3RD PERSON POV
Binitbit sila ng lalaki mula sa kanilang damit para makatayo. Nang makarating sila sa labas ng bahay kung nasaan ang tambakan ng lumang gamit ay malakas na pasalya sila nitong itinulak sa loob at ikinandado ang pintuan gamit ang isang kadena.
Madilim ang loob ng silid na kanilang kinalalagyan ngayon sapagkat walang ilaw dito. Ramdam pa rin ni Red
ang hapdi ng kanyang likod at braso dahil sa mga hampas na natamo kanina, pero hindi na lamang niya iyon pinansin dahil alam niyang hindi naman magtatagal ang sakit na nararamdaman sapagkat may kakaiba siyang kakayahan na sila lamang ni Lila ang nakakaalam.
Mula pagkabata taglay na niya ito, akala niya noong una ay normal lamang ang bagay na nararanasan niya, pero nang maaksidente ang kapatid niya at tuluyang nabulag ang isang mata.
Doon niya naintindihan ang ibigsabihin nang sinasabi ng kanyang ama. Kakaiba man siya pero may dahilan iyon, nangako din siya sa kanyang ama noon na wala siyang ibang pagsasabihan ng kakayanang iyon para din sa ikabubuti niya.
"A-Ate, pasensya na po talaga, ako po ang may kasalanan kaya pati ikaw ay nasaktan," umiiyak na bulong pa ni Lila habang nakayakap sa kanya.
"Okay lang ako Lila wag kang mag alala magiging maayos din ang lahat, halika at matulog na."
Malamig sa loob ng lumang kwartong kinalalagyan nila, ito ay maliit na silid na nakatayo sa labas ng kanilang bahay. Nang dumating sa buhay nila ang tiyahin ay tinggal nito ang mga gamit na pagmamay ari ng kanyang ina at itinambak dito.
Sa katunayan ay hindi na niya na-aalala ang mga bagay tungkol sa kanyang ang ina, ang itsura, boses at ugali nito.
Hindi niya maipaliwanag pero parang nabura na lamang bigla ang lahat ng alaala nito sa kanyang isipan. Base sa kwento ng kanyang ama. Ang kanya daw ina ay napakaganda at mabait na babae. Masipag at maalaga din daw ito pero dahil sa panganganak kay Lila ay binawian ng buhay ito.
Kahit ang pagpanaw nito ay dahil sa kanyang bunsong kapatid, kahit kailan ay hindi siya nagalit dito. Kapatid pa rin at mahal na mahal niya ito kaya kahit kailan ay hindi niya ito sinisi dahil sa mga nangyari.
Tulog na ang kanyang kapatid habang nakayakap sa kanya. Inihiga niya ito sa sahig at kinumutan ng kanyang suot na balabal.
Sa kanyang bulsa ay may nakapa siyang isang bagay. Napangiti siya nang makitang isang lighter ito. 'Regalo ko sana ito kay Theo dahil sa pagtulong niya sa akin lagi, pero mukhang hindi ko ito naibigay sa kanya kanina.'
Binuksan niya ito at kahit papaano ay nagkaroon sila ng kaunting liwanag. Napatingin siya sa mga lumang gamit na nakatambak dito. Sa kanyang pagmamasid ay may isang bagay na naka-agaw ng kanyang pansin. Sa isang sulok ay may nakita siyang kwadradong bagay na may takip na tela.
Dahan-dahan siyang lumapit dito at tinanggal ang tela, nanlaki ang kanyang mga mata nang makita ang bagay na nasa harapan.
Isang litrato pala ito, nakikilala niya ang magandang babae na ito sapagkat ang kwadrong ito ay nakalagay noon sa kanilang sala.
"Lola Lucia," bulong niya, habang hinahaplos ang mukha ng babae sa larawan. Natatandaan niya na noong bata pa siya ay ipinakilala ito ng kanyang ama.
"Ama, sino sya?" tanong pa ni Red noong limang taong gulang pa lamang siya.
"Yan ang lola Lucia mo."
"Wahh, ang ganda po niya!" masiglang sigaw niya, kaya napatawa ng malakas ang kanyang ama.
"Oo at napakabait din."
"Nasaan na po siya, ama?"
Natatandaan pa niya ang kakaibang ekspresyon sa mukha ng kanyang ama habang nakatingin sa litrato ng ina nito. Hindi ito sumagot at hinaplos na lamang ang kanyang ulo.
Nang maalala niya ang pangyayaring iyon noon, bigla siyang nakaramdam ng matinding pagtataka. 'Saan nga kaya nagpunta si Lola? at bakit malungkot si ama noon?'
Wala naman siyang alam na paraan para malaman ang mga kasagutan sa tanong na iyon sapagkat matagal nang patay ang kanyang ama kaya naman ipinagsawalang bahala na lamang niya iyon at tumabi na lang kay Lila para matulog.
Nang lamunin siya ng kadiliman, nagpapasalamat siya sapagkat nang gabing iyon, walang nakakatakot at kakaibang panaginip na gumambala sa kanyang pagkakatulog.
Makalipas ng ilang oras, nagising siya sa pagtama ng liwanag galing sa siwang at butas sa dingding ng lumang silid na gawa sa kahoy.
Tumingin siya sa natutulog pa rin na kapatid at mahinang inalog ito nang marinig pagkalansing ng kadena sa labas.
"A-Ate?" anito, habang nagkukusot ng mata.
Nginitian naman niya ito at saka inayos ang buhok. Nang bumukas ang pinto ay ang nakakaasar at pangit na mukha ng lalaki kagabi ang kanilang nakita.
Nasa likod nito ang kanyang malanding tiyahin, kaya siguro lagi itong walang pera sapagkat ibinibigay nito sa lalaking ito.
"Wag mo akong tingnan ng ganyan Red! Hindi ko pa kayo pinapatawad sa mga ginawa nyo kagabi!"
'Tss kami pa ngayon ang may malaking kasalanan, eh pag aari naman namin lahat ng bagay sa bahay na iyon.' inis na saad niya sa isipan.
Sa halip na patulan pa ito, tumayo na lamang siya para makapag pagpag ng sarili dahil sa alikabok na dumikit sa kanyang damit.
"Ano pang tinutunga-tunganga n'yo, kilos! magluto na kayo!!!" sigaw pa nito, habang nakapamaywang. Napabuntong hininga na lamang siya at tinulungan na ring tumayo ang kapatid.
NANG makapasok sa loob ng kanilang bahay, sinalubong pa sila ng matataray na tingin ng kanilang dalawang kinakapatid.
Ang mukha ng mga ito ay para bang nanalo sa isang paligsahan sa sobrang saya, dahil na rin sa nakikitang paghihirap na kanilang nararanasan.
Hindi na lamang nila binigyan ng pansin ang mga ito, at nagpasya na magtungo na sa kusina para gawin ang utos ng kanilang tiyahin.
"Ate, paki abot po ng sibuyas," ani Lila sa kanya, matapos nitong magsalang ng kalderong may tubig sa kalan.
"Hindi na Lila, ako na ang bahala dito," pagtanggi pa niya, at saka sinimulan ng hiwain ang mapanakit na gulay.
Napangiti pa sa kanya ang kapatid, saka nagpasalamat. Kahit bakas pa ang antok sa mga mata nito ay patuloy pa rin ito sa pagluluto ng walang reklamo.
Habang tinutulungan si Lila sa pagluluto, bigla niyang napagtanto ang lahat. Kaya pala lagi siyang pinapaalis ng kanilang tiyahin sa bahay ay para di niya makita ang kalaguyo nito.
'Wala talagang kahihiyan ang babaeng yun. Sila nga ay nakikitira lang dito tapos nagpatira pa ng iba, nakakabaliw talaga ang kakapalan ng mukha ni tiya.' napapailing na bulong niya sa sarili.