"HESTIA..." Naibalik ako sa sarili nang maramdaman ko ang paghawak sa akin ni Tita Fely sa siko ko. Puno ng pagkagulo akong pinagmasdan siya. "Bakit po?" Bumakas ang matinding awa sa mukha niya at napailing. "Kanina ka pa lutang at wala sa sarili." Wala akong naging imik sa sinabi ng ginang. Kinagat ko ang ibabang labi ko. "Ang sabi ko ay tinatanong sa akin ng head ng hospital kung magsasampa ka ba ng kaso sa doktor na nag-opera sa 'yo," aniya na kumuha ng atensiyon ko. Nawala ang tingin ko kay Tita Fely at itinuon ito sa harapan ko. Malinaw na nakasulat sa lapidang nasa harapan ko ang pangalan ng anak ko. Ngayong araw ang naging libing niya matapos ng ilang araw na lamay. "Hindi na po," usal ko at nagbalik ng tingin kay Tita Fely. Naabutan ko siyang naguguluhang nakatitig sa akin,

