3RD PERSON POV
"YOWW!!! TINGNAN NYO, LAKI NG ISDANG NAHULI KO!" puno nang pagmamalaking sigaw ni Theo sa kanila at nagawa pang itaas sa ere ang hawak nitong malaking isda.
"Oo na, umahon ka na dyan," walang ganang sagot naman ni Aries, habang palapit sila sa kinalalagyan ni Theo na ngayon ay nakasimangot na dahil hindi man lang hinangaan ang nahuli nito.
"Okay lang yan Theo, ang galing mo kaya," saad na lang ni Red, upang magbalik ang sigla nito habang napapangiwi at nakasilay sa bundok ng isda sa gilid ng ilog.
At hindi nga siya nagkamali sapagkat mabilis itong naka-recover sa malamig na pahayag ni Aries at muli nilang nasilayan ang masaya at malapad nitong ngiti.
Nagmamadali itong umahon sa ilog at ipinatong ang malaking isda sa isang bunton ng mga nahuli nito. Napakamot na lang sa ulo si Red nang makita kung gaano kadami ang nahuli ng kaibigan.
'Mukhang nag enjoy talaga siya sa panghuhuli ng isda ah,' napapakamot sa ulo pa niyang ani sa sarili.
Sa totoo lang ay wala naman siyang problema doon sapagkat biyaya pa nga iyong maituturing sapagkat maaari nilang ibaon ang ibang isda sa kanilang paglalakbay.
"Teka, kukuha lang ako ng mga pang gatong na sanga para makapag luto na tayo," paalam pa niya sa dalawa. Tumango lang naman ang mga ito bilang pang sang-ayon.
"Ingat ka," pahabol na saad pa ni Aries.
Hindi naman siya gaanong lumayo sapagkat may mga tuyong sanga naman sa paligid malapit lamang sa ilog.
Maaliwalas ang simoy ng hangin na para bang kay payapa ng gubat na ito.
Kaya naman kapag naaalala niya ang mga naganap laban sa mga halimaw na kahoy ay halos hindi rin siya makapaniwala na totoo ang lahat ng iyon.
"Hays, siguro kailangan ko na talagang tigilan ang pag iisip ng sobra, baka matuluyan lang akong mabaliw sa nakakabiliw na lugar na ito," bulong pa niya sa sarili, matapos damputin ang huling sanga na kanyang nakita sa lupa.
Pabalik na sana siya sa kanyang mga kaibigan habang yakap-yakap ang mga tuyong sanga na kanyang naipon nang bigla na lamang nakaramdam siya ng kakaiba.
Dahan-dahan siyang napalingon upang silayan ang dahilan ng kanyang pagtigil. Para kasing may humigit sa suot niyang satchel na nakasabit sa kanyang katawan.
Nanlaki sa gulat ang kanyang mga mata nang makitang nakalutang ito sa ere. Sinubukan niyang hilahin ito ngunit parang may invisible na nilalang na nakahawak sa dulo ng bag at ayaw iyong bitawan.
'Ayaw mong bumitaw ah!' isip-isip niya at mas nilakasan ang paghila sa strap ng bag.
Pero, hindi pa rin nagpatalo ang invisible na nilalang, kaya naman mukha siyang nakikipaghilahan ng bag sa hangin.
"Aba't---? Bahala ka," aniya at saka binitawan ang pagkakahawak sa strap kaya naman parang lumilapon palayo ang nilalang.
Napangisi pa siya dahil mukhang naitaboy na niya ang kakaibang nilalang na iyon. Nahulog din ang bag sa damuhan kaya naman nang dadamputin na niya ito ay parang may naramdaman siyang nagbago.
"Teka--- bakit parang gumaan ito?" aniya sa sarili at mabilis na sinilip ang loob ng satchel.
Napanganga na lamang siya nang makarinig ng mahina at mapang asar na tawa mula sa di kalayuan. Doon nga ay nakita niyang lumilipad na palayo ang supot na may lamang gintong buhangin mula sa matanda.
"Hoy!!! Bumalik ka dito!!!"
SA KABILANG BANDA...
"Hmm, narinig mo ba yun Aries?" tanong pa ni Theo sa kaibigan habang nag bibihis ito.
May mga bato silang inilagay ng pabinilog upang maging lutuan mamaya. Wala pa si Red kaya naman apoy muna ni Aries ang gamit nila upang magluto ng isda.
"Alin?" sagot naman nito, habang inilalagay sa mahiwagang supot ang lahat ng kanilang mga gamit upang wala na silang marami pang bitbit.
"Wala, baka guni-guni ko lang yun, nga pala ang astig ng bag mo. Kasya ba ako sa loob niyan?"
"Oo naman, malaki ang loob ng supot na 'to."
"Talaga?! Pasubok naman," excited na ani Theo at handa nang tumalon sa bag na hawak ng kaibigan nang pigilan ito ni Aries gamit ang isang iling bago magsalita.
"Ayoko nga."
"Damot mo," saad ni Theo at saka umupo ulit sa isang malaking bato.
Walang ka idi-ideya ang dalawa na nakikipaghabulan na sa hindi makitang nilalang si Red papasok sa loob ng gubat.
▼△▼△▼△▼△
"Oii !!! Ibalik mo yan sa akin!" sigaw ni Red, habang hinahabol ang lumulutang na supot.
Tumalon siya para abutin iyon, pero walang nangyari sapagkat mas tinaasan lamang nito ang lipat.
"Sinusubukan mo ba talaga ako?" inis na aniya at mas ginanahan para mahuli ito.
Talon dito, habol doon ang kanyang ginawa, hindi na nga niya alam kung saan siya napadpad dahil nakatutok sa lumulutang na supot ang kanyang paningin at atensyon.
"Haaaa, haa!" Habol ang kanyang hininga dahil sa pagod. Nakayuko siya ngayon habang nakahawak sa dalawang tuhod ang mga kamay para makapagpahinga ng sandali.
Mukhang natyempuhan pa siya ng mapaglarong nilalang sa kagubatang ito. Habang nagpapahinga ay nag iisip naman siya ng paraan kung paano mababawi ang kanyang gamit mula dito nang...
"T-Teka! Saan ka na naman pupunta?" pagod pa rin na tanong niya dito.
Wala man siyang nakuhang sagot mula dito, ngunit mukhang pinapasunod siya nito kung saan.
Papasok na sana ito sa isang masukal na halamanan nang bigla na lamang may lumabas na isang malaki at hindi maipaliwanag na nilalang doon.
Mabuti na lamang, salamat sa mabilis na reflexes niya ay nakapagtago agad siya sa gilid ng isang puno. Dahil sa gulat naman ay napasalampak sa kanya ang supot na kanina pa niyang hinahabol.
Dahil abala sa pagiging alerto para hindi siya mapansin ng kakaibang nilalang na iyon ay hindi niya napagtanto ang isang bagay.
"Pweh, mabuti naman nakalampas na sya," bulong pa niya, habang nakasilay sa papalayong anyo ng kakaibang hayop na iyon. Mukha iyong baboy na may malalaking sungay at matatalas na pangil.
Ngayon lamang siya nakakita ng ganung klaseng hayop, pero kung tutuusin. Matapos makalaban ang mga halimaw na umatake sa Nayon at ang mga gumagalaw na kahoy ay hindi na dapat siya nagugulat sapagkat mas matindi ang mga iyon.
'Ano bang magagawa ko eh nakakagulat pa rin naman talaga, hindi madali masanay sa mga bagay na iyon sa madaling panahon lamang no,' katwiran pa niya sa sarili habang napapabuntong hininga.
"Hays, napaka-misteryoso nga naman talaga ng kagubatang i----" Napatigil siya sa pagsasalita nang mapadako ang tingin sa kanyang kandungan. Nakapatong lamang naman doon ang supot ng gintong buhangin at nakayakap din doon ang isa pang nilalang.
Mukhang dahil sa takot at pagkabigla ay nawala ang mahikang nakabalot sa nilalang kaya nakikita na niya ito.
'Isa pala siyang Faerie?' isip-isip niya habang pinagmamasdan ang maliit nitong katawan at ang makulay na pakpak sa likod nito.
Wala din itong malay kaya naman dahil sa awa ay isinama na rin niya ito pabalik sa mga kaibigan.
"Oi, Red, buti nakabalik ka na, saan ka nakaabot?" bungad na ani Theo sa kanya.
"Dyan lang, eto ang mga panggatong."
Kinuha naman iyon ni Aries at sinimulan nang paapuyan upang makapag luto sila ng maayos. Baka mahimatay sa pagod si Aries kung magic nito ang gagamitin nila lagi.
"Nagluto kami ng kaunti kanina, heto oh, kumain ka muna, Red." Alok ni Theo sa kanya.
Tinanggap naman niya iyon at nagpasalamat. Ngayon ay nakaupo na sila paikot sa apoy habang nagluluto ng isda nang ilabas niya ang supot galing sa kanyang satchel.
"Oo nga pala. Ayon yan Red?"
"Ito yung binigay ng matanda bago tayo umalis ng Nayon, hindi ko rin alam kung ano at para saan ito ngunit mukhang mahalaga ito," sagot niya kay Theo.
"Hmmm baka naman emergency food source yan?" napapakamot sa ulo na saad nito.
"Ha? Kita mong buhangin yan, paano mo kakainin yan?"
"Baka lang naman, bakit ba ang taray mo lagi sa akin ah."
"Ewan ko sayo," pag irap pa ni Aries dito.
Habang nagsisimula na naman mag away ang dalawa ay naputol iyon nang makarinig sila ng isang boses.
"Hindi yan food source, kayamanan iyan ng aming lahi."
"N-Narinig nyo ba iyon?" Nangingilabot na ani Theo na akala mo ay nakakita ng multo.
Mabilis namang tumayo si Aries at naglabas nang magic circle para protektahan sila.
"Hm, gising ka na pala," saad niya na nakapagpatigil sa kaguluhan.
"Red, sinong kausap mo?" Naguguluhan pa ring tanong ni Theo. Mukhang kaunti na lamang ay makukumbinsi na ito na hindi lamang mga halimaw ang nasa kagubatan ng Nuctious pati na rin mga multo.
"Siya oh," sagot niya sabay turo sa kanyang balikat.
"Ano ya--- Faerie?" Mausisang saad ni Theo nang mapagmasdan ito ng maayos.
Tiningnan naman iyon ng masinsin at seryoso ni Aries na halos mangatal sa takot ang munting diwata na nakatayo sa balikat ni Red.
"Hm, ikaw pala iyong sumusunod sa amin noon pa," mahina at malamig na pahayag pa nito.
Nagkatinginan naman sila ni Theo bago lumingon sa nilalang na nasa kanyang balikat.
Napayuko naman sa hiya ang munting diwata sapagkat totoo ang sinabi ni Aries.
"Bakit mo kami sinusundan? Para ba mabawi ang kayamanan nyo?"
"Oo, iyon na nga," nayukong pag amin nito.
"Paano naman kami makakasiguro na totoo ang sinasabi mo?" striktong tanong ni Aries dito.
Huminga naman ng malalim ang Faerie bago nagsimula sa pagpapahayag ng kanyang kwento.