Maging isang guro. Yan ang pangarap ni Ara mula ng bata pa sya, kaya nagsumikap sya na makapag tapos ng pag-aaral hanggang sa maging ganap na syang lisensyadong guro. Katulad nang pinangako nya kay Teacher Annie.
Sa lugar ng Sulu naninirahan ang sampung taong gulang na si Ara. Malaki na ito ngunit hindi pa rin sya marunong magsulat at magbasa. Ang kanilang komunidad ay malayo sa kabihasanan katulad ng mga pamilihan, hospital at paaralan.
Isang araw nag tungo sa bundok si Ara para mangahoy kasama ang kanyang dalawang kapatid na lalaki na sina Totoy at Larry. Kailangan nilang kumuha ng pang gatong para magamit nila sa panluto para sa kanilang hapunan kaya kailangan nilang magmadali upang hindi gabihin.
Sa kanilang paglalakad ay nakarinig sila nang kaluskos. Hindi naman alintana sakanila ito dahil sanay na sila sa mga nagkalat na mga hayop.
" Saan kayo pupunta " Ani ng isang lalaking may kalakihan ang katawan, nakasuot ito ng pang militar at may hawak na mahabang b***l. Hinawakan ni Ara ang dalawang nakababatang kapatid at bahagyang tinago sa kanyang likuran.
"Mangunguha lang ho nang panggatong " magalang nitong sagot. Nakaramdam naman si Ara ng kaba nang maglakad ito papalapit sakanila, ang kanyang kapatid ay kapwa nakaramdam ng takot. Kinapkapan sila nito mula ulo hanggang paa, maging ang kanilang kapatid ay ganun din ang ginawa. Maya-maya ay pinaalis din sila.
Pagdating sa bahay kinuwento nila sa kanilang ama't-ina ang nangyari.
" Nagkalat ang mga sundalo dito sa atin dahil nagkakampo malapit sa atin ang mga rebelde " malamig na tugon ng kanilang ama. Binalot ng katahimikan at kaba ang kanilang tahanan, dahil muli nanaman nilang mararanasan ang kaguluhang mangyayari sa kanilang lugar. Magdamag na palitan ng mga bala ng b***l. Mga pagsabog at takot na maari silang madamay sa gyera.
Kinaumagahan, si Ara at ang kanyang ama na lang ang lumabas upang kumuha ng makakain. Sa ibang direksyon sila nagtungo malayo kung saan maaring may rebelde. Sa kanilang paglalakad ay muling napatingin si Ara sa mga batang sabay-sabay nagkakantahan habang tinataas ang bandila. Ang ilan sa kanila ay nakasuot ng uniporme ang iba naman ay pang bahay.
Napatingin si Ara sa kanyang ama na tuloy-tuloy sa paglalakad. Sa muling pagkakataon ay lihim na lumapit ito doon at nagtago sa puno at saka sumilip sa loob nito. Masayang naglalaro at kumakain ang mga ito, napatingin sya sa dalawang silid na may mga bata rin. Lumapit sya rito at sumilip sa bintana. Sa kanyang pakiwari maaring ito na ang pag-aaral na sinasabi nila. Tanging pagsilip sa di kalayuan ang tanging nagagawa ni Ara, ngayon lang nya ito nakita nang malapitan.
May pisara sa ding-ding, mga upuan at lamesa kung saan nagsusulat at nagbabasa ang mga estudyante at higit sa lahat may gurong nagtuturo at gumagabay sa mga bata.
" Gusto mo pumasok? " halos mapaigtad si Ara ng biglang may magsalita sa kanyang likuran, sa postura niya ay kaparehas ng suot ng guro na nasa loob. Akmang magsasalita sya ng bigla syang tawagin nang pasigaw ng kanyang ama. Napayuko na lang si Ara at mabilis na nagtungo sa tatay nya. Rinig na rinig ng guro ang panenermon kay Ara habang paalis.
Isang araw mag-isang nautusan si Ara na magbenta nang naani nilang saging, medyo may kabigatan man ang dala-dala nyang kaing ay pinilit nya madala. Nilagay nya ang tali sa kanyang ulo at sinampa sa kanyang likod. Sa bayan dadalhin ni Ara ang saging dahil matarik ang daanan mas pinili nyang mag-paa upang mas mapadali ang paglalakad. Lingid sa kanya ang mga batong natatapakan nya, para bang sanay na sa mga paltos at matutulis na bato ang kanyang panyapak.
Sa kanyang pagpapahinga sa isang batuhan laking gulat nya ng biglang may nagpalag ng bayong sa harap nya at kinuha ang sobrang saging sa bayong nito.
" A-ano pong ginagawa nyo? " takang tanong nya sa babaeng maputi at may mahabang buhok. Ang gurong nag alok sakanya.
" Ako si teacher Annie, tutulungan na kita sa bibitbitin mo, papunta rin naman ako ng bayan " malambing ang boses nito at may banayad na pag ngiti. Tututol na sana sya ngunit nauna na naglakad si Teacher Annie.
Halos matatarik ang dinadaanan nila, may ilang ilog silang dapat tawarin at masukal na gubat na dapat daanan. Ang lahat ng ito ay hindi alintana sa guro, labis na nahihiya si Ara ngunit napipi sya makipag-usap sa kasama.
Pagdating sa bayan, nabenta na ni Ara ang saging sa halagang dalawang daan. Sapat na para pambili ng bigas at gamot para sakanyang inang may karamdaman. Napatingin sya sa di kalayuan sa kanyang likuran, tinanaw nya si teacher Annie na naghihintay sa kanya.
" Maraming salamat po… Mam " nahihiyang tugon nya sa guro.
" Wala yun, Ara " napa angat ng tingin si Ara sakanya.
" Paano nyo po nalaman ang pangalan ko? "
" Lagi kasi kita nakikita na nakatingin sa eskuwelahan tuwing napapadaan ka. Kaya tinanong ko sa ibang bata ang pangalan mo " sandali sya tumigil.
" Libre lang ang pag aaral. Gusto mo ba mag-aral? " muli nitong tanong. Malungkot na umiling si Ara.
" Ayaw ni tatay na pumasok kami magkakapatid " napakunoot ng noo ang guro.
" Baka daw po kasi maulit ang nangyari dati " gumagaralgal na ang boses nya, yumuko pa sya lalo upang hindi makita ang pagtulo ng luha. Isang yakap at paghagod sa likod nya ang naging sagot ni teacher Annie, para bang naiintindihan nya ang pagiging strikto ng kanyang ama sa kanila.
Maagang nagising si Ara upang maagang matapos sa gawaing bahay, nagpaalam sya sakanyang magulang na maglalaro kasama ang mga kaibigan nito ngunit ang totoo ay magtutungo ito sa isang kubo kung saan magkikita sila ni teacher Annie.
Nakumbinsi kasi sya nito na bilang bayad sa pagtulong sakanya ng guro sa pagtulong sa pagbuhat ng saging ay papayag syang turuan nito. Noong una'y hindi sya pumayag, natatakot sya na malaman ito ng kanyang ama. Kaya naghanap sila ng lugar kung saan pwedeng silang dalawa lang ang may alam. At isa pa gusto nyang matuto kaya hindi na sya tumutol pa.
Masayang tumakbo sya papalapit kay teacher Annie, nakahanda na ang mga kakailanganin nila para sa pagsusulat.
" Handa ka na ba Ara? " masayang tanong ng guro.
" Opo! " masayang sagot nya. Mula sa alpabeto, pagbilang mula isa hanggang sampu ang kanilang pinagaralan. Tinuruan ni teacher Annie si Ara ng mga basics bilang panimula. Ilang oras din ang tinagal nila. Nag-aagaw na ang liwanag at dilim kaya napag pasyahan na ni Ara umuwi.
Ilang araw ang lumipas, halos araw-araw din na nagpatuloy ang sikretong pagtuturo ni teacher Annie kay Ara.
" Teacher Annie, bakit po pinagtyatyagaan nyo akong turuan? Hindi po ba kayo nahihirapan? " wala sa sariling tanong ni Ara habang sinusulat ang kanyang pangalan. Ilang segundo tumahimik ang paligid, tanging ihip ng malamig na hangin ang maririnig, kapwa nililipad ang mga buhok ni teacher Annie at Ara.
" Dahil gusto kong ipagpatuloy mo ang naudlot kong pangarap " tugon nito. Takang napa angat ng tingin si Ara. Gusto sana nito itanong kung ano ibig sabihin ng guro. Pinagwalang bahala nya na lang. Nagpatuloy pa ito hanggang sa unti-unting natutong magbasa at magsulat si Ara.
Kinagabihan, lihim na nilabas ni Ara ang mga bigay ng guro na ilang libro, papel at lapis upang turuan ang kanyang dalawang nakakabatang kapatid. Masaya sya na ibinabahagi sa mga ito ang natutunan nya mula kay teacher Annie.
Isang araw, galing sa pamimitas ng saging si Ara nang marinig nya ang pagpalahaw na pag-iyak sa loob ng bahay ng kanyang mga kapatid. Agad syang tumakbo papasok, bumungad sakanya ang kanyang mga kapatid na nakaluhod sa asin habang umiiyak, napatingin sya sakanya ama na bahagyang nakatalikod sakanya.
" Kanino ang mga libro na ito! " bulyaw ng kanilang ama sabay taas ng mga libro na bigay ng guro sakanya, akmang muling hahampasin ng walis ang dalawa nang mabilis na dinaluhan ni Ara ang mga kapatid.
" Akin po yan Itay " lakas loob na sagot ni Ara habang hinaharang ang sarili mula sa amang galit na galit.
" Hindi ba't kabilin-bilinan ko sainyo na huwag kayong magtutungo sa paaralang iyon! " sabay hampas ng walis ting-ting sa likod ni Ara. Napuno ng iyakan ang kanilang tahanan, maging ang kanilang inay na nakaratay sa higaan ay nagmamakaawa na.
" Bakit nyo ba kami pinagbabawalan na pumasok sa paaralang iyon? Hindi ba kayo matutuwa na makapag aral kami? Na may matutunan? " lakas loob na sagot ni Ara. Napahinga nang malalim ang kanilang ama at napahilot sa kanyang sintido.
" Ayoko na maulit ito. Ibalik mo sa eskwelahang iyon ang mga libro na yan at huwag na huwag na kayong magpupunta doon. Naiintindihan mo ba , Ara! " nanakit man ang likod nya ay pinilit nyang tumayo at hinirap ang ama. Namumula ang kanyang mata at matapang na tinitigan ito.
" Gusto kong mag-aral. Gusto kong makapag tapos. At gusto ko maging tulad ni teacher Annie " malamig na tugon ni Ara. Ngunit imbis na magalit ang ama ay parang nakakita ng multo ito, halos manlamig ang kanyang kamay at hindi makapaniwala sa narinig.
" A-anong sabi mo? Teacher A-Annie? " hindi agad nakasagot si Ara, hindi nya malaman kung kilala nya ba ang kanyang tinutukoy. Nagitla sya nang lumapit sakanya ang kanyang ama at hinawakan sya sakanyang magkabilang balikat.
" Ulitin mo ang sinabi mo Ara, sinong guro ang sinasabi mo "
" Si teacher Annie, itay! Gusto ko maging katulad nya. " tugon ni Ara. Parang nanghina ang mga tuhod ng ama at napaupo sa katre. Hindi nya naman maintindihan kung bakit ganun ang naging reaksyon ng kanyang itay.
" Imposible, imposible yang sinasabi mo Ara "
" Anong imposible itay? Masama bang mangarap na maging isang guro---"
" Dahil matagal ng patay ang gurong sinasabi mo! " mabilis na putol ng kanyang Ama. Parang binuhusan nang malamig na tubig si Ara.
" May dahilan kung bakit ayokong magtungo kayo sa paaralang iyon " pagpatuloy ng kanyang ama. " Sinugod ng mga rebelde ang paaralan, upang maging kuta ay pinagbababaril nila ang lahat ng tao na nandoon. Walang awa nilang pinagpapatay ang mga estudyante kahit ang ilang guro. At isa na doon si Teacher Annie. Maganda, dalaga at bata nang mapadpad sya sa ating baryo. Kilala sya ng lahat dahil sa kabutihan nya, lahat ay tinutulungan nya mag-aral. Maging kami ng inyong ina ay naging estudyante nya.
Dahil doon kaya marahil natipuhan syang kidnapin ng mga walang pusong rebelde. Walang awang pinagsamantalahan at kalaunan ay pinatay. Sa gitna ng aming pagdadalamhati ay binalot kami ng takot na muling mangyari ang bangungot na iyon. "
Parang pinagsakluban ng langit si Ara, gayun na lamang ang sunod-sunod na pagpatak ng kanyang luha sa kanyang nalaman. Pero hindi nya pa rin matanggap.
Mabilis na umalis ng bahay si Ara, ilang beses sya tinawag ng kanyang ama at ina ngunit hindi nya ito nilingon. Papatunayan nya na ang kilala nyang teacher Annie ay buhay, maaring kapareha lang ng pangalan.
Lakad takbo ang kanyang ginawa para lang makarating sa eskuwelahan na tinuturuan ni teacher Annie. Sakto naman at tapos na ang klase nang maabutan nyang nag-aayos ng gamit ang isang guro sa loob ng silid.
" May kailangan ka? " tanong ng guro, sandaling pinalibutan ng tingin ni Ara ang silid bago magsalita.
" Nandito po ba si Teacher Annie? " tanong nya. Ngunit katulad ng kanyang ama ay gulat ang remuhistro sa mukha ng guro.
" Si T-teacher Annie? " tumango si Ara.
" Walang teacher Annie ang nagtuturo dito iha, isang teacher Annie lang ang kilala ko… pero matagal ng patay "
Isa-isang pinakita ng guro kay Ara ang lumang litrato ni teacher Annie. Hindi sya makapaniwala sa nakikita, kamukhang-kamukha ng nasa litrato si teacher Annie. Katulad ng sinabi ng kanyang ama. Maganda ito. Hindi maipagkakaila na si teacher Annie at ang nasa litrato ay iisa.
Bagsak balikat habang naglalakad si Ara, ngunit hindi pa rin sya lubos na na naniniwala sa sinabi ng lahat. Gusto nya makausap ang teacher Annie na kilala nya, kaya nagtungo sya sa kubo kung saan sya tinuturuan ng guro. Ngunit nagbago sa kanyang paningin ang lahat. Ang dating magandang bahay at puno ng buhay ay nawala na, tanging sirang kubo na halos matutumba na ang naabutan ni Ara. Wala ang mga libro at papel na nasa ibabaw ng lamesa kundi mga tuyot na dahon, alikabok at dumi ang nasa ibabaw nito.
Napaluhod si Ara sa kanyang nasilayan kasabay nang pagbagsak ng kanyang luha, hindi man nya maintindihan ang lahat ngunit isa lang ang nasisiguro nya. Ang maging isang guro katulad ni Teacher Annie.