“Ehem!” sabay silang napapitlag nang marinig ang tinig na nanggagaling sa likuran.
Pagkatingin ni Hermes ay kinabahan siya dahil iyon ang lola ni Helena. Mababa ang matanda, puti at maikli ang buhok. Katamtaman lamang ang pangangatawan niyon, hindi mataba at hindi naman sobrang payat. Lumakad pa ito palapit. Si Helena naman ay tila kinakabahan na hindi nakapagsalita.
“Oh la, gising na po kayo” wika nito na tumayo na rin at naghugas ng kamay. Siya naman ay nanatiling nakaupo at kunwaring busy parin sa paglalaba.
“Oo nga kagigising ko lang din, hindi ako nakatulog kaagad kagabi kaya ako’y nag nobena. Ay sino naman iyang mestisong bangus na iyan ka- hagilgilan mo diyan ha?” tanong nitong nakapameywang.
Tumingin siya sa matanda at agad na tumayo at lumiban sa tulay. Kinuha niya ang kamay nito na ibinigay naman saka nagmano.
“Ako po si Eros lola Huling. Pamangkin po ako ni tita Julie at tito Arthur” sagot niyang bahagyang ngumiti. Kinakabahan narin siya dahil baka magalit ito. Napatingin naman siya kay Helena. Pilit lamang itong nakangiti na nakatitig sa kanila. Dama niya ang kaba ng dalaga.
“Ah si Julie, mabait ang batang iyon ni minsan hindi ako sinamaan ng tingin. Si Arthur lang ang kung makatingin ang tiyo mong iyon ako ay nangangain ng tao” malakas ang boses na sabi nito. Hindi ito nakangiti man lang at parang seryosong seryoso na namimilog pa ang mata.
“Inang naman, tinatakot niyo naman po si Eros baka lalong maniwala ang mga kababaryo natin sa tsismis e” sabat naman ni Helena.
Humalakhak naman ang matanda na kakaunti na ang ngipin, pagkatingin niya duon ay kulay pula ito. Ganun nalang ang hilakbot na naramdaman ni Eros. Napatakbo siya sa kabilang dulo ng tulay.
“Oh anong problema?” tanong pa nang lola na parang lalo pang natuwa.
“La, yung nganga niyo po mukha kasing dugo” sagot naman ni Helena. Lalo pang humagalpak si aling Huling na nagkakanda ubo na sa pagtawa. Hindi parin niya maintindihan ang nangyayari, ano ang nganga? Mahinang tumatawa na rin si Helena. Yumuyugyog ang balikat nito at nagtatakip ng bibig.
“Ano po ba ang nganga?” pagbasag naman niya sa tawa ng mag lola.
“Ang nganga ay nginunguya ng matatanda na may ikmo, apog at bunga. ” Si Helena na ang sumagot dahil hawak parin ni lola Huling ang tiyan katatawa. Ilang segundo ang lumipas ay tumigil na rin iyon at humihinga ng malalim
“Hijo, maaari ba kitang anyayahan mag kape?” tanong sa kanya ng matanda. Nagdalawang isip pa siya dahil sa mga paalala ng kaniyang kamag anak ngunit mukha namang normal ang matanda. Andun rin naman si Helena. Chance niya ito para makapag move sa dalaga.
“Opo lola” sagot niya saka lumakad na papunta sa kabila ng tulay. Akmang lalakad rin si Helena pero pinigilan ito ni lola Huling.
“Oy, oy Helena! Diyan ka lang. Maglaba ka, maige pa’y labhan mo na ang mga libagen ng mestisong bangus na ‘to.” Wala namang nagawa ang dalaga at umupo nalang ulit at tinanaw sila na papalayo na.
May kalayuan rin pala ang bahay ng mga ito , madamo sa paligid ngunit ang nilalakaran naman ay hawan. Ibig sabihin ay laging nalalakaran ng tao.
Pagkadating sa b****a ng gate na kahoy ay namangha siya. May tila pathway doon at may mga halaman na maayos na nakatanim at nakalinya sa gilid. Mga gumamelang pula, rosas, puti at dilaw na salit salitang nakatanim. Napakaganda niyon. Marami ring nakatulos na tuyong ugat ng kahoy na may nakabitin na orkidyas. Samu’t sari ang mga halaman at amoy doon na ang iba ay hindi siya pamilyar. Lumantad sa kaniya ang dalawang palapag na malaking bahay. Malawak ito at gawa sa kahoy at kawayan, sinundan niya ang matandang pumasok sa tila sala na may sala set rin na gawa sa kawayan. Napaka- imis at maaliwalas ng paligid. Naupo siya sa kawayang upuan. Walang kuryente sa bahay na iyon dahil wala siyang nakikitang wire o light bulb man lang.
“Diyan ka muna hijo, kukuha lamang ako ng kape” wika ng matanda at nagtungo sa kusina.
Nakampante naman siya sa pagkakaupo. Mukhang hindi talaga totoo na aswang si Aling Huling.
Pagkabalik ng matanda ay dala dala nito ang dalawang tasa ng kape sa isang tray pati narin ang tila preserved na pagkain na hindi naman niya alam ang tawag.
“Huwag ka nang mahiya, kumain ka.” Nakangiting wika nito habang humihigop rin sa kapeng hawak. Nakaramdam siya ng kaunting pagkabahala at matagal na tumitig sa pagkain, baka kasi nililinlang lang siya nito
“Wala ka paring tiwala sa akin, ipinagkatiwala ko nga sayo ang apo ko kahapon at ngayon.” Nakangiting wika nito. Alam naman pala ng lola ni Helena na nagkita sila kahapon, siguro hindi naglilihim dito ang dalaga.
“Langka iyan na minatamis at saka pinakate ang asukal. Masarap iyang kutkutin, paborito yan ni Helena” dagdag pa nito. Kumuha rin siya at nang matikman ay hindi maipagkakailang masarap nga iyon, makunat at matamis.
“Salamat po lola, ang sarap nga po nito. Parang dried mango po” wika niya. Ganun ang nabibili niya dati sa seven-elevn.
Tumango tango ang matanda at saka bumuntong hininga.
“Alam mo hijo, ilag ang mga tao sa amin dito. Naaawa nga ako kay Helena kasi wala siyang mga kaibigan na kasing edad niya, ni walang nanliligaw” napatingin siya dito. Iiling iling ito at bakas ang kalungkutan sa mukha.
“Ayaw ko naman na siya e tumandang dalaga. Pagka ganda ng batang iyan diga?” sabay ngiti nitong tanong sa kanya.
Napatango naman siya at ngumiti rin. “Opo”
“Ohhhh, gusto mo ang apo ko ano? Ako ay matanda na. Marami akong karanasan kaya alam ko ang mga ngitian na ganiyan, kailan mo ba liligawan ang apo ko?” mataas ang boses at tila aliw na aliw ang matanda.
“Naku wala pa po akong plano lola, gusto ko po muna siyang maging kaibigan at makilala” sinserong sagot niya.
“Tama at siyempre kikilatisin ka naming mabuti. Hindi pupuwedeng mapangasawa ng apo ko ay maarte ha at hindi maalam magbanat ng buto” nakataas ang kilay na saad ng matanda. Tila moody ito dahil kanina lamang ay tumatawa pa.
“Ako naman po ay graduate na, balak ko rin pong mag business dahil entrepreneurship po ang kinuha ko. Kung sakali hindi ko po papahirapan ang aking mapapangasawa” mahinahong wika niya saka kumuha ng langka at kumain.
Napansin niyang sobrang lalim ang tingin ng matanda sa kaniya, babalatan na yata siya nito ng buhay.
“Kung nais mo siyang maging kaibigan, dito ang punta sa bahay. Hindi kayo gagala gala sa paligid. At hindi rin gagabihin! Wala ring bisita sa gabi. A las otso palang tulog na yang batang yan. Tamo ang kutis, alaga ko yan!" Mataray na wika nito. Ngayon ay tila natatakot naman siya. Medyo terror pala ito. Sobra ang pagka moody.
“Opo” iyon na lamang ang nasagot niya.
“O siya, umuwi ka na doon at baka hinahanap ka na ni Arthur na maisip.” Sabay tayo nito at ihinatid siya sa pinto.
Bago lumabas ay bumulong ito sa kaniya na ikinapamilog ng kaniyang mga mata.
Mabilis na siyang naglakad palayo roon at narinig pa niyang nagwika ang matanda na
“Diretso uwi na ha, ‘wag na maghaharutan diyan sa balon. May mata ako diyan”
Nagmamadali naman siyang tumalima at nilisan ang bahay na iyon.