Kabanata 9. Anak ng Biyahera.

1870 Words
Maagap na bumangon si Helena. Gising na rin naman ang kaniyang lola. Bumalot sa buong paligid ang amoy ng kapeng barako, mayroon ring mga tipak ng sangkaka na nasa maliit na sulyaw na nginangata ng matanda. Naga- ayos ang kaniyang lola ng mga sako at malalaking puting plastic pati panali. “Magandang umaga po inang. Oo nga pala, maga- ayos tayo ng kalakal ngayon.” Bungad niya dito. “Magandang umaga Helena. Malamig ngayon, mag- kape na muna. I- contact mo na rin si Dolly.” wika nito. Si Ate Dolly ay may ari ng isang puwesto sa palengke na direkta niyang kino- contact kapag may mga produkto sila. Malaking babae ito at akala niya lagi ay buntis pero ganun na yata talaga ang katawan ng may katandaang ginang. Dito niya ibinabagsak ang kanilang gulay. Marami ring biyahera sa baryo kagaya nga ng tiyo ni Eros pero dahil hindi naman sila nakikisama sa mga ito ay gumawa sila ng paraan para mailagay sa merkado ang kanilang pananim na magaganda naman ang kalidad. Kasama nito palagi ang dalawang boy na sila Ador at Junnyboy na nagbubuhat ng mga kalakal. Ito ang tumutulong sa kaniya na maghakot ng mga sako- sakong produkto sa kanilang kubo na malapit rin sa kalsada, sakop pa ito ng kanilang lupa na may mga tanim na saging at lanzones. Sa tuwing magkikita nga sila ng ginang sa umaga ay ipinapakisuyo niya ang pagcha- charge sa kaniyang cellphone na de- keypad. Alam niyang may mga bagong labas na cellphone pero kahit na may pambili ay hindi naman niya iyon kailangan lalo pa’t wala silang kuryente. Looban ang bahay nila at ang ruta palabas ay sila lang rin ang nagdadaan kaya madamo doon. Walang mga kababaryong nangangahas dumaan. Dito rin siya dumadaan sa tuwing namamalengke isang beses sa isang linggo. Minsan ay sumasabay siya kila Junnyboy kapag pabalik na ang mga ito sa pwesto sa palengke. Si Aling Dolly ay tuwing umaga lamang napunta para kunin ang mga produktong mabilis masira kagaya ng talbos ng sili, kamote, pechay, kangkong at mustasa. Pagkatapos nun ay ang mga boy na ang nagpapabalik balik sa paghahakot ng kalakal gamit ang tricycle. Mabait ang dalawang batang iyon. Marahil ay nasa disi- seis lamang. May mga kapayatan pero banat ang mga katawan sa pagbubuhat. Maliliksi rin ang mga ito at magalang sa kaniya. Nang tumayo na si lola Huling ay mabilis na rin niyang hinigop ang kape at tumayo na rin. Uunahin niya ang pangunguha ng talbos ng sili, kamote at Kangkong. Si lola Huling ang nangunguha ng mga pechay at mustasa. Iniipon lamang nito at kaniya naman iyong babalikan para siya ang magbuhat. A las cinco pa lamang, sapat pa ang oras para mag ayos ng sariwang mga kalakal. Mabilis siyang nakapanguha at itinambak iyon sa likod ng kanilang bahay na nalalatagan ng sako. Sinundo niya si lola Huling at patapos na rin naman ito. Maliksi ang matanda. Nakakatuwa ring panoorin na may pinagkakaabalahan ito at hindi nabuburyo sa bahay. Sabay silang naglakad pauwi bitbit ang maraming pechay at mustasa. Sa likod ng bahay itatali at iaaayos ni lola Huling ang mga iyon. Siya naman ay mangunguha pa ng papaya at magtitiba ng mga magugulang na saging. Dito siya natatagalan lalo na sa pagbubuhat papunta sa bahay. Hindi naman niya pinupuwersa ang sarili dahil alam niya lamang ang kaniyang kapasidad. Nagagalit rin si lola Huling kapag nakikita siyang pinipilit ang sarili. “Mabaog ka naman!” pabulyaw na sasabihin nito. “Baka malaglag ang matres mo diyan. Unti untiin mo lang Helena” lagi nitong sinasabi sa kanya. Natapos na nga siyang mag harvest ng mga saging. Ang dami noon kaya inipon muna niya sa gubat. Babalik balikan na lamang niya. Kailangan na niyang umuwi muna para ilabas naman ang mga talbos ng sili. Isa na lang ang level ng battery ng kaniyang cellphone. Malapit na iyong mag- shutdown nang makatanggap siya ng message kay ate Dolly. ‘Neng, punta na kmi jan. me ippbli ka b?’ tanong nito. Napaisip naman siya pero walang pumapasok sa isip niya kaaya nagtanong siya sa kaniyang lola. “Magpabili ka ng bangus, limot ko na ang lasa ng bangus e” sagot nito. Natawa na lamang siya. ‘Isang kilo po bangus te, salamat po :)’ reply na lamang niya. Hindi na ito nagreply. Kumpirmado nabasa na nito iyon. Kinuha niya ang charger at inilagay ito at ang cellphone sa isang supot. Tinungo niya ang daan palabas bitbit ang mga produkto na hindi naman ganoon kabigat. Pagkarating sa kubo ay saka niya lamang naramdaman ang pagod. Tumatagaktak ang pawis sa halos lahat ng bahagi ng kaniyang katawan. Naka ball cap siya at naka- bun ang mahabang buhok. Malaki ang T- shirt na suot na nasasapinan pa ng jacket na ngayon ay puro dagta na ng saging. Suot rin niya ay lumang pantalon na maluwang at sapatos na sinasabi ng kaniyang lola na ‘Pang- digmaan’. “Ineng!” sigaw na bungad ni ate Dolly. Napatayo siya bigla. Malawak ang ngiti ng ginang na mabagal na naglalakad dahil sa katabaan, bitbit nito ang plastic ng bangus. Makulay ang suot nito na orange na sando at pula na tokong. May body bag rin itong laging dala dala. “Oh ate, magandang umaga po” nakangiting wika niya. “Wala pala si Ador ngayon, andito ang anak ko siya muna at Junnyboy ang tutulong sa atin” wika nito sa humihingal na boses. Unang beses itong nangyari. Hindi pa niya nakikita ang anak nito. Maya maya ay lumitaw ang may katangkaran na lalaki. Moreno ito at malalaman ang mga braso at binti. Nakikita niya dahil naka- sando lamang ito at shorts. “Ayos lang ba sayo Helena? Mabait naman ‘tong si Joey. Bakasyon nila sa eskwelahan. Iyan ay engineer ha” nagmamalaking wika ni ate Dolly. “Ayos lang po ate” kiming sagot na lamang niya. Pilit na ngumiti rin ang lalaki. Si Junnyboy ay nag umpisa nang isinakay ang mga produkto sa tricycle. “Sige ineng, mamaya na lang ulit ha, ibabawas ko na lang itong bangus sa kalakal, 180 lang naman ito. Kita na lang tayo mamaya” pagpapaalam nito sa kaniya. Inabot rin niya ang supot na may cellphone at umalis na rin agad ito, si Junnyboy ang nagdrive. Babalik na lamang ito mamaya para ikarga naman ang mga naiwan pang kalakal na bubuhatin ni Joey. “Dito ang daan” Iginiya niya ang lalaki sa daan papunta sa kanilang bahay dahil unang beses lamang nito. Tahimik na sumunod lamang ang lalaki. Hindi siya mapakali sa ganoong katahimikan pero mas ayos na iyon kesa naman sobrang daldal. Nang makarating nga sa kanilang bahay ay nakarinig siya ng mahinang ‘wow’ sa lalaki. Nilingon niya ito at bakas sa mukha na namamanghang nakatingin sa paligid. Ngumiti siya. “Unang beses mo ba makapunta sa gubat?” tanong niya. “Opo, ang ganda dito. Ang lawak ng garden niyo.” Sagot nito na tatawa tawa na rin. Nangupo pa nga. Baka nga naman mas matanda siya dito. “Ilang taon ka na ba?” tanong niya out of curiousity. “21 po” sagot nito. Sobrang galang ah dalawang taon lang pala ang tanda niya. “Ah okay, mas matanda pala talaga ako sa’yo tutoy” nakangiting sabi niya. Napatawa na lang rin ito. Hindi ito chinito pero pag ngumingiti ay lumiliit rin ang mga mata. Cute ehehhe Pumunta sila sa likuran kung nasaan si lola Huling. “Inang” tawag niya “Ay apo ng kalabaw kang kabayo ka!” gulat na singhal nito saka tumingin sa kanila. Bakas ang pagtataka sa mukha nang makitang hindi pamilyar sa kaniya ang kasama. Siya na rin ang nagnais na magpakilala. “Si Joey po, anak ni ate Dolly. Wala daw po kasi si Ador” “Magandang umaga po” bati naman ni Joey at saka nagmano. Halatang sinusuri naman ito ng kaniyang lola “Kumusta ka? Napadalaw ka rin dito sa amin” magiliw na wika naman ni lola Huling. “Oo nga po ay, ang ganda po dito maaliwalas” sagot nitong nakangiti. “’yan rin ang sabi nila Junnyboy nung napunta sila dito. Ay teka nagkape ka na ba hijo?” tanong ng matanda. “Opo lola, tapos na po bago kami pumunta dito ni nanay” sagot naman ni Joey. “Napakagalang na bata, baka gusto mong ligawan ang apo ko.” Nagulat naman siya ng sabihin ito ni lola Huling. Wala talagang filter ang bibig nito. “Inang naman!” pananaway niya dito. Siya ang nahihiya para dito. Naririnig lamang naman niya ang binatang mahinang tumawa. “Biro lang naman ay diba tutoy? Galit agad ang apo ko” sagot ng kaniyang lola na tawa na ng tawa. “Ito na po ang bangus ‘la, umpisahan na po namin ang paglalabas ng saging” wika niya saka itinuro kay Joey ang sako na maaari nang buhatin. “Tanda mo ba ang dinaanan natin palabas tutoy?” tanong niya rito. Tumango tango lang naman ang lalaki saka binuhat ang sako na may saging at umalis. Napasinghap siya sa lakas nito. Tila walang kahirap hirap na ini- angat nito ang sako, ipinatong sa balikat at binuhat palayo. Hindi niya namalayan na nakatitig na pala siya dito ng matagal. “Oy” tawag sa kaniya ni lola Huling. Napa- pitlag siya. “Macho ano? ” malawak ang ngiting wika ng matanda. “Ito si inang. Hindi naman po ako dun nakatingin” guilty na sagot niya. “Sus! Pero ma hitsura ha, pwede na” tatango tangong sambit nito. Tila approve na agad si Joey hindi pa nga kilala e. " Naku inang, bata pa ho iyon" sagot niya rito. Nagpaalam na siya at tumungo na sa sagingan. Isa isa niyang binitbit ang mga saging. Si lola Huling naman ang nagsa salansan niyon sa sako. Nagkakasalisihan naman sila ni Joey. Kapag siya ay dadating ay sinasabi ng matanda na kakaalis lang nito. Magtatanghali na nang makaramdam na rin siya ng gutom. Nang umuwi nga siya ay wala na sa likod ng bahay si lola Huling pero naaamoy niya ang sinigang na bangus na niluluto nito. Siyang dating naman ni Joey na pawis na pawis rin. Namumula na ang mukha nito sa pagod. Pinaupo muna niya ito at sinabing duon na mananghalian. Napansin niyang napakapula ng balikat nito at tila may sugat na kabubuhat. “Tutoy, may sugat ka na. Masakit ba?” tanong niya. Maang na napatingin lamang ito at saka kinapa ang balikat saka napangiwi. “Teka lagyan ko ng dahon ng bayabas yan” mabilis siyang tumayo at kumuha ng iilang dahon ng bayabas. Tinadtad niya ito at lumapit saka dahan dahang nilagyan iyon. “Aray aray!” napapangiwing wika nito. Pawisan ang binata, lalong kumintab ang balat nito at nakikita pa niya ang iilang ugat na lumitaw. Napalunok siya. Bata pa ito, bata! Alisin mo yan sa isip mo Helena. Supil niya sa sarili. Eros’ POV. Buryong- buryo na siya sa bahay. Sila lang ang nandoon nila Anton. Umalis nanaman ng maaga ang kaniyang mga tito dahil nagbiyahe ang mga iyon ng kalakal. Wala na siyang magawa sa cellphone. Tumayo siya at nagpaalam na maglalakad- lakad. Makapunta kaya kila Helena…
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD