♫ One day I will remember
That day when you said goodbye ♫
Gaano man natin kamahal ang isang tao...
Gaano man natin kayang ipaglaban siya...
Darating at darating din ang araw na kailangan nating palayain sila. Hindi dahil gusto natin kundi dahil iyon ang nararapat.
Ako si Kristine at ito ang aking kwento...
♫ One day while the world is sleeping tight
One day you will see me smile ♫
Lumuluha ako habang minamasdan ko ang matipunong likod ni Kenjie. Ala-sais na ng umaga. Ilang minuto na lamang ay gigising na siya at iiwan ako sa bahay na ito. Ang bahay na naging saksi sa masasayang alaala namin noon.
Tandang-tanda ko pa ang huli naming pag-uusap kagabi bago kami matulog na dalawa...
"Kenjie, ayos lang naman sa akin na dalawa kami sa puso mo. Huwag mo lang kaming iwan ng anak mo..." Lumuluha kong sabi. Wala na akong pakialam noon kung mukha na akong kaawa-awa.
"Kristine..." May awa sa kanyang boses.
Alam kong ayaw niyang gawin ito. Labag ito sa kalooban niya.
Niyakap ko si Kenjie. "Please, Kenjie. Kailangan ka ng anak natin."
"Kristine, hindi ganoon kadali eh..."
Lalo akong nagsumiksik sa kanyang dibdib. "Lahat gagawin ko, Kenjie! Nagkulang ba ako? Kulang ba sa tamis ang adobo ko? Hindi ba ako masyadong maayos? Sabihin mo Kenjie kung anong problema sa akin at babaguhin ko wag mo lang akong iwanan!"
Tinanggal niya ang pagkakayakap ko. "Ako ang problema, Kristine, dahil... Hindi na kita mahal."
Hindi ako makapaniwala sa sinabi ni Kenjie...
♫ One day you will remember
That day when you left my side ♫
At ngayong araw na ito. Ngayon na niya ako iiwan.
Hindi ko napigilan ang pagpatak ng aking luha nang marinig ko ang ugong ng kotse ni Kenjie na papaalis.
Kanina habang inaayos niya sa maleta ang mga gamit niya ay nagtulog-tulugan ako. Gusto ko siyang pigilan pero ako na mismo ang pumigil sa aking sarili na wag gawin iyon. Kung gusto ni Kenjie ang babaeng iyon kesa sa anak namin ay hahayaan ko ito. Kakayanin ko dahil alam kong iyon ang ikakaligaya niya.
Ang kailangan ko na lang gawin ay hintayin ang araw na makakalimutan ko lahat ng nararamdaman ko sa kanya ngayon.
Alam ko na drating din ang araw na iyon...
♫ One day in the silence of the night
One day I will be alright ♫
Oo, alam ko na iiyak ako araw-araw at kahit sa gabi.
Mahirap pero kailangan kong mag-survive para sa anak ko. Makaka-move on din ako.
ISANG araw, habang namamasyal kami ng anak ko sa mall ay hindi ko inaasahan na makikita ko roon si Kenjie. Kalalabas lang niya ng comfort room. Nagkasalubong kami pero tila hindi niya ako napansin kasi nagmamadali siya.
"Mama, si Papa iyon diba?" Sabi ng anak ko.
Napatingin ako sa bata. Nakita rin pala niya ito. "Akala ko po ba nasa ibang bansa siya?"
Hindi ko sinagot ang kanyang tanong. Kinarga ko siya at sinundan namin si Kenjie...
Bumaba si Kenjie sa ground floor ng mall kung saan dumiretso ito sa food court.
♫ I recall when you said you love me so
I remember you said you’ll never go ♫
Sinalubong siya ng isang magandang babae at yumakap ito sa kanya.
Dinig na dinig ko ang usapan nila...
"Ang tagal mo ha! Naka-order na ako hun ng pagkain." Magiliw na turan ng babae kay Kenjie.
Bata pa iyong babae at di hamak na mas maganda sa akin.
"Talaga? Kain na tayo at may pupuntahan pa tayo.." Yakag ni Kenjie at umupo na sila para kumain.
"Mama, si Papa iyon diba?" Pangungulit ng anak namin.
♫ One day I will remember
A love that I’ve always known
One day you will know the reason why ♫
Halos madurog ang aking puso habang pinapanood ko ang ka-sweetan nila sa isa't-isa.
Ganoon kami dati ni Kenjie...
Sweet at laging naglalambingan...
Hindi ko inaasahan na biglang magagawi ang tingin sa amin ni Kenjie. Nakita ko ang gulat sa kanyang mga mata habang nagtama ang aming mga mata.
"Kristine!" Tawag niya sa akin.
Tatalikod na sana ako pero biglang tumayo si Kenjie at nilapitan ako. "Join us!" Aniya.
Naniningkit ang mga mata ko na tumingin sa kanya. Nang-iinsulto ba siya?!
Lumapit na rin sa amin iyong babae...
"Hon, sino siya?" tanong noong babae.
♫ You will stay forever in my heart
I recall when you said you love me so
I remember you said you’ll never go ♫
Hinapit ni Kenjie sa beywang ang kasama niyang babae. "Hon, siya si Kristine. Isang high school friend." Pagpapakilala sa akin ni Kenjie sa kasama niyang babae.
High school friend.
"Eh siya, Kenjie? Sino naman siya?" Kunwari ay hindi ko pa kilala ang babaeng kasama niya.
♫ One day you will know the reason why
You will stay forever in my heart ♫
"Ah ito nga pala si Dennise, ang asawa ko.." aniya.
Asawa...
Napakasakit na salita.
Siguro nga ay hindi na talaga kami pwede ni Kenjie lalo a at bawal ang aming pagmamahalan.
"Papa!" Tawag ng anak ko kay Kenjie.
Biglang rumehistro ang pagtataka sa mukha ni Dennise.
"Naku, pasensiya kana sa anak ko. Namimss na kasi nito ang Papa niya na nasa ibang bansa kaya kahit sinong lalaki ang makita ay akala ay ang Papa niya.." Pagsisinungaling ko.
♫ I recall when you said you love me so
I remember you said you’ll never go ♫
Biglang may nagtext doon kay Dennise. Binasa nito.
"Hon, pinapauwi na tayo ni Mommy. Dadalaw daw tayo ngayon sa sementeryo. First death anniversary pala ngayon ng Kuya Kenneth..."
Kinausap ako ni Kenjie. "Sige, Kristine...Aalis na kami ng asawa ko. Its nice seeing you again."
"Sana makadalaw ka sa bahay minsa para makapag-usap tayo..." Nakangiting turan ni Dennise at umalis na sila.
♫ I’ll be stronger, stronger than before
Ohhh now it’s over
Can I see your face once more ♫
Alam kong wala akong karapatan para magprotesta. Isa lamang akong hamak na kabit. Panggulo sa pagmamahalan ng mag-asawa.
Siguro nga ay tama lang na kalimutan ko na si Kenjie.
Hindi ko na mahintay ang araw na tatawanan ko na lamang lahat ng katangahan ko.
Ang araw na sasabihin ko sa sarili ko na kaya ko na ulit magmahal ng iba. Iyong hindi ako makikihati..
♫ One day I will forget you
Today I will go on
One day and there’s no more you and I
One day you won’t see me cry ♫
"Mama, si Papa iyon diba?" tanong ulit sa akin ng anak ko.
"Oo anak... Si Papa iyon..." sabi ko.
♫ One day I will be just fine ♫