Nakakapaso ang sikat ng araw pero nagsisimula na ring dumilim ang kalangitan dahil nagbabadya ang pangangalit ng panahon. Ang dating malilim na lugar na kung saan nababalutan ng napakaraming mga puno, ngayon ay mga tuhod na lamang ng mga natitirang bahagi ng mga puno at Pungkanto ang naroroon. Wala na ang mumunti pero napakagandang bahay ni Laurea. Ang dating lugar na punong-puno ng buhay ngayon ay tila kahit ano mang may buhay ay hindi na pipiliing pang mabuhay pa rito. Sa bahagi ng dati'y napakalinaw na tubig ng ilog ay nakatayo si Sagaway. Nakakuyom ang kanyang mga kamao at nasa harapan niya si Calisha na sinaniban ng matandang Bruha na dati na niyang nakalaban. Lubhang mapanganib ang matanda dahil sa napakalakas na kapangyarihan nito gamit ang itim na mahika. "Impong Sendang?"

