Alas otso na noong nakaalis si Inay. Nagpalipas pa ako ng ilang sandali bago lumabas sa kuwarto. Baka kasi bumalik pa si Inay at makita ako ay magalit pa. Lagi kasi siyang may nakakalimutan at bumabalik upang kunin ang mga iyon. Ayaw na ayaw kong masira ang gabi niyang naumpisahan yatang maganda.
Pagkalabas ko sa kuwarto ay bumulaga sa akin ang makalat naming maliit na sala. Nagkalat ang damit ni inay na para bang binagyo roon. Napapabuntong hininga na lamang ako habang nililigpit ang mga iyon. Mukhang pinaghandaan niya talaga ang pupuntahan at naghanap ng mabuti ng maisusuot. Nagawa ko na ring tiklupin at dalhin na muli iyon sa lagayan niya sa kuwarto.
Alas otso y medya na rin noong kumain ako. Mabilis lamang dahil hindi naman ako ganoong kagutom. Pagkatapos ay lumabas ako sa gilid upang kusutin ang binabad kong damit ni inay. Habang nagkukusot ay nakikinig ako ng mga kanta ni Flynn sa luma kong cellphone. Nakalagay ang headset ding luma sa magkabila kong teynga.
'Let me take you to Mars
And love you till we reach the Earth'
Mahina kong paghimig. Sinasabayan ko ang pinapakinggan kong kanta niya. Medyo gabi na rin at ayaw kong makaistorbo ng kapitbahay kaya hinihimig ko lamang iyon.
"Patapos na siguro ang concert," sa isip ko. Nasasayangan talaga ako sa pagkakataong makita ko siya ng personal.
Hindi naman karumihan ang mga damit ni inay. Paano ay sa bar lamang naman siya at ilang oras lang niya sinusuot ay magpapalit siyang muli. Kaya kaunting kusot lang ay binabanlawan ko na. Naisampay ko na ang mga puti nang maulinigan kong may tumatawag sa aking pangalan.
Akala ko ay guni-guni ko lamang pero sa pangalawang pagkakataon ay narinig ko ang pangalan ko kaya naman inalis ko na ang earphone sa magkabila kong teynga.
"Anais, nariyan ka ba?"
Napakunot noo ako nang makilala ang boses ng tumatawag sa akin. Agad akong tumayo. Mula sa gilid ay naglakad ako papunta sa harap ng bahay namin.
"Sam?" Hindi makapaniwalang tawag ko sa babaeng ngayon ay nakatayo sa harapan ng bahay namin. Namilog ang mga mata kong makita siyang naroon.
Agad niya akong hinarap at pinameywangan. "Gaga ka! Akala ko ba pupunta ka. Hinintay kita ah," sabi niyang may tampo sa boses.
Nakagat ko ang pang ibabang labi ko dahil sa hiya. At sa tingin ko rin ay tapos na ang concert dahil naroon na nga siya para sumbatan ako sa pang-balewala ko sa kanya.
"Sorry...hindi kasi ako..."
"Nariyan ba inay mo? Ipapapaalam kita!" aniyang ikinakunot ng noo ko.
"Huh?"
"Bingi ka ba? Tinatanong ko kung nariyan ba inay mo? Ipapaalam kita. Makakaabot pa tayo sa kalahati ng concert..."
Lalo akong nalito. Malinaw naman ang narinig ko mula sa kanya pero hindi pa rin ako makapaniwala.
"Aling Jasmine..."
"Sam..." pigil ko kay Sam. Kinabahan ako bigla kahit wala naman si Inay. Ayaw na ayaw ni inay tinatawag siyang Aling Jasmine. Sigurado ako, kapag talaga naroon siya at ipinagpaalam ako ni Sam, nakakatakot na mura ang matatanggap naming dalawa. Mabubugbog pa ako ni inay. "W-wala si inay, Sam," sabi ko. "Pero hindi ako makakasama, may ginagawa pa ako..."
"Naku, Anais, wala pala nanay mo eh. Puwede kang pumunta. Minsan mo lang naman tatakasan nanay mo eh. Promise, bago siya makauwi eh naihatid na kita dito. Kaya sama ka na sa akin. Minsan lang sa buhay natin ang ganito..."
Napatitig ako kay Sam at hindi nakapagsalita. Hindi ako makapagdesisyon. May takot sa sistema kong suwayin si inay kahit alam kong malabo niya akong mahuli dahil hindi nga siya uuwi.
"Ano, bihis ka na. Makakaabot pa tayo sa second half. Medyo delayed ang concert dahil nagka-technical issues," paliwanag ni Sam. "Hoy ano na?" Hinawakan pa niya ang kamay ko.
Humugot ako ng malalim na hininga at bumuga. Halos natapos kong labhan ang mga damit ni inay. Pambahay na lamang ang nasa labahan at puwede ko iyong ituloy pagkauwi. At sa itsura ni Sam, medyo nakukunsensiya din ako. Sinakripisyo niya ang kalahati ng concert para puntahan ako.
"S-sige. Sandali, magbibihis lang ako," paalam ko sa kanya at iniwan siya sa harapan ng bahay. Mabilis ang kilos na ginawa ko. Nagsuot lamang ako ng luma at faded na jeans at ang bulaklakin kong blouse. Simple lang hindi tulad ng suot ni Sam na mukhang pinaghandaan niya rin ang concert. Siyempre, ikaw ba naman na may pagkakataong makasama ang isang Flynn sa stage. "Tara," yakag ko kay Sam pagkatapos kong siguraduhin na nai-lock ko nang mabuti ang pinto.
"Bilisan natin para maabutan pa natin iyong pamimili niya ng kakantahan sa stage," sabi ni Sam at pumara na agad ng tricycle na sasakyan namin.
Mula sa gate ng school ay rinig na rinig ang musikang kinakanta ni Flynn. Pero mas umaalingawngaw ang sigawan doon sa loob. Kinakabahan na excited ang nararamdaman ko lalo na at matutupad na ang isa sa inaasam kong pangarap. Iyon ay ang makita ng personal ang lalaking naging dahilan kaya lumalaban ako sa buhay at nanatiling mabuting tao. His song, his life story, ang mga iyon ang naging inspirasyon ko.
"Bilisan natin..."
Hinila ako ni Sam. Excited din siya gaya ko. Hindi maitatanggi iyon dahil aligaga rin siyang pumasok sa loob. Hila-hila niya ako habang nakikipagsiksikan siya sa mga tao. May mga nagrereklamo sa ginagawa naming pagsingit para kahit papaano ay makalapit sa unahan. Walang pakialam si Sam doon habang napapasunod na lamang ako sa paghila niya. Hanggang sa nakarating kami sa kalagitnaan. Hindi na kami pinayagang makasingit pa para makalapit pa. Pero sa puwesto namin, kitang-kita na namin si Flynn habang ito ay kumakanta.
Napatitig ako sa lalaking nasa stage. Bawat galaw niya, sinusundan ng mga mata ko. Rock music ang tinutugtog ng banda at kinakanta niya ngunit pakiramdam ko, mabagal ang bawat kilos sa paligid ko.
Napasapo ako sa bandang dibdib ko. Pinakiramdaman ko ang mabilis na t***k ng aking puso habang nakatitig sa lalaking labis kong hinahangaan.
Kumikinang ang kayumanggi niyang kulay sa pawisan niyang katawan. Nakapusod ang medyo mahaba niyang buhok. Kitang kita ang tattoo niya sa braso sa suot niyang sleeveless shirt. Ang angas niyang titigan habang ang pagkakahawak niya sa mikropono ay nasa ulo nito. Malapit na malapit ang mikropono sa kanyang bibig. Ang hintuturo niya ay nakataas at nakadantay sa matangos niyang ilong.
Medyo malayo siya mula sa kinaroroonan namin pero pakiramdam ko, tila kay lapit niya sa akin. Bawat galaw ng adam's apple niya habang lumulunok sa gitna ng pagkanta niya ay napapansin ko.
'Live, love, laugh!'
Sigaw ng mga nasa paligid ko maging si Flynn. Bridge iyon sa kanta niyang pinamagatang Love Life.
Live. Love. Laugh!
Muling sigaw ng lahat. Sinasabayan nila siya sa pagkanta.
"Live. Love. Laugh!" sigaw ni Sam. Hinawakan ako sa kamay. Itinaas niya ang kamay ko kasabay ng kanya. Ginaya ang lahat. Nagtatalon din sila.
Nakisabay ako sa pagtalon. Kasabay din ng pagsigaw ng paulit-ulit.
Live. Love. Laugh!