Mr. Zavier Marcello Santiesteban
Mr. Santiesteban.
Zavier.
Inisip ko pa lang na iisa ang Zavier na tinutukoy nila sa Zavier na kilala ko, lumakas na ang kabog ng dibdib ko. Pagkatapos naming masunugan, aminado akong nawala siya sa isip ko. Mas nangibabaw ang kawalan ko ng pag-asa sa buhay.
Ngunit ngayong narinig ko ang pangalan niya, para akong nabuhayan ng loob. ‘Yung sama ng pakiramdam ko ay mistulang naglaho. Napalabas nga ako ng kahon kahit wala talaga akong balak. Gusto ko lang kasi siyang makita. Kahit sa malayo. Kahit ilang segundo lang.
Nakita kong may pinagkakaguluhan ang mga kasama kong pulubi sa basketball court kung nasaan kami. Para silang mga langgam na nagtumpukan sa isang sulok. Kaya naman dito ako nagpunta.
Maraming tao rito kaya sinubukan kong tumingkayad. Nagbakasakaling makikita ko kung ano ‘yong pinagkakaguluhan nila. Kaya lang hindi ko talaga matanaw.
Ilang sandali lang, may ilang mga kasama akong umalis na rito bitbit ang kulay puting plastic. Kita ang lamang pagkain at damit nito.
At dahil desperada nang malaman kung sino ang namimigay ngayon sa ‘min, pinagsiksikan ko na ang sarili ko sa pagitan ng mga tao. Kahit na walang daan, pilit akong gumawa para sa ‘kin hanggang sa wakas ay nakarating ako sa pinakaunahan.
“Pumila ho tayo para lahat mabigyan. Bawal nang mag-ulit,” sabi ng isa sa mga volunteers na nakaharap ko. Pamilyar sila sa ‘kin dahil mga taga barangay sila na nakikita na namin noon.
May inabot na plastic sa ‘kin na tulad ng sa iba. Kinuha ko naman ito pero sa iba napunta ang atensyon ko. Tiningnan ko kasi lahat ng mga kasama niyang namimigay sa ‘min ngayon. Hinanap ko si Zavier. At nang hindi ko siya nakita, ‘yong pag-asang naramdaman ko kanina lang ay parang apoy na biglang inihipan at namatay.
“Next!”
Bagsak-balikat akong tumalikod at naglakad pabalik sa kahong tulugan namin. Nakayuko lang ako at para bang bigat na bigat sa dalang plastic. Binagsak ko nga lang ito sa sahig bago pumasok sa kahon. Bumalik ako sa pagkakahiga. Pumikit ako at itinuloy ang pagtulog ko.
Bakit nga naman ako umasang magpupunta si Zavier dito sa court? Malamang kung gusto niyang tumulong, magpapaabot lang siya ng pera o materyal na bagay. Hindi siya mag-aabalang bigyan ng oras ang tulad naming mga pulubi.
Malakas na buntong-hininga ang pinakawalan ko hanggang sa tuluyan akong dinalaw ng antok.
***
“Sumama ka na kasi sa ‘min, Maymay. Sa tingin mo ba kapag nagkulong ka rito sa court e babalik ang bahay natin?” pamimilit ni Dayang sa ‘kin. Pinapasama niya kasi ako sa Mariposa District katulad lang ng ginagawa namin noon gabi-gabi. Ginawa rin niya ito noong umaga pero hindi ko pinatulan. Talaga kasing wala akong lakas. “Sayang naman ‘yang ganda mo kung itatago mo na lang dito,” pambobola pa ng kaibigan ko.
Tatanggi na sana ako nang bigla kong nakita sina Marikit at Nonoy na sumilip sa kahon kung nasaan ako.
“Ate Maymay, kailan ka ba huling naligo?” tanong ni Nonoy sabay takip ng ilong. Sinimangutan ko naman siya at dito siya tumawa dahil sa pang-aasar niya.
Ginatungan ito ni Marikit. “Kung sasama ka, Ate Maymay, maligo ka muna ah. Tiniran ka naman namin ng tubig.” Napangiti naman ako. Araw-araw akong binibisita ng mga batang ‘to. At ngayon ay parang gusto ko na silang pagbigyan.
Ilang sandali pa ay huminga ako ng malalim bago tumango. “Sige na. Malakas kayo sa ‘kin e. Susunod na lang ako sa inyo,” matamlay kong sagot, bahagyang umangat ang isang dulo ng labi.
Nakita ko namang natuwa ang mga bata, lalo na si Dayang. “Sabi mo ‘yan ah? Oh eto. Isuot mo,” bigla niya akong inabutan ng kulay puting tela na malambot at may kabigatan. May kasama pa itong ulo na sinapo ko. “tapos punta ka sa unang hotel sa sampaguita street. May raket akong nakuha para sa ‘tin,” sabi pa niya.
Nakita kong ulo ng rabbit ang hawak ko kaya nagsalubong ang kilay ko. Bago pa ako makapagtanong kung para saan ito, nawala na sa harapan ko si Dayang. Isinama pa niya ang mga bata.
Tiningnan ko naman ang iniwan niya sa ‘kin at nagsalubong ang kilay ko. Bakit kailangan naming maging mascot ngayong gabi?
***
Pinagtitinginan ako ng mga tao habang naglalakad sa ruta namin sa panlilimos. Paano’y naka-costume ako. Yakap-yakap ko nga lang ‘yong ulo ng rabbit dahil bukod sa may kabigatan ay naiinitan ako isuot ito.
Malapit lang ‘yong hotel na tinutukoy ni Dayang. At malayo pa lang, nakita ko na agad siya sa tapat nito. Nakasuot din siya ng kaparehong costume pero mas pink lang ang kanya at may kinang pa. Pagkatapos ay may hawak siyang mga papel. Binibigay niya ito sa bawat taong dumadaan.
Mukhang ito ‘yong raket na tinutukoy niya. Marahil ay nakausap na naman niya ‘yong kaibigan niyang nagtatrabaho sa hotele kaya nabigyan siya ng ganitong oportunidad. Naisip ko namang mas ayos na rin ito kaysa manlimos kami ngayong gabi.
Sinuot ko na ‘yong ulo ng rabbit costume, tsaka ako tumawid. Nakita naman ako ni Dayang kaya kumaway siya. Paglapit ko sa kanya, inabot niya sa ‘kin ang kalahati ng hawak niyang mga papel.
“Dapat daw maubos natin ‘to ah. Isa lang kada isang tao,” bilin ni Dayang sa ‘kin na tinandaan ko naman. Kahit wala akong gana sa buhay ngayon, dahil trabaho ito ay naging determinado pa rin ako.
Dito ko napatunayang hindi pala madali mamigay ng flyer sa mga tao. Lalo na’t kung hindi kami pinapansin at tinitingnan, kadalasan ay binibitawan lang nila sa sahig ‘yong papel pagkakuha o ‘di kaya tinatapon. Pero tyagaan lang talaga. Ayos na rin ito kaysa nasa court lang ako at nagmumukmok. Kailangan ko rin ng ibang mapagkakaabalahan para hindi ko maisip lahat ng pinagdaanan.
“Buti binigyan ka ng raket ng kaibigan mo?” tanong ko kay Dayang noong malapit na kaming matapos. May dumaang na tao kaya inabutan muna niya ito ng papel bago sumagot.
“Sinong kaibigan?” tanong niya. Nagsalubong naman ang kilay ko. Ramdam ko ang tagaktak ng pawis ko sa loob ng ulo ng rabbit.
“Hindi ba raket ‘to ng kaibigan mo sa hotel? Kaya nandito tayo sa tapat nila ngayon?” pagkumpirma ko.
“Ay hindi! Sa Pleasure Point ito. Tingnan mo kasi ‘yung papel,” sabi ni Dayang na ikinalaglag ng panga ko pagkakita sa flyer na hawak. Pino-promote nila ang club sa mga guests ng hotel! “Binigyan ako ng raket ni Mang Lito!” dagdag pa niya.
Tinapik ko naman siya sa braso. “Bakit ngayon mo lang sinabi? At bakit tumanggap ka ng trabaho sa taong ‘yon?!” Marami pa sana akong gustong sabihin. Pero sa gilid ng mga mata ko, nakita kong nilabas na kami ng security guard ng hotel.
“May, takbo!” sigaw ni Dayang. Kahit nanlamig at buong katawan ko ay agad ko namang ginawa ang kanyang sinabi. Napatakbo kami sa daan papuntang Las Rosas Circle. Mas mabilis si Dayang sa ‘kin dahil bukod sa sanay na sanay siya sa takbuhan, hindi naman masama ang pakiramdam niya tulad ko.
Akala ko susuko rin agad ‘yong guard. Pero mukhang determinado itong mahuli kami. Malaking hotel pa kasi ang binangga namin. Baka makulong pa kami sa ginawa namin.
Dapat talaga tinanong ko muna ang detalye ng raket na ‘to bago ako pumayag. Mukhang kami pa ngayon ang mapapahamak. At dahil pa rin ito kay Mang Lito. Mukhang nananadya talaga. Gigil na gigil na talaga ako sa matandang ‘yon!
Nakita kong lumiko sa isang eskinita si Dayang – mas maigsing daan ito papunta sa circle. At susundan ko na sana siya nang mapatingin ako sa ramen house. Kumunot ang noo ko nang sa tapat nito, may nakita akong pamilyar na itim na kotse. Nandito pa rin ‘yong sticker ng agila.
Lalo tuloy bumilis ang kabog ng dibdib ko. Mabilis kong inilibot ang mga mata ko sa resto pati na rin sa paligid nito. Una kong nakita ang dalawang tauhan ni Zavier na kausap ang may-ari ng resto. At bago pa man ako makalagpas dito, nakita ko rin sa wakas si Zavier! Nakatayo siya malapit sa isang eskinita at mukhang may kausap sa cellphone dahil nakatapat ito sa tainga.
Para naman akong nagkaroon bigla ng target. Tumawid ako sa kabilang kalsada at sinugod ko ‘yong kinatatayuan ni Zavier. Nakatuon ang buong pansin niya sa kausap kaya hindi niya inasahan nang bigla ko siyanag haltakin sa braso at dalhin papasok sa madilim na eskinita. Isinandal ko siya sa malamig na pader at nang magsasalita sana siya ay agad kong tinakpan ang bibig niya.
Nakita kong nanlaki ang mga mata niya habang nakatitig sa ‘kin. Akala ko magpupumiglas siya pero bigla siyang nanigas sa kinatatayuan niya, animo nakakita ng multo. Pero mabuti na lang din at ganito ang naging reaksyon niya. Paano’y nakita ko ‘yong guard na nahinto sa paghabol sa ‘kin dahil hindi niya napansin kung saan ako nagsuot.
Nang masigurado kong umatras na sa paghahanap ‘yung guard, dito lang ako nakahinga ng maluwag. Inalis ko ang pagkakatakip ng kamay ko sa bibig ni Zavier. At pagtingin ko sa kanya ay dito lang siya huminga. Naestatwa na rin siya sa harapan ko.
Napansin ko ang cellphone niya sa sahig na mukhang nabitawan niya sa paghila ko sa kanya. Sa takot kong mapagbayad nito ay ako na ang nagmadaling pumulot dito. Pagtayo ko ay tulala pa rin si Zavier. Napalunok pa siya habang nakatitig sa ‘kin.
Napaisip ako noong una kung anong tinitingnan niya sa mukha ko. Paghawak ko rito, dito ko lang naalalang nakasuot nga pala ako ng ulo ng rabbit!
“Ay pasensya na. Sandali,” sabi ko sabay tanggal ng suot ko sa ulo. Pawis na pawis ako kaya agad kong sinuklay ang buhok ko papalikod bago ako ngumisi kay Zavier. “Long time no see,” sabi ko na naririnig kong kadalasang sinasabi ng mga foreigners na tulad niya sa mga kakilala nila.
Dito naman nagsalubong ang kilay ni Zavier. Nag-iwas siya ng tingin sabay tikhim at bawi ng cellphone niyang hawak ko.
“Bakit ganyan ang suot mo?” galit niyang tanong. Para bang sa simpleng ayos ko pa lang ay naiinis na siya.
“Ah. Galing kay Dayang. Sinamahan ko siya sa raket niya. Baliw nga ‘yun e. Si Mang Lito pala ang nagbigay sa kanya ng raket na ‘to. Namimigay lang kami ng flyer para sa Pleasure Point—”
“Take it off,” pagputol niya sa ‘kin na nagpalaglag ng panga ko. Madilim ang tingin niya sa ‘kin. Binukas-sara ko naman ang mga mata ko. Napalunok dahil parang hindi yata ako handa sa hinihingi niya sa ‘kin.
“Alam kong nagpapabili ako sa ‘yo. Pero talaga bang kailangan ‘yan para bilhin mo ‘ko?” tanong ko kaya lalong nadepina ang lukot sa noo niya. Napanguso naman ako bago muling sinuot ‘yong ulo ng rabbit. “Kung ganun, sa susunod mo na lang ako bilhin. Ibabalik ko pa ‘to.”
Nakita ko ang pagtakip ni Zavier ng kamay sa mukha. Napapikit din siya, animo nasilaw. Narinig ko ang malutong niyang pagmumura at may kung anu-anong Ingles na salita pa siyang binulong na hindi ko naintindihan.
Pero dahil sa reaksyon at kilos niya, mukhang nakuha ko na kung bakit siya nagkakaganito.
“Takot ka ba sa rabbit?” tanong ko dahil ang alam ko, may mga taong takot sa mascot lalo na sa clown. Tulad na lang ni Marikit. Normal lang naman magkaroon ng takot ang isang tao.
“Stop talking nonsense,” aniya sabay baba ng kamay pero hindi naman niya ‘ko matingnan ng diretso. Natawa tuloy ako dahil hindi ko akalaing ang tulad niya na akala mo matapang ay may ganito pa lang kahinaan.
“Talaga? Hindi ka takot?” nanunuyang tanong ko sabay hawak sa kanya sa magkabilang braso. Hindi niya inasahan kaya nagawa ko siyang itulak muli sa pader hawak ang kanyang magkabilang braso. Nakatayo na siya sa harapan ko pero nakapikit pa rin. Natawa tuloy ako.
Pero mukhang napikon si Zavier kaya bigla ba naman niyang inalis ang suot kong ulo ng rabbit. Pinag-initan niya ito kaya binato niya sa malayo. At dahil napunta rito ang atensyon ko ay napagbaliktad niya ang pwesto namin ng parang wala pang isang segunod.
Matalim ang tinging ipinukol ni Zavier sa ‘kin. Ramdam ko ang bigat ng kanyang paghinga. Umawang ang labi ko habang sinusubukan kong hindi kumurap. Gusto kong ipakitang hindi ako takot pero pakiramdam ko ay lalo akong nanghihina sa titig niya.
“I’m not interested in playing hide-and-seek with you,” malalim ang boses ni Zavier, nagpatayo ito sa buhok ko sa braso at batok. Hindi ko alam kung anong ibig sabihin niya sa pakikipaglaro. Wala naman akong ginawa pero para bang may sinasabi siyang ginawa ko. “Bakit bumalik ka ulit sa lugar na ‘to?” tanong pa niya, mariin ang bigkas sa bawat salita.
“Kailangan. Para mabuhay,” simpleng sagot ko at nang parang mas lumalim ang tingin niya sa mga mata ko ay nagsalita pa ‘ko. “At para makita ka.”
Lalong kumunot ang noo ni Zavier. Bumaba ang tingin niya, hindi ko alam kung anong tiningnan pero sinundan ko siya. Nailang ako nang makita ang pawis ko. Mabuti na lang at nagdesisyon din siyang lumayo sa ‘kin. Nang iwan niya ako ay dito lang ako nakahinga ng maayos.
Umalis na ng eskinita si Zavier. Hindi ko alam kung tapos na ba ang pinunta nila sa Mariposa District dahil ilang sandali lang ay nakita kong umandar na ang kotse nila. Hindi na tuloy kami nabigyan ng pagkakataong magkausap ng maayos. Katulad ng dati ay bitin pa rin ang pagtatagpo namin. Parang kahit yata gabi-gabi kaming magkita sa Mariposa, kulang pa rin.
Pero sino lang ba ako? Hamak na pulubing nagmamakaawang bilhin ng isang mayamang negosyante. May kirot akong naramdaman sa puso ko pero hindi ko ito pinansin at agad na pinulot ang ulo nung rabbit. Kailangan ko pa itong mabalik ng nasa maayos na kundisyon bago pa kami mapagbayad ni Dayang para rito.
***
Huli nang umuwi sa court ang grupo namin nina Dayang. Kasama namin ang pamilya niya pati na rin ni Nonoy. Sabay-sabay kaming lahat at may pakanta-kanta pa talaga si Puraida.
Ayon lang, pagdating namin sa court, dito sabay-sabay ding natigilan ang lahat nang makitaang nakatipon ang mga kasama naming pulubi at Marasubwa sa harap ng mga volunteers na nagbigay sa ‘min ng mga pagkain at damit nitong mga nagdaaang araw.
Pero ngayon, pansin kong wala silang dalang malalaking kahon. Wala ring pila. May ilang kasama rin kaming naiiyak na para bang may nakatanggap siya ng hindi magandang balita.
At nalaman kong tama ako nang marinig ko ang isang volunteer.
“Kaya mas makakabuti ho kung babalik na kayo sa Mindanao. Tutulungan naman ho kayo ng gobyerno para makapagsimula ulit.”
Bumagsak ang balikat ko. Dumating na ang araw na kinakatakot ko. Ang pagpapabalik sa ‘min sa pinanggalingan namin.
Magsasalita pa lang sana ako para kumontra nang may mauna galing sa likuran ko. “Mamamatay kami kapag bumalik kami roon.” Paglingon namin ay nakita namin ang naluluhang mga mata ni Lola Sabel. Siya ang pinakamatandang Marasubwa na nakaligtas sa malawakang pagpatay sa lahi namin noon.
At sang-ayon ako sa kanya. Literal na mamamatay kami kapag bumalik kami sa pinanggalingan namin.