Kabanata 21

2244 Words
Nakarinig ako ng yabag hindi kalayuan sa aking kinaroroonan ngayon. Hindi ko na kailangan pang lumingon para tignan kung sino ang taong iyon sapagkat iisang tao lamang ang maglalakas loob upang pumasok sa aking silid nang ganitong oras – siya lamang ang nag-iisang taong nakapapasok sa aking kuwarto nang wala akong sinasabi na kahit na ano pa man. Naramdaman ko na siya ay tumigil hindi kalayuan sa kinaroroonan ko, ngunit hindi pa rin ako lumilingon sa kaniyang gawi at patuloy lamang akong nakatingin sa labas ng aking palasyo – na para bang may nagbago sa kapaligiran na’min, kahit na alam ko nang wala naman talagang kahit na isang pagbabago sa lugar na iyon. Narinig ko ang malumanay na pagtawag niya sa aking ngalan, ngunit kahit na sa gayon pa man, hindi pa rin ako tumingin sa kaniyang gawi habang patuloy kong pinagmamasdan ang kalupaan na tila ba wala itong katapusan. Hindi ako tumingin sa kaniya, ngunit tumango ako nang marinig kong muli niya akong tinawag sa aking ngalan. “Kumusta ka na?” Tinanong niya ang bagay na lagi niyang itinatanong sa akin sa tuwing siya ay nagagawi rito sa aming palasyo – sa tuwing napagpapasyahan niya na pumunta sa aming lugar, kahit na karapat dapat namang talaga na rito rin siya manirahan. Hindi ako sumagot sa kaniyang tanong at sa halip ay ngumiti lamang ako, kahit na alam ko nang hindi naman niya iyon nakikita. Pinagsiklop ko rin ang aking mga kamay na para bang kay lalim ng aking iniisip, at mukhang napansin niya iyon sapagkat siya ay napa-buntong hininga bago ko naramdaman na para bang umupo siya sa isa sa mga upuan na naroroon sa loob ng aking silid. “Hindi mo na kailangang itago pa sa akin ang lahat, Ambrose,” sambit niya nang may seryosong tono sa kaniyang boses, ngunit naroroon pa rin ang malambot na tinig niya na alam kong para lamang sa akin. “Alam ko na ang nangyari. Narinig ko sila at inanyayahan pa nga nila akong sumama sa kanilang plano. Plano na…” “Na makapagpapabagsak sa akin,” pagtatapos ko sa kung ano pa mang sasabihin niya, sapagkat hindi lingid sa aking kaalaman ang kumakalat sa loob ng palasyong ito – hindi lingid sa aking kaalaman ang mga pina-plano ng mga kasamahan na’min dito sa lugar na ito. Doon lamang ako humarap sa kaniya at tinitigan siya sa kaniyang mga mata, ngunit para bang pinagsisihan ko na ginawa ko ang bagay na iyon sapagkat nakita ko ang pag-aalala na bumalatay sa kaniyang mukha – pag-alala na alam ko naman ang kanilang mga balak na gawin ng iba pa na’ming mga kasamahan sa akin, ngunit wala akong ginagawang kahit na ano upang mapigilan ang mga ito. “Alam ko, Alana,” sambit ko sa kaniya nang may ngiti sa aking mga labi, na para bang wala akong pakialam sa mga bagay na nangyayari at sa mga bagay na pina-plano nila, kahit na ang katotohanan ay nais kong mag-isip kung may bagay pa ba akong magagawa para sa kanila. “Alam mo naman na alam ko ang lahat ng nangyayari sa palasyo na ito, hindi ba?” Kahit na hindi ko nais iyon. Kahit na hindi ko gustong malaman ang mga nangyayari sa lugar na ito, hindi ko pa rin naiiwasang marinig ang lahat ng kanilang mga sinasabi. Hindi ko pa rin maiwasan na malaman ang lahat, kahit na minsan ang mga bagay na aking naririnig ay mga lihim na nais nilang itago sa akin. “Wala ka bang gagawin para mapigilan na mangyari iyon?” tanong niya sa akin, habang hindi na niya naitago pa ang pagkabahala niya sa maaaring mangyari. “Hindi ka ba gagawa ng paraan upang hindi nila magawa ang bagay na iyon sa iyo?” Nakita ko na para bang nag-iisip siya, bago niya sinabing, “Unahan mo sila sa kanilang mga plano. Labanan mo sila, Ambrose, dahil iyon na lamang ang naiisip kong natatanging paraan upang matigil ito.” Kalmado akong umiling sa kaniya, sapagkat hindi ko nais na saktan ang aming mga kasamahan. Hindi ko nais na ito ang magiging dahilan upang mangyari ang propesiya na iyon – ang propesiya na naging dahilan kung bakit nangyayari ang kaguluhan na ito sa loob ng aming palasyo. “Ngunit, Ambrose, mapapalitan na rin naman kaming lahat sapagkat iyon ang sinasabi ng propesiya, hindi ba?” tanong niya sa akin na para bang desperada na siyang makahanap ng paraan upang maging ligtas lamang ako, at hindi na niya iniintindi pa ang kaniyang sarili. “Kahit ano pa ang ating gawin, hindi magbabago ang bagay na iyon, hindi ba?” “May natitira pang paraan, Alana. Natitirang paraan upang mapigilan ko sila.” Tumingin ako sa kaniyang mga mata upang ipakita sa kaniya na seryoso ako sa aking mga sinasabi. “Upang hindi maging marahas ang mangyayari sa ating lahat. Upang hindi na nila kailanganin pang gawin ang bagay na iyon sa akin.” Tinitigan niya ako nang mabuti, bago niya ako tinanong ng isang bagay na alam ko nang tatanungin niya sa akin sapagkat alam ko na rin sa aking sarili na hinding-hindi titigil an gaming mga kasamahan hanggang sa hindi nito nakukuha ang kanilang nais. “At paano kung hindi mo sila mapigilan?” Unti-unti akong bumalik sa aking puwesto kanina noong hindi pa siya nakapapasok sa loob ng aking silid, bago ako nagsalita sa kaniya, “Kung sakaling mangyari man iyon, Alana.” Lumingon ako nang kaunti sa kaniya, bago ako ngumiti nang mapait. “Maaari mo ba akong matulungan upang makaligtas ako?” Napabalikwas ako ng bangon nang dahil sa mga napanaginipan ko na iyon. Kahit na hindi naman iyon katakot-takot, para bang habol ko ang aking hininga sapagkat alam kong hindi ako nagkamali nang isipin ko na iyon ay kasama sa mga ala-ala kong nais kong malaman. Iyon ay parte ng aking nakaraan, at ngayon ko napatunayan si Alana nga ay may malaking koneksiyon sa aking buhay. Siya ay isa sa mga taong malapit sa akin. Hindi naman ganoong kahirap na isipin ang bagay na iyon, sapagkat sapat na ang mga nakita ko roon sa aking ala-ala upang isipin na siya ay talagang malapit sa akin, ngunit kahit na sa gayon pa man, napakarami pa ring tanong ang naiwan sa aking isipan. Kagaya na lamang ng kung ano ba talaga siya sa akin? Sapagkat sa tingin ko ay mahigit pa ang relasiyon na’min sa pagkakaibigan. Ano ang plano na aking inisip noon? Ano ang koneksiyon ng aming pinag-uusapan sa mga nangyayari sa akin ngayon? At kung mayroon man talagang koneksiyon ang dalawang iyon, hindi ko lubos maisip kung ano ang kailangang pagdaanan ni Alana para lamang sa akin. Hindi ko maisip kung gaano karami ang sakripisyong ginawa niya para lamang sa akin, at pati na rin doon sa plano na aming pinag-uusapan na’min ng panahon na iyon. Hindi ko lubos na maisip kung ano ang kailangan niyang gawin habang ako ay nasa kaniyang tabi. Hindi ko mapigilan ang mapa-buntong hininga sapagkat maraming mga bagay ang tumatakbo sa aking isipan ngayon. Sa tingin ko pa nga ay hindi na ako makakatulog pa, kaya naman mas minabuti ko na lamang ang tumayo sa aking higaan at mag-ayos para sa araw na iyon. Tinignan ko pa ang papasikat pa lamang na araw, indikasyon na napaka-aga pa para ako ay bumangon ngunit alam ko na na hindi na talaga ako makakatulog pa matapos ang nangyari. Mas minabuti ko na lamang na maglakad-lakad kabuuan ng tahanan ni Linnea, ngunit hindi pa man ako nakalalayo ay nakita ko na ang may ari ng bahay na ito. Siya ay nakatayo hindi kalayuan sa aking kinaroroonan, kaya naman mas minabuti ko na lamang ang lumapit sa kaniya habang mah nagtatanong na tingin sa aking mga mata. “Sa tingin ko ay napaka-aga pa ngunit ikaw ay nasa labas na ng iyong silid,” sambit ko sa kaniya sapagkat hindi ko rin naman mawari kung ano ang dapat kong sabihin bilang pagbati. “Normal na sa akin na bumangon nang ganitong oras,” pagsagot niya sa akin habang patuloy lamang siya sa pagtanaw sa papasikat pa lamang na araw. Binigyan niya ako ng tingin, bago siya bumalik sa pagtanaw sa labas ng kaniyang bintana. “Ikaw? Bakit para bang maaga kang nagising? Hindi ba’t napaka-layo ng inyong pinanggalingan?” Nagkibit balikat lamang ako habang patuloy akong nakatitig sa kaniyang mukha, bago ko sinagot ang kaniyang katanungan, “Hindi na ako makatulog pa.” Hanggang ngayon ay iniisip ko pa rin ang mga ala-ala kong iyon. Hanggang ngayon ay bumabalik sa aking isipan ang mga pinag-uspaan na’min ni Alana noon, ngunit nang pilitin kong alalahanin ang lahat ng nangyari noong araw na iyon, wala na akong maalala pa. Sa tingin ko rin ay para bang nananakit ang aking ulo sa tuwing pinipilit ko na alalahanin ang lahat, kaya naman mas minabuti ko na lamang ang iwaksi sa aking isipan ang pagpupumilit na maalala ang lahat ng nangyari noong panahon na iyon. “May mga bagay na mas mabuti na lamang kung hahayaan mo lamang itong lumabas, kaysa naman pilitin mo ang iyong sarili at masasaktan ka lamang sa huli.” Napatingin ako sa kaniyang gawi at napukaw ang aking pag-iisip nang marinig ko iyon mula kay Linnea. Para bang nababasa niya ang aking isipan. Para bang alam niya ang nangyayari sa akin, ngunit hindi niya nais na aminin sa akin iyon kaya naman sinambit niya ang mga salitang iyon. “Paano kung nais ko iyong gawin sapagkat alam kong may taong naghihintay sa akin na maalala ko ang lahat?” Alam ko kasi na naghihintay si Alana sa akin. Alam ko na hinihintay niya ang panahon na naaalala ko na ang lahat, at kahit na hindi ko nararamdaman ang kaniyang nararamdaman ngayon, alam ko na na nahihirapan siya sa kaniyang paghihintay. Hindi ko alam kung gaano kahaba na ang kaniyang paghihintay, at hindi ko na nais pang paghintayin siya nang mas matagal pa roon. “Hindi ba’t may dahilan siya kung bakit hindi niya sinasabi sa iyo ang katotohanan?” Muli akong napatigil nang marinig ko iyon mula sa kaniya, at doon ko lamang napagtanto na siya ay nakatingin na sa akin. “Hindi mo ba naisip na inililihim niya iyon sa iyo sapagkat nais niyang ikaw mismo ang makaalam ng katotohanan?” Napatungo ako at napatingin sa sahig habang pinauulit-ulit ang mga sinabi sa akin ni Linnea. Iniisip ko ang nais niyang ipunto, ngunit inaamin ko rin sa aking sarili na may punto siya nang sabihin niya iyon. Alam ko na baka isa ito sa dahilan kung bakit niya nais na ilihim sa akin ang lahat, ngunit... “Ngunit hindi ko na nais pang makita siyang nasasaktan.” Naalala ko ang panahon na iyon. Iyong mga oras na nakatingin siya sa akin nang may labis na sakit at lungkot sa kaniyang mga mata. Iyong mga oras na para bang nais niyang sabihin sa akin ang katotohanan, ngunit pinipigilan niya ang kaniyang sarili nang dahil sa kadahilanang sa tingin ko ay may ideya na ako sa ngayon. “Pinili niyang isakripisyo ang kaniyang sariling kasiyahan para sa ikabubuti ng lahat.” Muli akong napatingin kay Linnea nang marinig ko ang bagay na iyon mula sa kaniya, ngunit bago pa man ako makapagtanong sa kaniya ng mga bagay na nais kong linawin, tumalikod na siya sa akin at naglakad papalayo. Hindi ko na rin siya hinabol pa sapagkat napaka-rami ng aking nga iniisip ngayon. Napaka-raming gumugulo sa aking isipan, at nais ko ring makausap si Alana sapagkat alam ko na kailangan ko siyang makausap ngayon. Kailangan ko nang magsalita sapagkat alam kong may hinihintay siya. May mga salita siyang inaasam na marinig mula sa aking bibig, at alam ko na kailangan kong sabihin iyon ngayon. Muli akong tumingin sa nilakaran ni Linnea kanina, para sana magtanong kung tama ba ang aking mga desisyon sapagkat para bang marami siyang nalalaman, ngunit tila ba para siyang bula na bigla na lamang nawala dahil hindi ko na siya makita kung saan pa. Akmang hahanapin ko pa sana kung saan siya nagpunta, ngunit hindi ko na nagawa pa iyon sapagkat narinig ko ang tinig ng boses ng babaeng nais kong makausap ngayon. “Magandang umaga, Ambrose.” Agad akong napalingon sa kaniyang gawi, at doon ko nakita kung paano siya ngumiti sa akin, na nakapagpa-kirot sa aking puso sapagkat alam ko na na mag kaakibat na lungkot ang mga ngiti niyang iyon. Biglang nagtataka ang tingin nito sa akin, na para bang hindi niya mawari kung bakit ganito ang aking ekspresiyon sa mukha ngayon, ngunit hindi ko iyon pinansin at malalaking hakbang na pumunta ako sa kaniyang gawi. Hindi ko pinansin ang pagbabago ng ekspresiyon sa kaniyang mukha. Hindi ko pinansin ang nagtatanong niyang tingin at ang pagsinghap niya nang bigla ko na lamang siyang niyakap nang napaka-higpit. Muli niyang tinawag ang aking pangalan, at sa pagkajataong ito, patanong iyon na para bang hindi siya sigurado kung bakit bigla ko na lamang ginawa ang bagay na iyon – na para bang hindi siya makapaniwala na bigla ko na lamang siya niyakap nang walang dahilan. Huminga ako nang malalim bago ko hinagod ang kaniyang buhok, bago ko ibinulong ang bagay na nais kong sabihin sa kaniya – na para bang ang mga katagang iyon ay para lamang sa aming dalawa at wala nang iba pa ang nararapat na makarinig noon. “Pasensiya na kung kailangan mong isakripisyo ang iyong sarili para lamang sa akin.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD