Panlaban sa mainit na araw ay ang lilim ng mapunong Rizal Park. Dito, may ilan ding nagjo-jogging at nage-exercise. Pagbibisikleta naman ang exercise ng ilan na paikot-ikot sa sidewalk. Mayroon ding mga magkasintahan na nakagawian na dito magtagpo, samantalang ang iba naman ay nakatambay lang at nag-uubos oras.
Sa init ay hindi na sinuot ni Andy ang kanyang leather jacket at naka-polo na lang. May ilang minuto rin siyang naglakad tungo rito mula sa pinagparkingan at pinagpawisan nang kaunti, halata ito sa marka sa kanyang kili-kili. Pagdating niya'y naghihintay na sa kanya ang unipormadong Colonel Laxamana na nakaupo sa kahoy na park bench.
Isang military bodyguard ang umaaligid sa hindi kalayuan.
"Andy!" masayang tawag ng colonel na tumayo para kamayan siya.
Naupo sila.
"Pare, tagal nating 'di nagkita ah," sabi ng militar.
"Ano bang maipaglilingkod ko, Colonel?" nakangiting sabi ni Andy.
"Pare, tigilan mo na 'yang Colonel," saway nito. "Batchmates tayo. Nagkataon lang na retired ka na at ngayon ay isa ng..."
Hinayaan ni Colonel Laxamana na lumutang ang kanyang pangungusap para si Andy ang magtuloy.
"Private Investigator. 'Wag mo kong maliitin, pare ha. Magandang raket ito," biro ni Andy.
"Oo naman, pare," hayag ng colonel. "At itong trabaho mo..."
"Basically, surveillance, background check, infidelity check," ani ni Andy, at napangiti, "...alam mo na, mga nangangaliwang asawa."
Napangiti rin si Colonel Laxmana at dugtong nito, "And Missing Persons."
"Kadalasan, missing persons," kumpirma ni Andy, "Ito ba ang papatrabaho mo? Ano ito, sundalong nag-AWOL?"
"Special case ito. Nirekomenda kita sa HQ," siryosong sabi ng colonel.
"Special case?" pagtaas ng kilay ni Andy.
"May insidente sa Quezon Province," masinsinang sabi ng colonel, "Sa bayan mo...sa Callejon."
Gulat na napaatras ang ulo ni Andy.
"Callejon? Sinong nawawala sa Callejon?"
Hindi agad sumagot si Colonel Laxamana. Tinimpla muna ang reaksyon ni Andy, at:
"Lahat sila."
Napasandal sa upuan si Andy. Hindi siya makapaniwala. Wala siya sa mood para sa mga jokes. Nguni't alam niyang hindi ito joke, lalo na't galing sa kaibigan na matagal na niyang hindi nakikita at isa pang military. Hindi siya nakapagsalita, ang mukha niya'y nabitin sa isang shocked na reaksyon.
Kinuha ng colonel mula sa kanyang briefcase ang isang folder na may tatak na Top Secret, at ipinakita ang mga litrato ng Callejon na nagmistulang ghost town.
"Ang mga residente ng Callejon, San Gallego, Quezon Province, 508 na katao, isang araw, naglaho na walang kadahilanan. Disappeared without a trace."
Nanlaki mata ni Andy. Hindi siya makapaniwala sa tinitignang mga litrato at paper reports.
"Paano maglalaho ang limang daang katao?"
"We don't know, pare," sabi ng colonel. "Tatlong linggo mula nang mangyari ito, wala pa kaming tiyak na kasagutan. Meron lang kaming theories."
Napakunot-noo si Andy.
"At ang theories na ito?"
"a*******n," mariing sabi ng colonel.
At tinignan ng diretso si Andy.
"Extra-terrestrial."
Nanlaki mata ni Andy.
"Alien a*******n?"
Tumango si Colonel Laxamana.
"Pare, naman. Siryoso ba ito?" hindi na napigilang itanong ni Andy. Marami na siyang kasong nahawakan sa career niya, pero, ngayon lang niya na-engkwentro ang ganito. Alien a*******n. Parang pelikula lang. Pero, siryoso ang kausap niya, at alam niya ito.
"Nagbuo na ang Presidente at Joint Chiefs of Staff ng special task force," ulat ng colonel. "Joint forces ng military, NBI, national security.
"Ba't hindi kayo humingi ng tulong sa FBI at CIA?" mabilis na tanong ni Andy, at naisip pa ang: "X-Files?"
Nangiti nang bahagya si colonel. Kung tutoo man ang X-files, siya na lang ang nakakaalam.
"As much as possible, internal investigation muna," sabi nito.
Sa paligid, patuloy ang pagjo-jogging at page-exercise ng mga tao, lingid sa kanilang kaalaman sa pinag-uusapan ng dalawa. Isang kababalaghan na kalas sa ordinaryo nilang buhay. Dinukot ni Andy ang kalahating kaha ng sigarilyo sa kanyang bulsa at sumubo ng stick. Inalok niya si Colonel Laxamana pero tumanggi ito.
"Hindi ba bawal manigarilyo dito?" tanong ng colonel at lumingon pa sa paligid.
Sinindihan ni Andy ang yosi, "Nandyan ka naman eh."
Umiiling-iling si Andy na bumuga ng usok.
"Isang buong bayan na nawawala," muni niya, "Ngayon ko lang narinig ito."
"Actually," sabi ni Colonel Laxamana. "Marami ng insidente na tulad nito ang nangyari."
Kinuha ng colonel ang isa pang folder sa kanyang briefcase kung saan may mga katulad na kaso siya na nakalap. Pinakita niya ang mga papel kay Andy.
"Noong 1587, isang settlement sa Roanoke, na ngayon ay North Carolina sa Amerika. Kulang-kulang na 115 na mamamayan, naglaho na parang bula."
At inisa-isa pa niya ang iba.
"Hoer Verde sa Brazil, 1923, 600 katao, Lake Anjikuni sa Canada, 1930, 3,000 katao, ganon din nangyari sa Urkhammer, Iowa, at sa Ashley, Kansas, U.S.A. Ang buong bayan, ang lahat ng mga mamamayan sa nasabing mga lugar na ito, naglaho silang lahat. Fake man o hindi ang mga historical reports na ito, the thing is, pare, sa kinalalagyan ko, bale wala kung tutoo o hindi, dahil nanggaling na ako mismo sa Callejon, at nakita ko..."
Kinorek ng colonel ang sarili. "or...wala akong nakita...ni isang kaluluwa."
Tumango si Andy. Handa naman siyang maniwala sa kaibigang militar, ang hindi niya maintindihan ay kung bakit sa dinami-dami ng mga bayan sa Pilipinas, ay bakit ang Callejon pa? Bakit pa sa bayan kung saan siya ipinanganak at lumaki? Umiikot-ikot sa isipan niya ito.
Nilapat ng colonel ang kamay niya sa balikat ni Andy, at siryosong sinabi:
"I need your help, pare."
Saglit na napaisip si Andy. May kakaiba siyang nararamdaman sa kasong ito, kasama na ang pagnanais niyang bumalik sa Callejon. Ang bayan na may pait niyang iniwan, ilang dekada na ang lumipas. Ang feeling na may unifinished business siya doon na matagal nang bumabagabag sa kanyang isipan.
Nilaglag ni Andy ang upos ng sigarilyo at inapakan.
"Kelan alis natin?"
"Papasundo kita bukas ng umaga," sagot ng colonel, relieved na pumayag ang kaibigan. Binigay niya dito ang kalahatan ng folder. "Heto, pag-aralan mo, para may background ka ng kaso. And don't worry about the fee, sisiguraduhin kong may malaki kang compensation."
Malaking compensation. Kung sinabi agad ito ni Laxamana noong una pa'y wala na sanang pagdadawalang-isip ang P.I.. Kinuha ni Andy ang mga folder, at nagkamay sila.
"Madali akong kausap," aniya.
Ngumiti si Colonel Laxamana.
"Good to see you, Andy," sabi ng colonel habang tumayo para umalis.
Tumango lamang si Andy. Naglakad paalis si Colonel Laxamana at ang bodyguard. Napasandal si Andy. Nalulunod ang isipan niya sa mga nalaman. Ang misteryo ng bayan ng Callejon, ang bayan na pinanggalingan niya.
Ang bayan na naglaho.
Isang oras pa siyang naupo sa park bench bago siya nagdesisyon na umalis.
NEXT CHAPTER: "Bisita sa DIlim"