MASAMANG-MASAMA ang loob ni Vincent dahil sa ginawa na naman ng kaniyang ina sa kaniya. Palagi na lang itong ganoon, mainit ang ulo sa kaniya. Kahit kaunting pagkakamali ay minumura at sinasaktan siya nito.
Hindi niya alam kung bakit ito ganoon sa kaniya samantalang anak naman siya nito. Kahit minsan ay hindi niya naranasan na mahalin nito. Kaya nga noong bata siya ay inggit na inggit siya sa mga nakikita niyang bata na inaaruga at minamahal ng mga nanay.
Biktima din siya ng bullying noon. Sinasabi ng mga kaedad niya na ampon siya kaya walang pakialam sa kaniya ang nanay niya. Hindi naman niya magawang lumaban dahil totoo naman ang sinasabi ng mga ito.
Uhaw si Vincent sa pagmamahal mula sa ibang tao. Lumaki siya na hindi nakaramdam ng pagmamahal. Kaya naman nang makilala niya sa online world si Sanya ay sumaya ang buhay niya. Pakiramdam niya kasi ay mapagmahal si Sanya at kaya nitong ibigay ang pagmamahal na hinahanap niya noon pa.
Pero palagi namang pinaparamdam ng sarili niyang ina na hindi siya kamahal-mahal! Na isa siyang walang kwentang tao. Tapos kinuha pa nito ang perang galing kay Sanya. Importante iyon sa kaniya hindi dahil sa halaga niyon kundi dahil ang babaeng iniidolo at itinitibok ng kaniyang puso ang nagbigay ng perang iyon!
“Palagi mo na lang akong sinasaktan. Palagi mo na lang akong minumura!” Masama ang pagkakatingin ni Vincent sa pinto ng kaniyang kwarto na nakasara kung saan lumabas ang kaniyang ina. “Sawang-sawa na ako! Palagi ka na lang!” Akala mo ay isang bata na himutok pa niya. Nakakuyom ang mga kamao niya na para bang doon niya iniipon ang kaniyang galit.
Biglang bumalik sa alaala niya ang lahat ng masasakit na ginawa sa kaniya ng ina niya simula noong bata siya hanggang ngayon. Iyong pamamahiya nito sa kaniya, pagbitiw ng masasakit na salita at pisikal at emosyonal nitong pananakit. Lahat ng iyon ay nakatanim sa kaniyang isipan at hinding-hindi na iyon mabubura kahit kailan.
Inisip din ni Vincent ang buhay niya kung mawawala ang nanay niya.
Wala nang mananakit sa kaniya. Wala nang magmumura. Wala nang tatawag sa kaniya ng baboy at abnormal. Wala nang magsasabi na tigilan na niya ang pagpapantasya niya kay Sanya. Mas magiging masaya na ang buhay niya!
Napangisi si Vincent dahil isang ideya ang biglang tumakbo sa kaniyang utak. Siguro nga mas maganda kung mawala na lang ang nanay niya. Tutal kahit kailan ay hindi naman ito naging ina sa kaniya. Hindi siya nito itinuring na anak. Ang tingin lang nito sa kaniya ay isang walang kwentang tao.
Madilim ang mukha na naglakad si Vincent papunta sa pinto. Binuksan niya iyon at umingit iyon dahil sa medyo kinakalawang na yata ang bisagra. Lumabas siya ng silid at nakayukong nagtungo sa kusina. Nadaanan pa niya ang kaniyang nanay na nakaupo sa tumba-tumba nito habang nanonood sa maliit na telebisyon. Sobrang malapit lang ito sa TV. Ganoon ito kapag nanonood. Gusto ay kaharap talaga ang telebisyon. Tawa ito nang tawa. Napaka ingay nito. Tapos kapag siya ang maingay ay mumurahin siya nito at sasaktan! Hindi naman yata iyon patas. Ngayon, wala nang magbabawal sa kaniya na mag-ingay!
Huminto si Vincent sa tapat ng lagayan ng kanilang mga kubyertos. Naroon din ang ilang kutsilyo. Kinuha niya ang pinaka mahabang kutsilyo at tiningnan iyon. Muli niya iyong ibinalik sa lalagyan. Lumikha iyon ng ingay.
“O, ano na naman iyan?! Naghahalughog ka na naman yata ng pagkain diyang baboy ka! `Wag mong papakialaman `yong priotng manok diyan. Akin `yan!” sigaw ng nanay niya. Hindi niya ito pinansin.
Yumukod siya at may kinuhang isang kahon na yari sa kahoy sa ilalim ng lababo. Ipinatong niya iyon sa gilid ng lababo at binuksan. Lalagyan iyon ng mga gamit sa pagkukumpuni kapag may nasirang gamit. Dinampot niya ang martilyo at pinagmasdan iyon. Hinawakan niya iyon at napangiti. Ito na lang ang gagamitin niya. Inihampas-hampas pa niya ang ulo niyon sa kaniyan palad.
Hindi na siya nag-aksaya pa ng oras at nagtungo na siya sa maliit na salas kung saan naroon ang nanay niya. Humarang siya sa unahan nito. Tinakpan niya ang pinapanood nito.
Napahinto ito sa pagtawa at masamang tiningnan siya. “Hoy! Anong ginagawa mo diyang walanghiya ka?! Alis! Alis!” Akala mo ay isang hayop lamang kung paalisin siya nito.
Hindi siya natinag sa pagkakatayo doon. Nakayuko lang siya. Hinigpitan pa niya ang pagkakahawak sa martilyo. Napatingin naman ang nanay niya sa hawak niya at nakita niya sa mukha nito ang takot. Mukhang nahulaan nito agad ang gagawin niya.
“Anong gagawin mong baboy kang abnormal ka? B-bakit may dala kang martilyo?” Nahihintakutan nitong tanong.
Umangat nang bahagya ang mukha ni Vincent at nagtama ang mata nila ng nanay niya. Kung takot ang nasa mukha nito siya naman ay galit. Oras na para mawala na ito!
Walang babalang pinukpok niya ang gilid ng ulo ng nanay niya gamit ang martilyo. Natigilan ang nanay niya at napanganga. Nanginginig ang kamay nito nang damahin nito ang parte ng ulo nito na pinukpok niya. Hindi iyon dumugo ngunit lumubog naman. Namula nang husto ang isang mata nito.
Tigalgal itong tumingin sa kaniya. “H-hayop k-ka!” Pautal-utal nitong mura.
Nagawa pa nitong tumayo mula sa tumba-tumba. Tumalikod ito sa kaniya. Mukhang tatakas ito! Hindi naman siya makakapayag na magawa nito iyon kaya sinundan niya ito at muling pinukpok ng martilyo sa likod ng ulo. Sa pagkakataong iyon ay dumugo na ang ulo nito. Dinig pa niya ang tila pagkabasag ng bungo nito.
Padapang natumba ang nanay niya sa sahig. Nakatagilid ang ulo nito kaya kitang-kita niya na nakatingin ito sa kaniya. Nanlalaki ang mga mata nito.
Hindi pa nakuntento si Vincent. Inupuan niya ito sa likod at paulit-ulit na hinampas ng martilyo sa ulo ang nanay niya. Minsan ay ginagamit din niyang pamukmok iyong pangtanggal ng pako.
Bawat pukpok niya sa ulo nito ay tumatakbo sa utak niya ang lahat ng hindi magandang ginawa nito sa kaniya. Puno poot ang kaniyang puso para sa sarili niyang ina! Puno na rin ng dugo ang kamay niya at mukha dahil sa pagtalsik ng dugo kapag pinupukpok niya ang ulo nito.
Huminto lang siya nang makita niyang nagkalat na ang dugo sa sahig. Tumayo siya at pinagmasdan ang kalunus-lunos na hitsura ng nanay niya. Nagkalat ang nadurog nitong utak, basag ang bungo at maraming dugo ang umaagos sa sahig nila.
Ipinatong niya ang martilyo sa tumba-tumba. Hinawakan niya sa dalawang paa ang nanay niya at hinila niya ito papunta sa banyo. Pansamantala ay doon muna niya itatago ang bangkay nito. Inihiga lang niya ito sa sahig malapit sa inidoro. Naligo na rin siya para maalis ang dugong kumapit sa katawan niya.
Hubo’t hubad siyang lumabas ng banyo pagkatapos. Naglakad siya papunta sa kaniyang silid. Tumutulo pa ang tubig mula sa kaniyang katawan. Kumuha siya ng tuwalya para tuyuin ang sarili.
Habang pinupunasan niya ang mukha ay napatigil siya. “Wala na ang nanay ko… Patay na siya…” turan niya habang nakatulala. Maya maya ay isang malaking ngiti ng sumilay sa kaniyang labi. Nagtatalon pa siya sa tuwa. “Wala na ang nanay ko! Wala na siya!” sigaw pa niya sa labis na saya.
Hindi na siya nag-abala pang magbihis. Hinayaan na lang niya ang kaniyang sarili na walang saplot. Nagpatugtog siya ng paborito niyang classical music. Itinodo niya ang volume at nagtatakbo siya paikot-ikot sa kanilang bahay. Pasaway-sayaw pa siya habang sinasabayan niya ang ritmo ng musikang pumapailanlang.
Akala mo ay isa siyang batang nakawala mula sa matagal na pagkakakulong. Masayang-masaya lang talaga siya dahil sa wakas ay malaya na siya. Wala nang mananakit at magbubunganga sa kaniya kapag nagkakamali siya ng kaunti dahil pinatay na niya ang kaniyang ina.
Pagdating sa salas ay nagtatakbo siya. Hindi niya napansin na nandoon pa rin ang nagkalat na dugo ng kaniyang ina. Nadulas siya dahil sa dugo at patihayang bumagsak sa sahig. Napahinto siya saglit pero maya maya ay tumawa siya ng pagkalakas-lakas.
“Ang saya ko! Ang saya-saya ko!” sigaw pa niya habang humahalaklak. Wala siyang pakialam kahit kumapit na naman sa katawan niya ang dugo ng kaniyang ina.
MAY lungkot sa mga mata ni Sanya nang makita niya ang mommy at daddy niya na pababa sa hagdan ng hapon na iyon. Nasa unahan ng dalawa ang kasambahay nila na sina Cathy at Thalia. Bitbit ng mga ito ang dalawang maleta ng mga magulang niya. Ngayon na kasi ang araw ng pag-alis ng mga ito papuntang Taiwan. Medyo napaaga ng ilang araw ang flight ng mga ito dahil sa may paparating daw na bagyo sa makalawa. Iyon ang araw ng totoong alis ng mga magulang niya. Nangangamba ang mga ito na baka ma-cancel ang flight kaya iniurong na lang ang araw ng alis ng dalawa.
Nasa salas siya ng sandaling iyon habang nanonood ng TV. Tumayo muna siya mula sa pagkakahiga sa sofa nang makababa na ang mommy at daddy niya. Nauna na sa paglabas sina Cathy at Thalia upang dalhin ang mga maleta sa sasakyan.
Sinalubong ni Sanya ang mga magulang at sabay siyang niyakap ng dalawa.
“Mag-iingat po kayong dalawa, ha…” turan niya matapos ang yakapan nila.
“Ikaw ang mag-iingat dito,” ani ng mommy niya. “Pero kasama mo naman sina Cathy, Thalia at Aira. Nakausap ko na sila at hindi muna sila mag-de-day off para mabantayan ka nila.”
“Thanks po. Kaya ko naman po ang sarili ko. Dapat hindi ninyo na po ginawa iyon para makapagpahinga rin po sila.”
Umiling ang mommy niya. “No. Sila mismo ang nagprisinta na huwag munang mag-day off para sa iyo. Alam mo naman kung gaano ka kamahal ng tatlo mong angels…” Tukoy nito sa tatlo nilang kasambahay.
“And we’re sorry kung wala kami dito sa birthday mo, Sanya,” sambit ng daddy niya. “Pero pagbalik namin ay ice-celebrate natin ang birthday mo kahit saan at kahit anong paraan mo iyon gustong i-celebrate.”
Matipid siyang ngumiti dito. “Umuwi lang po kayong safe ay okay na ako doon…” aniya.
Muli silang nagyakapan at nagpaalam bago tuluyang umalis ang mga magulang niya. Baka daw mahuli pa ang mga ito sa flight kaya nagmamadali na ang mga ito.
Kung sa iba ay gustong inihahatid ang mga mahal sa buhay kapag aalis ang mga ito, iba si Sanya. Ayaw niyang ginagawa iyon dahil mas lalo lang siyang nalulungkot. Mas gusto niya na dito na lang sa bahay sila magpaalaman kesa makita niya ang dalawa na papasok sa airport.
Pagkarinig niya ng papaalis na ugong ng sasakyan ng mommy at daddy niya ay bumalik na siya sa harapan ng TV. Maya maya ay pumasok na rin sina Cathy at Thalia upang ipagpatuloy ang mga gawain ng mga ito. Si Aira naman ay wala dito. Nasa supermarket ito at namimili ng mga kulang sa supply nila.
Medyo na-bored na siya sa panonood kaya umakyat na lang siya sa kaniyang kuwarto. Binuksan niya ang kaniyang laptop upang tingnan ang kaniyang Youtube channel. Pero hindi niya iyon nagawa dahil biglang tumawag sa Skype si Maxine. Excited niyang sinagot ang video call na iyon ng kaniyang bestfriend.
“Hello! `Buti naman at hindi ka yata busy!” bungad niya. Katulad niya ay nasa kwarto rin ito. Nakadapa ito habang nakaharap sa laptop habang siya naman ay nakaupo lang sa ibabaw ng kama.
“Medyo puyat nga, e. Ako kasi ang nagbantay kay lola las night.”
“Kumusta na nga pala si grandma mo?”
“Ganoon pa rin siya pero pinaghahanda na kami ng doktor sa pwedeng mangyari sa kaniya…” bakas sa mukha ni Maxine ang lungkot.
“Sana magkaroon ng miracle,” aniya. Iyon na lang ang sinabi ni Sanya dahil hindi naman niya alam kung paano papagaanin ang loob nito sa ganoong uri ng sitwasyon. “Anyways, umalis na sina mommy at daddy kaya mga kasambahay na naman ang kasama ko.”
“Saan pupunta sina tita?”
“Taiwan. Business trip as usual.”
“What’s new ba? Masanay ka na lang, Sanya.”
Bumuntung-hininga siya. “I wish hindi na sila ganoon kabusy next month gaya ng sinabi nila. Nami-miss ko rin kasi sila kahit magkakasama kami dito. Kahit kasi nandito sila sa bahay ay work pa rin ang kaharap nila. Kaya nga naiinggit ako sa iyo, e. Palagi mong kasama ang parents mo.”
“Ha? Ako nga ang dapat mainggit sa’yo. Mayaman ka, maganda at super famous pa sa social media! You should be happy!”
“Hay, ewan!” May sasabihin pa sana si Sanya pero hindi na niya naituloy dahil biglang tumunog ang cellphone niya. Kinuha niya iyon sa tabi ng laptop upang tingnan kung sino ang tumatawag.
“Who’s that?” usisa ni Maxine.
Nakangiwing iniharap ni Sanya ang screen ng cellphone niya sa camera ng laptop. Natawa si Maxine nang makita nito na si Edward ang tumatawag sa kaniya.
“My ex-boyfriend!” Nakatirik ang mata na sagot ni Sanya.
“Answer it!”
“What?! Ayoko na ngang makausap. Saka break na kami. Bakit may pagtawag pa siya?”
“Maybe gusto niya ng closure. In person? Come on! Answer it na, Sanya. Kawawa naman iyong tao. For sure, nabigla lang iyan when he broke up with you.”
“Iyon naman ang gusto ko, `di ba? Pero… okay. I’ll answer it na muna.”
“`Yan! Sige, I have to go na. Iidlip lang ako. Call na lang ulit ako later. Bye!”
“Bye!” sinamahan pa niya ng kaway at flying kiss ang pamamaalam niya kay Maxine bago niya in-end ang video call nila. Hinayaan lang muna niyang nakabukas ang laptop niya.
Tumigil na sa pagtunog ang cellphone niya kaya siya na lang nag tumawag kay Edward para makausap ito. Panigurado namang hindi ito titigil hanggang hindi niya sinasagot ang tawag nito kaya mabuting siya na lang ang tumawag.
Wala pa yatang tatlong segundo na nagri-ring ay sumagot na agad si Edward.
“Sanya! Hello--”
“Hey, Edward! What’s up? Napatawag ka?”
“I am sorry sa nasabi ko sa iyo. Hindi ko naman gustong makipag-break talaga sa iyo. Nabigla lang ako kaya ko nasabi iyon.”
Sinasabi na nga ba niya. Babawiin din nito ang pakikipag-break. “Alam mo, Edward, okay na iyon. Break na tayo. Tanggap ko na kasi, e…”
“Sa sinabi mo parang hinintay mo na lang talaga na ako ang makipag-break. Ang sakit naman, Sanya…”
Parang gustong kilabutan ni Sanya sa drama na iyon ni Edward. “Edward, hindi ganoon iyon. Tama na. Hanggang dito na lang talaga tayo. Sige na. May gagawin pa kasi ako--”
“Wait! Wait!” Pigil nito sa kaniya. “Baka naman pwedeng makita kita for the last time? Kahit mag-coffee lang tayo. Gusto ko namang maging maayos ang paghihiwalay natin. Please…”
“May gagawin pa kasi ako, Edward--”
“Please, Sanya. Please…”
Hindi naman bato ang puso ni Sanya kaya nadala siya sa pakiusap na iyon ni Edward. “Okay, fine. Pero ngayon na. Maliligo lang ako at magbibihis. Doon na lang tayo sa Starbucks na malapit dito sa bahay.”
“Thank you. Don’t worry, after nating magkita at magkausap ay hindi na kita guguluhin.”
“Mabuti naman. Bye!” Hindi na niya hinintay na makapagsalita pa si Edward at pinutol na niya ang tawag. Hiling lang niya na sana ay tuparin nito ang sinabi nito.
Inilapag niya ang cellphone sa tabi ng laptop at bumaba na siya ng kama. Inilabas na niya sa closet ang susuotin niya para sa pagkikita nila ni Edward. Isang simpleng dress ang napili niya. Bago siya pumasok ng banyo ay hinubad na niya ang suot na damit kasama na ang mga panloob.
Binilisan lang niya ang pagligo. Wala pang sampung minuto ay lumabas na siya ng banyo na may nakatapis na tuwalya sa katawan. Kumuha siya ng panloob sa closet at isinuot niya iyon matapos niyang alisin ang tuwalyang nakatapis sa kaniya. Umupo siya sa gilid ng kama at kinuha ang kaniyang cellphone upang i-text si Edward na nagbibihis na siya.
Matapos mag-text ay isinuot na niya ang napiling dress kanina. Pagkatapos niyang magbihis ay napatingin siya sa laptop. Napakunot ang noo niya nang mapansin niyang tila umiilaw ng kulay green iyong light indicator ng camera niyon. Umiilaw kasi iyon ng green kapag bukas ang camera. Nagtataka siya dahil naka-close naman ang camera. Nilapitan niya ang kaniyang laptop upang tingnan kung naka-close nga talaga ang camera at nasiguro naman niyang hindi iyon naka-open.
Pinakatitigan niya ang ilaw ng camera pero bigla iyong nawala. Ipinilig niya ang ulo at muling tiningnan kung may ilaw ba talaga. Wala na. Inisip na lang niya na baka namali lang siya ng tingin.
Pinatay na lang niya ang laptop at ipinagpatuloy ang pag-aayos sa sarili. Tinuyo lang niya ang kaniyang buhok gamit ang hair dryer at nag-apply lang siya ng lip tint at nagkilay. Nagpabango at saka siya umalis na. Hindi rin niya kinalimutan ang magpaalam kina Cathy at Thalia. Pinayagan naman siya ng mga ito dahil maaga pa. Nangako naman siya na uuwi siya bago mag-dinner.
Bago lumabas si Sanya ng bahay ay nakatanggap siya ng text mula kay Edward. Papunta na raw ito sa coffee shop kung saan sila magkikita. Nag-book na rin siya ng Grab na siyang maghahatid sa kaniya doon. Ilang minuto lang ay dumating na ang sasakyan niya. Lumabas na siya at sumakay sa sasakyan.
Dahil sa hindi naman ganoon kalayo ang coffee shop na iyon sa kanilang bahay ay nauna pa siya kay Edward na makarating doon. Nag-order na siya ng paborito niyang kape at isang slice ng blueberry cheesecake. Hindi rin nagtagal ay dumating na rin si Edward. Napakagwapo nito kahit simpleng shirt at shorts lang ang suot nito. Kung ano ang in-order niya ay ganoon din ang in-order nito. Umupo ito sa upuang nasa tapat niya.
Hindi naman niya itinatanggi na gwapo si Edward pero hindi naman lahat ay tungkol lang sa pisikal na anyo. Talagang nawalan na siya ng gana sa lalaki kaya ganoon na lang ang saya niya nang makipag-break ito sa kaniya.
“Hi. Thank you kasi pumayag kang makipagkita sa akin for the last time, Sanya.” Matipid itong ngumiti sa kaniya.
Ayaw naman niyang maging rude kaya sinuklian niya ang ngiti nito. “You’re welcome. Pero okay lang ba na sandali lang tayo na mag-usap? Kailangan ko kasing makauwi agad ng bahay bago mag-dinner,” aniya.
“No worries. Ang gusto ko lang naman ay maayos tayong maghiwalay. Hindi `yong sa cellphone lang. Sa tingin ko naman kasi ay talagang matagal mo nang gustong makipaghiwalay sa akin. Hinintay mo lang talaga na ako ang unang makipag-break.”
“Edward, hindi naman sa ganoon--”
“Ganoon iyon, Sanya.” Mahina itong tumawa. Nangilid ang luha sa gilid ng mga mata ni Edward. “Mahal na mahal kita at nasasaktan ako na maghihiwalay na tayo, Sanya…”