Habang ako ay naglalakad pabalik sa aking silid, napatingin ako sa labas ng bintana at ngayon ko lang napagtanto na lumubog na pala ang araw. Masyadong napasarap(?) ang aming pag-uusap at hindi na namin namalayan ang oras. Nang ako'y lumiko sa mahabang pasilyo, tanaw ko sina Nanay Rosalia at Dahlia, kasama ang ilang mga kawal at tagasunod, sa harap ng aking silid. Sila ay nagkukumpulan na hindi ko matukoy ang dahilan. Napansin ko na lang ang mga pag-aalala at takot sa kanilang mga mukha nang ako'y nakalapit na sa kanila. "Naku, hija!" sigaw ni nanay at patakbo niya akong pinuntahan. "'Nay? Ano pong nangyayari? Ba't ganiyan po ang mga hitsura ninyo?" pagtataka ko. "Hija,kahit anong mangyari, huwag na huwag ka papasok sa silid mo ngayon. Sa aking silid ka na lamang matulog pansamantala."

