CHAPTER 15

1014 Words
THIRD PERSON'S POV KASALUKUYAN PA ring pinaghahanap ng pulisya at mga awtoridad ang katawan ng anak ni Police General Brandon Costalejo na si Therese Costalejo. Hanggang ngayon ay hindi pa rin natatagpuan ang katawan nito kung saan ito huling nakita. Nalulungkot ang mga kaanak at ilang malalapit na kaibigan ng dalaga. Isang linggo na ang nakalilipas, hanggang ngayon ay isa pa ring misteryo ang nangyari sa dalaga, kung nasaan ito, kung buhay pa ba ito at kung patay na ba ito ay walang nakakaalam. Hanggang ngayon ay pinangangambahan pa rin ni General Costalejo ang pagkawala ng kaniyang anak. Sino bang magulang ang makakampante at hindi mag-aalala kung gayong isang linggo na ang nakakalipas ay wala pa ring balita sa dalaga? Labis na ang kaniyang pag-aalala ngunit hindi niya maaaring ipakita nang madalas ang nararamdamang iyon dahil sumisigaw pa rin kaniyang posisyon bilang isang pinakamataas na ranggo ng pulisya. Kailangan niyang maging matigas sa binibitawang salita at isantabi ang personal na buhay sa trabaho, bagay na nahihirapan siyang gawin ngayon dahil sa nangyari. Si Therese na lang ang kaniyang natitirang pamilya. Hindi na niya kakayanin kung pati ito ay mawawala sa kaniya. Hindi niya naalagaan noon ang kanilang pamilya dahilan kaya sila nagkawatak-watak kaya ayaw niyang maulit muli ang nangyari noon. Hindi na siya papayag na may mawala pa ulit sa buhay niya. Hindi na musmos si Therese noon nang magpasya ang kaniyang dating asawa na humiwalay na sa kanilang pamilya. Batid ng kanilang nag-iisang anak ang dahilan kung bakit sila naghiwalay ng ina. Iyon ay dahil kasalanan niya. Dahil sa labis na pagmamahal sa trabaho, ginugol niya ang oras sa propesyong tinahak na naging sanhi kung bakit lumayo ang damdamin ng dating asawa sa kaniya. Aminin man niya o hindi, hindi naging madali para sa kaniya ang pumili. Sa propesyon at minamahal na trabaho o sa pamilya na kaniyang binuo. Ayaw niyang mamili kaya ang ginawa niya, tulad ng dati ay pinagsabay niya ang pagtatrabaho, pagsisilbi sa mga tao, at pagbibigay sa serbisyo. Isinabay niya iyon sa pagiging asawa, pagiging ama at pagbuo ng kanilang pamilya. Akala niya, masosolusyunan na niyon ang lagi nilang pagtatalo sa paghahati niya ng oras ngunit mas lumala lang iyon. Hanggang sa napagod na ang kaniyang dating asawa na intindihin siya at nagpasyang iwan silang dalawa ni Therese. Bagay na pinigilan niya naman ng ilang beses, nagmakaawa siya at humingi ng pasensya ngunit sadyang buo na ang desisyon ng kaniyang dating asawa. Hindi na ito nagpapigil at hanggang ngayon ay hindi pa rin bumabalik sa kanila, ilang taon na ang nakalilipas. Hindi naman na ganoon ka-paslit si Therese ngunit sa tagal ng panahon ay hindi na nito nakita ang pagdadalaga ng kanilang nag-iisang anak. Ngunit kahit na ganoon ang nangyari, masaya si Brandon dahil nasa puder niya ang kaisa-isa niyang anak. Masaya siya dahil hindi ito inilayo sa kaniya ng ina nito. Kaya nga labis siyang nagdaramdam sa pagkawala nito. Halos hindi na siya makatulog, hindi na rin siya makakain. Pinipilit na lang niyang pumasok at gawin ang kaniyang trabaho dahil hindi naman iyon basta-basta pwede ipasa sa iba. Gabi-gabi rin siya kung umiyak sa Diyos at manalangin na sana… sana buhay pa ang kaniyang anak… sana buhay pa si Therese at gumagawa lang ng paraan para makabalik sa kanila. Hindi nawawalan ng pag-asa si Brandon. Kailanman ay hindi siya nawalan ng pag-asa na mahahanap at mahahanap niya ang kaniyang anak. Ngunit sa bawat araw na lumilipas, sa bawat minuto at oras na dumaraan, hindi niya rin maiwasang hindi kwestyonin ang tadhana. Sa dami ng taong nakasakay sa barkong iyon, bakit ang anak niya lang ang nawawala? Kahit labag sa loob niya ay mas tatanggapin niya pa na bumalik ito sa kaniya nang may mga galos at sugat sa katawan kaysa iyong ganito na hindi niya alam kung paano hahanapin ang anak. Wala siyang ideya kung paano pa ito matatagpuan gayong nasuyod na nila ang lugar kung saan lumubog ang barkong sinasakyan nito ng mga panahong iyon. Huminga siya nang malalim. Dahil malalim din ang kaniyang iniisip. Kasalukuyan siya ngayong nasa kaniyang master bedroom, balak na sanang magpahinga ngunit tila hindi napapagod ang kaniyang utak na isipin kung saan naroon si Therese. Kaya naman, hindi siya makatulog. Hanggat hindi naibabalita sa kaniya ang kalagayan ng anak, hindi siya matatahimik. Kung maaari nga lang sana na siya na ang tumungo mismo sa lugar na iyon, ginawa na niya. Ngunit marami siyang nakatambak na trabaho. Isa na riyon ang pagpatay sa bunsong anak ng pamilya Sacueza na si Ross Mclin. Bagay na hindi niya sinusunod dahil batid niyang wala sa kaniyang kamay ang batas. Kung tunay ngang nakagawa ito ng kasalanan… and worst, ng krimen na pagpatay pa, iaasa na lang niya sa batas ang hatol. Anuman ang hatol sa lalaki ng batas, iyon ang masusunod. Hindi niya pa rin maintindihan ang kaso na ito at hanggang ngayon, palaisipan pa rin sa kaniya ang kasong kinasasangkutan ng bunsong Sacueza. Ngunit isa lang ang siyang sigurado siya, ito nga ang pumatay sa sarili nitong ama. Kung ano ang dahilan ay hindi niya batid ngunit hindi niya rin alam kung bakit naniniwala siya sa sinasabi ni Mrs. Sacueza. Kailangan na nilang malaman ang katotohanan. Kailangan na nilang kumilos ng naaayon sa batas. Ngunit paano niya gagawin iyon kung okupado ang isip niya sa pagkawala ng kaniyang anak? Gustuhin man niyang mag-focus na lang sa paggawa ng kaniyang tungkulin sa bansa, hindi niya magawa iyon nang tama at nang may buong puso tulad noon dahil binabagabag siya ng sitwasyon. Kung bakit ba naman kasi sa kanila pa nangyari ang bagay na ito. Kung bakit ba naman kasi hindi umayon sa kanila ang tadhana. Ngayon ay kailangan niyang ipakita na hindi nagkamali ang mga tao sa kanilang trabaho. Tumikhim siya at saka ininom ang isang baso ng tubig na nakalagay sa kaniyang side table. Nakahanda na iyon doon dahil madalas siyang uhawin. Pagkatapos niyon ay tinanggal na niya ang salamin na suot at saka ipinatong iyon sa lamesita. Huminga siya muli nang malalim. Sinusubukan sila ng sitwasyon. At kailangan niyang maging matatag nang dahil doon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD