Nararamdaman ko ang bigat ng talukap ng aking mga mata na tila ba may pumipigil sa akin na imulat ang mga ito. Nais kong igalaw ang aking mga kamay o kahit ano mang parte ng aking katawan, ngunit para bang wala akong sapat na lakas upang gawin iyon. Nais kong bumigkas ng mga salita, ngunit tila ba ang aking lalamunan ay tuyo at nangangailangan ng tubig, napaka raming tubig.
Gusto kong malaman kung nasasaan ba ako. Nais kong malaman kung ano ba ang nangyari sa akin, bakit ako nagkaganito? Nais kong malaman kung bakit tila ba napakabigat ng aking pakiramdam, ngunit hindi ko alam kung may sapat ba akong lakas upang gawin ang bagay na iyon.
Tila ba ako ay nanghihina, walang magawa kahit na ang imulat ang aking mga mata. Tila ba kung ano man ang nangyari sa akin bago pa man ako magising ay ang naging dahilan upang maramdaman ko ang mga bagay na ito.
Ngunit, ano nga ba ang nangyari sa akin? Bakit na ganito ang kinahantungan ko? Bakit tila ba nakararamdam ako ng sakit sa aking dibdib? Bakit tila ba wala akong maalala kahit na isang pangyayari? Kahit na ang nangyari sa aking nakaraan?
Nakaramdam ako ng kaba nang maisip ko ang bagay na iyon. Bigla na lamang akong napaisip dahil tila nga wala akong maalala kahit na isang memorya sa aking isipan. Tila ba nabura na lamang ang lahat ng ito, at hindi ko mawari kung papaano nangyari ang bagay na ito.
SIno ako? Ano ang nangyari sa akin? Bakit tila ba wala akong maalala kahit na isang pangyayari sa aking buhay? Bakit tila ba hindi ko magawang maisip kung ano ang nangyari sa akin bago pa man ako magising sa lugar na ito? Nasaan nga ba ako?
Iyon lamang ang mga tanong na bigla na lamang pumasok sa utak ko nang maisip ko na tila ba burado talaga ang lahat ng aking ala-ala. Tila ba kahit na ano ang gawin ko ay hindi ko mawari kung ano ang nangyari sa aking nakaraan.
“Gising ka na ba?” Nakarinig ako ng tinig ng boses ng isang babae hindi kalayuan sa aking kinaroroonan.
Napakalapit ng boses na iyon na naging dahilan upang magkaroon ako ng lakas upang imulat ang aking mga mata, sapagkat nais kong malaman kung nasaan ako. Malaki rin ang tiyansa na baka alam niya ang aking pangalan at kung ano nga ba ang tunay na nangyari sa akin.
Unti-unti kong pinilit na imulat ang aking mga mata, kahit na para bang hindi ko pa rin kayang gawin ang ganoong ka-simpleng bagay. Iyon ay dahil sa nais ko talagang malaman kung nasaan ako at ano ang nangyari sa akin, at higit sa lahat, nais kong malaman ang aking katauhan sapagkat kahit na ano mang pilit kong isipin ang kahit isang pangyayari sa aking nakaraa, tila ba wala akong maisip kahit na isa man lang.
Sa unang pagmulat ng aking mga mata, isang nakasisilaw na liwanag ang bumungad sa aking harap, na naging dahilan upang ipikit ko muli ito. Sinubukan ko na lamang muling buksan ang aking mga mata nang masigurado kong makakaya ko nang mulli, at sa pagkakataong ito, bumungad sa akin ang mukha ng isang napaka-gandang babae na hindi ko naman kilala.
Kahit na anong pilit ang aking pagtitig sa kaniya, hindi ko pa rin talaga alam kung sino siya, at higit sa lahat, kung ano ang dahilan kung bakit ako naririto sa lugar kung saan man niya ako dinala.
Narinig ko ang malakas na pagbuntong hininga n’ya na tila ba nakahinga siya nang napaka-luwag nang makita n’ya na ako talaga ay nagmulat na ng aking mga mata. Nakita ko rin na para bang gumaan ang loob n’ya nang makumpirma n’yang ako ay may malay na.
Inilibot ko ang aking mga mata sa kabuuan ng silid kung nasaan ako naroroon, at napagtanto ko na nasa isa akong kuwarto, ngunit hindi ito pamilyar sa akin at kahit na ano pang gawin kong isip ay tila ba hindi ko talaga maisip kung ako ba ay naka-puna na rito dati o hindi pa.
“Nasaan ako?” tanong ko sa kaniya nang pangalawang beses ko nang nilibot ang aking mga mata sa loob ng silid na iyon, at sa pangalawang pagkakataon na iyon, hindi pa rin talaga pamilyar ang lugar na ito. “Sino ka?” Tinignan ko siya sa kaniyang mga mata, at alam ko na hindi ko guni-guni nang makita ko kung paano lumungkot ang kaniyang mga tingin, ngunit kay bilis ding nawala ng tingin na iyon sa kaniyang mga mata.
“Ako si Alana,” sabi niya sa akin, bago siya umupo sa isa sa mga upuang nandoon sa loob ng silid. “Naririto ka ngayon sa aking tahanan dahil nakita kitang walang malay sa may ilog na malappit lamang dito.”
Tinignan ko muli ang kabuuan ng silid na iyon, bago ko muling tinignan siya sa kaniyang mga mata. “Kung ganoon ay hindi mo rin pala alam kung sino ako,” mahina kong sabi, ngunit mukhang narinig niya iyon dahil nakita ko kung paano nanlaki ang kaniyang mga mata.
“Wala ka bang naalala tungkol sa sarili mo?” tanong niya sa akin nang may labis na pag-aalala. Lumapit pa siya sa akin na para bang hindi siya nakuntento ng marahan kong iniling ang aking ulo. “Kung ganoon ay hindi mo rin alam kung bakit ka nagkaroon ng sugat na ganoong kalala?”
Kumunot ang aking noo nang sabihin niya iyon sa akin, at iyon ang naging dahilan upang tignan ko siya nang may nagtatanong na tingin. Hindi ko mawari ang kaniyang sinasabi, at mukhang wala pa rin ako sa tamang huwisyo dahil ilang beses ko iyong ipinaulit-ulit sa aking isipan, ngunit hindi ko pa rin maisip kung bakit niya tinanong ang bagay na iyon.
Mukhang napagtanto niya na ako ay tila ba naguguluhan, dahil itinuro na lamang niya ang aking dibdib na tila ba gusto niyang makita ko na lamang ang kaniyang sinasabi at hindi na niya kakailanganin pang ipaliwanag nang napaka-haba ang kaniyang nais sabihin kani-kanina lamang.
SInundan ko kung saan man nakaturo ang kaniyang daliri, at agad kong nalaman kung ano ang nais niyang ipakita. Agad kong napagtanto kung bakit ganoon na lamang ang gulat niya nang malaman niyang wala akong maalala sa nangyari sa aking nakaraan. Agad kong napagtanto kung bakit tinanong niya ang bagay na iyon.
May malaking sugat ako sa gitna ng aking dibdib. Napaka-laki nito at alam kong hindi pa ito naghihilom dahil sa kulay pulang nasa bendahe ng sugat na iyon. Mukhang iyon din ang dahilan kung bakit ako nakaramdam ng sakit noong una akong nagising. Mukhang ang malaking sugat na iyon ang naging dahilan upang manghina ako nang ganoon.
“Kagaya ng sinabi ko sa iyo kanina, nakita lamang kitang nakahandusay at walang malay sa ilog na malapit lamang dito sa aking tahanan,” pagpapaliwanag niya sa akin nang makita niya na ako ay naguguluhan pa rin sa nangyayari ngayon. “Sinubukan kitang sagipin dahil noong mga oras na iyon, tila ba nag-aagaw buhay ka na. Laking pasasalamat ko nga nang may tumulong sa akin upang dalhin ka sa tahanan kong ito, ngunit pagkatapos noon, ako na lamang ang gumamot sa iyo at hindi nila nais na tulungan ang isang tao na hindi naman nila kilala at hindi nila alam kung saan nanggaling.”
“Ngunit iba ka sa kanila,” sabi ko sa kaniya, habang hindi ko pa rin inaalis ang aking tingin sa kaniyang mga mata. Kumunot ang kaniyang noo na tila ba hindi niya makuha ang nais kong sabihin kaya naman nagsalita muli ako. “Tinulungan mo ako kahit na hindi mo ako kilala. Ginamot mo ako kahit na ang ibang tao sa lugar na ito ay natatakot na gawin iyon.”
Unti-unti siyang ngumiti nang sinabi ko iyon sa kaniya, ngunit tila ba parang may mali sa mga ngiting iyon. Tila ba iyon ay hindi ngiti ng isang taong nagagalak, kung hindi iyon ay isang ngiti na tila ba napaka-pait dahil sa lungkot na nakikita ko sa kaniyang mga mata.
“Hindi naman sila ganoon dati.” Tumingin siya sa kisame ng kaniyang tahanan na tila ba inaalala niya ang mga bagay na nangyari noon. “Sa totoo nga lang, hindi sila magdadalawang isip sa pagtulong sa mga taong napaparito sa aming lugar, ngunit noong magsimula ang kaguluhan sa buong mundo, hindi na sila nagtiwalang muli at hindi na sila muling tumulong pa sa mga taong napapapunta sa aming lugar.”
“Iyon ba ang nangyari sa akin?”
Para bang may kumirot sa aking puso nang marahan siyang tumango upang sagutin ang tanong kong iyon. Kahit na hindi ko alam kung bakit na ganoon ang aking nararamdaman, hindi ko pa rin mapigilan ang aking sarili na para bang napaka-sakit talagang isipin na ganoon ang nangyari sa lugar na ito.
Tumahimik ang buong silid matapos ang usapan na iyon na para bang wala na akong maisip na itanong sa kaniya, kahit na ang totoo ay gustung-gusto kong malaman kung ano talaga ang nangyari sa akin. Ngunit kahit na gayon pa man, mas pinili ko na lamang na manahimik dahil tila ba siya rin ay walang alam sa kung ano talaga ang nangyari sa akin.
Pinili niya rin ang hindi magsalita na para bang ang tinanong ko sa kaniya kani-kanina lamang ay ang naging dahilan noon. Siya ay patuloy lamang sa pagtingin sa buong silid, at hindi siya tumitingin sa akin na para bang nahihiya siya, ngunit hindi ko alam kung bakit ganoon ang kaniyang nararamdaman.
Akala ko ay magiging ganoon na lamang kami sa buong oras na naroroon siya sa loob ng silid na iyon, ngunit nagulat na lamang ako nang sa muling pagtingin ko sa kaniyang direksiyon, siya ay titig na titig na sa akin na tila ba may nais siyang sabihin, ngunit hindi lang niya alam kung paano niya iyon sasabihin.
“Kung may nais kang sabihin, maaari mo iyong sabihin sa akin,” sabi ko sa kaniya nang lumipas ang ilan pang mga minuto na hindi na talaga siya nagsalita. Binigyan ko pa siya ng isang ngiti para ipakita sa kaniya na talagang hindi na niya kailangang mahiya sa kung ano mang sasabihin sa kaniya. “Nasisigurado ko naman sa iyo na wala akong gagawing masama. Atsaka, ikaw ang tumulong sa akin at nais kitang makilala pang mabuti dahil sa iyong kabutihan na ginawa.”
Unti-unting sumilay ang ngiti sa kaniyang mga labi nang marinig niya iyon sa akin, bago niya sinabi, “Sa totoo lang, gusto ko lamang itanong kung naaalala mo ang iyong mahika?”
“Mahika?” tanong ko sa kaniya nang naka-kunot ang aking noo, habang pilit kong inaalala ang ‘mahika’ na kaniyang sinasabi, ngunit kagaya lamang noong kanina, wala akong maalala pero tila ba parang pamilyar ang salitang iyon sa akin.
“Oo, mahika!” Nakangiti siya sa akin habang sinasabi niya ang dalawang salitang iyon. “Hindi mo naalala ang iyong pangalan, hindi ba?” Tumango ako sa kaniya bilang pagsagot sa kaniyang tanong. “Baka sakaling maalala mo ang iyong mahika kahit na hindi mo maalala ang iyong nakaraan.”
Kumunot ang noo ko nang dahil sa sinabi niya sa akin, habang pilit ko pa ring inaalala ang ‘mahika’ na kaniyang sinasabi. Pilit kong iniintindi ang kaniyang nais ipahiwatig, ngunit kagaya rin kanina, hindi ko pa rin maisip ang mga salitang binibigkas niya sa akin.
“Ang lahat ng tao sa mundong ito ay may taglay na mahika na kanilang ginagamit sa pang-araw-araw nilang buhay,” pagpapaliwanag niya, na naging dahilan upang ituon kong muli ang aking atensiyon sa kaniya. “Napaka-imposible naman kung ang isang tao na napadpad dito sa aming lugar ay walang mahika, hindi ba?” Tumingin siya sa akin habang sinasabi niya ang bagay na iyon, ngunit kahit na ano pa mang pilit kong alalahanin ang aking ‘mahika,’ walang pumapasok na kahit na ano sa aking isipan.
Para bang iyon ay napaka-hirap na isipin kagaya ng aking pangalan, na hanggang ngayon ay hindi ko pa rin mawari. Iyon ay para bang napaka-hirap ding alalahanin, katulad na lamang ng mga pangyayari sa aking nakaraan.
“Hindi mo rin ba naaalala ang iyong mahika?” may bahid ng kalungkutan sa kaniyang boses nang tanungin niya ako nang ganoon. Naka-tungo siya at naka-tuon ang kaniyang tingin sa kaniyang mga kamay na tila ba hindi niya gustong makita ko ang ekspresiyon na nasa kaniyang mukha. “Ang mahika ang pinaka importanteng bagay sa mundong ito. Ang bawat tao ay may kaniya-kaniyang taglay na mahika na ginagamit din namin sa aming pagkakakilanlan, kaya naman naisip ko na baka naalala mo ang iyong mahika, at iyon ang maaaring maging daan upang malaman mo ang iyong tunay na katauhan.”
“Maaari kong maalala ang aking nakaraan gamit ang aking mahika?” tanong ko sa kaniya na tila ba hindi ako naniniwala sa kaniyang sinabi, ngunit ganoon na lamang ang gulat ko ng tumango-tango siya sa akin at nakapagbigay sa akin ng pag-asa na talagang maaari ko pang maalala ang lahat ng nangyari sa aking buhay.
“Oo, talagang makatutulong iyon sa iyo kung maaalala mo ang iyong mahika!” sabi niya sa akin nang may ngiti sa labi, at hindi ko alam kung bakit, ngunit iyon ay tila ba nakapagbigay talaga sa akin ng pag-asa na talagang maaari ko pang maalala ang lahat.
Maaari ko pang makilalang muli ang aking sarili. Maaari ko pang malaman kung ano ba talaga ang nangyari sa akin at bakit ako napunta sa lugar na ito.