Isang maliit na bayan sa Probinsiya ng Montecarlo ang Sta. Isabel. Pinamumunuan ito ng Mayor na si Ezekiel Dela Torre, ang Mayor na kilala hindi lamang bilang pinakabatang Mayor sa buong Montecarlo kundi ito rin ang pinakamayaman at maimpluwensiya dahil sa asawa nitong si Jasmine Ferrer Dela Torre na nag-iisang tagapagmana ng pamilya Ferrer. Ang pamilya Ferrer ay kilalang may-ari ng Ferrer Winery sa Maynila at ang may pinakamalawak na taniman ng ubas sa buong Sta. Isabel.
"Mayor, nakahanda na po ang lahat para sa pangangampanya. Nasisiguro ko pong kayo na naman ang mananalo sa darating na eleksiyon." Napangiti si Mayor Dela Torre dahil sa sinabing ito ng kanyang kanang-kamay na si Ferdinand.
"Sigurado na talaga ang panalo ko. At walang sino man ang may kakayahang talunin ako!" confident na sagot nito habang nakangisi. Sa yaman at kapangyarihan ba naman ng pamilya ng kanyang asawa ay tiyak na walang eleksiyon ang hindi niya kayang ipanalo. Lalo pa't pera ang pinakamahalaga sa mga tao. Bigyan mo lang sila ng pera ay ikaw na agad ang iboboto nila nang walang pagdadalawang-isip.
"Tama po kayo. Lalo pa't malawak ang ubasan nina Ma'am Jasmine at halos isang libong botante ang nagtatrabaho sa kanila. Siguradong ikaw ang iboboto ng mga iyon dahil ikaw ang asawa ng amo nila," nakangising wika ni Ferdinand.
"Wala talaga akong pinagsisisihan na pinakasalan ko si Jasmine. She's doing her job well, at talagang napapakinabangan ko ang pagiging isa niyang Ferrer."
"Hindi niyo naman siya pakakasalan kung wala siyang pakinabang sa inyo Mayor." Tinapik ni Mayor Ezekiel ang balikat ng kanyang assistant at sumilay ang mala-demonyong ngiti sa mga labi nito.
"Everything in this world must serve it's purpose. And Jasmine's purpose ay ang maging mabuting asawa sa'kin at tulungan ako sa aking political career. She's born to be used by me and I'm born to use her and her family's wealth." Tumawa ito nang mala-demonyo maging ang assistant niya ay natawa rin sa sinabi ng kanyang amo. Kilala niya ang amo, mukha man itong mabait sa iba pero parehong halang ang kanilang bituka, at handa nitong gawin ang lahat manatili lamang sa kanyang posisyon bilang Mayor.
Ganun kahalaga kay Mayor Ezekiel ang kanyang political career na kahit hindi niya mahal si Jasmine ay pinakasalan niya ito dahil alam niyang magagamit niya ang yaman at impluwensiya nito.
*******
Paglapag ng eroplanong sinasakyan ni Jasmine sa airport ng probinsiya ng Montecarlo ay iniisip na agad niya ang kanyang asawa. Masaya siyang makita itong muli matapos ang halos isang buwan niyang pananatili sa Maynila para asikasuhin ang kanyang negosyo doon. Nalalapit na ang eleksiyon kaya minabuti niyang umuwi na muna para matulungan ang asawa sa pangangampanya nito.
"Ma'am susunduin po ba tayo ni Mayor?" tanong ng assistant niya na si Ellen nang tuluyan na silang makababa sa eroplano. Nagpalinga-linga pa ito sa paligid at tila hinahanap ang tauhan ng Mayor at ang Mayor mismo.
"Abala sa pangangampanya si Ezekiel kaya si Ferdinand nalang ang susundo sa'tin," sagot ni Jasmine. Kahit gusto niyang ito ang sumundo sa kanila ay wala siyang magagawa kundi intindihin ito. Masyadong mahigpit ang labanan at nalalapit na ang eleksiyon kaya hindi ito dapat magsayang ng oras. Puspusan na ang pangagampanya nito.
Pagdating nila sa arrival area ay hinanap agad ng kanyang mga mata ang assistant ng kanyang asawa.
"Ma'am asa'n po si Ferdinand?" takang tanong ni Ellen na kagaya niya ay nagpapalinga-linga rin sa paligid.
"I'll call Ezekiel." Agad na kinuha ni Jasmine ang kanyang cellphone sa kanyang bag para tawagan ang asawa. Pero hindi ito sumasagot. Medyo malayo pa naman ang Sta. Isabel sa Montecarlo Airport. Madami pa silang dadaanan na bayan bago ito marating, idagdag pa na hating-gabi na at wala nang gaanong sasakyan papunta doon.
Nakakailang dial na siya pero hindi parin ito sumasagot.
"Hating-gabi na po, impossible naman po yatang busy parin sila hanggang ngayon. Ma'am baka po hindi lang eleksiyon ang pinagkakaabalahan ni Mayor. Baka tama po 'yong umuugong na balita na may iba siyang babae na ibinabahay." Sinamaan niya ng tingin ang assistant dahil sa sinabi nito. Malaki ang tiwala niya sa asawa at hindi siya naniniwalang pagtataksilan siya nito.
"Don't ever say that again! Kilala ko ang asawa ko at hinding-hindi niya ako magagawang pagtaksilan!" saway niya rito. Napayuko nalang ang assistant dahil sa nakikita niyang galit na ekspresiyon ng kanyang amo.
Batid ni Ellen na sobrang mahal ng amo ang asawa nitong si Mayor Ezekiel at alam niyang hindi ito maniniwala kahit ano man ang sabihin niya. Pero may kutob siyang totoo ang chismis na may iba itong babae. Ilang beses na niyang nakita ang Mayor na sweet sa sekretarya nito pero kahit anong gawin niya ay hindi niya mapaniwala rito ang among si Jasmine. Malaki ang tiwala nito sa asawa.
*****
Tahimik na pinagmamasdan ng Gobernador ng Montecarlo ang babaeng labis-labis niyang minahal. Kakauwi niya lang galing sa Maynila at nagkataong pareho pa sila ng flight at eroplanong nasakyan. Ngunit hindi batid ng babae ang presensiya niya.
"Gov, lapitan niyo na po si Ma'am Jasmine. Mukhang hindi po darating ang asawa niya para sunduin siya. Kanina pa po sila nakatayo diyan ng assistant niya," biglang sambit ng kanyang assistant na si Mikael. Batid nito ang pagtingin niya sa asawa ng Mayor ng Sta. Isabel.
"Alam mong parang hangin lang ako sa kanya," malungkot na sagot niya rito. Kaklase niya si Jasmine nong college at magkaibigan ang mga magulang nila pero ni minsan ay hindi siya nito tinapunan ng tingin. Mas pinili pa nitong pakasalan ang Mayor ng Sta. Isabel na hindi pa nito ganun kakilala.
"Gov. ang hina niyo po kasi. Sinasabi ko na sa inyo na ligawan niyo na dati pa pero ayaw niyong makinig. Ayon nagkita tuloy sila nong corrupt na Mayor na iyon." Napabuntong hininga nalang siya dahil sa sinabi ni Mikael.
Mali ba na naghintay siyang dumating ang araw na kusa siyang mahalin ni Jasmine? Ayaw niyang pilitin ito na magustuhan siya dahil umasa siya na mamahalin siya nito balang-araw. Pero naglaho ang pag-asa niyang iyon nang malaman niyang nagpakasal na ito sa Mayor ng Sta. Isabel kung saan matatagpuan ang malawak nilang taniman ng ubas. Nang mamatay kasi sa isang aksidente ang mga magulang ni Jasmine ay nanirahan na ito sa Sta. Isabel upang personal na asikasuhin ang kanilang grape farm doon. At don na nga nagkrus ang landas nila ni Ezekiel, at wala na siyang nagawa nang magpakasal ang dalawa.
Dahan-dahan siyang naglakad palapit kay Jasmine at sa assistant nito habang tahimik lang na nakasunod sa kanya si Mikael.
"Jasmine." pagtawag niya sa pansin nito. Abala kasi ito sa kanyang cellphone at tila may tinatawagan.
"Governor Saavedra?" Kita niya kung paano kumislap ang mga mata ng assistant nito nang mapalingon ito sa kanya.
"Dylan? Anong ginagawa mo dito?" Gaya ng dati ay wala paring gana si Jasmine na kausapin siya.
"I just got back from Manila at papunta ako sa Sta. Isabel. Baka gusto mong sumabay?" offer niya sa dalaga habang pilit niyang itinatago ang sakit na nararamdaman niya dahil tila wala parin itong pakialam sa presensiya niya.
"Ay, tamang-tama po Gov. Hindi po kasi dumating ang assistant ni Mayor kaya wala kaming masasakyan," masayang wika ng assistant ni Jasmine pero isang matalim na tingin ang natanggap nito mula sa amo kaya napayuko nalang ito.
"Parating na si Ferdinand, hindi mo na kami kailangang ihatid. And besides hating-gabi na, we both know na hindi ka sa Sta. Isabel nakatira. Ano naman ang gagawin mo don?" walang ganang tanong nito sa kanya.
Napakamot siya sa kanyang batok habang iniisip kung ano ang isasagot niya.
"May meeting si Gov bukas ng umaga kaya kailangan niyang pumunta don ngayon. Maaga kasi ang meeting nila ng mga kaalyado niya." Nakahinga siya nang maluwag dahil ang assistant niya na ang sumagot kay Jasmine.
"Magkaibang partido kayo ng asawa ko. Malapit na ang eleksiyon, ayaw kong ichismis ako na pinagtataksilan ko ang asawa ko. Kaya pumunta ka nalang don mag-isa," pagtanggi ni Jasmine. Muli itong bumalik sa pagtatype sa kanyang cellphone.
Parang sinaksak naman ng libo-libong patalim ang puso ng Gobernador dahil sa pagtanggi ng babaeng matagal na niyang minamahal.
"Ma'am, nagmamagandang-loob lang naman po si Gov. Sige na po Ma'am, sumabay nalang po tayo sa kanila. Gabi na po wala na tayong masasakyan pabalik sa Sta. Isabel," pakiusap ni Ellen sa amo. Alam niya kasi na wala na itong aasahan dahil mukhang hindi na dadating si Ferdinand.
"Nagmamagandang loob o gusto niya lang mapag-usapan kaming dalawa at masabihang may relasyon?" pagtataray ni Jasmine. Sobrang durog na durog na ang puso ng Gobernador dahil sa mga sinasabi nito.
"Okay fine, kung ayaw mo akong makasabay ay hayaan mo nalang na ihatid ka ni Mikael. Gabi na at delikado magbiyahe ng kayong dalawa lang ng assistant mo," mahinahon ang tinig niya sa kabila ng sakit na kanyang nararamdaman.
Seryosong tumingin sa kanya si Jasmine at parang hindi ito makapaniwala sa sinabi niya.
"Are you sure? Pa'no ka?" takang tanong nito sa kanya.
"Bukas nalang ako pupunta sa Sta. Isabel, sige na magpahatid na kayo kay Mikael," pagsisinungaling niya. Dahil ang totoo ay hindi naman talaga siya pupunta sa Sta. Isabel, nais niya lang talaga itong ihatid dahil ang saglit na makasama niya lang ito ay masaya na siya.
"Sige, maraming salamat Dylan." Lumambot na ang ekspresiyon ng mukha ni Jasmine bagay na nagpangiti sa kanya.
"You're welcome Jas," nakangiting sagot niya rito. Tila natigilan naman ito, marahil ay nagulat sa pagtawag niya sa nickname nito na tanging siya lang ang tumatawag.
Nakatanaw parin siya sa babaeng minamahal hanggang sa tuluyan na itong makapasok sa sasakyan.
Para sa kanya ay sapat na na malaman niyang ligtas at masaya ito kahit pa hindi siya nito magawang mahalin.