AKEESHA'S POV
"Sobrang lalim na yata ng iniisip mo."
Muntik na akong mapatalon sa gulat nang biglang sumulpot sa harapan ko si Ryan at nagsalita. Nakapamulsa pa ito at natawa sa naging reaksyon ko.
"Ginulat mo ako Ryan." Sabi ko sa kaniya habang humihinga ng malalim. Hindi naman ganoon ka-big deal ang pagkagulat ko. Medyo na-starstruck lang ako sa kagwapuhan niya.
"Ginulat? Kanina pa kita tinatawag Akeesha. Kanina pa tapos ang training mo." Paliwanag naman niya sa akin.
Inilibot ko naman ang paningin ko sa buong training ground at kami na lang ni Ryan ang nandito. Sa layo nang naabot ng isipan ko ay hindi ko na napansin na naiwan na pala ako dito sa training ground.
Umupo sa tabi ko si Ryan at may iniabot siyang isang kulay pink na bulaklak. Agad ko naman itong tinanggap at ngumiti sa kaniya. Hindi pa rin talaga ako masyadong sanay sa sweet side ni Ryan. Minsan, namimiss ko na rin ang pagsusungit at pagiging cold niya sa akin dati.
"Anong gumugulo sa isip mo?" Seryosong tanong niya sa akin.
"Ryan, alam mong mahal na mahal kita kahit na anong mangyari 'di ba?"
Hinawakan niya ang kamay ko at marahang hinalikan iyon. "Iniisip mo ba ang mga sinabi sa 'yo ni Athena kanina?"
"Nakausap mo siya?" Gulat kong tanong sa kaniya.
"Oo. Nakasalubong ko siya kanina habang papunta ako dito at sinabi niya ang lahat sa akin. Hindi mo raw maramdaman ang element mo at posible na wala kang element." Pagkwento niya sa akin.
Hindi naman 'yon ang gusto kong iparating kay Ryan dahil hindi issue ang nangyari kanina. Masyado lang yata talagang natuwa si Athena at naikwento na niya agad ito kay Ryan.
"Naalala mo noon, hindi mo rin alam kung paano mapalabas ang element mo pero nalagpasan mo 'yon. I'm sure malalagpasan mo rin ito. Madidiskubre mo ulit ang element mo. Naniniwala ako sa kakayahan mo Akeesha. At handa akong tulungan ka sa abot ng makakaya ko." Masayang sabi niya sa akin.
Hindi ko na napigilan ang pagtulo ng mga luha ko. Gustong gusto kong sabihin kay Ryan ang lahat ng nangyari sa akin. Gusto kong aminin sa kaniya na pagkatapos ng dalawang buwan ay iiwan ko ulit siya upang harapin ang nakatadhana sa akin. Pero wala akong magawa dahil hindi ko pwedeng sabihin sa kahit na sino kung sino ba talaga ako o kung anong mangyayari sa akin. Sobrang nahihirapan na ako.
Pinunasan ni Ryan ang mga luha ko at hinalikan niya ako sa noo. "Fire Water Akeesha. Pero kailangan ko munang bawiin ang kwintas na ito."
Hindi ko na namalayan na natanggal na pala niya ang kwintas na bigay niya sa akin last year. Itinago niya ito sa kanang bulsa niya at may kinuha siya sa kaliwang bulsa niya.
"Dahil malapit na ulit ang Foundation Day, kailangan ko nang ibigay sa 'yo ito upang wala nang magtangkang magyaya sa 'yo."
Isinuot niya sa akin ang panibagong kwintas na simbulo ng pagiging date naming dalawa sa darating na Foundation Day. Ang pendant ng kwintas na 'yon ay hugis puso at may dalawang bato, isang kulay pula at kulay asul.
Ngumiti ako sa kaniya at binigyan siya ng halik sa pisngi. Pero nagulat ako nang biglang lumapat ang labi niya sa labi ko. At dahil sa gulat ko ay napapikit ako when he started to move his lips. He's now kissing me passionately and full of love and I didn't hesitate to respond. It is my first kiss and I don't know if I'm doing it right.
I really love the man I am kissing right now and If I will be given a chance to fight for him, I will grab that chance.
EHRIS' POV
"Hanggang ngayon, hindi ko pa rin maintindihan kung bakit hinayaan niyong bumalik si Akeesha sa Elemental World. Mas lalo niyo lang siyang pinapahirapan."
Pinapanood namin ngayon sina Akeesha dito sa may Batis ng Katotohanan. Ito ang nagsisilbing mata namin sa mundo ng mga Elementalist. Dito namin nasasaksihan ang lahat ng pangyayari sa Elemental World.
"Ehris, pinagbigyan ko lang ang gusto niya upang tanggapin niya ang pagiging Psyche niya." Paliwanag naman sa akin ni Aries.
"Pumayag na nga akong ilihim sa kaniya na nakatakda rin siya kay Ryan para hindi na magulo pa ang isip niya. Pero tingnan niyo kung gaano nahihirapan ngayon si Akeesha." Naiinis kong sambit. Dalawa ang nakatadhana kay Akeesha pero ang pagiging Psyche niya lamang ang tangi naming sinabi sa kaniya.
"Kumalma ka nga Ehris. Pagbalik dito ni Akeesha, makakalimutan din niya si Ryan. Nagkakaganyan lang naman siya dahil sa emosyon niya." Sabi naman ni Hayron.
"Sana nga ganoon lang kadali na lumimot." Mahina kong sabi sa kanila.
" Ehris." May himig pagbabantang tawag sa akin ni Aira.
"At pagkatapos nito, anong gagawin niyo? Buburahin ang alaala ni Ryan sa kaniya? Katulad ng ginawa niyo sa akin noon?" Tanong ko sa kanilang apat.
"Ehris, ano bang pinagsasabi mo?" Naguguluhang tanong sa akin ni Ahana.
"Tama ako 'di ba? Katulad lang din ako ni Akeesha, iniwan ko ang mahal ko dahil kailangan kong tanggapin ang pagiging Psyche ko. Binura niyo ang alaala ko pero 'yon lang naman ang binura niyo kasi nararamdaman ko pa rin ang sakit at pangungulila. At alam niyo kung ano ang pinakamasakit, ang patuloy na magmahal ng isang nilalang na maski pangalan o itsura ay hindi ko na maalala." Mahabang paliwanag ko sa kanila.
Nagkatinginan silang apat at agad na inalo ako nina Aira at Ahana. Umalis naman si Aries sa hindi ko malamang dahilan na agad namang sinundan ni Hayron.
"I'm sorry Ehris. Hindi namin alam na ganito pala ang naging epekto sa 'yo." Sabi ni Aira.
"Ginawa lang namin ang nararapat dahil ang pagiging Psyche ay kaakibat ng batas na nagbabawal sa atin na magmahal ng Elementalist. Alam mo 'yan." Sabi naman ni Ahana.
"Ayokong maulit kay Akeesha ang nangyari sa akin. Kaya pumayag ako na huwag nang sabihin sa kaniya na nakatakda rin siya kay Ryan. But this is too much. Bilang Emotion Psyche, nararamdaman ko ang lahat ng nararamdaman niya at nasasaktan ako para sa kaniya."
Muli kong pinagmasdan sina Akeesha at Ryan na masayang naglalakad. Nasaksihan ko kung paano naging miserable ang buhay nilang dalawa nang magkahiwalay sila at kung paano muling nanumbalik ang saya nang magtagpo ulit sila. At kung magkakahiwalay ulit sila, mas doble ang sakit na mararamdaman nila.
"Hindi mo rin masisisi si Aries dahil kagustuhan din ni Akeesha ang pansamantalang pananatili sa Elemental World." sabi ni Aira.
"Oo, itinakda nga silang dalawa pero kailangang piliin ni Akeesha ang Psyche World. Iyon ang nakasaad sa Book of Truth dahil kung hindi ay maaari nilang ikamatay ito pareho. At nakita natin kung gaano kaayaw ni Akeesha nito, kaya gumawa ng paraan si Aries para mas mapadali ang lahat. Hindi natin masisisi si Aries na nagdesisyon siya at gumawa ng kasunduan kay Akeesha." Mahabang paliwanag ni Ahana.
"Pero Ehris, alam mong nakatakda na si Akeesha sa atin. Bakit itinakda mo siya kay Ryan?" Tanong naman sa akin ni Aira.
Tumalikod ako sa kanilang dalawa. "Sa tingin niyo ba, ako ang nagtatakda sa mga Elementalist?"
"Sino pa ba? I mean, sa 'yo nanggagaling ang mga Kwintas ng Pagkakatatag na ginagamit nila kapag Foundation Day." Sagot sa akin ni Ahana.
"Ako ang gumagawa ng mga Kwintas ng Pagkakatatag at hanggang doon lang ang trabaho ko. Wala akong kinalaman sa pagtatakda ng kwintas." Paliwanag ko sa kanilang dalawa.
"Totoo ba ang sinasabi mo?"
"Oo Aira. Katulad niyo ay taga-gabay lang din ako. Sa oras na maibigay na ng lalaking Elementalist sa babaeng Elementalist ang kwintas, wala na akong kontrol dito. It's out of my jurisdiction."
Nagpabalik-balik sa paglalakad ang dalawa habang nag-iisip. Nagkakatinginan pa sila tapos maglalakad ulit na ikinataka ko naman.
"Bakit?"
"All this time, akala namin ikaw ang may pakana ng pagtatakda ni Akeesha kay Ryan. Akala namin ay nagrerebelde ka sa Psyche World." Pag-amin ni Ahana.
"What? Naisip niyo pa talaga 'yon?" Hindi makapaniwalang tanong ko sa kanila.
"Masisisi mo ba kami? Ikaw ang Emotion Psyche e." Parang batang sabi naman ni Aira.
"Pero kung hindi ikaw, sino ang nagtakda sa dalawa?" Tanong naman ni Ahana.
"Ang pagmamahal nilang dalawa sa isa't isa ang nagtakda sa kanila. Ang kwintas ay tanging simbulo lamang."
"Ganoon na ba talaga kalakas ang pagmamahal na sinasabi mo Ehris?"
Lumapit ako sa dalawang Psyche na nagugulumihanan. Pareho ko silang tinapik sa balikat at ngumiti.
"Don't underestimate the power of love. Napatunayan na 'yan noon nina Amara at Jiro, ang dalawang Elementalist na lumabag sa batas at ipinaglaban ang isa't isa. Nakakalungkot lang sa part ni Akeesha dahil kapag ipinaglaban niya si Ryan, maaari nila itong ikamatay na ayaw nating mangyari lahat."
Totoong nakatadhana si Akeesha kay Ryan at nakatadhana rin siya na maging Elemental Balance Psyche. Ngunit hindi niya maaaring tanggihan ang pagiging Psyche sapagkat maaari niya itong ikamatay, pati si Ryan ay maaaring mamatay din. Ito ang dahilan kung bakit hindi na namin sinabi sa kaniya na nakatadhana rin siya kay Ryan dahil paniguradong si Ryan ang pipiliin niya.
Ang inaalala ko lang ngayon ay ang dalawang buwan na pananatili niya sa Elemental World. Masyadong mahaba ang dalawang buwan at maraming pwedeng mangyari na makakaapekto sa tadhanang tatahakin ni Akeesha. Sana lang ay tamang desisyon ang ginawa ni Aries patungkol dito. Sana ay hindi siya nagkamaling pabalikin si Akeesha sa Elemental World.