Dahil sa mga narinig mula sa mga kasambahay ay minabuti niyang huwag na lamang munang pumasok sa dining area. Alam naman niya na kahit ang mga ito ay maliit ang tingin sa kanya. Dahil lang sa hindi siya nakapag-aral—hindi marunong bumasa at sumulat.
Tanging si Manang Erma lamang ang tunay na nagmamalasakit sa kanya. Si Manang Erma,Arlene at si Arkin lamang.
Isinuyo na lamang niya kay Arlene ang dala niyang juice at sandwich na para sana kay Arkin. Tumungo siya sa likod ng mansyon at doon ay inayos ang mga halaman. Inabala niya ang sarili sa pagbubunot ng mga damo sa bawat paso. Sa ganitong gawain lamang naman siya sanay—mga gawaing nakasanayan niya sa bukid noong nasa probinsya pa siya.
Nalibang siya nang husto. Hindi niya namalayan ang oras hanggang sa tawagin siya ni Arlene.
“Nandiyan ka lang pala. Kanina ka pa hinahanap ni Senyorito Arkin.”
Saad nito habang kunot-noong tinitingnan ang kanyang ginagawa.
“Ganoon ba? Tapos na ba ang pag-uusap nila ni Donya Octavia?”
Naniniguradong tanong niya. Ayaw niyang pumasok sa bahay kung naroroon pa ang malupit at matapobre niyang biyenan.At ang bisita nito si Priea. Alam naman niyang mainit ang dugo nito sa kanya.
“Tapos na. Pinapatawag ka ni Senyorito. Kakain na kayo.”
Napalunok siya. Hindi niya yata kayang sumabay sa mga ito. Hindi niya kayang lumunok ng pagkain sa harapan ni Donya Octavia. Alam niyang sa bawat pagsubo niya ay may matang nakabantay—nanghuhusga at nangmamaliit sa kanya.
Kaya nagdahilan na lamang siya.
“Pakisabi kay Arkin na mauna na siya. Tatapusin ko lang itong pagtanggal ng mga damo sa mga paso.”
Malalim na napabuntong-hininga si Arlene at napamewang. Hindi ito kumbinsido sa sinabi niya. Napailing ito.
“Elaina, hindi mo gawain iyan. May hardinero tayo para sa mga halaman. Pabayaan mo na ’yan. Halika na. Naghihintay sa’yo sina—”
“Arlene, pakiusap,” putol niya. “Pakisabi na lang kay Arkin na mauna na siya.”
Mas lalo pang napailing si Arlene bago marahang hawakan ang kanyang kamay.
“Isa ka nang Delavega, Elaina. Asawa ka na ni Senyorito Arkin, kaya dapat umakto ka bilang isang Delavega. Ipakita mo kay Donya Octavia na karapat-dapat ka kay Senyorito.Na kahit maliit ang tingin sayo ay kaya mong panindigan ang pinasok mo."
Napayuko siya. Paano siya aaktong isang Delavega kung mismong ina ng kanyang asawa ang humahamak sa kanya? Paano kung pamilya mismo nito ang nangmamaliit sa kakayahan niya?
“Paano, Arlene,” aniya, nanginginig ang boses, “kung mismong pamilya ng asawa ko ang nangmamaliit sa akin? Paano ako aakto kung ang mga taong nakapaligid sa akin ay hinuhusgahan ang pagiging mangmang ko? Paano ako aakto kung ang mga Delavega mismo ay ayaw sa akin?”
Naluha siya. Gustuhin man niyang pigilan ang luha ay hindi niya magawa. Nahihirapan siyang pasukin ang marangyang mundong kinalalagyan ng kanyang asawa.
Ginagap ni Arlene ang kanyang kamay at marahang hinaplos ang kanyang likod.
“Naiintindihan ko ang kalagayan mo rito sa mansyon,” mahinahon nitong sabi. “Pero para kay Senyorito, Elaina. Maging matatag ka. Kapag naging mahina ka, mas lalo kang hahamakin ni Donya Octavia. Kaya sige na, tara na sa loob.”
Malalim siyang napabuga ng hangin at muling umiling.
“P-pasensya na, Arlene,” aniya, halos pabulong. “H-hindi ko talaga kayang kumain kasabay si Donya Octavia. B-baka magkamali ako at lalo pang mapahiya si Arkin. Ayaw kong mangyari iyon.”
Wala nang nagawa si Arlene kundi napabuntong-hininga.
“Oh siya. Ikaw ang bahala. Sasabihin ko na lang kay Senyorito na may tinatapos ka pang gawain.”
“Salamat, Arlene.”
Pagkaalis nito ay ipinagpatuloy niya ang pagbubunot ng mga damo at pagdidilig ng mga halaman. Ngunit napatigil siya nang marinig muli ang usapan nina Doray at Sonia.
“Diyan siya nababagay—sa pagbubunot ng mga damo at paglilinis ng bakuran,” ani Doray sabay tawang mapang-insulto. “Hindi riyan sa loob ng mansyon na akala mo’y prinsesa kapag kasama si Senyorito Arkin.”
Mariin niyang nahawakan ang hose. Gusto niyang komprontahin ang dalawa, ngunit mas pinili niyang pakalmahin ang sarili. Simula nang dumating siya sa mansyon ng mga Delavega ay mainit na ang dugo ng mga ito sa kanya. Hangga’t kaya niya ay iniiwasan niya ang dalawa.
Ngunit nitong mga huling araw, parang sinasadya na ng mga ito ang mga parinig sa kanya.
“Oo nga,” singit ni Sonia. “Mukhang sanay na sanay naman siya sa ganyang gawain. Kaya wala talaga iyang panama kay Senyorita Priea—maganda na, edukada pa. Hindi tulad ng iba riyan, mangmang na nga, no read no write pa.”
Sabay tawa ang dalawa.
Masakit. Ngunit mas pinili niyang manahimik. Dahil may katotohanan ang mga sinasabi ng mga ito. Masakit, pero kailangan niyang pagtiisan—alang-alang kay Arkin.Alang alang sa taong pinili niyang makasama kahit sobrang hirap na ng nararanasan niya sa mga taong nakapaligid sa kanila ng kanyang asawa.
Matapos ang pagdidilig ay pumasok na rin siya ng mansyon. Ayaw niyang magtagal sa iisang lugar kasama ang dalawang kasambahay na mahadera. Baka tuluyan nang maubos ang natitira niyang pasensya at pagtitimpi.At mabuhusan pa niya ang mga ito ng tubig na hawak hawak niya sa hose.