Napagkasunduan nina Rose, Lucas at Anna na manirahan sa isang bahay sa bayan ng Laguna. Pumayag na rin si Rose upang di pa lubos na makaabala sa mag-anak nila Manang Nora. May bahay kasi si Lucas sa Laguna at doon din ang malapit na eskwelahan na papasukan ni Rose at Anna para sa kanilang masteral. Napag-usapan nila na kapag may pasok silang dalawa ni Rose ay si Lucas ang magbabantay sa mga bata. Mayroon din naman silang kinuha na mag-aalaga sa kambal para matulungan sila sa pag-aalaga. Hindi na siya nagdalawang isip na sumang-ayon dahil napag-alaman niyang madalas ng may umaali-aligid kung saan sila nakatira sa Masbate. Hindi na ito ligtas sa kanilang mag-iina kaya minabuti niyang sumama na rin sa Laguna. Mangiyak ngiyak si Manang Nora ng magpaalam na siya tungkol sa kanilang pagluwas.

