KHALIL “Jim, anak… Kumusta ka na dyan? Nagawa ulit ni Papa ang kanyang pangako. Nakaka-97 na tayo. Nakikinig ka ba?” Pumapatak ang aking mga luha mula sa nakapikit kong mga mata habang nakaluhod ako at nakatukod ang aking mga kamay sa sahig. Hapong-hapo na ang isip at katawan ko pero ang puso ko ay hindi pa rin sumusuko. Kahit na isinisigaw na ng aking katawan ang mahimbing na pagtulog ay pinilit ko pa ring magdasal at ilagay sa garapon ni Jim ang paper crane. Pagkatapos ay sinikap kong itayo ang aking sarili upang magpalit ng damit. Napasilip ako sa aking bintana—inabot na ako ng liwanag. Buti na lamang at Linggo ngayon, maaari akong magpahinga buong maghapon. Dinampot ko ang isang maiksing salawal na kulay abo sa itaas ng aking mga nakatuping damit. Nang iladlad ko na ito ay nakita k

