Chapter Nine

2233 Words
Lalong lumakas ang enerhiyang lumalabas sa espada ko kaya dumagdag din ito sa kislapang nagaganap sa mga sandata namin. May bahid ng takot ang ekspresyon ng mukha niya dahil wala siyang ideya kung ano ang mangyayari sa kaniya. Mas diniinan ko pa ang pagkakadikit ng mga sandata namin kaya nagkaroon ng matinding puwersa sa paligid. "Anong ginagawa mo bastarda?!" galit nitong tanong pero may halo ito ng takot. Napangisi ako sa kaniya. Lalaki siyang nilalang takot sa babae? Wala pala siyang pinagkaiba kay Onaeus. Ilan pa kaya ang tulad nila? "Hindi mo ba nakikita?" tanong ko at nginisian siya. "Necós bumitaw ka, umalis ka na!" rinig kong sigaw ng kasama niya. Napakunot ang noo ko. Parang pamilyar sa akin ang boses ng lalaki. "Huwag mo akong diktahan!" galit nitong sabi. Kaya mas diniinan ko pa ang espada ko. Nag-aalala lang sa kaniya ang kasama niya pero siya pa ang galit. Masamang nilalang. "Hindi mo siya kakayanin! Hindi mo kakayanin ang lakas ng espada niya!" sigaw ulit nito kaya nagtataka akong tumingin sa kaniya. Paano niya nalaman ang tungkol sa espada ko? Oo nga't ito ang pinakamalakas na sandata sa buong Gránn. Pero, tanging si Lorde Ornelius at Onessa lang ang nakakaalam tungkol sa bagay na ito. Idagdag na natin si Onaeus dahil nangyari din ito sa'min. Napalingon ako sa kasama niya dahil nakyuryos na ako sa wangis nito. Para kasing kilala ko ang nilalang na ito. "Ikaw?" 'di makapaniwalang sabi ko. Nanlaki rin ang mga mata niya nang makilala ko siya. Siya ang nilalang na pinagkakatiwalaan niya nang lubusan. Pero, hindi pala siya tunay na kapanalig. Hindi siya tapat. Isa siyang kalaban. Isang taksil. Paano niya iyon nagawa sa kaniya? "Asya, tumingin ka!" sigaw ni Sheena pero huli na ang lahat. Naramdaman ko na lang na may matigas at matulis na bagay ang sumaksak sa tiyan ko. Nilingon ko ang nilalang na may gawa nito. Nakangisi siya sa akin. Naramdaman ko ang pag-agos ng dugo ko. Parang nabawasan ako ng lakas. Unti-unting nanghina ang enerhiyang nanggagaling sa espada ko. Delikado na ang sitwasyon ko. Kapag kasi nanghina ang may-ari ng sandata, hihina rin ang tinataglay nitong lakas. Nabitawan ko ang espada ko at napaluhod ako sa lupa. Hinawakan ko ang tiyan ko at naramdaman ko ang pag-agos ng dugo. "Asya! Hindi! Hindi!" tarantang sigaw ni Sheena. "Katotohanan lang pala ang tatalo sa'yo, bastarda," sabi niya at tinutok sa'kin ang talim ng sandata niya. Tiningnan ko siya nang masama. "Ngayon magpaalam ka na sa Azthamen," dagdag pa niya. "Asya, gamitin mo ang kakayahan mong maglaho!" pasigaw na bulong sa hangin. "Hindi ko kaya!" sigaw ng utak ko. Maraming dugo ang nawala sa'kin kaya nabawasan din ang lakas ko. "Kaya mo 'yan!" tugon nito. "Magpaalam ka na rin sa kasama ko," dagdag pa niya at tinaas ang sandata. Ang tinutukoy niya ay ang nilalang na nagtaksil sa Azthamen, lalo na sa lupaing tinitirahan nito. "Hindi! Huwag mo siyang paslangin!" sigaw ni Sheena at may pumulupot na baging sa sandata nito kaya natigil ang plano nitong paslangin ako. Nakita kong pagod na si Sheena. Ang nakalaban naman niya kanina ay nakagapos na ng ugat. Sinamaan ko ito ng tingin. Hindi ko inakalang pagtataksilan niya kaming lahat. Siya pala ang espiya ng mga rebelde. "Asya tumakas ka na. Ako nang bahala rito!" utos ni Sheena. Hinawakan ko ang espada ko at pinilit kong maglaho. Mabuti naman at nakaalis ako sa kakahoyang iyon. Ang inaalala ko ay si Sheena. Baka mapahamak siya roon. "Hindi ka pa maaaring mapaslang Asya. Tandaan mo 'yan," bulong ng espiritu. Lumitaw ako sa malawak na lugar kung saan maraming nagkakasiyahang mga nilalang. Sa bulwagan ng Qarthen Palace kung saan ginaganap ang Azthia Ball. "Ahhh!" sigawan ng mga nagkakasiyahang nilalang. Hindi ko alam kung bakit sa bulwagan ako lumitaw. Sa pagkakaalam ko sa Healing Wing dapat ako pupunta. Anong nangyari sa mahika ko? Pati ba ang kakayahan kong maglaho naapektuhan na rin? Kaya ibang destinasyon ang napuntahan ko? "Anong nangyari sa kaniya?" "Nakipaglaban ba siya?" "Sinong may gawa niyan?" "Diba 'yan ang bastarda ng Puerre?" "Lord Ornelius! Ang anak mo!" rinig kong sabi ni Hydrox. "Sinong may gawa nito?!" galit na sabi ni Lorde Ornelius pero hindi ko na narinig pa ang boses niya at ang ingay sa paligid dahil unti-unti nang dumilim ang paningin ko. Sa Healing Wing... Nagising ako sa sikat ng araw na tumatama sa mukha ko. Parang mabigat ang pakiramdam ko at nawalan yata ako ng lakas. Nilibot ko ng tingin ang kabuuan ng silid. Narito na naman ako sa Healing Wing. Bumangon ako pero napahiga ulit nang kumirot ang tiyan ko. Tiningnan ko ito at nakita ang puting tela na bumabalot dito. Akala ko ba magagaling ang mga healer ng Karr? Bakit hindi pa rin naghihilom ang sugat ko? O sinadya talaga para hindi ako makasali ng Seeker Game. Pinagbawalan na naman ako ni Lorde Ornelius. Sinubukan kong bumangon ulit pero napangiwi ako sa hapdi at kirot nito. Kailangan kong makabangon. Hinawakan ko ang tiyan ko at sinubukan ulit na makabangon. "Aw!" daing ko sa sakit. Akala niya siguro maiisahan niya ako. Hindi niya yata ako kilala. Hindi ako basta-basta sumusuko. May prinsipyo ako at ayokong may makialam nito. Dahan-dahan akong tumayo at nilapitan ang bintana. Napakatahimik sa labas. Marahil ay nasa battlefield na ang lahat para manood ng Seeker Game. "Kaya mo 'yan Asya. Makakahabol ka pa," bulong ng espiritu. Umalis na ako sa bintana at kinuha ang espada. Hindi nila ako mapipigilan. Patutunayan ko sa kanilang mali sila. Patutunayan ko na hindi lang ako isang bastarda, isa rin akong young Ladynne at mandirigma. Dahan-dahan akong naglakad papuntang pintuan at lumabas. Pero, nagulat ako nang makita si Illyós. "Anong ginagawa mo rito?" bagot kong tanong. "Binabantayan ka, young Ladynne," sagot niya. "At bakit?" sarkastikong tanong ko. "Pinag-uutos ni Lorde Ornelius," sagot niya. "At, sino naman siya para iutos 'yan sa'yo?" ani ko. "Siya ang ama mo. Siya ang Lorde ng Gránn," tugon niya. "Tama, siya ang Lorde ng Gránn. Siya ang Lorde mo," sarkastikong sabi ko. "May problema ba tayo, young Ladynne?" nagtatakang tanong niya. Napairap ako. Tinatanong pa ba 'yon? "Bakit hindi mo sagutin ang tanong mo? Tiyak ko namang may sagot ka diyan," asik ko at bumalik sa loob. Susubukan ko na lang maglaho para makaalis dito. Ayokong makita ang pagmumukha ng kabalyerong iyon. Huminga ako nang malalim saka pumikit. Pagkadilat ng mga mata ko nasa silid na ako, ang tinutuluyan namin ni Onessa. Agad kong nilapitan ang bagahe ko at hinalungkat ang gamit dito. Nahanap ko rin kaagad ang suot pandigma ko. Nang maayos ko na ang sarili ko lumabas din ako kaagad ng silid. Tumatakbo ang oras at ayokong sayangin iyon. "Pupunta ka ng battlefield? Sasali ka rin ng Seeker game?" tanong ni Precipise nang makasalubong ko siya sa pasilyo. Tumango ako bilang sagot sa tanong niya. Sinuri niya ako mula ulo hanggang paa. Anong problema niya? "Pero, hindi pa magaling ang sugat mo, Asya," sabi niya kaya napaiwas ako ng tingin. "Alam ko na. Ayaw ng ama mo na sumali ka sa Seeker Game dahil sa nangyari kagabi," sabi niya. Hindi na ako nagulat pa sa sinabi niya dahil isa siyang Forther. Nakikita niya ang nakaraan. "Gusto ko lang patunayan na may magagawa rin ako bilang young Ladynne ng Gránn," ani ko. Ngumiti siya at nilapitan ako. Hinawakan niya ang kamay ko at nagsalita ,"Patunayan mo. Alam kong kaya mo," At, nilagay sa palad ko ang isang dahon. Nagtataka ko siyang tiningnan. Para saan ang dahon na binigay niya? "Kainin mo 'yan. Maghihilom ang sugat mo sa dahon na iyan. Pagbutihan mo at ipanalo ang laro," sabi niya at iniwan ako. Kinain ko naman ang binigay niyang dahon. Maya-maya, kumirot ang tagiliran ko. Parang may sumisipsip dito. "Ahhh!" daing ko sa sakit. "Tiisin mo Asyanna. Maya-maya mawawala rin ang sakit na iyan at maghihilom na ang sugat mo," bulong na naman ng espiritu. Maya-maya, nawala nga ang sakit sa tagiliran ko. Hinimas ko ito at laking tuwa ko na wala na akong maramdamang kirot dito. "Salamat, Precipise," bulong ko. Agad akong naglaho at lumitaw sa battlefield. Marami na ang naroon at nagsisigawan. Marahil ay sinusuportahan nila ang kanilang pambato. "At, ang huling champ at kasalukuyang hawak ang titulo sa Seeker Game, Ladynne Dylenea Spellure!" tawag ni Hydrox. Naglaho ako at lumitaw sa tabi ni Hydrox. Muntik na siyang mapasigaw pero pinigilan ko siya. "A...anong kailangan m...mo?" tanong niya. "Sasali ako," sagot ko. "Pero, hindi nakalagay ang ngalan mo rito, young Ladynne," ani Hydrox. "Problema ba 'yon? Lagyan mo," wika ko at tiningnan siya nang seryoso. "Pero, young—" "Lagyan mo, salamat," sabi ko at naglaho. "Ah, paumanhin. Pero, may nakalimutan na naman akong pangalan," kabadong anunsyo ni Hydrox. Napangisi na lang ako. Takot sa'kin ang tanyag na voleer. "Ang huling champ sa Seeker Game, young Ladynne Asyanna Puerre!" tawag niya kaya maraming napasinghap. Naglakad ako sa gitna habang seryoso ang mukha. Hinahanap ko ang puwesto ng mga Puerre. Hindi naman ako nabigo dahil nahanap ko kaagad sila. Nakita ko ang madilim na mukha ni Lorde Ornelius. Pero, nginisian ko lang siya. Hindi niya dapat ako pinagbawalan ulit. Hindi siya ang magpapasya para sa'kin. May sarili akong pagpapasya at ayokong makialam pa siyang muli. "Diba nasaksak 'yan kagabi?" "Duguan 'yan kagabi," "Nakakagulat nga at sa bulwagan pa talaga nagpunta. Nasira tuloy ang Azthia Ball," "Sino ba kasing nakalaban niyan kagabi?" "Rebelde raw? Nagpapapansin lang 'yan," Isa lang sa mga naririnig kong bulungan. Pero, wala akong pakialam. Pag-usapan nila ako kung gusto nila. Hindi ko na iyon suliranin. "Hindi maaaring sumali ang sugatan sa Seeker Game!" malakas na sabi ni Lorde Ornelius. Lalong umingay ang paligid sa bigla niyang pagsalita. Nagtataka ang lahat dahil mukhang hindi siya payag sa pagsali ko. Hindi naman talaga siya payag dahil tiyak kong inutusan niya ang mga healer na huwag akong pagalingin kaagad. Idagdag mo pa ang inutusan niyang kabalyero. Sigurado akong pagagalitan si Illyós dahil nakatakas ako sa kaniya. "At, sinong may sabi na sugatan ako?" sabi ko at hinila ang telang nakapalibot sa katawan ko. Napasinghap ang lahat dahil walang bakas ng sugat ang makikita sa tiyan ko. Ang sinuot ko kasing damit na pandigma ay kita ang tiyan ko. "Paanong—" "Pinagaling ako ng isang nilalang. Mas magaling pa sa isang healer," pagmamalaking sabi ko. Nagpatuloy lang ako sa paglalakad. Hanggang sa marating ko ang puwesto ng mga sasali sa Seeker Game. Naroon sina Serfina, Xáxa, at Precipise. Ang iba hindi sa'kin pamilyar ang hitsura. Pero, may isang nilalang na titig na titig sa'kin. Hindi ko alam pero nakaramdam ako ng lukso ng dugo. Marahil ay kinakabahan ako sa kaniya. Siya ang huling tinawag bago ko tinakot ang voleer. Isa siyang Spellure. Batid kong malakas siya. Ramdam ko ang presensya niya. "Asya, buti nakahabol ka," bungad na sabi ni Serfina. "Buti kamo natakot ang voleer," sabi ko. "Kung ang voleer natakot mo, ibahin mo kami. Ibahin mo ako," biglang sabi ni Dylenea Spellure. Nagkatinginan ang mga champs dahil sa sinabi nito. "Ha? Anong sabi mo?" naguguluhan kong sabi. "Hindi porket natakot ang voleer sa'yo, matatakot na kami. Alalahanin mo baguhan ka lang, walang karanasan, mahina. Hindi mo kami matatalo. Hindi mo ako matatalo," sabi niya kaya sinamaan ko siya ng tingin. Anong problema niya sa'kin? Wala naman akong nagawang kasalanan sa kaniya. Ngayon ko lang siya nakilala. Ba't parang ang laki ng galit niya sa'kin? "Ladynne Spellure, natatakot ka ba sa'kin?" ani ko. "Bakit naman? Ako ang nanalo sa nakaraang laro. Hindi mo ako matatalo bastarda," sabi niya. Kaya, uminit ang ulo ko. Hindi ibig sabihin na siya ang nanalo sa nakaraang laro hindi ko na siya matatalo. Hindi lahat ng baguhan ay natatalo kaagad. At, hindi lahat ng nanalo, mananalo. "Kung iyan ang nais mong mangyari," sabi ko at kinuha ang espada ko sa likuran. Sinaksak ko ito sa lupa at tinaasan siya ng kilay. "Nasa iyo ang Great Sword of Asilah?" 'di makapaniwalang sabi ng isa sa mga champ. "Sinasabi ko na nga ba. Iyan ang tawag sa espada ni Asya," rinig kong bulong ni Serfina. Napangisi na lang ako. Hindi ko alam na kilala pala ang espada ko. "Magandang araw Azthian! Aeries! Aqualous! Frostbitus! Ignisius! Gemia! Magia! Terracium! Ang ating paghihintay ay nagtapos na at narito tayong muli para saksihan ang pinakatanyag na Seeker Game! Sino kaya ang tatanghaling Seeker Game Victor?! Sino kaya?!" sabi ni Hydrox kaya nagsigawan at naghiyawan ang lahat. "Asya, galingan mo. Huwag kang magpapatalo sa isa ring Spellure," bulong ng espiritu. "Anong ibig mong sabihin?" naguguluhan kong tanong sa utak ko. "Magaling ang Spellure na makakalaban mo," sabi lang nito. "Titingnan natin kung uubra ba siya sa'kin," ani ko. "Mayroon tayong labing-apat na champs na nakatayo sa sentro ng Battlefield. Sino sa tingin ninyo ang matitirang champs na nakatayo at dala-dala ang bandera ng kaniyang lupain?" ani Hydrox. "Ang nanalo sa nakaraang laro kaya?" Lumakas ang hiyawan at sigawan ng tagasuporta ni Dylenea. Tumingin siya sa'kin at nginisian ako. Inismiran ko lang siya. "Mga naghahamon?" Naghiyawan at nagsigawan na naman ang ibang tagasuporta. "O, ang nag-iisang baguhan sa Seeker Game?" Natahimik ang lahat sa huling sinabi ni Hydrox. Tiyak kong ako ang tinutukoy niya. Dahil ako lang naman ang baguhan sa lahat ng champs. "Sana magtagumpay ka Asyanna, ang susunod na Seeker Game Victor," rinig kong sabi ng espiritu. Napangiti na lang ako. Hindi man ako suportado ng karamihan. May nag-iisa namang nilalang na nagtitiwala sa'kin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD