3RD PERSON POV
NANG makita ni Red kung paano nahulog sa loob ng bibig ng halimaw si Aries ay tila natulala sila. Muntikan na siyang mapahampas sa katawan ng punong humarang sa kanya kung hindi mabilis na nakawala si Theo sa pagkakatali nito at nailigtas siya.
Habang buhat-buhat siya nito gamit ang matino at malakas nitong pangangatawan ay tumulay sila sa mga sanga ng halimaw na kahoy hanggang sa makababa sa lupa.
"ARRGGGH!!!" galit na sigaw ng mga ito habang patuloy na hinahabol sila ng mga ugat at sanga ng mga ito.
"S-Si Aries, h-hindi natin sya pwedeng iwan," bulong niya habang pasan-pasan siya ni Theo sa balikat nito. Tumatakbo kasi sila palayo sa mga halimaw na iyon.
Nang masilayan ang pagkawala ng kanyang kapatid, tila ba ay hindi agad niya matanggap ang kaganapan na nangyari sa kanyang kaibigan na si Aries. Nang makita ang pagkawala nito sa kanyang harapan, pakiramdam niya ay nawalan siya ng kapatid sa pangalawang pagkakataon.
Masakit para sa kanya na halos hindi niya agad maintindihan ang mga nangyari dahil sa bilis ng mga ito. Habang tulala siya, pilit nakikipaglaban naman si Theo.
"ARGG!"
BLAGGG!
Isang mabigat at malaking sanga ang inihampas sa kanila ng mga halimaw na na punong nakapalibot. Naiwasan ni Theo ang iba, ngunit ang parating na isang atake mula sa mga ito ang tumama sa kanila.
Dahil sa lakas ng pagkakahampas ay tumilapon siya ganun din si Theo. Pilit itong bumabangon habang nakatarak sa lupa ang espadang hawak.
"Umayos ka Red, hindi ito ang tamang oras para wala ka sa sarili!!!" hiyaw nito na nakapagpagising sa kanya.