang hugis ng katawan niya ay parang sa isang dalagang-dalaga na. Mala-anghel din ang kanyang mukha na kahit sinong makakasalubong niya ay hindi maaaring hindi siya pagmasdan o titigan. Nasanay na siya roon. Sa tuwina ay nakangiti siya sa mga tao dahilan para lalo siyang magustuhan ng mga ka-baryo nila.
Marami rin ang nagsasabing baka anak siya ng isang banyaga dahil natural ang pagka-blondie ng buhok niya. Makintab na puwedeng-puwedeng maging isang model sa shampoo commercial. Napakaganda ng pagkakabagsak niyon kaya gusto ng lola niya na palaging mahaba ang buhok niya. Mala-labanos din ang kanyang kutis at kahit maghapon siyang pagpawisan ay tila balewala lang iyon. Parang hindi rin siya bumabaho kahit pa maghapon siyang magbabad sa initan. Marami ang naiinggit sa kanya lalo sa mga kaedaran niya kagaya rin ng kung gaano karami ang natutuwa sa kanya. Hindi rin iilang lalaki lang ang nagtangkang manligaw sa kanya subalit ramdam niyang ilag rin ang mga ito.
Hindi sila masasabing mayaman pero kahit papaano ay hindi naman sila naghihikahos sa buhay. May minana si Lola Taling na lupa sa mga magulang nito at iyon ang naging source of income nilang dalawa. May taniman sila ng gulay at kaunting palayan. Diso siyete anyos na siya noon nang magkasakit si Lola. Sakit na naging dahilan para tuluyan itong bawian ng buhay at kunin sa kanya. Bago pa ito mabawian ng buhay ay nailagay na pala sa pangalan ni Sari ang lahat ng ari-arian ng matanda. Wala namang naging kaso iyon sa ibang kamag-anak nito dahil tanggap naman ng mga ito ang dalaga.
Napakabait daw kasi niya sa mga ito. At kahit kailan at hindi siya nagkaroon ng masamang tinapay sa kamag-anak ng matanda. Isa pa, hindi naman pag-iinteresan ng mga ito ang kakarampot na lupa kumpara sa pag-aari ng pamilya ng mga ito.
Pero dahil hindi marunong mag-alaga ng lupa si Sari – o magtrabaho sa bukid at gusto niyang matupad ang pangarap nila ng kanyang lola na makapagtapos ng pag-aaral sa Maynila – ay ibinenta nalang niya ang lahat ng iniwan sa kanya. Maliban sa lupang kinatitirikan ng bahay nilang mag-lola. Umuuwi pa rin kasi siya sa kanila at hindi nanaisin ng matanda na may ibang tumira roon. Ang perang nalikom niya ang naging savings niya. Pagkatapos niyon ay lumuwas siya ng Maynila para mag-aral.
Kumuha siya ng kursong Business Management. Balang araw ay gusto niyang magtayo ng sariling negosyo. Iyon ang plano niyang gawin sa perang napagbentahan ng mga ari-arian ni Lola. Hindi rin naman kasi biro ang nalikom niyon. At kahit may hawak siyang pera ay naging working student pa rin siya bilang waitress sa isang fastfood restaurant dahil kung iaasa lang niya ang lahat ng expenses sa savings niya ay baka maubusan naman siya sa bandang huli.
Lumipas ang mga taon na patuloy ang buhay ni Sari sa Maynila. Minsan nalang siyang umuwi sa kanilang baryo. Normal ang naging takbo ng buhay niya. Nasanay na rin siya sa buhayy Maynila. Nag-aral siya sa isang magandang eskuwelahan habang nagrerenta ng apartment malapit lang din sa eskuwelahang pinapasukan. Nagkaroon siya ng mga kaibigan. Nakilala ng dalaga sina Nisha at Calai. Mas naging malapit siya kay Nisha dahil una niya itong nakilala. Sila ang maituturing niyang matalik na mga kaibigan.
Nang maka-graduate siya ay hindi naging mahirap para sa kanya na makapasok sa trabaho. Hindi niya alam kung suwerte siya pagdating sa bagay na iyon. Siguro ay malakas lang talaga ang karisma ko sa mga employer. Bukod doon ay walang tumatanggi sa kanya kapag nagsasabi siya sa mga tao. Buong lugod na sinusunod ng mga ito ang bawat hiling niya. Na noon ay wala lang sa kanya subalit ngayon ay nagsisimula na siyang magtaka. Para kasing may mahika ang mga salita niya at sinusunod ang bawat sabihin niya. Hanggang sa matanggap siya sa isang malaking kumpanya. Malaki naman ang sahod ng dalaga bilang isang executive assistant.
Nakilala ni Sari si Sam mag-iisang taon na ang dalaga sa trabaho. Sa isang coffee shop sila nagkakilala. Wala siyang perang dala noon – na inakala niyang meron pala subalit nakalimutan niya pala ang wallet - at ang binata ang nagbayad. Pagkatapos niyon ay naging magkaibigan na sila at hindi nagtagal ay nanligaw ito sa kanya. Limang buwan lang ay naging sila na. Si Sam ang unang nobyo ng dalaga.
Guwapo si Sam. Makarisma, mabait at walang boring moment. Matangkad din ito sa kanya at may magandang pangangatawan. Maraming babae ang nagkakagusto dito kaya naman marami rin ang nalungkot ng maging sila na. Masaya itong kausap. Ramdam niyang mahal na mahal siya ng binata. At ramdam rin ng dalaga na inaalagaan siya nito. Ngayon ay anim na buwan na sila bilang magkasintahan. Masaya si Sari sa nobyo. Sumagi sa isip niyang maaring ito na ang lalaking nais niyang makasama habangbuhay.
Ni sa hinagap ay hindi pumasok sa isip niya na matatapos ang isang masayang samahan sa pagpunta nila sa isang isla…
NAHAWAKAN ni Sari ang pendant ng kuwintas na palaging suot. White gold iyon at naka-engrave ng maliliit ang pangalan niya. Hugis ulap na mukhang inukit pa talaga. Sa likod ng kuwintas ay may nakaukit na hindi niya maintindihan kung ano. Hindi iyon ang mga letrang alam niya. Mula sa pagtingin sa mga kaibigan ay bahagyang napawi ang ngiti sa labi ng dalaga. Wala sa loob niyang naigala ang tingin sa paligid.
Kasalukuyan silang nasa dalampasigan kasama ng kanyang kaibigan. Marahil ay pasado alas nuebe na ng gabi. Tapos na rin silang maghapunan. Kaya heto sila ngayon sa dalampasigan at nagsasayawan. Mula sa malaking bluetooth speaker na dala rin nila ay tumutugtog ang isang maindak na musika mula kay Miley Cyrus. Sinasabayan niyon ng sayaw ang mga kaibigan niya. Maririnig ang malalakas na tawa ng mga ito. Lalo na ang boses ni Shantal. Tuwang-tuwa pa ito habang hinaharot sina Loloy at Martin. Habang sila ni Nisha ay patawa-tawa lang at umiindak ng kaunti na nakaupo sa picnic blanket na nakalatag sa buhangin. Sa harap nila ay naroroon ang isang bonfire na siyang nagsisilbing liwanag sa lugar na iyon.
Si Sam ay nasa tabi niya habang katabi naman ni Nisha si Gray. Si Calai ay mag-isang nakaupo sa buhangin at hindi rin nalalayo sa kanila habang nakasandal sa isang malaking katawan ng puno na nakahiga sa buhangin. Sadyang inukit ang katawan ng punong iyon at inilagay sa dalampasigan para sa mga kagaya nilang turista sa lugar na iyon. Pangiti-ngiti lang ito habang nanonoood rin sa mga kasama nilang sumasayaw. Ilang beses itong hinila nila Shantal pero tatawa-tawang umiiling lang ito. Kanya-kanya silang hawak ng beer. Hindi palainom ng alak ang dalaga subalit hindi naman masama kung bibigyan niya ng kasiyahan ang sarili ngayon.
Nang mga sandaling iyon ay tila may naramdaman siyang kakaiba sa paligid. Hindi niya iyon maipaliwanag. Pero tila ba biglang nagbago ang ihip ng hangin. Na para bang mas lumamig iyon. At tila may nais ipahatid sa akin. Ilang segundo lang iyon pagkatapos ay nawala rin. Na para bang siya lang ang nakapansin. Na para bang guni-guni lang niya ang lahat. Subalit sigurado siya sa naramdaman.
Saglit niyang ibinalik ang tingin sa mga kasama. Patuloy lang ang mga ito sa ginagawa. Na parang walang nangyari. Mukhang siya lang talaga ang nakapansin. Saka niya muling ibinalik ang tingin sa dagat. Ang dagat na nang mga sandaling iyon ay kulay itim na. Gayunpama’y kita pa rin ang tubig dulot ng maliwanag na sinag ng buwan sa kalangitan. Kaya lalo iyong gumanda. Maganda subalit tila biglang naghatid ng takot sa kanya. Na para bang may mangyayaring hindi maganda. Ipinilig niya ang ulo.
Bukod sa ingay na dulot ng hampas ng alon ay sila lang ang maingay sa lugar na iyon. Private resort kasi iyon. Sila lang ang mga tao roon. Kakilala ni Sam ang may-ari at binigyan sila ng malaking discount kaya na-afford nila ang lugar. Mula sa hi-way ay mahigit bente minutos pa ang tatakbuhin ng kotse sa lupang kalsada para marating ang resort na iyon. Pulos kakahuyan at bibihira ang bahay na madaraanan.
Isla Camari – iyon ang pangalan ng resort. Sobrang yaman ng may-ari. Isa lang ang resort na iyon sa mga resort sa bahaging iyon ng probinsiya. Subalit ang Isla Camari ang pinaka-maganda at pinakamahal na resort sa lugar na iyon. White sand ang buhangin doon. At kamangha-mangha ang paligid at tanawin. Tanging mayayaman lang o may pera ang mga nagpupunta sa islang iyon.
“Sari?” pukaw ni Nisha sa kanya.
Bahagya lang niyang nilingon ang kaibigan. Saka muling ibinalik ang tingin sa dagat.
“Ayos ka lang?”
“Hindi niyo ba naramdaman iyon?” mahina ang tinig na balik-tanong niya.
“Ang alin?” Si Sam. Napansin din nito ang sandali niyang pagmamasid sa paligid.
“P-Para kasing nagbago ang ihip ng hangin.” Pagkatapos niyang sabihin ang mga iyon ay tila ba may malamig na hanging umihip sa kanyang batok. Umangat ang isa niyang kamay at humaplos doon. Wala naman siyang nahawakan kundi ang mahaba niyang buhok. Para kasing may bumulong sa kanya. Pakiramdam din niya ang may mga matang nagmamasid sa kanila – sa kanya. Kasunod niyon ay nagtayuan ang mga balahibo niya sa mga braso.
Nagtatakang inilibot din ni Sam ang tingin sa paligid. “Wala naman. Babe, baka naman lasing ka na ha. Tama na ‘yan.” Anitong kinuha ang bote ng beer. Nakakapangalahati niya palang iyon.
Umiling siya. “Hindi. Hindi pa ako lasing.”
Pumalatak si Nisha. “Sari, guni-guni mo lang iyon. Natural na iba ang ihip ng hangin dito kumpara sa Manila. Isa pa, tayo lang ang nandito sa lugar na ito kaya baka gumagana lang nanaman ang imagination mo. Ano ka ba?” maliksi itong tumayo. “Magsayaw nalang tayo para hindi kung ano-ano ang napapansin mo.” Anito sa masiglang tinig.
Hinila siya nito patayo. Natatawang tumayo na rin siya. Pilit inignora ang nararamdaman. Habang sina Sam at Gray ay nagkatinginan. Sabay rin ang mga itong tumingin sa paligid saka pareho ring umiling at nagkibit-balikat. Maya-maya pa ay nagsasayawan na silang lahat.