MASAYA ang naging unang araw ng bakasyon ni Izaria because she finished five 3D-painting at apat na para sa collection niya sa maghapon. Lahat ng ipininta niya ay may imahe ng lalaki na hindi pa rin niya nakikilala. Malayo man o malapit ang kuha ay sigurado siya na iisang tao lamang iyon.
Naisama na rin sa painting niya ang grupo ng magsasaka na abala sa pagbubunot ng mga tumubong binhi na itatanim sa naararong lupain. At siyempre, hindi nawawala roon ang lalaki na naging inspirasyon na niya at naging modelo pa ng kanyang obra.
Maaliwalas ang mukha niya habang nakatanaw sa labas at komportableng nakaupo sa sofa. Nasa balkon kasi siya ng pangalawang palapag ng bahay. Matatanaw lang kasi ang malawak na bukirin. Malapit man sa kalsada ang kinatatayuan ng bahay ni Virna. Sa gawing likuran naman nito ay may malawak na lupaing pinaberde ng mga palay at napaligiran ng mga punong kahoy.
Nakatuon nga ang mga mata niya sa kapaligiran but something is sinking in her mind. Pakiramdam niya ay naiwan ang titig ng lalaki sa isip niya. Nasaglitan kasi siya ng tingin niyon kahapon habang nagpa-packed up sila ni Virna. Kakaiba ang pakiramdam niya sa mga titig na iyon.
“Uy besh! Kasing lawak na yata ng palayan ang narating ng isip mo,” pagbasag ni Virna sa iniisip niya.
May dala itong tray na may dalawang tasa ng umuusok na kape. Inalok siya nito at hindi naman niya natanggihan. Umupo ito sa sofa na katapat ng kinauupuan niya. Coffee table ang nasa pagitan nila.
“Thank you, besh. Pati timpla ng kape ko kabisado mo na rin,” natutuwang sabi niya matapos ang isang higop.
“Siyempre naman, best friend kita. Alam ko naman na mahilig ka sa creamy white na kasing kulay ng balat mo,” pambobola nito sa kanya.
“Ikaw talaga,” nakangiting sabi niya. Pero nahalata ni Virna ang biglang pag-iisip niya nang malalim.
“Kabisado ko ang ganyang awra mo, besh. May dapat ba akong malaman?” puna at tanong ng kaibigan.
Alam niya na wala siyang maililihim dito. Humigop pa siya ng kape.
“Baka naman hindi ka pa nakapag-move on sa hiwalayan ninyo ni Jay,” hula nito.
Ang dati niyang nobyo ang tinutukoy nito. Napangisi siya.
“Grabe ka, hindi ‘no!” depensa niya.
“Oh e, ano pala ang iniisip mo? Mukhang wala kang maayos na tulog eh. Tingnan mo oh, tumaba ang eye bags mo, puwede na natin ipakilo ‘yan,” pilyang pansin sa kanya ni Virna.
Napapailing siya sa sinabi nito. Pero natutuwa siya sa pananalita ng kaibigan.
“Ikaw talaga, besh. Nakatulog naman ako. Muntik nga lang mabangungot sa sobrang saya. At saka, matagal na akong nakapag-move on. Hindi naman dapat pinag-aaksayahan ng panahon ang mga cheater. Past is past para sa akin. Pero, besh…”
“Oh, bakit?” pansin nito sa pagtigil niya.
“Naniniwala ka ba talaga sa ‘love at first sight?”
Kamuntikan pang maibuga ni Virna ang nahigop na kape nang marinig ang tanong niya.
“Ano naman ang problema sa sinabi ko?” nakangising tanong niya.
“Gasgas na ang mga katagang iyan, besh. Mas maniniwala pa nga ako kapag sa unang tingin ay may kuryente ka nang naramdaman. Hindi ka makatulog sa kaiisip sa kanya. At tumatatak sa isip mo ang mukha niya kahit saan ka tumingin,” wika nito.
“Nakatutuwa ka naman, besh. Eh, parang 'yon na rin 'yon eh,” angil niya.
“Don't tell me…”
Nilapit nito ang mukha sa mukha niya na tila paaaminin siya nito. Wala siyang nagawa sa mapanghimok na titig ng kaibgan.
“Okay, fine! Oo na, sasabihin ko. A-ano, kasi…” pero nautal siya.
“Kanino naman?” dugtong nito.
“Iyong lalaki sa farm kahapon,” pagtukoy niya.
“W-what?” Nasurpresa ang kaibigan.
“Oh, bakit parang gulat na gulat ka?”
“Nagulat lang naman, besh. Paano kasi, na-in love ka kaagad sa isang magsasaka? Eh wala pa naman siyang ginagawa sa iyo? Samantalang si Jay, limang taon ka niyang niligawan. Dalawang taon din naging kayo, pagkatapos naghiwalay lang din,” litanya ni Virna.
Nagkusot ang mga kilay niya bagaman at nakangiti siya. Gusto niyang matawa sa pagkukumpas ng mga kamay nito habang sinisermonan siya.
“Ang dami mo namang sinabi, besh. Hindi naman kasi ang kaguwapuhan at pera ni Jay ang hanap ko. Bukod sa wala akong maramdamang ‘kuryente’ na sinasabi mo, e nagawa pa niya akong lukohin,” pangangatuwiran niya.
“Sabi ko na nga ba, eh,” nakangising saad ni Virna.
“Na ano?” Na-curious siya.
“Sabi ko na nga ba, siya si ‘Clark Kent’,” pagdiin nito sa huling nabanggit.
Natawa siya. “Tumigil ka nga!” asik niya. Inirapan niya ang kaibigan. “Pangalan ‘yan ng superman sa paborito mong movie.”
“Oo nga. Nasa mata naman kasi ang power ni Superman, ‘di ba? Nang magtama ang tingin niya sa mga mata mo at tumitig ka naman sa kanya, nakaramdam ng kuryente, tama ba ako?” biro ni Virna.
Mukhang may punto naman ito. Aminado siya roon.
“Ikaw talaga, besh!”
Sabay silang tumawa. Patuloy ang biruan nila ni Virna nang tumunog ang cellphone niya na nakalapag sa coffee table. Dinampot niya at tiningnan kung sino ang caller.
“Hello, Shelly!” eksaheradong sagot niya sa caller, nang itapat sa tainga ang cellphone. “Napatawag ka, kumusta?” pagkuwan ay tanong niya. Kaagad silang nag-chikahan.
Tahimik lang na naghihintay si Virna na matapos ang pakikipag-usap niya sa kabilang linya. Kalilala nito ang kausap niya. Umabot ng limang minuto ang pakikipag-usap niya.
“Kumusta?” tanong ni Virna nang mapansin ang pagbaba niya sa aparato.
Bumuntong-hininga siya. “Si Shelly, pinuntahan daw ni Ivan, may-ari ng Diamond Art Gallery sa Makati, tinatanong kung may stock pa ako ng mga paintings. Nawala kasi ang phone ko kung saan naka-phonebook ang number ni Ivan. Hindi pa kasi kami friend sa social media account ko na ginagamit ko ngayon. Si Shelly na ang pinuntahan kasi alam niyon ang bahay ko,” tugon niya.
“I See! Marami talaga ang may gusto sa mga obra mo. Malaki ba ang kikitain mo sa series painting na pinagkaaabalahan mo dito?”
“Hindi naman masyado. Pero marami kasi ang nagtatanong ng mga series. Sa gallery shop kasi ni Ivan ay kadalasan mga abstract painting ang mabenta. Pero susubukan daw niya ang series dahil may mayamang dayuhan na naghahanap niyon. Ang kaso, wala pa siyang available. At ang hinahanap na concept ay about farming. Gusto kasi ng dayuhan na ipagmalaki sa bansa nila ang tradisyonal na pagsasaka ng mga pinoy,” paliwanag niya.
“Wow! Kaya pala inspired ka kasi marami na ang tumatangkilik sa mga painting mo. At alam ko naman na bata ka pa lang ay iyan na talaga ang hilig mo. Madami na nga ang mga naipinta mo na naging collection ko.”
“Tama ka. Teka, may gagawin ka ba today?” pag-iba niya sa usapan.
“Wala pa naman. Bukas pa ako pupunta sa opisina ko. Bakit mo naman natanong?”
“Gets mo na iyon.”
Nahulaan naman kaagad ng kaibigan ang ibig niyang sabihin.
“Ah, alam ko na. Magpapasama ka na naman sa farm, ano?”
Tumango siya at ngumiti sa kaibigan.
“Pero, pasensiya ka na kung hindi muna kita masasamahan bukas kasi alam mo na,” bahagyang nalungkot na sabi nito.
“Oo, naiintindihan ko naman. Maraming salamat talaga, besh.” tuwa na saad niya.
Napayakap siya sa kaibigan.
GUSTO man ni Izaria na lapitan ang lalaki ngunit hindi niya alam kung paano. May kakaibang tuwa siyang nararamdaman kahit makita lamang niya ito. Parang tinatambol ang dibdib niya kapag mahagip siya ng tingin nito. Hindi pa rin niya makita nang buo ang mukha nito.
“Oy besh!” tawag-pansin sa kanya ni Virna nang mapansin na papalapit ito sa kinaroronan nila.
“Huwag ka namang pahahalata, besh. Nakahihiya eh,” impit na saway niya sa kaibigan.
Panay naman ang sulyap niya sa lalaking paparating.
“He’s coming, besh,” anas ni Virna sa kanya.
Inaayos niya kunwari ang easel na paglalagyan niya ng canvas. Pero nate-tense siya at lalong kumabog ang dibdib habang papalapit ito. Dumaan nga ang lalaki sa kanilang harapan ngunit tila wala itong pakialam sa kanila. Seryoso at dire-deretso ang lakad.
Suplado yata! Sabi sa isip niya.
Bago pa man ito makalampas ay lakas-loob na tinawag ni Virna.
“Excuse me! Ginoo! Sir! Kuya!” nalilitong tawag ni Virna sa lalaki.
Para siyang mauupos sa kinatatayuan dahil sa ginawa ng kaibigan.
“Hoy, besh! Ano ka ba, hindi na nga namamansin sa atin eh,” saway niya sa kaibigan.
“Wait lang, watch and learn!”
Hindi nagpapigil si Virna. Sinundan talaga nito at pinaspasan ang paglalakad hanggang sa maunahan nito ang lalaki. Wala siyang nagawa kundi ang maghintay.
“H-hi Kuya!” tawag ni Virna sa atensiyon ng lalaki.
Napahinto ito dahil hinarangan na ni Virna ang daraanan nito. Nag-aalala siya sa sasabihin ng kaibigan sa lalaki.
“May kailangan ka ba?” walang kangiti-ngiting tanong ng lalaki kay Virna.
“Gusto ka sanang makilala ng best friend kong si Izaria,” sabi ni Virna sa lalaki.
Gigil na gigil naman si Izaria sa narinig niyang sinabi nito sa lalaki. Gusto niya itong lapitan at hilahin. Pero nang lingunin siya ng lalaki ay uminit ang mga pisngi niya. Nagimbal ang sistema niya.
Binawi rin naman kaagad ng lalaki ang tingin nito sa kanya. Nakadama siya ng kaunting kalungkutan dahil parang hindi ito natuwang makita siya.
“Marami pa akong gagawin,” sagot ng lalaki kay Virna.
Narinig niya ‘yon.
Inabangan na lamang niya ang paglapit ni Virna sa kanya at sinundan ng tingin ang paglayo ng lalaki. Kung hindi lang niya ito kaibigan ay nasabunutan na niya.
“Ikaw talaga, Virna, pahamak ka!” bahagyang yamot na sabi niya sa kaibigan.
“Tinulungan na nga kita eh,” nakangising sabi nito.
“Mapapahiya ako sa ginagawa mo,” paninisi niya rito.
Sanay na si Virna kapag nayayamot siya. Natutuwa pa nga ito.
“Bakit ka naman mahihiya, akala ko ba, crush mo siya?” napalakas na wika nito.
“Shh! Huwag mo naman isigaw,” maagap na saway niya.
“Sana ikaw na lang ang humarang sa kanya. Itatanong mo kung binata pa ba siya o may asawa na ba. At kung may girlfriend na ba siya o kaya kinakasama,” suhistiyon nito.
Napangiwi siya at humalukipkip.
“Ay naku, ‘wag na besh! Bahala na. Kahit hanggang crush na lang okey na ako. Kaysa kapalan ko ang mukha ko at sabihin ang mga sinabi mo. Oo, minsan may pagkaluka-loka ako pero ang bagay na iyan never kong gagawin.”
Matindi ang pagtutol niya sa opinyon ng kaibigan.
“O siya, oo na! Never na kung never. Pero in fairness ha, siya lang ang farmer na naamoy kong mabango at mukhang imported ang perfume niya. Nangalay nga lang leeg ang ko sa katitingala sa mukha niya, matangkad nga talaga. Pero alam mo, parang may kakaiba akong napansin sa mga mata niya.”
“Ano naman ang meron sa mga mata niya? Ang dami mo nang napapansin.”
Binalikan niya ang painting niya. Humalukipkip si Virna habang nakatanaw sa malayo.
“Parang hindi itim o brown ang kulay ng mga mata niya,” anito.
“Eh ano pala, puro puti?” pilyang tanong niya.
Napangisi ang kaibigan.
“Kaloka! Ano ‘yon, sinapian ng engkantong kabayo? Ah basta! Maganda ang mga mata niya. Medyo singkit na may pagka-bluish ang mga iris niya. Tapos, matangos ang ilong niya, natatakpan nga lang. Bakit kaya siya nagtatakip ng bibig at mga mata? Hindi naman maalikabok dito,” puna nito.
“Trip lang niya, ano ka ba! So, crush mo na rin ba siya?” biglang tanong niya na nagpalingon kay Virna.
“Ops! Mukha na ba akong mang-aagaw ng crush ng may crush? Of course, he's yours. Tutulungan lang kitang makilala mo siya. Anyway, puwede na ba muna kitang iwanan dito? Pupuntahan ko lang si Tata Arman at mayroon lang akong sasabihin,” pagkuwa’y paalam nito.
“No problem,” payak na sagot niya.
Hinayaan muna niyang umalis ang kaibigan. Ipininta na naman niya ang mukha ng lalaki ayon sa nai-describe ni Virna. Magaling siya sa pagbi-visualize ng mukha. Hindi ‘yon kasama sa series kundi ay collection na naman niya. Hindi pa natapos ang painting niya ay biglang na namang may umagaw sa kamalayan niya.
Ang pamilyar na babaeng natanaw niya mula sa malayong pilapil. Mukhang mayaman ang postura nito. May sampung metro ang tantya niyang layo nito sa kanya. Naalala niya, ito rin ang babaeng nakita niya kahapon. Kaagad din naman itong umalis.
“Sino kaya siya?” pagkakuryos niya.