Our Lady of Carmel Convent, Tarlac.
Ito ang sabi ng sign sa taas ng isang 2-floor na kumbento na gawa sa bato, kahoy at yero. May kalumaan na ang gusali na itinayo pa noong 1950s. Napapaligiran ng malalagong mga halaman at puno. Tahimik ang lugar, may banal na kapayapaang nananalaytay.
Sa gilid ng kumbento ay nakaparada ang isang Nissan pick-up truck at nakataas ang hood nito. May usok na nagmumula rito habang binubuhusan ng tubig mula sa tabo ang radiator ng isang may edarang lalaki sa kanyang 50s—si Andy. Suot ay black leather jacket, maong at rubber shoes. Halos puti na lahat ng buhok ni Andy, manipis sa tuktok at may kahabaan sa bandang tenga at likod. Maputi siya at medyo heavy ang built
Katabi niya ang dalawang madre—mga dalagita pa na balot ng puti mula ulo hanggang paa.
"Kailangan n'yo pa po ng tubig?" tanong ng isang madre.
Nagpunas ng pawis si Andy gamit ang good morning towel.
"Hindi na, iha," sagot niya. "Okay na ito. Palalamigin ko na lang muna ang makina."
"Malayo pa ang lalakbayin n'yo, manong. Magpahinga muna kayo," alok ng pangalawang madre.
Napatango si Andy. Malayo pa nga ang lalakbayin niya. Pabalik. Ang hindi alam ng dalawang dalagita ay ang kumbento ang sinadya niya talaga.
"O-oo," pagsang-ayon ni Andy. "Sa katunayan, pwede ko bang magamit ang C.R. n'yo?"
Sumenyas ang dalawang madre.
"Halika po."
Nauna sa paglalakad ang mga madre tungo ng kumbento kasunod si Andy.
Ang sumalubong kay Andy pagpasok niya ng lobby ng kumbento ay ang life-size na statue ng isang santo na wala siyang ideya kung sino. Para sa kanya, pare-pareho lang ang hitsura ng mga ito: mahabang damit na kadalasa'y kulay brown o berde, may makapal na balbas at alambreng halo sa ulo. Kung minsa'y may hawak itong tupa, o may alagang hayop sa may paanan.
Ang lobby ay may mga kahoy na upuan at halaman sa paso. Sa isang bahagi ay may kuwarto na nagsisilbing office o registrar. Sa kabilang pader ay prominente ang higanteng kahoy na krus. Aninag ni Andy ang repleksyon niya sa makintab na tiles. Amoy niya ang bagong floor wax. May ilan pang madre sa paligid na paroon at parito.
"Doon po ang C.R," turo ng naunang madre. Isang maliit na pintuan malapit sa hagdan paakyat ng second floor at may karatula na "C.R." Walang kaduda-duda na iyon nga. Ang pangalawang madre ay nauna nang umalis.
"Thank you," sabi ni Andy, at ngumiti ang madre.
Bago magtungo sa C.R. ay napalingon si Andy sa bandang kaliwa. Sa mahabang hallway na may pintuan sa dulo palabas ng yard at garden. Sa hallway na ito ay nakahilera ang ilan pang imahen ng mga santo. Pero, hindi ang mga iyon ang interes ni Andy. Ang pakay ng kanyang mga mata ay ang lalaki na tahimik na nagpupunas ng mga rebultong santo. Nasa kanyang 50s ang tinutukoy na lalaki. Siya'y nakasuot ng plain white t-shirt, itim na slacks at tsinelas. Janitor? Helper? Maputi ito at halatang hindi native ng lugar—at alam ito ni Andy.
"Ah, iha," tawag niya sa madre, paalis na sana ito.
"Opo?" lingon ng dalagita.
Sinenyas ni Andy ng ulo ang lalaking nagpupunas ng mga santo.
"Sino yun?
"Ah, si Mang Ben, po," sabi sa kanya.
"Ano siya dito?"
"Tumutulong po sa mga gawain sa kumbento."
"Matagal na ba siya dito?"
Nagtaka ang madre sa sunod-sunod na tanong ni Andy.
"M-mga dalawang buwan na po ata. Bakit po?"
Pero, hindi siya sinagot ni Andy, at patuloy pa rin sa pag-usisa.
"Hindi siya taga-rito, ano?"
Nagtataka man ay patuloy pa rin sa pagbigay ng impormasyon ang dalagita.
"Ah, hindi po. Galing po daw siya ng Maynila. Wala na daw siyang kamag-anak doon, kaya nag-request na kung pwede dito na lang siya manirahan. Mabait naman po siya."
Walang pake si Andy kung mabait ang lalaki ang kailangan niya'y kasiguraduhan sa identity nito.
Tumango siya, "Ah, okay."
Hindi naman pansin ng lalaki—si Ben, na pinagmamasdan siya't pinag-uusapan. Nasa mukha naman ng madre ang pagtataka sa kakaibang kuryosidad ni Andy ukol kay Ben, pero sa inosente nitong isip ay ipinasantabi na lamang ito. May iba pa siyang mas mahalagang nasa isip, tulad ng pagdarasal.
"Iwan ko po muna kayo, may gagawin pa kasi ako," paalam ng madre.
"Ah, okay, salamat, iha," sabi ni Andy, hindi pa rin inaalis ang tingin kay Ben.
Nang nakaalis na ang dalagitang madre, ay masusi pa ring minumukaang mabuti ni Andy ang lalaking nagngangalang Ben. Medyo malayo kasi ito sa kanya at may kalabuan na ang kanyang mga mata.
Pagpasok ng C.R. ni Andy ay binuksan niya ang gripo ng lababo at hinayaan lang na tumakbo ang tubig. Malinis ang C.R. Amoy air freshener. May dalawang urinal at isang cubicle sa loob. May binunot si Andy sa bulsa ng kanyang jacket—isang maliit na notebook at kanya itong binuklat at binasa ang checklist na nakasulat doon. Nakaipit din doon ang maliit na 2x2 I.D. picture. Ang nasa larawan—walang iba kundi ang lalaki kanina, si Ben.
"Huli ka," ngiti ni Andy.
#
Ibinaba ni Andy ang hood ng kanyang Nissan pick-up. Sa tabi, naka-abang na ang dalawang madre, ready nang mag-babay.
"Thank you, sisters," sabi ni Andy sa kanila. "Nawa'y maging ganap kayong mga madre superior balang araw."
Maliliit na mga tawa.
"Salamat po. Happy safe trip," sabi ng unang madre.
Sabi naman ng pangalawa, "Ipagdarasal po namin kayo kay St. Christopher, siya'ng patron saint ng mga manlalakbay."
Bukal sa loob ito ng mga madre, pero kiyeme ni Andy. Nagmamadali siyang makaalis.
"Sige, please. Malay lang natin," komento ni Andy.
Inaabutan siya ng maliit na kahoy na kurus ng pangalawang madre.
"Ito po, manong. Para sa inyo."
Nguni't sa pagtataka nila'y tinanggihan ito ni Andy.
"Naku, iha. Thank you, pero, 'di tayo mahilig sa ganyan eh."
Sumakay si Andy sa kanyang pick-up.
"'Di po ba kayo naniniwala kay Jesus?" pagtatakang tanong ng naunang madre.
Ini-start ni Andy ang makina at ni-rev, at tinignan ang dalawang dalagita.
"Sa larangan ng trabaho ko iha, ang tanging pinaniniwalaan ko eh 'yung nakikita ko."
Sabay pinaandar ni Andy ang pick-up at nag-iwan ng makapal na usok ang tambutso at hinangin ang mga alikabok sa lupa. Nagtakip ng mga mukha ang dalawang madre habang kumakaway, at pinanood na makaalis si Andy ng gate ng kumbento.
#
Malubak, makitid ang daanan palabas at napupuno ng malalagong halaman. Kinuha ni Andy ang kanyang cellphone at nag-dial. Maya-maya'y may boses ng babae ang nag-hello.
"Hello, Mrs. Aglipay," balik ni Andy. "Si Andy ito. Andy Madrid. Na-locate ko na ang mister n'yo."
Saglit na pinakinggan ni Andy ang gulat na reaksyon ng kausap, at:
"Yes, Ma'm. Buhay ang asawa n'yo. Ite-text ko ang lugar kung saan n'yo siya mahahanap."
At pinakinggan muli ang sinabi ng kausap.
"Yes, Ma'm. Sa same bank account na lang. Yes, Ma'm. Bye."
Binaba ni Andy ang cellphone. Mataas ang sinag ng araw kaya isinuot niya ang kanyang Ray-Ban at binuksan ang radyo. Napangiti si Andy. Mission accomplished, aniya sa sarili. Halos dalawang linggo rin bago niya natunton ang kinaroroonan ni Ben Aglipay, na nagtago sa kanyang asawa. Pakiwari ni Andy ay gusto lang nito ng matahimik na buhay. Na-meet na niya mismo si Mrs. Aglipay, at isang buka pa lang ng bibig ng babae'y naintindihan na agad ni Andy kung bakit nag awol ang asawa. Pero, ikanga niya, trabaho ay trabaho lang.
Tumutugtog ang jazz sa radyo at nilakasan ni Andy ang volume habang nilampasan ng pick-up truck ang welcome sign ng Tarlac pabalik ng Manila kung saan naghihintay ang panibago niyang kaso, na may posibilidad na kanya ng kahuli-hulihan.
NEXT CHAPTER: "Maverick, P.I."