ABSENT
Bettina
PABAGSAK NA NAHIGA ako sa kama ko dahil sa sobrang pagod na nararamdaman ko. Nakaraos na rin sa wakas ang kasal nila Kuya Duke.. Masaya naman ako dahil talagang part na ng family si Ate Nestle.. Bet na bet ko siya para kay Kuya. She's so kind and I find her sweet.. And she's very pretty, like Magnolia. Kapag nagkataon na ikasal rin si Sangko at Mags ay tiyak na lalaki na ang family namin. At sobrang saya ko dahil sa mababait at deserving na babae nakatadhana ang mga kapatid ko.
Niyakap ko ang unan ko at inaamin ko na mamimiss ko rin ang Kuya ko. Wala nang magtitimpla sa akin ng gatas, kasi iba na ang titimplahan niya. Kapag nag-asawa na rin ang iba ko pang mga kapatid ay baka ako na lang ang maiwan.
"Tina!"
Naalimpungatan ako at napakusot ng mata nang marinig ang boses ni Mommy. Nakatulog pala ako na suot ko pa rin ang dress na pinang-abay ko. Tumingin ako sa oras at nakita ko na alas syete na ng gabi.
Bumangon ako at lugo-lugong lumapit sa pinto upang pagbuksan si Mommy. Nakita ko na nagulat pa siya nang bumungad ako.
"Bakit hindi ka pa nagpapalit? Nagulat tuloy ako sa itsura mo."
Napakuno't noo ako at agad akong lumapit sa tukador ko. Pagtingin ko sa salamin ay gulo-gulo ang maayos kong buhok kanina. Tapos nagkalat din ang lipstick ko. Napailing ako at tumingin kay Mommy mula sa salamin.
"Nasaan na po sila Kuya, Mommy?" I asked.
Kumuha ako ng wipes at pinahiran ko ang mukha ko para maalis ang make-up.
"Wala, patungo na sa honeymoon trip nila. Tila pagod na pagod ka at nakatulog ka ng matagal," aniya at nakita kong inaayos niya ang bed ko.
"Opo, nasarapan po ako sa pagtulog kaya hindi ko namalayan na nakatulog na po ako ng matagal."
"Ilang araw ka bang magvo-volunteer?"
Napaisip ako saglit, "Hmm, mga two months po."
"Maganda iyan. Dapat na nag-vovolunteer ka rin para naman ay walang masabi sa'yo ang ibang tao. At Tina," humarap ako sa kanya. Nakapamewang na siya at humarap sa akin nang matapos niyang ayusin ang bed ko, "iwasan mo ang kaartehan mo, ha? Baka mamaya'y sabihin ng ibang tao ay hindi ka maabot."
Napanguso ako, "Mom, I'm not maarte. I'm just gorgeous. Kaya syempre dapat sila ang mag-adjust."
Lumapit siya sa akin na napapailing, "Ikaw na bata ka! Tigilan mo ang ganyang pag-iisip. Baka mamaya ay wala nang manligaw sa'yo dahil d'yan sa kaartehan mo,"
Napatili ako nang kurutin niya ako sa singit. Agad akong lumayo kay Mommy dahil amazona pa naman siya kapag gigil.
"Mommy naman eh!"
"Anong 'Mommy naman eh!'? Tigilan mo ako. Dalaga ka na at tingnan mo si Magnolia. Walang kaarte-arte."
Napanguso muli ako, "But this is me. Kailangan ko po ba talaga baguhin ang sarili ko?"
Napahinga siya nang malalim, "Hindi ganoon ang ibig kong sabihin, Tina. Wag mong baguhin ang sarili mo. Ang kailangan lang ay alisin mo ang kaartehan mo dahil meron ding taong hindi nagugustuhan ang ganyang ugali."
"But I don't care about them.. Kung ayaw nila ng kaartehan ko, wala akong pakialam. Hindi ko naman po hihilingin sa kanila na magustuhan ako."
Nakita ko kay Mommy na nais niyang magsalita pero hindi niya alam kung paano ipapaliwanag sa akin ang nais niyang sabihin. Umalis ako sa harap niya at nagtungo ako ng banyo.
Binaba ko ang takip ng bowl ko at naupo ako na naka-indian seat. Nakakainis! Bakit ba pati si Mommy ay pinipilit na baguhin ko ang sarili ko? Ano naman kung walang magkagusto sa akin dahil sa ugali ko? Edi poreber single ako.
Tinukod ko ang mga paa ko sa inuupuan kong bowl at niyakap ko ang mga binti ko bago napabuntong hininga.
-
RICO
"Oh Pre, hindi ka pa ba uuwi?"
Napaangat ako ng tingin kay Joey na hindi ko namalayan na pumasok sa opisina ko. Tumingin ako sa pambisig kong relo at alas syete na. Napahinga ako ng malalim at naiinis dahil kanina ko pa tinatawagan ang malditang iyon pero hindi sinasagot ang tawag ko.
"Uuwi na."
Tiningnan ko kung nag-reply siya sa text ko pero wala siyang naging sagot. Napahagod ako ng buhok ko sa inis at kinuha ko ang jacket ko.
"Kanina ko pa napapansin na tila ka may hinihintay sa labas ng police station. At kanina ka pa nakatambad sa phone mo. May hinihintay ka ba?"
"Wala, sino namang hihintayin ko? Tinawagan ko lang si Mama dahil nagpaluto ako ng ulam."
"Ah, ganoon ba. Kaya pala tinanong mo agad kay Acosta kung nagtungo ba si Bettina rito pagkauwi natin mula sa raid?"
Hindi ko na pinansin si Joey dahil umiinit lang ang ulo ko. Lumabas ako ng office. Nakasalubong ko si Martinez na sumaludo sa akin kaya sumaludo ako at agad ding naglakad.
"Pre, sabay na ako," sabi ni Joey na sumakay sa owner ko kaya hindi ko na pinansin, "Inuman na lang tayo."
"Ayoko. At meron pa tayong gagawin bukas ng umaga. Pagsikat pa lang ng araw ay dapat na nandoon ang ilan sa atin sa dadaanan ni Konsehal Romulo upang i-check ang lugar."
"Oo, alam ko. Pero mainit ang ulo mo, kaya dapat na magpalamig muna tayo. Kung gusto mo ay sa bahay niyo na lang."
Napahinga ako ng malalim at hindi na siya sinagot. Pagdating sa bahay ay pumasok na kami sa loob. Bumungad sa amin si Daniella at Danilo na naghaharutan habang si Mama ay nanonood ng TV.
"Mama," tawag ko rito kaya napalingon ito.
"Oh, narito ka na pala. Kasama mo pala si Joey," nagmano ako sa kanya at tumango.
"Hi, Tita,"
Tinungo ko ang kwarto ko at pagpasok ko ay napahinga ako ng malalim bago kinuha ang phone ko. Inis na hinagis ko sa kama iyon at hinubad ko ang jacket ko na inis na tinapon din sa kama.
Ano kaya ang nangyari sa batang iyon? Baka naman tinamad na pumasok? Hindi pa nga siya nakakadalawang buwan ay umaayaw na siya.
Naupo ako sa kama at napahagod ako sa buhok ko. Napatingin ako sa phone ko at kinuha. Wala talagang reply, ha.
Bigla ay narinig ko ang tili ni Mama kaya nabitawan ko ang phone ko at napalabas ako ng kwarto.
"Bakit?" nataranta ako sa paglapit sa kanya at nakita ko na napahawak siya sa bibig niya.
"Commercial model pala iyong batang babae yung nasa profile na uwi-uwi mo."
Napakuno't noo ako na tumingin sa TV at nakita ko ang commercial ng isang make-up brand na pang teen.
Nandoon nga siya at panay ang pakita sa kagandahan niya. Napailing ako dahil puro kaartehan pa rin ang ine-endorse niya.
"Wow! Ang ganda niya," sabi ni Daniella.
"Wag mong sasabihin 'yan, dahil baka lumaki ang ulo no'n," sabi ko.
"Bakit, kilala mo siya Kuya? Pakilala mo naman kami."
"Actually, nag-vovolunteer siya sa police station namin," sabi ni Joey kaya tiningnan ko ito ng matalim dahil bakit niya pa sinabi.
"Talaga? Wow! Napakabait pala niya. Maganda na tapos nagvovolunteer pa," sabi ni Danilo.
"Naku, maganda lang iyon, pero ubod ng kaartehan," sabi ko.
Napatingin sila sa akin kaya naguguluhan na tiningnan ko rin sila dahil bakit sila ganoon makatingin.
"Ayyiiee... Kuya, ngayon lang namin narinig sa'yo na may sinabihan kang maganda," tukso ni Daniella kaya nagsalubong ang kilay ko.
"Tigilan mo nga ako, Daniella," tumalikod na ako sa kanila at napahawak ako sa batok ko.
Pumasok muli ako sa kwarto at napailing ako.
Bakit ba nasabi ko iyon? Damn!
Nagpalit na lang ako ng pambahay na sandong puti at pulang sweatshort. Tila kailangan ko nga na mahismasmasan. Lumabas ako ng kwarto at nakita ko na nag-uusap si Mama at Joey.
"Joey, bibili lang ako ng iinumin natin. Dito ka muna."
"Sige, Pre."
Lumabas ako ng bahay at namulsa sa suot kong sweatshort. Malakas ang hangin at nakakagaan ng pakiramdam.
"Rico!"
Napahinto ako at napatingin kay Mariz na kabababa lang ng tricycle.
"Ginabi ka."
Nakangiti siya na lumapit sa akin. Suot pa niya ang uniform niya sa trabaho. Isa siyang chef sa isang restaurant.
"Oo. Marami kasing customer. Ikaw, maaga ka ata," aniya.
"Kakarating ko lang din. Sige, pumasok ka na sa inyo at may bibilhin pa ako sa tindahan."
Naglakad na muli ako at nilakad ang kalye patungo sa tindahan ni Aling Marites. Kinuha ko ang phone ko sa bulsa nang tumunog ito. Umaasa ako na nagtext ang malditang iyon pero galing lang pala sa network.
Wala na akong load.
Napailing ako at binulsa muli. Nakita ko sila Manong Ilo na nag-iinuman sa harap ng tindahan.
"Si Lieutenant General!"
Natawa ako na sumaludo sa kanila. Tinapik ko ang balikat ni Manong Ilo.
"Napadaan ka, Lieutenant. Tagay ka muna."
"Hindi, ayos lang. Mag-iinuman din kami ng kaibigan ko sa bahay. Tsaka pang San Mig Light lang kami."
Gin kasi ang tinutungga nila. Masyadong malakas kaya tinatanggihan ko.
"Aling Lourdes, anim na San Mig Light nga. Yung nasa can at paload na rin ako ng bente."
"Yun lang ba, Rico?"
Tumango ako rito at tumingin sa mga nag-iinuman.
"Ilang taon ka na ba, Rico?" lasing na tanong ni Pidel. Tambay na rito.
"Twenty seven. Bakit?"
"Naku, dapat na mag-asawa ka na. Paano ka makakarami nya'n. Sayang ang kagwapuhan mo."
Natawa ako at napailing.
"Oo nga. Ang daming nagkakagusto sa'yong mga dilag dito sa lugar natin, pero bakit wala kang ligawan ni isa sa kanila," sabi ni Manong Ilo.
"Si Mariz. Kaibigan mo iyon, 'di ba?" tumango ako kay Onse na lasing na rin, "Patay na patay sa'yo iyon. Balita ko ay inaaway ang lahat ng babaeng lumalapit sa'yo. Grabe talaga ang kagwapuhan mo," natatawang dagdag niya.
"Hindi ko naman nababalitaan iyon. Ikaw talaga, Onse, tigilan mo na nga iyan at baka may makarinig pa sa'yo."
Nagbigay ako ng bayad kay Aling Marites at kinuha ang plastic na naglalaman ng binili kong San Mig Light.
"Sige, mauna na ako at naghihintay na doon ang kaibigan ko."
Tinapik ko ang balikat nila at lumakad na ako paalis.
"Rico, nakabili ka na?"
Nagulat pa ako na biglang sumulpot si Mariz. Tiningnan ko siya dahil maikli ang suot niya.
"Ah, oo. Ikaw, may bibilhin ka rin ba?" tanong ko.
Nakakapanibago ang suot niya. Pero siguro ay naiinitan. Naalala ko tuloy si Maldita na ganyan pumorma.
"Ah, wala. Nagpapahangin lang ako. Uuwi ka na ba?"
"Oo, nasa bahay kasi si Joey. Nag-aaya ng inuman."
"Ah, ganoon ba. May pulutan na ba kayo? Gusto niyo ay ipagluto ko kayo?"
"Wag na, may luto naman si Mama. Magpahinga ka na lang at kagagaling mo lang sa trabaho, 'di ba?"
Napatango siya kaya napatango ako. Sabay na kaming naglakad pabalik.
"Ah Rico, hanggang kelan ba magvovolunteer yung batang babae?"
Napukaw no'n ang atensyon ko, "Depende."
"Depende, paanong depende?" naguguluhang tanong niya kaya natawa ako.
"Depende kung hindi siya magpapasaway."
May naisip na ako na gagawing parusa sa malditang iyon. Napangisi ako ng lihim.
"Ah, ganoon... Alam mo, ang arte-arte niya," aniya kaya lalo akong natawa.
"Oo nga, maarte talaga.."
"Hindi ka ba naiinis? Tsaka sa itsura niya, tatagal ba iyon? Parang madikitan lang ng alikabok ay mag-iinarte na."
"Wala rin naman akong magagawa dahil iyon na siya. Laki din kasi sa yaman."
"Pero tama bang pati police station niyo ay pakialaman niya. Lahat ata ng gamit niyo ay naaayon sa gusto niya.. Masyadong isip-bata."
Naguguluhan ako sa inis na lumalabas sa tono ni Mariz.
"Oh, nandyan ka na pala, Rico. Kasama mo pala siya," si Joey.
"Ipagluluto ko na kayo ng pulutan niyo. Pwede din bang maki-join?" sabi ni Mariz.
Tumingin sa akin si Joey kaya nagkibit balikat na lang ako at naunang pumasok sa kanila.
"Oh, anak, heto lang ang pulutan niyo. Kasya na ba ito?"
Nilapag ko sa lamesa ang binili kong San Mig Light at tiningnan ang niluto ni Mama na pritong baboy.
"Tita, magluluto po ako ng pulutan. Magpahinga na po kayo at ako na po ang bahala kela Rico."
Napatingin ako kay Joey nang banggain niya ang balikat ko.
"Feeling asawa mo na," ngumisi siya kaya napailing ako sa kalokohan niya.
"Tumigil ka. Puro ka kalokohan."
Naupo na kami ni Joey sa silya habang si Mariz ay may sinasalang sa kawali.
"Rico anak, wag kayong magpapagabi ng inom. Dito mo na rin patulugin si Joey at gabi na. At hinay-hinay lang sa pag-inom dahil nakakasama rin yan sa katawan."
"Opo, Mama."
Talagang si Mama. Minsan nga lang ako uminom ay parang pinapalabas ay inaaraw-araw ko na ang pag-inom.
"Mariz hija, umuwi ka na rin agad at baka hanapin ka ng Lola mo. Hindi rin maganda na nasa bahay ka pa ng lalake sa dis oras ng gabi."
"O-Opo."
Napatingin ako kay Mama. Tumingin ako kay Joey na nagkibit balikat. Ano kaya ang nangyari kay Mama at tila naging istrikta kay Mariz. Dati naman ay wala siyang sinasabi kapag narito si Mariz.
"Iba na kasi ang boto niya," bulong ni Joey.
"Huh?"
"Wala," natawa si Joey kaya napailing ako.
Nagsimula na lang kaming mag-inuman habang nagluluto si Mariz ng piniritong manok. At pagkatapos niyang makapagluto ay nakisali na siya sa amin.
Nagkakatuwaan si Joey at Mariz habang ako ay tumutungga ng San Mig.
"Pre, C.R lang ako."
Napatingin ako kay Joey na tila lasing na. Tumango ako at natawa nang makita na tila babagsak pa siya. Binitawan ko ang can na hawak ko at tinulungan siyang tumayo.
"Ah Mariz, lasing na ito. Umuwi ka na rin at gabi na pala masyado. Ako na ang magliligpit nya'n."
"Hindi, ako na. Sige, dalhin mo na sa kwarto niyo ang kaibigan mo."
Napahinga ako ng malalim at tumango. Napakahina talagang uminom ni Joey. San Mig na nga lang ay hindi pa kinaya. Pinagbanyo ko muna siya at dinala ko sa kwarto ko dahil iyon na lang naman ang pwede dahil ang tatlo ay gamit nila Mama, Danilo, at Daniella.
"K-Kaibigan t-talaga k-kita.."
Napangiti ako sa binubulong ni Joey. Binagsak ko siya sa higaan ko at tinaas ang paa sa kama.. Kinuha ko ang kumot ko at kinumutan ko siya.
Lumabas ako ng kwarto at naabutan ko na nililigpit ni Mariz ang mga pinag-inuman namin.
"Ako na d'yan."
Hinawakan ko siya sa braso dahil muntik na siyang matumba.
"Lasing na rin ata ako," natatawa niyang sabi.
"Umuwi ka na at ako na rito. Lasing ka na nga."
Nabigla ako nang mawalan siya ng malay kaya nag-alala ako.
"Mariz. Mariz," tinapik ko ang pisngi niya pero tila nakatulog na siya sa kalasingan.
Napahinga ako ng malalim at pinangko siya. Buhat ko siya na naglakad ako palabas ng bahay para iuwi siya.
"Lola Naida.."
Tumawag ako habang nasa harap ng pintuan nila.
"Sandali!"
Hinintay ko na pagbuksan ako ng Lola ni Mariz. Napatingin ako kay Mariz na gumalaw at yumakap sa akin.
"Oh, Rico. Naku, anong nangyari dya'n kay Mariz?"
Tumingin ako kay Lola Naida, "Nalasing ho. Dadalhin ko ho sa kwarto niya."
"Ah, sige, mabuti pa nga. Salamat, hijo."
"Walang anuman po."
Naglakad na ako patungo kung nasaan ang kwarto ni Mariz. Malaki rin ang bahay nila at malinis. Simple lang talaga si Mariz dahil pati kwarto niya ay may kasimplehan pero malinis.
Hiniga ko siya sa kama niya pero nabigla ako nang hatakin niya ang batok ko kaya napadagan ako sa kanya.
"R-Rico," aniya.
Inalis ko ang kamay niya at bumangon ako. Napahinga ako ng malalim.
"Magpahinga ka na, Mariz. Mauna na ako,"
"R-Rico..gusto kita.."
Ngumiti ako at iniwan na siya dahil tila lasing na lasing siya. Lumabas na ako ng kwarto niya at nagpaalam na rin kay Lola Naida.
"Salamat, hijo."
"Sige po, magpahinga na rin po kayo."
Hinintay ko na maisara muna ni Lola ang pinto nila. Dahil baka mamaya ay pasukin sila kapag hindi naisara ng maayos. Nang makita kong naisara na ng maayos ni Lola Naida ay umalis na ako at tinungo ang bahay namin.
Napahinga ako ng malalim dahil hindi tulad nila ay hindi naman ako lasing. Tila hindi naman tumalab ang ininom ko sa akin. May natira pang isa kaya pinagpatuloy ko ang pag-inom habang inuubos ang pulutan.
Nilabas ko ang phone ko at napailing ako dahil para na akong tanga. Bakit ba hinihintay kong magtext iyon o tumawag? May pagkamaldita nga pala iyon. Baka iniisip no'n na prank call lang ako.
Pinindot ko ang youtube app sa phone ko at hinanap ko ang commercial niya. Iyon na lang ang pinaglibangan ko habang inuubos ang San Mig.
Marami na pala siyang commercial na ginawa. Pero puro mamahaling brand.. Natawa ako kapag naalala ang baby bra niya. Malay ko ba na pang adult bra ang sinusuot niya. Para kasing baby bra.
Talaga palang famous siya. Gaya ng sinasabi niya. Marami din ang nanood ng commercial ads niya.
"Oh, anak. Bakit hindi ka pa natutulog?"
Nagulat ako nang biglang magsalita si Mama. Dali-dali kong inexit ang youtube at tumingin kay Mama na halos mahigit ko ang hininga ko.
"Mama, nakakagulat naman kayo," napahinga ako ng malalim at napahimas sa batok ko.
"Magugulat ka lang kung nasa iba ang isip mo at wala sa paligid mo. Ano ba yang pinapanood mo at pokus na pokus ka?"
"Wala, Mama. Naglilibang lang,"
Tinungga ko ang huling laman ng San Mig habang umiiwas sa tingin ni Mama.
"Alam mo, kabisado kita. Kapag napapahimas ka sa batok mo ay nahihiya ka o may tinatago kang nararamdaman."
"Ma, pati ba naman iyon. Sige na po, matulog na kayo at liligpitin ko na ito."
Tumayo na ako at nilagay sa plastic ang mga lata ng San Mig.
"Nagkakagusto ka na ba sa babae, Anak?"
Natigilan ako sa tanong niya pero agad ko ring binigyan ng reaksyon ang tanong niya.
"Mama, matulog na kayo, inaantok lang kayo."
Natawa ako at umiwas kay Mama. Natawa siya kaya napatingin ako sa kanya habang nilalagay sa trash can ang basura na itatapon ko.
"Sige, sige. Pero sasabihin mo kay Mama kapag nagkakagusto ka na. Aba, dapat na ako agad ang makakaalam. Maliwanag ba?"
Napailing ako at tumango. Napangiti siya at bumalik na sa kwarto niya. Napabuga ako ng hangin at natawa.
-
Bettina
Bumaba ako sa kotse namin at nakita ko na tila paalis sila Tanda. Tumingin ako kay Kuya Joaquin na pinayongan ako. Kaya naglakad na ako palapit kela Tanda na napatingin sa amin.
"Ma'am, maiwan ko na kayo rito. Pinababalik agad ako ni Sir."
"Okay," kinuha ko ang payong kong pink sa kanya at tinanguan si Kuya Joaquin. Nang tumalikod na siya ay humarap na ako kela Tanda.
"Mabuti at pumasok ka pa," aniya.
Wait. Galit ba siya? Wow! Ano naman kaya kinasusungitan ng matandang ito?
"Of course, papasok ako dahil 'di ba nagvovolunteer ako rito este penalty pala," sarkastikong sabi ko.
"Bakit hindi ka pumasok kahapon? Hindi ka man lang nagpaalam."
Napataas ang kilay ko na tiningnan siya. Salubong ang kilay niya at nakikipag-usap na may inis na tingin pero seryoso ang bakas ng mukha.
"For your information, nagpaalam kaya ako na dadalo sa kasal ng kapatid ko. Kaya anong pinagsasabi mo d'yan? God. Ka-stress ka, ha."
Nakita ko na nagbago ang reaksyon niya pero nandoon ang pagkuno't ng noo niya.
"Kanino ka naman nagpaalam?" asik niya.
"Kay hmm.. Ano nga ba name no'n?"
Tiningnan ko ang mga tauhan niya at hinanap kung sino nga ba ang nasabihan ko.
"Ah! Sa kanya," tinuro ko ang nakasalamin na lalake na payat. Hindi mo aakalain na pulis dahil mukhang lampa.
"Ah, sorry, Sir. Nakalimutan kong sabihin sa inyo."
Kaya nakangisi na tiningnan ko si Tanda habang taas-noo ako tila hinahamon siya dahil mali siya ng bintang. Tumingin siya sa akin at kita ko ang pagseryoso niya pa lalo.
"Dapat sa akin mo ididirekta kung hindi ka papasok.. Dahil ako ang nagpaparusa sa'yo... At dahil hindi ko naman alam na nagpaalam ka kay Michael, ang ibig sabihin pa rin no'n ay umabsent ka na walang paalam sa akin. Kaya ang two months mo ay magiging three months," aniya at bumaling sa mga tauhan niya, habang ako'y sumalubong ang kilay at napamaang sa sinabi niya, "Acosta, kayo na ang bahala rito at aalis na kami."
"Wait! Anong sabi mo? Three months? Aba! Hindi pwede iyon."
Nagpapadyak ako dahil tinalikuran na ako ni Tanda at sumakay na sa police mobile car.
"Hey! Tanda!"
Nakita kong ngumisi siya bago patakbuhin ni Joey ang sasakyan.
Lintek na matandang iyon! Argh!