Chapter 3

1949 Words
Nanlaki ang mga mata ni Cara dahil sa narinig. Sa harapan niya ay nakatayo ang isang napakagwapong lalaki, sobrang lapit nito sa kaniyang mukha kaya ganon na lang ang takot niya na baka naaamoy nito ang morning breath niya. Matangkad, asul na asul ang mga mata nito, kulay abo ang makapal na buhok, matangos ang ilong, at napakaganda ng mga labi, maninipis lamang. May nunal ito sa gilid ng kaliwang bahagi ng ilong. Pero ang di niya mawari ay ang titig nito sa kaniya na sa kauna-unahang pagkakataon ay walang bahid na awa, kundi, pagkahalina. Na tila ba gustong-gusto siya nito. “A-ano?” uutal-utal na tanong ni Cara, bahagyang napaatras para matingnan ng maigi ang lalaki sa mukha. Kinisot-kisot at ikinurap-kurap pa ni Cara ang mga mata para siguraduhing gising siya at di nanaginip. Sa hilatsa ng lalaki ay malabong taga rito lamang sa kalapit na baryo nila. Mukhang mamahalin. Saglit niyang inalis ang tingin sa lalaki at sinipat ang mga nakapaligid. Kasalukuyang nakatingin si Boching, ang kaniyang ina, at ang sangkapitbahayan nila na mas dumarami pa ang bilang para makiusyoso. Pagkatapos sipatin ang tingin ng mga nakapalibot ay ibinalik na niya ang tingin sa lalaki. “Ano ngang tinatanong mo?” “I am asking you, will you marry me?” ulit nito. “Ako? Papakasalan kita? Bakit? Paano? Kilala mo ba ako?” “Hindi.” “Oh bakit mo ako papakasalan? Sira ulo ka ba? Huwag ka nga magbiro at kagigising ko lang,” “Hindi ako nagbibiro,” turan nito at humakbang pa ng mas malapit. “Nang marinig ko ang kwento mo kagabi kay Dj Vera, buong gabi ang inubos ko mahanap lamang ang lugar ninyo.” Nanlaki ang mga mata ni Cara at dali-daling bumalik sa loob ng bahay. Pagkabalik, may hawak na siyang tabak. Nagsisinghapan ang mga nakapalibot at mabilis na tumakbo papalapit sa kaniya ang ina para pigilan siya. "Cara anak, maghunos dili ka!" "Hindi Nay. Aba, delikado itong taong ito," "Anak, hindi tama na ganiyan ang salubong mo sa bisita," Hinawi ni Cara ang ina patabi at tinutok ang tabak sa lalaki. “Hoy, kahit taga bundok kami, alam ko ang salitang scam! Pwes pasensiya na pero nagsayang ka ng maraming oras dahil wala kang mapapala samin,” gigil na sabi ni Cara. Pero kahit ganon ay di man natinag iyong lalaki at nanatili lamang ang tingin nito sa kaniya. Umiling pa ito bago nagsalita, “Ano ba ang pwede kong gawin para patunayan na malinis ang intensiyon ko sa pagpunta rito, na ang tanging pakay ko lamang ay masiguradong maging asawa ka dahil ayaw kong mapunta ka pa sa iba.” Halos mangisay sa tilian ang mga taong nakakasaksi sa mga nangyayari. “Jusko, may isang kakababayan na naman ang makaka-ahon sa laylayan!” komenta ng isa dahilan para mas magkaingay. “Please, sa tingin ko ay mas mabuting pag-usapan natin ito ng maayos at mahinahon, tayo lamang. May dala akong mga papel, at mga ID, kahit mga patunay na malinis ang record ko,” sumamo nito. “Cara, huwag kang gumawa ng esksena diyan sa labas. Mag-usap kayo ng maayos at daanin mo sa paraang may pinag-aralan,” sabat bigla ng kaniyang ama mula sa likuran. Lumagpas ang kaniyang ama kasama ang iba pang mga kalalakihan na nagkokopra na nag-iwan ng malaman na tingin. Unti-unting bumaba ang kamay ni Cara at kumalma. “Bakit? At bakit ako?” tahasan niyang tanong sa lalaki. “Alam ko lang na ikaw na. Alam ko, nakakagulat ang lahat ng ito. Mali na binigla kita pero, walang ibang paraan. Sabi mo wala kang cellphone, wala ka rin naman social media, kaya pinuntahan na kita. Ayaw ko nang magpalipas pa ng isa pang araw. Sa tagal kong tagapakinig ni Dj Vera ay hindi ko akalain na may nakikinig pa rin pala sa radyo na hindi matatanda maliban sa akin. Nakatadhana na marinig kita kagabi, dahil matagal ko nang iniintay ang pagkakataong ito.” Huminga ng malalim si Cara at saglit pang nakipagtitigan rito. Hirap na hirap niyang iproseso ang mga nangyayari. “Ate, sige na. Mabait siyang tao at magara ang kotse niya,” sabat ni Boching dahilan para mapansin ni Cara ang magarang sasakyan na nakaparada nga naman sa harapan ng bahay nila. Ibinaling pabalik ni Cara ang tingin sa kapatid, “Boching sa sobrang gulo at nakakatakot na mundo ngayon, mahirap na magtiwala pabasta-basta. Tandaan mo yon.” “Kung may balak akong masama, sana pinadukot na lamang kita,” sabat niyong lalaki dahilan para manlaki ang mga mata ni Cara. “Tapos na ang palabas, magsibalikan na kayo sa mga bahay niyo, ipangalat niyo na ang balita, agapan niyo na at baka maunahan pa kayo,” buntong-hininga ni Cara saka iniabot ang tabak sa ina at inis na pumasok sa loob ng bahay. “Iho, tumuloy ka na muna, pasensiya na sa bahay namin, maliit lamang ito at—” “Maganda ho ang bahay niyo. Tulungan ko na kayo sa mga bitbit ninyong pangahoy.” Putol ng lalaki sa ina ni Cara. Dire-diretso itong naglakad paloob bitbit ang maruruming sako na may lamang kamoteng-kahoy kaya napanganga na lamang si Cara. Ganon na lang ang pagkabigla ni Cara sa inaasal ng kaniyang ina at ni Boching. Madalas rin naman si Zian sa kanila pero hindi kaganito ang naging patungo ng mga ito. “Tsk. Maupo ka na rito,” sabi ni Cara. Hinawakan ni Boching ang kamay nitong lalaki at inakay paupo sa mahabang upuang kawayan sa tabi ng mesa. Kumuha naman ang kaniyang ina ng nilagang kamoteng kahoy at isang platong tinigang na isda saka inihain sa hapag. Naupo si Cara at nangalumbaba sa harapan nitong lalaki, “Yan lang ang pagkain namin. Kumakain ka niyan?” Ngumiti pabalik iyong lalaki habang nakatitig ng maganda sa kaniya, “Oo.” “Sa itsura mo, parang mahirap maniwala.” Tumayo iyong lalaki saglit at tumakbo pabalik sa labas. Bumalik rin naman ito agad at may bitbit itong mga masasarap na pagkain na labis na nagpasaya kay Boching. Umupo ito at isa-isang inayos ang mga dalang pagkain. “Nay, tara ho kain muna tayo,” yaya nito sa ina ni Cara. Abot-tengang ngiti ang ginanti ng kaniyang ina sa alok ng lalaki at magiliw na naupo sa tabi nito. “Ah wow, ang bilis naman Nay, may anak ka na palang lalaki na hindi ko namamalayan,” sarkastikong sabi ni Cara pero ngiti lamang ang ginanti ng ina. “Kumain na muna tayo?” sabi ng lalaki at inilagay ang plato sa harapan ni Cara na may laman ng kanin at ulam. “Wala tong lason?” “Eh di nawalan naman ako ng mapapangasawa?” Nagsimula nang kumain ang lahat at ang kinagulat ni Cara ay ang pagkain nito ng kamoteng-kahoy pati na ang tinigang na isda habang nagkakamay. “Grabe, namiss ko to,” giliw na bulong niyong lalaki. “Namiss?” usisa ni Cara na halatang sarap na sarap rin sa kinakain. “Sa lola ko ako lumaki, sa probinsiya rin. Hanggang high school. College na ako nang lumipat ako ng lungsod, noong kunin ako ng aking ama para makipanira sa iba niyang pamilya,” “Yong...yong Mama mo, nasaan?” biglang hinahon ng boses ni Cara. “Ah si Mama, wala na. Nawala siya noong ipanganak ako.” Napalunok si Cara at tumigil sa pagkain, “Sorry.” “Wala yon,” “Ahm...ano nga pala ang pangalan mo?” “Papakasalan mo na ba ako?” “Kasi naman, di ba pwedeng alamin muna ang pangalan mo?” “Kung hindi ka magiging parte ng buhay ko, mas mabuting wag mo na lang alamin,” “Ah hindi naman patas yon. Alam mo ang pangalan ko,” “Gusto kitang maging parte ng buhay ko kaya sa tingin ko ay ayos lamang iyon at ibinigay mo naman ng kusa sa radyo,” “Imposible ka,” “Malaki ang kompaniya namin at mas makakabuting iilan lang ang may alam ng totoong pagkatao ko. Kung talagang di mo tatanggapin ang alok ko, hayaan mo na lamang akong bigyan ng kuryente ang buong baryo niyo,” Nanlaki ng sobra ang mga mata ni Cara, halos tumayo na sa pagkakaupo, “Anong sinabi mo? Saka w-wala kaming ibabayad.” Ngumiti iyong lalaki, sa pagkakataong ito ay nagsalin ito ng tubig sa baso at inilagay sa tabi ng plato niya. “Libre lang. Isa akong electrical engineer at meron kaming project na every year, hahanap kami ng mga baryo na papailawan ng libre bilang serbisyo namin sa mga tao.” Nanginginig ang mga kamay ni Cara at muling naupo dahil nabalot ng matinding hiya. "Wala ako masyadong oras na makipag-usap. May pasok pa ako." "Sige nauunawaan ko," Tinapos lamang ni Cara ang pagkain at naghanda na sa pagpasok. “Papasok na ako. Sana bago ako umuwi ay wala ka na rito. Marami ka dapat ginagawa kaysa mag-aksaya ng oras rito sa akin. Kung tuloy talaga ang proyekto mo, samahan na lamang kita kina kapitan sa barangay hall. Halika na, Boching, malilate na tayo," ani Cara at pilit na umiwas ng tingin sa lalaki. Gayunpaman ay bakas sa boses niya ang lungkot. Pero laking gulat ni Cara nang kunin nito ang bag niya at iyong kay Boching. “Teka...anong ginagawa—” gulong-gulong sabi ni Cara. Inaasahan niya ay susuko na ito at aalis na. “Nay, mauna na ho kami. Mamaya na lamang po ulit,” sabi nitong lalaki saka nagmano sa ina ni Cara at naglakad papunta sa kotse. Si Boching naman ay sabik na tumakbo at naglakad kasunod ng lalaki. Nang maiwan sa loob si Cara kasama ang ina ay agad niya itong kinausap, “Ano 'yon? Hindi ba siya nakakaintindi na tinanggihan ko na siya?" "Anak habang naliligo at naghahanda ka, humingi siya ng pahintulot at pumayag naman ako," "Ano po? Nay, naman. Binibenta niyo na ako? Dahil sa mayaman siya?” Natawa ang kaniyang ina at hinawakan siya sa balikat, “Hindi sa ganon anak. Hiniling ko na wag ka niyang sukuan. Anak, magaan ang loob ko sa kaniya, mas magaan pa kaysa kay Zian. Alam ko kakilala lang natin sa kaniya, pero iba. Sana, pag-isipan mo ng maigi. Hayaan mo ang sarili mo na makaranas ng ibang bagay bukod sa awa. Baon nga pala, kita namin yan nong lalaki, sinamahan niya ako sa pagtinda ng suman. Sarap pa kasi ng tulog mo, di ka na niya pinagising.” Tulalang naglakad palabas si Cara ng kanilang kubo at saglit siyang natigilan sa b****a. Mula sa kinatatayuan ay tinitigan niya iyong lalaki na masayang nakatayo sa tabi ng pintuan ng kotse na nakabukas na para sa kaniya. Ilang minuto rin silang nagtitigan bago siya naglakad palapit. “Ingat, mamahalin pa kita,” sabi nitong lalaki nang alalayan siyang sumakay sa kotse. Nilagyan pa siya ng seatbelt nitong lalaki bago tuluyang sumakay sa driver’s seat. “YES! Nakasakay rin sa kotse.” Sigaw pa ni Boching. Ngumiti naman iyong lalaki at lumingon kay Cara. “Salamat.” “Sumugal ka ng sobra na hindi mo manlang ako nakikita pa. Paano kung hindi kaaya-aya ang itsura ko? Paano kung mamamatay tao pala kami...paano kung...” Napapusngat ng tawa iyong lalaki, “Pupunta pa rin ako. Kaya nga pumunta ako para icheck. Base sa kwento mo, tiwala akong di kayo mamamatay tao, kaya kahit pa may kulang kang parte sa katawan, papakasalan pa rin kita, basta sigurado ako na akin ka lang. Sa buhay, darating tayo sa punto na nanaisin mo lamang yong isang tao na hahangarin mong sasamahan ka sa habang-buhay. Kaya pwede ba, itigil mo na ang pagtatanong, lahat ay karapat-dapat mahalin. Karapat-dapat kang mahalin, Caranova.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD