Chapter 3.3

1093 Words
MC's Pov "Where have you been, Maria Clara?" agad na tanong sa akin ni Daddy pagkapasok ko sa loob ng bahay namin. Salubong ang kilay niya kaya natitiyak kong galit siya sa akin. Ngunit galit siya dahil nag-aalala lamang siya sa akin. "Boring dito sa bahay kaya gumala kami ni Karen sa mall, Dad," mabilis kong sagot sa kanya. Bago ako dumiretso pauwi sa bahay namin ay inihatid ko muna sa bahay niya si Karen na hindi pa rin mawala-wala ang takot sa dibdib dahil sa nangyari. "Lagi ka na lang nawawala, Maria Clara. Alam mo namang nanganganib ang buhay mo ay hindi ka pa rin napipirmi rito sa bahay," panenermon ni Daddy sa akin. "Tutal nabanggit mo ang bagay na iyan, Daddy. Bakit hindi mo na lang sabihin sa akin kung bakit ba talaga nanganganib ang buhay ko? Sino ba sila at ano ang kailangan nila sa akin? Alam mo ba na pinagtangkaan na naman kanina ang buhay ko? Kailan ba ito matatapos?" pinaulanan ko na ng katanungan ang daddy ko kaysa ako ang paulanan niya ng sermon. "At may karapatan naman siguro ako para malaman ang dahilan kung bakit nanganganib ang buhay ko, Dad," dugtong ko pa sa kanya. Biglang napabuntong-hininga si Daddy at napahawak sa kanyang ulo. "Hindi pa ito ang tamang panahon para malaman mo ang katotohanan, Maria Clara." Nakaramdam ako ng inis nang marinig ko ang kanyang sinabi. "Naririndi na ako sa mga salitang iyan, Dad. Hindi ka ba nagsasawang sabihin sa akin iyan? Palaging ganyan ang sinasabi mo kapag tinatanong kita tungkol sa mga taong nagtatangka sa buhay ko. At kailan ba ang tamang panahon para malaman ko ang katotohanan? Kapag patay na ako?" "Dahil tanging iyan lamang ang masasabi ko sa ngayon, Maria Clara," naiiling na sabi ni Daddy. Naipalibot ko na lamang ang aking mga mata at naglakad papunta sa may hagdan. Mas mabuting umakyat na lamang ako sa kuwarto ko kaysa ang patuloy na makipag-usap sa kanya dahil wala naman akong makukuhang sagot mula sa kanya tungkol sa mga bagay na gusto kong malaman. "At ang magagawa ko na lamang para maprotektahan ka ay ang bigyan ka ng bodyguard." Bigla akong natigilan at napahinto sa paglalakad nang marinig ko ang kanyang sinabi. Inis na nilingon ko siya. "Dad, hindi bodyguard ang kailangan ko kundi kasagutan mula sa'yo. Aanhin ko ang isang bodyguard kung kaya ko namang ipagtanggol ang sarili ko? Magsasayang ka lamang ng pera." "Alam kong magaling ka sa iba't ibang uri ng self-defense, Maria Clara. Ngunit hindi sa lahat ng oras ay kaya mong protektahan ang sarili mo. Kaya kumuha ako ng taong mas magaling makipaglaban kaysa sa'yo para protektahan ka. At wala akong pakialam kahit magsayang man ako ng pera basta para sa kaligtasan mo, Maria Clara. Dalawa na lamang tayong magkapamilya sa mundo kaya hindi ko gugustuhing mawala ka sa akin," buo at maawtoridad ang boses na wika ni Daddy. Kapag ganito na ang kanyang tono ay alam ko na talagang seryoso siya sa kanyang nais gawin at wala akong magagawa kundi ang sumunod sa kanya. "Dad—" "Huwag ka nang mag-aksaya ng laway dahil sa pagkakataong ito ay ako ang masusunod. At nandito ngayon ang magiging bodyguard mo. Pumasok lamang saglit sa banyo dahil sumakit daw ang tiyan niya." Biglang tumaas ang kilay ko sa sinabi ni Daddy. Unang beses na makakaharap ng magiging bodyguard ko ang kanyang amo tapos papasok agad sa banyo dahil sumakit bigla ang tiyan. Ang galing naman niyang magbigay ng first impression sa magiging amo niya. Pagkatapos sabihin iyon ni Daddy ay eksakto namang naglakad palapit sa amin ang isang lalaking matangkad at malaki ang pangangatawan. Nakayuko ito habang naglalakad palapit at nagpupunas pa ng tissue paper sa basang kamay. Napangiwi ako dahil biglang pumasok sa aking isip kung ano ang ginawa nito sa loob ng banyo at nagpunas pa ng tissue. Tissue na kinuha pa nito mula sa loob ng banyo namin. Nang malapit na ito kay Daddy ay saka pa lamang ito nag-angat ng ulo at nakangiting tumayo malapit kay Daddy. Nanlaki ang mga mata ko at halos malaglag ang aking puso nang makita ko kung sino ang lalaking tinutukoy ng daddy ko na magiging bodyguard ko. Ito ay walang iba kundi ang bastos na lalaking nanalo sa underground fighting na napanuod namin ni Karen noong isang araw lamang. Kaagad namuo ang pagtutol sa aking dibdib na ang lalaking ito ang magiging bodyguard ko. "Dad, kilala mo ba ang taong iyan at siya ang kinuha mo para maging bodyguard ko? Alam mo ba kung anong klase ang trabaho niya? Isa siyang underground fighter na ipinagbabawal ng batas. So hindi siya puwede na maging bodyguard ko," mariing pagtutol na sabi ko kay Daddy. "At paano mo naman nalaman ang tungkol sa pagiging under fighter ni Archanghel, Maria Clara? Nanunuod ka ba ng larong iyon? Alam mo ba na sobrang delikado para sa'yo ang lugar na iyon?" madilim ang mukha na tanong sa akin ni Daddy. Sa halip na ang lalaki ang mapasama ay ako pa ang nasermunan ni Daddy. "I-Isang beses lang naman ako nanuod, Dad. Hindi ko lang kasi natanggihan si Karen dahil birthday niya nang araw na nanuod kami ng underground fighting," nakangiwing paliwanag ko sa kanya. Tinapunan ko bg masamang tingin si Archanghel na may nakapaskil na ngisi sa mga labi na tila iniinis ako. Hindi ko napigilan ang aking sarili na irapan siya. Kung hindi dahil sa kanya ay hindi madudulas ang dila ko. Hindi sana malalaman ni Daddy na palihim akong nanuod ng underground fighting. "Maski isang beses ay hindi ka dapat nagpunta roon. Ngayon ay mas higit mong kailangan ang pagbabantay ni Archanghel para sa iyong kaligtasan," ani Daddy. "Bueno, may ka-dinner meeting ako ngayon kaya aalis na ako. Ikaw na ang bahala sa bagong bodyguard mo, Maria Clara," hinarap ni Daddy ang lalaki at kinausap. "Feel at home, Archanghel. Kapag may kailangan ka ay sabihin mo lang sa anak ko." Pagkatapos tumango ng lalaki ay mabilis nang umakyat naglakad papunta sa hagdan para umakyat si Daddy para magpalit ng damit na isusuot niya sa kanyang dinner meeting. Naiinis naman na muli kong tinapunan ng tingin ang bago kong bodyguard na ngayon ay prenteng nakaupo na sa sofa kahit wala namang nagsasabi sa kanya na maupo siya roon. Mukhang masisira na palagi ang araw ko magmula ngayon. Pagkatapos kong irapan ng si Arcanghel na tila hindi yata alam ang salitang "hiya" ay padabog akong umakyat sa hagdan para pumasok sa kuwarto ko. Kapag may kailangan siya ay sabihin lamang sa akin? Ano ako, alalay niya? Hmp!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD