DEAR STRANGER CHAPTER 3: Mr. Stranger
"LOLA! Lola!!!!" sigaw ko ng malakas mula sa gate at halos mapatid na ang ugat sa aking leeg kakatili. “Lola! May maganda po akong balita!”
Humahangos akong pumasok ng bahay dahil masaya akong sabihin kay lola ang magandang balitang natuklasan ko. Nagmamadali naman akong sinalubong ni lola.
"Apo, bakit ba kung makasigaw ka ay parang napaano ka na? May nangyari ba sa iyo?" tanong ng matanda na bakas sa mukha ang labis na pag-aalala sa akin.
"'La, may good news po ako!" masigla kong hinawakan ang mga kamay ng matanda na hindi pa rin naalis ang pag-aalala sa mukha nito. "May nakita po ako na lalaki kanina! Nakita ko po siya!"
"Oh? Eh, talaga namang nakakakita ka, Apo, hindi ba?" tanong nito sa akin na iginiya ako papasok sa may sala namin at saka umupo sa sofa.
"Hindi, 'La. Nakilala ko siya! Nakita ko po ang mukha niya!" sagot ko na puno pa rin ng excitement sa aking boses.
“N-Nakita mo?”
"Opo, ‘La! I mean, hindi ko po siya kilala pero na-recognize ko po ang mukha niya! For the first time in my face-blind life, naka-recognize po akong muli ng mukha, ‘La!" ngiting-ngiti akong tumingin muli kay lola. Hindi ko maitago ang sayang nararamdaman ko ng mga sandaling iyon. Gusto kong magsisisigaw at magtatatalon sa sobrang saya. Daig ko pa ang nanalo sa lotto.
"Talaga ba, Apo? Pogi ba siya?" masayang tanong nito.
"Opo, 'La! Maganda ang mga mata niya, matangos ang kanyang ilong at mapupula rin ho ang kanyang mga labi," masigla kong di-n-escribe rito ang lalaking nakita ko.
"Kaya mo siguro siya na-recognize, Apo, kasi pogi pala ang lalaking nakita mo. Walang duda," pabirong tugon nito sa akin na napangiti.
"'La naman!" Umupo ako sa tabi niya. "Totoo nga po, nakita ko po talaga ang mukha niya. Hindi ko ho iyon napansin pero no'ng bigla na lang ho siyang di-n-escribe ng utak ko, saka ko lang ho na-realize na naka-recognize po pala ako ng mukha," paliwanag ko pa. Sigurado akong nakilala ko siya at hindi ko iyon dapat makalimutan... hindi ko siya dapat makalimutan at ang kanyang mukha...
Sana.
Nang matuklasan ko noon na may face blindness pala ako ay doon lang din ako naging aware na lahat ng taong makita ko ay hindi ko pala nare-recognize. Nakikita ko ang kanilang mga mukha pero hindi ko iyon maaalala. Minsan ay blurred ang kanilang mga mukha sa aking paningin. Minsan naman ay magkamukha ang tingin ko sa magkaibang tao. Kaya naman namuhay ako ng umiiwas sa makisalamuha sa iba, palaging nakayuko, at sa katawan na lang nila ako tumitingin.
Tanging ang lalaking iyon lang ang kauna-unahang nakita ko ang mukha ng malinaw at naalala ko pa rin hanggang ngayon simula nang malaman ko na may face blindness ako. Hindi ko tuloy maipaliwanag ang nararamdaman kong saya dahil doon. It felt like a new hope starts to arise within me.
"Naniniwala naman ako sa iyo, Apo. Natutuwa nga ako sa nangyari. Alam kong matagal mo na ring inaasam na makakita muli ng normal gaya ng iba," tugon nito sabay pisil ng aking mga pisngi. "Masayang-masaya ako para sa iyo."
"Thank you, ‘La. Hindi ko nga rin po ma-explain sa salita iyong saya ko po sa puso ko. Ang ikinakatakot ko lang ho ay kung maaalala pa po kaya siya ulit ng mga mata ko kapag nagkita kaming muli?" Malungkot akong napatingin sa matanda, biglang nawala ang excitement na aking nararamdaman kanina dahil sa pangambang iyon. “Natatakot po ako na hindi ko na siya ulit ma-recognize.”
Kung ang mga magulang ko nga ay hindi ko na masyadong maalala ang kanilang mukha ngayon, iyon pa kayang lalaki na first time ko lang nakita?
"Apo, huwag ka agad mawawalan ng pag-asa. Hindi mo pa naman nasusubukan ulit, ‘di ba? Kung maniniwala ka, sigurado akong magtatagpo muli ang inyong mga landas at makikilala mo siya." Ngumiti sa akin si lola. "Bakit hindi mo ipag-pray na magkita kayong muli? Ang Diyos na ang bahalang gumawa ng paraan."
"Opo, 'La," pagsang-ayon ko. "Ipagdarasal ko po iyon. Ipagdarasal ko po na magkita kaming muli at makilala ko po siya," dugtong ko sabay ngiti.
“Tutulungan kita sa pagdarasal, Apo. Sigurado naman ako na ibibigay din ng Diyos ang hiling ng puso mo. Basta ba, maniwala ka lang na mangyayari iyon,” ani ng matanda.
Tumango ako at napahawak sa aking dibdib. “Naniniwala po ako, ‘La.”
Ikaw na po ang bahala sa lahat, Papa G. Pinapaubaya ko na po sa Inyo ang pagkikita naming muli ni Mr. Stranger.
---
HINDI mapakali ang mga mata ko sa pagsunod sa bawat taong dumadaan sa café. Walang patid ang paglingon ko sa kaliwa at kanang bahagi ng kalsada. Inaabangan ko kasi ang lalaking nagpaliwag ng malabo kong mundo. Naniniwala kasi ako na magkikita kami ulit ni Mr. Stranger. Iyon ang tawag ko sa kanya dahil hindi ko pa siya nakikilala pero eventually, malalaman ko rin iyon kapag nagkakilala na kami.
“So, anong ginagawa mo riyan?”
“Ah!” Napatalon ako sa aking kinatatayuan dahil sa pagkabigla nang magsalita si Claire mula sa aking likuran. “Ginulat mo naman ako, Sis!” reklamo ko.
Si Claire ang matalik kong kaibigan. Lumaki siya sa orhapanage ni lola at doon kami nagkakilala. Alam din niya ang tungkol sa kondisyon ko. Kahit pa, madalas ay hindi ko nare-recognize ang mukha niya. Kabisadong-kabisado ko naman ang kanyang boses.
"Napapansin ko kasi ang aga mo nang pumasok ngayon kaya nagtataka talaga ako kung bakit tapos hindi ka man lang kumukurap kakatitig diyan sa labas," usisa ni Claire habang nagpupunas ng counter.
"Wala na sa bokabularyo ko ang salitang late ngayon, Sis. Kailangan na nating magbago para sa future!"
"Aba! Ano namang mabuting pagkain ang nakain mo at nagbabago ka na ng balat mo, Sis? Ipakain mo rin sa akin para naman hindi na rin ako ma-late palagi," biro nito.
"May inaabangan kasi akong isang biyaya mula sa langit," sagot ko rito.
"At sino o ano naman ang inaabangan mong biyaya na iyan mula sa langit, aber?" pangungulit nito.
"Basta! Kailangan kong gawin ito para sa kinabukasan ko, Sis!" Sabay ngiti sa kanya. Naalala kong muli ang lalaking iyon. Hindi pa rin ako mawawalan ng pag-asang makita siya ulit.
"Huwag mo sabihing iyong pogi noong isang araw ang inaabangan mo riyan?" tanong nito na lumapit sa akin at pinukulan ako nang mapanuring tingin. Hindi ako umimik bagkus ay ipinukaw kong muli ang aking mga paningin sa labas. “Alam ko iyang hilatsiya ng mukha mo, Pau. Huwag ka na mag-deny. Siya, ano?”
"Oo, siya nga. Siya ang inaabangan kong biyaya na kailangan kong makita ulit."
"Ay sus, kaya naman pala tatlong araw ka nang nakabantay diyan sa labas, hindi na ako magugulat kung bigla ka na lang ma-stroke diyan sa pasma, Sis," asar nito na pinagpatuloy ang pagpupunas matapos malaman kung sino ang hinihintay ko. Mukhang satisfied na ang bruha.
"Loka ka talaga. Kukunin ko lang iyong ilang mga gamit doon sa loob, tawagin mo ako agad kapag nakita mo siya, ha?" bilin ko kay Claire.
“Huwag ka mag-alala, hindi lang kita tatawagin, sisigawan kita ng bonggacious,” saad nito na kinindatan pa ako bilang tugon.
Tatlong araw na nga no'ng makita ko siya. Simula noon ay maaga na akong gumigising para abangan siya sa café. Umaasa ako na mapadaan siya ulit dito sa amin at makilala ko siya—makilala nang mga mata ko ang mukha niya. Iyon lang naman din kasi ang naiisip kong paraan para magkrus ulit ang nga landas namin.
Hindi kaya, hindi na siya ma-recognize ng mga mata ko?
Napakagat ako ng aking ibabang labi sa isipin na iyon. Inalis ko agad iyon sa aking isipan. Ayoko munang mag-isip ng kung anu-anong negative ngayon dahil mas nakaka-attract daw iyon ng bad vibes. Tatlong araw pa lang naman ang nakakalipas kaya Malaki pa ang pag-asa ko. Kailangan ko lang mag-isip ng positibo.
May pag-asa pa basta huwag lang susuko ng basta-basta.
"Kuya Tim, naka-ready na po ba ang mga gamit natin?"
"Oo, Pau. Pakikuha na lang diyan sa malapit sa table, inayos ko na riyan lahat ng ilalabas," sagot ni kuya Tim. Isa sa mga tauhan namin doon sa café. Siya ang nag-aasikaso ng mga ingredients at kung anu-ano pang kailangan namin. Lumaki rin siya sa Orphanage ni lola kagaya ni Claire at pinili na dito na lang din magtrabaho sa amin.
Pagkakuha ko sa mga gamit na kailangan namin ay agad akong bumalik sa counter. Mag-a-alas-otso na at magbubukas na ang café namin. Dagli kong inayos ang mga kagamitan doon at ini-ready ko na rin ang sarili ko para abangan ang pagpasok ni Mr. Stranger sa pintuan.
“Magbubukas na tayo, Sis, ready ka na ba sa mission natin for today?” tanong ni Claire.
“Ha? Anong mission?” taka akong napatingin dito.
“Ang ‘Finding Mr. Stranger Day One’!” sagot nito. “Iyon ang mission natin!”
Napangiti siya sa kaibigan, “Excited na ako maghanap!”
“Ako rin, Sis! Na-e-excite ako for you kaya tutulungan kita! Ha-hatingin natin iyang Mr. Stranger na iyan, hanggang sa makita mo siya! Okay ba iyon?”
Tumango ako, “Okay na okay! Thank you, Sis!”
“No problem! Para sa kinabukasan mo at ng mga mata mo, go tayo riyan palagi, Sis! Push!”
Sana nga ay makita ko na siya.
---
"ANO? Nakita mo na ba? Dumaan na ba si Mr. pogi?" tanong ni Claire na may halong pang-aasar sa akin.
Umiling lang ako bilang tugon dahil napanghihinaan na ako ng loob. Mag-a-alasais na ng gabi at isang oras na lang ay magsasara na kami pero hindi ko pa rin siya nakikita. Pagod na ang katawang lupa ko dahil maraming customer ang pumunta ngayong araw sa café at napagod na rin ata ang mga mata ko sa kakatingin sa labas.
"Huwag ka ngang sumimangot diyan, Sis. May bukas pa, oy!" Inalis nito ang kamay ko na nakasalo sa mukha ko. "Malasin pa tayo niyan, oh. Hindi pa tayo makabenta ng marami bukas, sige ka!"
Nakapangalumbaba kasi ako dahil nangawit na ako kakahintay sa lalaki. "Pang-apat na araw na bukas, hindi ko pa rin nakikita si Mr. Stranger, Claire…" sambit ko. “Magkikita pa kaya kami?”
Medyo humihina na ang powers of waiting ko.
“Ano ka ba, Sis? Atat lang? Waiting is the key, ano! Kaya, huwag kang susuko. Ang sabi mo nga palagi, mapapagod lang tayo pero hindi tayo susuko sa mundong ito,” pag-e-emote nito.
“Paano kung hindi ko lang pala siya nakikilala? Paano kung… hindi na pala siya maalala ng mga mata ko?” Napayuko ako sa lungkot.
“Huwag ka nga mag-isip ng ganyan. Pati tuloy ako nahahawa sa lungkot mo, eh. Magkikita kayo ni Mr. Pogi kaya kiber lang! Walang sukuan. Aabangan lang natin siya palagi, okay?”
Tumango lang ako bilang sagot. Kahit ang totoo ay nawawalan na ako ng pag-asa. “Mag-aayos na ako sa may labas…”
"Teka! P-Pau!" tawag ni Claire sa akin na tila naman nakakita ng multo. "S-Si Mr. Stranger iyon, 'di ba?" tanong nito sabay turo sa labas. "Si Mr. Stranger iyon, ‘di ba?"
"Hay nako, kung inaasar mo lang ako. Wala talaga ako sa mood ngayon.”Inirapan ko siya. Wala kasi talaga ako sa huwisyong makipagbiruan ngayon dahil sawi ang aking mga mata na makita siyang muli. Nalulungkot ang puso kong sawi.
Hinampas naman nito ang balikat ko. "Hindi nga ako nagbibiro, loka ka! Siya nga iyong nakita ko na dumaan!" ulit nito. "Dumaan nga siya rito! Iyong lalaking na iyon!"
Napatayo ako mula sa aking kinauupuan, "S-Sigurado ka ba, Claire?" sabay tingin ko sa labas. “Nakita mo ba siya talaga?”
Nakita ko ang isang lalaking naka-black na payong na lumagpas na sa café.
Si Mr. Stranger nga ba iyon?
"Oo nga! Kung gusto mo siya makita, habulin mo na siya, Sis! Dali!" utos nito sa akin kaya dagli akong lumakad palabas doon. "Hoy! Umuulan! Magpayong ka, Sis!" dinig ko pang sigaw ni Claire pero hindi ko na pinansin iyon at tuluyan na akong tumakbo palabas ng café.
Ang mahalaga sa akin ngayon ay ang makita siya. Ang tagal ko rin kaya siyang hinintay. Gusto ko talaga siyang makita. Gusto kong ma-confirm kung mare-recognize ko pa ulit ang mukha niya. Gusto kong malaman kung siya na nga ba ang liwanag na hinihintay ko. Dahil kung ganoon nga, baka siya na ang sagot sa matagal ko ng panalangin.
Ikaw na nga ba, Mr. Stranger?