SUPER CHAPTER 07

1209 Words
JIRO’S POV ALAM ko na kinikilig si Bebe kanina nang ilipad ko siya at nag-usap kami habang nasa ere. At sigurado rin ako na may gusto siya sa akin. Ah, hindi pala sa akin. Kay Super Jiro pala. Pero parang ganoon na rin `yon, eh. Ako rin naman kasi Super Jiro. Lamang nga lang si Super Jiro sa akin ng tatlong paligo dahil sa muscles at matured niyang mukha. Cute ako, gwapo si Super Jiro. Iyon yata ang gusto ni Bebe. Kahahatid ko lang sa kanya sa bahay nila at ngayon ay pauwi na ako sa bahay namin. Lumilipad pa rin ako at naghahanap lang ng tagong lugar kung saan ako pwedeng magpalit na ng anyo. Gabing-gabi na rin kasi at kailangan ko nang magpahinga. Isa pa, siguradong hinahanap na ako ni Tito Ador. Yari na naman ako do’n. Pero okey lang. Nakasama ko naman si Bebe, eh. Hanggang sa makakita ako ng madilim na lugar. Bumaba ako doon at nagtago sa isang mataas na pader. Tumingin muna ako sa paligid at nang masiguro kong walang tao ay saka ko hinubad ang singsing. Lumiwanag ang buong katawan ko at nang mawala ang liwanag ay bumalik na ako sa pagiging Jiro. Isinabit ko ulit sa kwintas ang Super Ring at saka naglakad pauwi. “Oh, bakit ngayon ka lang? Tambay ka nang tambay! Wala kang pakinabang!” bulyaw agad sa akin ni Tito Ador nang makauwi na ako. Nakaupo siya sa sahig at umiinom ng beer. Barung-barong lang ang bahay namin kaya maliit lang. “Hindi naman, tito. Nandiyan lang ako sa labasan at nag-aabang ng bumababa sa jeep. Baka may magpapadala ng mga bitbit nila. Eh di, nagkakapera ako,” pagmamalaki ko pa. “Ah gano’n ba? Aba, mabuti nga. `Asan na `yong kinita mo sa pagbibitbit?” “Eh, wala nga pon nagpabuhat kaya wala akong kinita…” Kakamot-kamot sa ulo na sagot ko. Bigla akong binato ni Tito Ador ng maliit na towel na nakasabit sa balikat niya. “Pucha ka! Ipinagmalaki mo pa?! Wala ka talagang silbi! Umalis ka nga sa harapan ko at baka tadyakan kita!” “Ah, eh… ano pong ulam?” “Wala! Umalis ka sa harapan ko at nanliliit ang tingin ko sa’yo. Alis!” Yuko ang ulo na lumabas ako ng bahay. Tumingin ako sa langit na puno ng stars at napangiti ako. Naisip ko ang nangyari kanina sa amin ni Bebe. First time kong maging ganoon kalapit sa kanya. Kahit na pabebe siya, alam ko naman na mabait siya. Alam ko kasi ang life story ni Bebe. Galit sa kanya ang kanyang Mommy Chanda kaya naman ginagawa niya ang lahat para matuwa ito sa kanya. Iyon ang hindi alam ng mga taong walang ginawa kundi ang tawagin siyang “Bebeng Pabebe”. Naiisip ko nga, siguro, kaya siya nagpapabebe ay upang makalimutan ang problema niya sa bahay. Doon siguro siya nagiging masaya. Sa online world at kapag madami ang nagla-like ng videos at posts niya. Kaya nga gumawa ako ng maraming f*******: accounts para marami agad magla-like ng pino-posts niya. Ganoon ko siya kamahal at iyon ang hindi nakikita ni Bebe. Teka, medyo nagugutom na ako. Alas dose na yata ng hatinggabi, eh. Hindi pa ako naghahapunan. Kinapa ko ang bulsa ko at may nakuha akong limang piso. Pwede na ito. Naglakad na ako papunta ng tindahan. May nakita akong bukas pa at bumili ako ng chicharong baboy. Ito na lang ang uulamin ko. Pag-uwi ko ay tulog na si Tito Ador sa papag niya. Doon siya natutulog tapos naglalatag lang ako ng karton at banig. Kinumutan ko si Tito Ador dahil nakita ko siyang namamaluktot at parang nilalamig. Pumunta na ako sa kainan namin. Mabuti na lang pala at may kanin pa. Hehe… SAMANTALA, sa isang abandonadong gusali ay may isang nilalang na malakas na tumatawa. Nakaupo ito sa isang bonggang trono na yari sa scrap metals. Kulay pink ang buhok nito na parang si Dora ang hairstyle, payat pero walang curves. Fake ang boobs. Ang suot nito ay kulay pink din over-all. Sa unang tingin ay para itong isa sa Planet Women na kalaban ni Darna. Siya ay walang iba kundi si Super Duper! Nasa harapan niya ang dalawang nilalang na makakasama niya sa kanyang kasamaan. “Finally, makalipas ang napakaraming taon ay nandito na rin kayo, dalawa kong alipores! Dapat kayong magpasalamat sa akin dahil kayong dalawa ang nakakuha ng piraso ng Super Bato na hinati ko sa dalawa.” Muling humalakhak si Super Duper nang napakalakas. “So, ikaw ang master namin?” sabi ng isang alipores. “Hindi master, gaga! Reyna… ako ang inyong Reyna Super Duper! At kailangan niyo akong sundin dahil ako ang pinagmulan ng inyong kapangyarihan! Hahaha!” Twenty years ago ay napunta siya dito sa Earth. Hindi niya alam kung saan napadpad si Super Jina kaya naman kung saan-saan na siya napunta. Hanggang sa napagod na siya at naisip niya na kailangan niya ng katulong o alagad para naman hindi siya forever alone. Doon niya naisipan na bakit hindi niya gamitin ang Super Bato na puno ng kasamaan at bad vibes? Hinati niya ang Super Bato sa dalawa at itinapon iyon sa kung saan. Kung sino man ang makakakuha niyon at lulunukin iyon ay magkakaroon ng powers na sobrang sama! At ngayon, heto na sa harapan niya ang dalawang tao na nag-transform into super villain para maging alipores niya. Hindi niya alam kung paano nakuha ng dalawa ang bato at wala na siyang balak na alamin pa. Ang importante ay may makakatulong na siya sa paghahanap sa Super Ring. Kapag nakita na niya iyon ay makakabalik na siya sa Super Planet at siya na ang magre-reyna doon. In all fairness, mukhang bad talaga ang mga alipores niya. Pero dama niya ang dalawa. Amoy na amoy niya ang berdeng dugo na nananalaytay sa mga ito. Kapareho niyang beki ang mga alipores niya! Ang nasa kaliwa ay isang payat na beki na kulay brown ang buong katawan at may guhit-guhit ang katawan. Mataray ang mukha nito at palaging naka-pout ang itim na nguso. Iba rin ang hair na ito, hindi normal. Dahil ang buhok nito ay mga matatabang uod na gumagalaw-galaw. “Ikaw, baklang may uod na buhok! Tatawagin kitang… Baklang Uod!” Masayang sabi ni Super Duper. “Keri lang, Reyna Super Duper!” Tiningnan naman niya ang nasa kanan. Nakasuot ito ng black gown na sira-sira at mukhang mabaho. May korona din itong kulay black at naka-heavy make-up. May hawak din itong microphone na may bungo sa hawakan. Feeling niya ay singer ito. Isang baklang diva! “At ikaw naman baklang mukhang pulubing singer… Ikaw ay si Baklang Biritera!” “Go, Reyna Super Duper!” pakanta nitong sagot. Malapad na napangiti si Super Duper. “At ngayon, inuutusan ko kayo na manggulo sa pinakamalapit na baranggay! Kilala ko si Super Jina, ang haliparot kong kapatid! Matulungin siya at kapag nalaman niya na may mga halimaw na nanggugulo sa isang lugar ay gagamitin niya ang Super Ring upang tumulong. Gora na kayo, Baklang Uod at Baklang Biritera! Hahaha! Maghasik kayo ng lagim!!!” “Sureness, Reyna Super Duper!” magkasabay pang sagot ng alipores niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD