Pinagbawal na Pag-ibig by ImInVsibleBubble

1294 Words
Dala-dala ang aking mga gamit, lumiko ako at tinahak ang daan papuntang silid-aralan. Makikita ko na naman siya. May pagkasabik akong pumasok sa silid-aralan. Sabay-sabay nagsitayuan ang mga mag-aaral upang batiin ako.  "Magandang Umaga, Ginoong De Guzman." "Magandang Umaga rin sa inyo. Maaari na kayong magsiupo," sabi ko tsaka nilapag ang mga gamit na dala ko sa mesa.  Isa akong guro at ang asignaturang aking itinuturo ay Filipino. Sabi ng iilan ay isa ako sa magagaling na guro sa paaralang ito. Sabi pa nila ay isa rin ako sa mga hindi ganoon kahigpit kaya siguro madami akong kalapit na estudyante. Isa na siya roon. Noong una ay isinasawalang bahala ko na lamang ang mga ginagawa niyang pagpapapansin sa akin. Kahit na isinisigaw na ng mga kaklase niya kung gaano niya ako kagusto, umiiling na lamang ako. Ginagawa ko na lamang itong biro. Bata pa siya at higit sa lahat, estudyante. Lagi siyang sumasagot sa mga recitation. Minsan naman ay tinutulungan niya akong dalhin ang gamit ko kahit hindi naman na kailangan. Kapag nakikita niya ako na dumadaan sa corridor ay agad niya akong binabati. Minsan ay nawawala na rin ang "Sir". Nang may nakapansin na estudyante ay agad ko siyang pinagsabihan.  Simula noon, minsan na lamang siyang sumagot sa recitation. Inaamin ko na nalungkot ako. Hindi ako sanay ng hindi na siya ganoon. Ang masigla niyang kulay ay napapalitan ng puti at itim. Ngunit ngayong araw ay tila ba nagbalik uli ito. Nasa kalagitnaan ako ng pagtuturo ng maisipan kong magparecitation.  "Sir! Ako po, Sir!" tawag niya sa akin. May saya ang sumibol mula sa aking puso. Agad ko siyang tinawag.  "O sige, Alexa." Tinignan naman siya ng kapuwa niya mag-aaral. Pagkatapos nito sabihin ang kaniyang sagot ay nginitian naman niya ako. Nginitian ko naman siya pabalik. Ramdam ko na bumalik na ang dati niyang sigla. Natapos na ang klase at naiwan nalang kaming dalawa sa loob. "Bakit hindi ka pa umuuwi?" tanong ko sa kaniya. Tumayo siya sa pagkakaupo at lumapit sa akin.  "Hinihintay kita, Sir. Tulungan na kita diyan sa mga gamit mo," sabi niya.  "Hindi na kaya ko na ito." Kinuha ko ang gamit at binitbit ito. Sinusubukan niya naman kunin ito pero sinubukan kong iiwas. "Ayos na, Alexa. Saan kaba umuuwi? Ihahatid na kita sa inyo," sabi ko.  "Doon padin, Sir. Hindi naman ako lumipat e." Sabay tawa niya. Pinanood ko lamang kung paano siya tumawa. Sobrang ganda.  "May dumi ba ako sa mukha?" tanong niya. Napabalik naman ako sa reyalidad dahil sa tanong niya. Binilisan ko ang aking lakad dahil alam kong sa mga oras na ito ay namumula na ang aking mukha.  Nakahihiya ka, Brian! Bata iyon at estudyante mo pa. Gumising ka nga! Pinatunog ko ang aking sasakyan. Sa may passenger seat naman siya pumwesto. Buong biyahe ay tahimik lamang kami. Binuksan naman niya ang radyo at sinabayan ang bawat musika na tumutugtog doon.  Ibinaba ko na lamang siya sa kanto malapit sa kanila. Gusto ko pa sana siyang ihatid papasok sa makipot na eskinita ngunit tinanggihan na niya ito. Kinawayan niya ako pagkababa niya. Hinintay ko siyang makapasok ng tuluyan sa eskinita bago ako umalis sa lugar na iyon.  Buong gabi ay tanging siya at ang tawa niya lang ang laman ng isip ko. Nahihibang na ako. Dapat siguro ay tuluyan ko na siyang layuan. Ayokong maapektuhan nito ang kinabukasan niya at ang trabaho ko. Ngunit ang plano kong iyon ay hindi na natuloy, ng mapantig ang tenga ko dahil sa narinig ko mula sa iba niyang kaibigang estudyante. Narinig ko na mayroon na raw siyang boyfriend. Pakiramdam ko ay nagakyatan ang lahat ng dugo ko sa ulo. Sumikip bigla ang aking puso. Gusto ko siyang angkinin ngunit alam kong bawal. Hindi na bago sa akin ito at alam kong mali ito. Mali ang mahulog ako sa kaniya. Nang pumasok uli ako sa kanilang klase ay binati ako ng mga kamag-aral niya. Mabilisan ko lang silang binati at sinimulan ang aming paksa sa araw na iyon. Bagama't nagtuturo ako pero nakatuon pa din ang atensyon ko sa kaniya. Nang mahuli ko siya na nakikipagtext ay agad kong tinawag ang kaniyang pangalan, dahilan upang magsitinginan sa kaniya ang mga kaklase niya. Pinuntahan ko siya sa kaniyang puwesto at hiningi ang kaniyang cellphone. Binigay naman niya ito sa akin. "Magpaiwan ka mamaya pagtapos ng klase." Tinanguan na lamang niya ako. Bakas sa itsura niya ang pagkalungkot. Pinagpatuloy ko ang discussion habang nakatingin pa rin sa kaniya. Natapos ang klase at agad naman niya akong nilapitan. "Nakakalimutan mo ata Alexa na nagkaklase tayo kanina. Ang paggamit ng cellphone sa oras ng klase ko ay bawal 'di ba?" sabi ko. Tinanguan niya naman ito. "Pasensya na po, Sir. Hindi na po mauulit." Ibinalik ko ang cellphone niya. Puro ganoong balita pa ang naririnig ko sa mga sumunod na araw. Hindi ko maitago ang selos na nararamdaman ko. Palaki na ito ng palaki at natatakot ako na isang araw ay sumabog na lamang ako bigla.  Kaya naman ng kumalat ang balita na mayroon na akong nililigawan na kapwa ko guro mula sa ibang eskwelahan, kahit papaano ay napanatag ako. Alam kong mali ito pero mas mali ang nararamdaman ko.  Maganda naman ang naging pagsasama namin ni Jean. Halos perpekto na nga siya, wala ka ng hihilingin pa pero alam kong sa sarili ko na may nagmamay-ari na ng puso ko. Nagulat ako ng pagpasok ko isang araw matapos ang date namin ni Jean, ay nabalitaan kong nasa rooftop si Alexa.   Tinakbo ko ang daan patungo ng rooftop. Wala na akong pakielam sa kung sino ang masanggi ko sa daan. Naghihikahos akong nakarating sa rooftop. Natanaw ko siya doon na nakatungtong sa hamba. May iilan pang estudyante ang pinipigilan siya sa balak niyang gawin. Nilingon niya ako at kita ko ang luha na patuloy na pumapatak. "Alexa..." tawag ko sa kaniya. Sumisikip ang dibdib ko sa nakikita. Halong takot at pangamba ang aking nararamdaman. "Bumaba ka at baka mahulog kapa diyan, Alexa." Iling lamang ang sagot nito. Dahan-dahan akong lumapit sa kaniya. Ilang hakbang na lamang ay mahahawakan ko na siya. "Huwag kang lalapit, Sir. Pakiusap, hayaan mo na ako. Hindi ko kayang makita ka kasama niya." Itinigil ko ang paglapit sa kaniya.  "Alexa, alam mong bawal 'di ba?" "Oo, alam ko. Kaya nga sobrang sakit. Sana sabay nalang tayong pinanganak. Edi sana hindi mahirap 'di ba?" Pinunasan naman niya ang luha niya. "Pero malay mo sa susunod sabay na tayo?" Pinilit naman niyang tumawa kahit na bakas sa mata niya ang sakit na nararamdaman.  Bago ko pa man maisip ang gagawin niya ay huli na. Nakatalon na siya mula sa rooftop. Tulala lamang akong nakatingin sa huling lugar kung nasaan siya. Kasabay ng pagpatak ng luha ko ay ang pagpatak ng ulan.  Nang pumasok sa isipan ko ang mga nangyari ay agad akong bumaba. May iilan pa na tinatawag ang pangalan ko. Pinuntahan ko ang katawan niya.  Nakita ko itong naliligo sa ulan kasama ng dugo nito. Agad ko naman itong dinaluhan. "Sir Brian ano ba?! Mababasa ka ng ulan. Ano ba ang ginagawa mo rito?" tanong sa akin ng kapwa ko guro. "Tumalon si Alexa! Nakita ko siya. Tumawag kayo ng ambulansya. Bilisan niyo!" sigaw ko.  "Anong tumalon? Sinong tumalon?" tanong naman nito. Bwiset! Hindi ba niya nakikita?! "Si Alexa! Tulungan niyo ako." Kinarga ko ang katawan niya. Ngunit bago pa man ako makaalis ay may humawak na sa aking braso. Si Jean. "Jean, bilis tulungan mo ako. Dalhin natin sa Ospital si Alexa." Kita ko naman ang pag-iling niya. "Wala na si Alexa, Brian." "Anong wala? Magagawan pa ito ng paraan. Kung kikilos tayo agad!" Sigaw ko sa kaniya. "Brian! Gumising ka na pakiusap. Matagal ng patay si Alexa. Walong taon na ang nakalilipas!" Sigaw niya pabalik. Para akong narindi sa nadinig ko. Tinignan ko ang braso kong karga ang katawan ni Alexa na ngayon ay naglaho na. Napaupo naman ako sa lapag. Sinabunutan ko ang aking sarili. Naupo sa tabi ko si Jean habang pinapakalma ako. "Nahuli na naman ako, Jean. Hindi ko na naman siya naligtas." 
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD