Kakarating lang namin sa Pinas kanina ni Tate. Namiss ko ang mainit na panahon dito kahit ito pa ang nagtrigger sa sakit ko ngayon. Kung ano pa ang ikakasakit natin, iyon pa ang gusto natin. Napailing na lamang ako.
Namiss ko rin ang naglalakihang gusali rito sa Maynila at ang mga taong malalapit sa akin. Papunta na kami sa bahay nila Shane at ng asawa niyang si Philip. Balita ko kay Tate ay nagdadalang tao na ito.
"Handa ka ba bang makita sila? Pupuntahan natin ngayon si Shane," tanong sa akin ni Tate.
"Handa na ako, Tate. Hindi ko lang talaga matanggap na kaya niyang gawin sa akin iyon. Ni hindi ko nga kayang hadlangan ang isang tao sa ikakasaya niya. Pero ang iba, iyon na nga lang ang dahilan para mas ganahan ka pang ituloy ang buhay babawiin pa sa 'yo," makahulugan kong sabi.
"What do you mean?" naguguluhang tanong ni Tate.
"You'll know it later," nakangiti kong sagot.
Napabuntong hininga naman si Tate at hinalikan ako sa noo. Hindi ko pa nga alam kung paano ko sasabihin sa kaniya ng tungkol sa sakit ko. Ayaw ko nang masaktan si Tate pero mas masasaktan siya kung hindi ko sasabihin ang katotohanan.
Ilang minuto pa ang nakalipas nang tumigil kami sa isang up and down na bahay. Maganda ang bahay nila Shane at Pinoy Style ito. Marami ring halaman na tiyak kong siya ang nagtatanim. Kahit nagawa sa akin ito ni Shane, mahal ko pa rin ang kaibigan kong iyon. Parang wala na yatang puwang sa puso ko ang magalit. Bumaba na kami ng van at naglakad papunta sa gate ng bahay. Si Tate ang pumindot ng doorbell at naghintay kami kung may lalabas. Lumabas si Philip at nagning-ning pa ang mata nito nang makita kami. Agad niya kaming pinagbuksan ng gate at pinapasok sa kanilang tahanan. Pinaupo pa nga niya kami at pinakuha ng juice sa katulong.
"Kumusta na po kayo? Naku, sasaya ang asawa ko at dumalaw kayo. Miss na po kayo no'n Ma'am Brazeal!" masaya niyang bati. Ngumiti naman ako at uminom ng juice. Medyo napagod ako sa byahe at nahilo. Kailangan kong magpahinga nang matagal para mabawi ang lakas ko.
Bigla namang bumukas ang pinto at iniluwa no'n si Shane na nakasuot ng bota. Mukhang galing ito sa kanilang hardin. Nanlaki pa ang mata niya at umirit nang makita ako.
"Naku, madam! Namiss ko po kayo! Nagkabalikan na po pala kayo ni Mr. Lenegham!" sigaw ni Shane.
Kaagad siyang tumakbo sa gawi ko at mahigpit akong niyakap. Niyakap ko rin siya pabalik. Ramdam ko pa ang bumubukol niyang tiyan.
Tumikhim si Tate kaya naghiwalay kami ng yakapan ni Shane. Matiim namang tumitig si Tate kay Shane.
"We are here to ask few questions. May hinala akong ikaw ang may kasalanan. But the way you act when Brazeal is around, I'm doubting now. Can I start?" tanong ni Tate.
"Ay, grabe naman kayo Mr. Lenegham! Inosente po ako ha! By the way, ano po ba iyon?" tanong ni Shane na umupo sa katapat naming sofa na tinabihan si Philip.
Nagkatinginan kami ni Tate kaya tinanguhan ko siya bilang pagsang-ayon na simulan na niya. Nginitian naman ako nito.
"Bakit mo hinatid noon si Brazeal sa harap ng airport at hindi sa likod? Alam kong inutusan kitang ihatid siya noon sa likod para hindi na kami masyadong maglakad," seryosong tanong ni Tate.
"Ay sir, hindi po ba at pinasabi niyo kay Madam Clouie na sa likod na? Sinabi ko po kasi sa kaniya na ihahatid ko si Madam Brazeal sa unahan dahil inuupdate ko po ito tungkol sa kaibigan niya. Sabi niya pa nga po ay nag-uusap kayo. Hindi po ba?" nagtatakang tanong ni Shane.
Nagsimula na akong kabahan at manikip ang dibdib. Imposible ang iniisip ko. Hindi niya magagawa iyon sa akin.
"Eh paano naman iyong binigay mo sa aking detalye na sa New York lumapag si Brazeal samantalang sa California naglanding ang eroplano niya?" tanong ulit ni Tate.
"Ay hala, hindi nga po!? Si Madam Clouie po ang nagbigay sa akin ng mga detalyeng iyon!" gulat naman na sagot ni Shane.
Doon na nangilid ang mga luha ko. Hindi ko lubos akalaing kaya itong gawin ni Clouie. Magkaibigan kami at sanggang dikit kahit saan. Itinuring ko siyang bestfriend at kahit ang mga oportunidad na dapat sa akin ay ibinibigay ko sa kaniya. Pero bakit ganoon? Bakit ginamit niya lamang ako?
"T-Totoo ba? Hindi k-ka nagsisinungaling?" nauutal kong tanong kay Shane.
"Opo madam, hindi ko po magagawa iyon sa inyo! Hangad ko nga po ang ikakasaya ninyo lagi," malungkot na sabi ni Shane.
Nagyakapan naman kaming dalawa. Nakakalungkot ang mga nangyayari. Sana ngayon pa lamang ay maayos na kami ni Tate. Baka nga ay mas maaga kaming nakasal hindi kaya ay nagsama na sa iisang bubong. Pero gusto kong malaman ang sasabihin ni Clouie. Hindi ko matanggap na may ganito pa lang klase ng tao at siya pa iyon.
"Uhm mga ma'am at sir, panoorin niyo ho ito. Nakita ko ho sa newsfeed ko," pag-agaw ni Philip sa atensyon namin.
Si Clouie ang nasa video at umiiyak ito. May picture pang lumabas kung saan magkasama kami ni Tate at hinalikan niya ako sa labi. Kitang-kita rin doon kung gaano ako kaputla.
"Nagmamahalan kaming dalawa ni Tate, we really do. Totoo ang mga rumors na may namamagitan sa aming dalawa. Pero kahit gaano namin kamahal ang isa't isa, humadlang si Brazeal. She have cancer kaya nagpaubaya ako. Gusto kong maging masaya ang kaibigan ko at alam kong mahal niya si Tate kaya hinaayan ko na silang dalawa. I'm fine so my fans don't need to worry. Inagaw niya sa akin ang lahat but I'm still happy for them," sabi niya sa video.
Nalaglag naman ang panga ko at napahagulgol. Paano niya nagawa sa akin ito?
"Aba ay malandi pala iyan si Madam Clouie! Maitim na nga maitim pa ang budhi!" sigaw ni Shane.
Dahan-dahan naman akong napalingon kay Tate na nakatingin sa kawalan. Kita ko ang pumatak na luha sa kaniyang mata.
"So you have cancer?" tanong niya na hindi ako nililingon.
"T-Tate..." tawag ko sa kaniya.
"Answer me please!" sigaw niya at nilingon na ako.
"Y-Yes Tate, I have. It is Melanoma at matagal na ito. I'm sorry b-baby dahil nasaktan na naman kita," mapait kong sagot sa kaniya.
Napaluhod na lamang si Tate sa sahig at niyakap ang tuhod ko. Ramdam ko ang lungkot at sakit din na nararamdaman niya. I'm sorry Tate, wala na akong magagawa.