Chapter Six

1949 Words
"Lorde Onaeus Puerre!" tawag ni Hydrox. Naglakad si Onaeus nang tuwid sa gitna ng alpombra. Mapupuna mo sa kaniya na mataas ang tiwala niya sa sarili. Pinag-uusapan siya ng lahat. Ang kisig niya raw at mukhang malakas. Malakas lang naman siya kapag babae ang kalaban. Pero ako lang ang nag-iisang babae na kaya siyang patumbahin. "Ladynne Onessa Puerre!" tawag ni Hydrox. Nakangiting naglakad si Onessa sa alpombra. Agaw-pansin ang suot niyang kasuotan na bumagay sa kulay ng balat niya. "Lorde Dhavene Puerre! Lorde Daneve Puerre! Ang Puerre twins, young Ladynne Aissa at young Ladynne Alisiah Puerre!" sunod-sunod na tawag ng voleer. Magkasunod na naglakad sa mahabang alpombra sina Dhavene, Daneve, Aissa, at Alisiah. Sinundan naman ito ng nakababatang kapatid namin. "At, young Ladynne Desinee Puerre!" dugtong pa ni Hydrox. Pagkatapos tawagin ni Hydrox ang mga miyembro ng Puerre bigla siyang natigilan. Napakunot ang noo niya at napatingin sa direksyon ng mga Puerre. Pabalik-balik ang tingin niya sa kalatas at sa kanila. Parang hindi niya alam ang gagawin. Kung magsasalita ba siya o hindi. Parang naguguluhan siya sa mga oras na iyon. "Ah, paumanhin sa sasabihin ko. Ngunit, may nakaligtaan akong isang pangalan sa angkan ng Puerre," sabi ni Hydrox kaya kinabahan ako. Nagsimula ang bulungan sa buong bulwagan. Nagtataka at naguguluhan sila sa sinabi ni Hydrox. Sa pagkakaalam kasi ng lahat ang Lorde at Ladynne ng Gránn ay may walong anak kaya papaanong may nakalimutan ang tanyag na voleer. "Hindi ko alam kung namamalikmata lang ako. Pero, ang pangalan na nakasulat dito ay Asyanna," dagdag pa niya kaya lalong lumakas ang bulungan. Palinga-linga rin sila sa paligid at hinahanap ang nagngangalang Asyanna. Parang nakuha ko yata ang atensyon ng lahat. Pagkaraan ng maraming taon, sa wakas ay naipakilala na ang bastarda sa Karr, sa Araw ng Azthamen. Malaking rebelasyon para sa ibang lahi. Ang inakala nilang kuro-kuro lang ay may bahid pala ng katotohanan. "Young Ladynne Asyanna Puerre?" tawag niya ulit. Nakangiting tumingin sa'kin si Onessa. Maging sina Alisiah, Aissa at Desinee. Napabuntong hininga na lang ako. Wala na akong magagawa kun'di ang magpakita sa lahat at tanggapin ang mga salitang magmumula sa mga bibig nila. "Young Ladynne Asyanna—" Napasinghap ang lahat nang magpakita ako. Alanganin akong ngumiti dahil hindi ako sanay sa atensyong binibigay nila sa akin. Parang gusto ko na lang maglaho sa paningin nila. "Siya ang babae kanina!" rinig kong sabi sa 'di kalayuan. Isang Terra ang nakakakilala sa akin. Base sa sinabi niya isa siya sa mga Terra na muntikan nang umatake sa'kin habang papunta ng Karr. "Paumanhin, young Ladynne ng Gránn. Pero, totoo pala ang kuro-kuro noon na may bastarda ang Puerre," dagdag pa nito kaya mas nadagdagan ang bulungan sa paligid. Lahat ng mga tanong nila ay tungkol sa akin. Paano raw nilihim ng Lorde ang tungkol sa'kin. Bakit walang balita ang nagmula sa Gránn tungkol sa pagkatao ko. At, sino ang ina ko. "Ladynne Asyanna Puerre, maligayang pagdating sa Karr!" masayang sabi ni Hydrox. Nginitian ko lang siya at nagsimulang maglakad. Bawat nadadaanan ko ay naririnig ko ang pangalan ko. Daig ko pa ang isang tanyag na nilalang gaya ni Hydrox. "Tingnan ninyo! Unti-unti siyang nawawala!" sigaw ng babae. Agad kong sinuri ang sarili ko. Unti-unti nga akong naglalaho. Maging ang mahika ko ay hindi komportable sa sitwasyon kaya nagkakaganito ako. Pinakalma ko ang sarili ko at bumalik din sa dati ang bisibilidad ng katawan ko. "Huminahon ka Asyanna. Hindi pa nila dapat malaman ang kakayahan mo," rinig kong bulong sa paligid. Lumingon-lingon ako sa paligid pero wala na naman akong nakita. Kinausap na naman ako ng tinig na iyon. Nakapagtataka lang dahil narinig ko pa rin ang tinig na iyon samantalang puno ng bulungan ang buong bulwagan. "Sino ka ba? Bakit mo ako kinakausap?" bulong ko nagbabakasakaling sumagot na ito ngayon. "Hindi na mahalaga kung sino ako. Basta palagi lang akong nakabantay sa'yo," sagot nito. "Bakit?" tanong ko. "Malalaman mo rin," makahulugang sagot niya. "Bakit hindi kita makita?" tanong ko pero hindi na ito sumagot pa. Nagpatuloy ako sa paglakad sa mahabang alpombra. Patuloy din ang bulungan sa paligid. Kaya, kabado ako. "Nagawa mo, Yanna!" tuwang sabi ni Onessa nang makalapit na ako sa kanila. Pilit ko siyang nginitian dahil ayokong mag-alala siya sa'kin. Ganito pala ang pakiramdam ng pinag-uusapan ka ng lahat. Hindi ko gusto ang atensyong binibigay nila sa'kin. Mas gugustuhin ko pang hindi nila ako pinapansin kaysa sa ganito. Bakit pa kasi ako pinakilala bilang isa sa mga Puerre? Puwede ko namang baguhin ang wangis ko. Puwede naman akong magpanggap bilang pangkaraniwang Magium. Hindi ko naman nais na makilala ako ng lahat. Ang hangad ko lang ay maging malaya. Malayang libutin ang buong Azthamen. Matapos ipakilala ang mga clan sa iba't-ibang lupain, may ipinahayag ang tanyag na voleer. "Sa simula pa lang, ang Azthamen pinoprotektahan na ng walong lahi, ito ay mga; Azthian, Aqualous, Aeries, Frostbitus, Gemia, Ignisius, Magia, at Terracium. Bawat lahi ay may isang angkan na namumuno sa lupain. Kilala natin sila bilang matataas na uri o marangal na pamilya," ani Hydrox. Nakinig lang kaming lahat sa kaniya. Tiyak kong napakahalaga ng sasabihin niya. Ramdam ko ring may pagbabagong mangyayari. "Ngayon ay Araw ng Azthamen. Ang araw na nabawi natin ang ating mundo mula sa mananakop. Ang araw kung kailan hinati ang Azthamen sa walong rehiyon para maprotektahan natin ang ating mundo. At, ngayon ang araw kung saan ang walong rehiyong ito ay hindi na mga rehiyon. Mula sa araw na ito, ang mga rehiyon ay magiging kaharian," dagdag pa ni Hydrox. Marami ang natuwa sa sinabi niya. Hindi na isang lupain lang ang tinitirahan namin. Magiging kaharian na rin ito. "Para magawa ito, dapat pangunahan ng mga Lorde at Ladynne ang seremonya," ani Hydrox. Isa-isang lumapit ang mga Lorde and Ladynne kay Hydrox para simulan ang seremonyas. "Yanna, halika na. Magsisimula na ang seremonya," tawag sa'kin ni Onessa. Agad naman akong sumunod sa kaniya. Nakalimutan ko isa nga pala akong Ladynne. Hinawakan ni Onessa ang kamay ko at dinala ako sa kinaroroonan ng clan namin. Natapos din kaagad ang seremonya at ganap nang kaharian ang walong rehiyon ng Azthamen. "Nessa, lilibutin ko lang ang buong bulwagan, maaari ba?" paalam ko kay Onessa. "Hindi ka magpapasama sa'kin?" tanong niya pero umiling lang ako. Tumango naman siya kaya tumalikod na ako at nagsimulang maglakad. Marami ang dumalo sa Azthia Ball. Ganito nga siguro kapag malaking okasyon ang ipinagdiriwang. Hindi mo gugustuhing huwag itong daluhan. "Pwede ba kitang makausap Asyanna?" tanong ng babaeng lumapit sa'kin. Nakasuot siya ng kulay puting kasuotan. Maitim ang mahaba niyang buhok at ang kulay ng mga balat niya ay kasing puti rin ng kasuotan niya. Maganda siya pero mukhang masungit. "Oo naman, Ladynne...?" sagot ko pero hindi ko alam ang ngalan niya. "Hindi ako makapaniwala sa'yo! Hindi mo natatandaan ang pangalan ko? Nabanggit ito ni hydrox kanina. Hindi mo natatandaan ang pangalan ng magandang young Ladynne ng Ferrox?!" bulalas niya. Napaatras na lang ako sa biglang pagtaas at pag-iba ng tono ng boses niya. Parang siya pa ang galit. E, sa hindi ko naman talaga alam ang ngalan niya. "Paumanhin," sabi ko. "Sabagay, ang mga bagay na matagal itinago, walang kamuwang-muwang sa mundo," pagpaparinig niya kaya napakuyom ako ng kamay. Tiyak kong ako ang pinatatamaan niya. Ako lang naman ang nilalang na itinago nang mahabang panahon. "Kung wala ka nang sasabihin, maaari na ba kitang iwan? Wala naman kasi akong balak na kumausap sa kahit sino. Lalo na sa MAAMONG kagaya mo," sabi ko at diniinan ang pagkakasabi ng maamo. Totoo naman kasi, mukha lang siyang maamo pero ang ugali mas masahol pa sa mabangis na nilalang. "At, sa tingin mo saan ka pupunta, young Ladynne na bastarda?" mapagkutyang tanong niya. Sinamaan ko siya ng tingin at tumalikod. Bakit ko nga ba kinakausap ang Frost na iyon? Nagsasayang lang ako ng oras para sa kaniya. Tama nga ang libro, nasa ugali ng mga Frost o Frostbitus ang pagiging bulastog sa lahat. "Hindi pa ako tapos sa'yo, bastarda!" inis niyang tawag pero hindi ko siya pinansin. Pinagtitinginan na naman ako ng mga nilalang na nadadaanan ko. Hindi ba sila nahihiyang titigan ako o tingnan? Malaking isyu ba ang pagpunta ko rito? "Narito ka na nga," biglang sabi ng hindi ko kilalang babae. Pero base sa kasuotan niya, isa siyang Ladynne. "Ano?" tanging reaksyon ko lang. Inaasahan niya ba ang pagpunta ko rito? Sino siya at parang kilala niya ako? Bakit sa tono ng pananalita niya may alam na siya tungkol sa'kin? "Paumanhin ngunit hindi kita nakikilala," sabi ko pero ngumiti lang siya. "Precipise Mellows, Asya," pagpapakilala niya kaya nanlaki ang mga mata ko. Siya si Precipise?! Ang nakababatang kapatid ni Kai?! Ang utak sa mga patibong ng Nuclos?! "Paumanhin, nagulat yata kita," mahinahon niyang sabi. Kaswal lang siyang magsalita at walang bahid ng pagkailang o hiya sa mata niya. Parang sanay siyang kumausap ng mga nilalang na hindi niya pa gaanong kakilala. "Hindi ko kasi inakalang makikilala kita ngayon," kabadong sabi ko. "Nakita kita sa Nuclos kasama si Kai," sabi niya kaya napangiti ako. "Pabuya raw iyon sa pagliligtas ko sa kaniya sa Eshner sa kamay ng mga rebelde," natatawang sabi ko. Napangiti na lang siya sa sinabi ko. Maya-maya naging seryoso ang mukha niya kaya nakyuryos ako. Masyado kasing seryoso at parang nakakita siya ng hindi mapaliwanag na bagay. Nilingon ko ang direksyon na tinitingnan niya. May grupo roon ng mga young Lorde at young Ladynne. Binalik ko ang tingin ko sa kaniya ganoon pa rin ang ekspresyon ng mukha niya kaya naguguluhan na talaga ako. "Ayos ka lang ba?" alalang tanong ko pero hindi siya sumagot. Tumalikod ako at aalis sana para humingi ng tulong nang pigilan niya ako. Nilingon ko siya at napakunot na lang ako ng noo. Nakahawak siya sa braso ko at nakatulala sa kawalan. Nanlalamig ang mga kamay niya at nanginginig. "Precipise, ayos ka lang? Anong nangyayari sa'yo?" tarantang sabi ko. Pero hindi siya sumagot. Parang wala siya sa sarili. Pilit kong binawi ang braso ko dahil maging ito ay nanlalamig na rin. Pero hindi ko magawa. Masyadong mahigpit ang pagkakahawak niya sa'kin. "Tulong! Si Precipise wala sa maayos na kondisyon!" sigaw ko pero walang pumansin sa'kin. Paulit-ulit akong sumigaw at humingi ng tulong. Pero wala ni isang pumansin sa'kin. Hanggang sa hindi ko na marinig ang boses na lumalabas sa bibig ko. "Precipise! Pakiusap! Naririnig mo ba ako? Precipise!" usap ko sa kaniya kahit na walang boses ang lumalabas sa bibig ko. Pero nanatiling lang siyang nakatulala. Tumitigas na rin ang kamay niya kaya nasasakal na ang braso ko. Napangiwi ako nang mas lumamig at mas humigpit ang pagkakahawak niya sa'kin. Parang pati ang kalamnan ko nanginginig na rin. "Precipise! Nagmamakaawa ako!" iyak ko dahil hindi ko na kaya ang epekto ng kapangyarihan niya. Kung dala ko lang sana ang espada ko baka may nagawa ako. Bawal kasi ang mga matatalim na aytem o sandata sa Azthia Ball kaya iniwan ko ito sa silid namin. Hindi rin kaya ng mahika ko ang kapangyarihan niya dahil mas malakas ang mga nilalang na kagaya niya. Kaming mga Magium magiging malakas lang kami kapag hawak namin ang mga sandata namin. Kapag ganoon magiging kapantay din namin sila. "Precipise!" pagsusumamo ko. Ramdam ko ang lamig sa buo kong katawan. Parang magiging yelo ako anumang oras. Pati ang hininga ko malamig na rin. Mabigat na rin ang hiningang lumalabas sa bibig ko. Parang pinapasok na rin ng lamig ang ulo ko. Lalo akong nataranta nang magsimulang maging yelo ang parte kung saan nakahawak ang kamay ni Precipise. "Precipise, naririnig mo ba ako?" nahihirapan kong sabi ,"pakiusap, makinig ka sa akin!" Pero para akong espiritu na hindi niya nakikita at naririnig. "Precipise, pakiusap!" huling sabi ko bago nandilim ang paningin ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD